"LET THERE BE LIGHT" Ministries
home  |  Tagalog Booklets

Ang SALOT at APOY ng PANATISISMO
Ikalawang Bahagi – Pagsisiwalat ng Ilang Panatisismo


First printing, 1998

Copyright  © 1998, held by

“Let There Be Light” Ministries (rs)
PO BOX 1776
Albany, OR 97321
U.S.A.
www.LightMinistries.com


     All rights reserved.  Permission is hereby given to reprint this booklet, provided that it is duplicated in its entirety without any change or comment.

     Para sa karagdagang impormasyon, maaaring sumulat sa alin mang tanggapan:

BOOKLETS
PO BOX 1776
ALBANY, OR 97321
U.S.A.




Ang SALOT at APOY ng PANATISISMO
Ikalawang Bahagi – Pagsisiwalat ng Ilang Panatisismo

     Kung hindi pa ninyo nababasa at napag-aaralan ang Unang Bahagi ng Ang Salot at Apoy ng Panatisismo, kung maaari ay inyong tiyakin na iyon ay inyong magawa sapagkat higit na madaling mauunawaan ang babasahing ito kung alam ninyo ang pundasyon na mga prinsipyo na bumubuo sa panatisismo.

     Tila marami sa hanay ng ating mga iglesya sa tahanan ang madaling napapadpad ng iba’t ibang panatisimo. Ngunit bakit? Bakit mayroong mga mananampalatayang nagsihiwalay na ang masigasig na sumusunod sa bawat panatisismo at maling doktrina dumarating sa kanila?
     “Kinakailangang maunawaan ng ating mga kapatid ang dahilan ng ating pananampalataya at ang ating mga nagdaang karanasan. Gaano nga nakalulungkot na napakarami sa kanila ang waring naglalagak ng walang-hangganang pagtitiwala sa mga lalaki na nagtuturo ng mga kuru-kurong patungo sa pagbunot sa ating nagdaang mga karanasan at pag-alis sa lumang palatandaan! Ipinakikita noong mga madadaling maakay ng maling espiritu na sila ay sumusunod sa maling pinuno sa ilang panahon--habang hindi nakikita na sila ay lumalayo na sa pananampalataya, o sila ay hindi na tumatayo sa tamang pundasyon. Dapat nating himukin ang lahat na kanilang isuot ang kanilang mga espiritual na salamin sa mata, upang ang kanilang mga mata ay mapahiran ng pamahid sa mata upang malinaw silang makakita at maunawaan ang tunay na haligi ng pananampalataya. Kung magkagayon ay kanilang malalaman na ‘ang matibay na pinagsasaligan ng Dios ay nananatili na may tatak nito, Nakikilala ng Panginoon ang mga kaniya’ (2 Tim 2:19). Kinakailangan nating ibalik ang mga lumang katibayan ng pananampalatayang minsang ipinagkaloob sa mga banal.
     “Ang bawat iniisip na mali at mapandayang doktrina ay ituturo ng mga lalaking nag-iisip na mayroon sila ng katotohanan.” Selected Messages, book 2, p 25.

     Ang dahilan kung bakit madaling maakay ang ilan sa iba’t ibang panatisismo ay sa dahilang sila ay sumusunod sa maling pinuno. At ilang uri ng mga teorya ang ipipilit sa ating mga kapatid na nagsihiwalay? Ang bawat iniisip na mali at mapandayang doktrina ay ipipilit ng mga lalaki na nag-iisip na mayroon sila ng katotohanan.
     Kung gayon, papaano natin mapoprotektahan ang ating sarili upang hindi maakay sa panatisismo? Alalahanin na sinabi sa Tito 2:1 na salitain lamang natin yaon lamang magagaling na mga aral. Sinasabi sa  Mateo 7:15-20 na dapat tayong maging mapagbantay sa mga bunga, at hindi basta na lang tatanggapin ang lahat ng mga bagay! Sinasabi sa 1 Juan 4:1 na dapat nating subukin ang mga espiritu, kung sila ay sa Dios o hindi. At sinasabi sa Isaias 8:20 na dapat nating subukin ang bawat aral sa Kautusan (Biblia) at sa Patotoo (Espiritu ng Hula), at kung hindi ito pumasa sa subukang ito, kung gayon ay walang liwanag dito!
     “Sa halip na tanggapin ang bawat bago at kakaibang interpretasyon ng Biblia ay manghawak na mabuti sa mensahe. Huwag hayaan na makaapekto sa inyo ang bawat impluwensiya kundi sikaping hubugin ang isang likas na hindi pabagu-bago, maamo, handang turuan, ngunit matatag at masayahin; at kasama ng lahat ng ito, maging mahinahon at magbantay sa pananalangin. Lumakad sa isang sakdal na hakbang. Hayaan na ang mataas, banal na katotohanan na inyong ipinagpapanggap ay patuloy na magparangal sa inyong karakter, na pinababanal at pinakikinis kayo, at inihahanda kayo para sa mga korte sa langit. Dapat na ipakita ng mga mag-aaral sa paaralan ni Cristo na hindi sila mga mag-aaral na hindi-mapagpasalamat. Hayaan na ang nagpapabanal na biyaya ng Dios ay magpalakas, magpalambot, at sumupil sa inyong buong pagkatao.” Review and Herald, May 29, 1888 (vol 2, p 216 col 1).

     Kaya’t hindi natin dapat tanggapin ang bawat bago at kakaibang interpretasyon na itinuturo bilang katotohanan, kundi manghawak ng matibay na mabuti sa mensahe ng ikatlong anghel at huwag hayaan na makaapekto sa atin ang bawat impluwensiya.  
     Subalit kung manghawak tayo sa anumang panatikong teorya o maling doktrina – kahit sa maliit na bahagi, ano ang ginagawa natin?
     “Sa pamamagitan ng mga maling doktrina, si Satanas ay nakapanghahawak sa atin, at kaniyang binibihag ang isipan ng mga tao, na itinutulak silang manghawak sa mga teorya na walang pundasyon sa katotohanan. Hayagang itinuturo ng mga tao na maging mga aral ang mga utos ng mga tao…Sa pamamagitan ng mga maling teorya at tradisyong ito na si Satanas ay nagtatamo ng kapangyarihan sa isipan ng tao.” Evangelism, p 589.

     Kahit na maliit na panatikong doktrina lamang ang ating paniwalaan, ito’y sapat na upang si Satanas ay makapanagumpay sa ating isipan na siyang nagpapahintulot sa kaniya na magpasok pa ng iba pang mga kuru-kuro na susubok at dadaya sa atin. Kaya’t kung tayo ay patuloy na manghawak maging sa pinakamaliit na teorya ng panatisismo o maling doktrina, binibigyan natin si Satanas ng karapatan na hawakan ang ating mga isipan na kaniyang gagamitin upang kaniyang mabihag at makontrol tayo. Kaya nga kung ayaw natin na makontrol tayo ni Satanas, dapat nating iwanan ang lahat ng bagay na mali o mag-aakay sa atin sa kapanatikuhan.
     Dapat tayong tumayo ng ganap at lubos sa pundasyon lamang ng dalisay at purong katotohanan. Ito ang tanging paraan upang hindi makapanagumpay sa atin si Satanas. Ito ang dahilan kung bakit sa pag-aaral na ito ating isisiwalat ang ilan sa mga panatikong kuru-kuro at doktrina na gumagambala ngayon sa tunay na bayan ng Dios na nagsihiwalay.

     Mayroong 14 na mga prinsipyo (tingnan ang unang Bahagi) na maaaring gamitin ng sinuman upang makilala kung ang alinmang doktrina ay panatiko. Mahalaga rin na tandaan na ang lahat ng panatikong doktrina, gaano man kalaki o kaliit, ang lahat ay nag-aangkin na may batayan sa Biblia at sa Espiritu ng Hula – samakatwid sila ay nag-aangkin na ang kanilang paniniwala ay sinusuportahan ng Dios. Subalit kung sisiyasating mabuti, karamihan sa mga panatikong paniniwala ay masusumpungan na nakabatay sa isa o dalawang talata sa Biblia o reperensiya mula sa Espiritu ng Hula na pinalaki ang kahulugan at puno ng katwiran ng tao. Kung kaya’t ang pundasyon nito ay hindi matibay na nakatayo sa salita ng Dios o sa Espiritu ng Hula, kundi sa inaakalang karunungan ng tao, na siyang kamangmangan sa mata ng Dios. Subalit kanilang inaangkin na kalooban ng Dios na paniwalaan at sundin ng mga tao ang sinasabing doktrina.
     Mahalaga ding tandaan na hindi lahat ng panatisismo ay hayag. Ang malaking bahagi ay maliit lamang, na parang hindi mahahalagang teorya o paniniwala na paminsan-minsang pinanghahawakan at itinataguyod. Kaya’t ang malaking bahagi ng panatisismo ay parang maliit lamang at di-mahalaga, at ito ay itinatatak ng marami sa kanilang isipan na iniisip na ito ay katotohanan gayong hindi naman.
     Kaya’t sa ating pagsisimula ng pagtalakay sa ilan sa iba’t ibang panatisismo sa loob ng ating hanay na mga nagsihiwalay ngayon, at iyong nabasa ang isang partikular na teorya na iyong tinanggap at itinuring na katotohanan, ay huwag kang tumigil sa pagbasa kundi pagtuunan mo ng pansinin kung ano ang sinasabi. Lalo’t higit, hayaan mo na kilusin ka ng Espiritu ng Dios kung ano ang katotohanan, at hayaan Siya na bunutin ang lahat ng mali at mapandayang doktrina at paniniwala na nasa iyong isipan hanggang sa ang bawat tali ay malagot, at ikaw ay maging ganap na malaya kay Jesus at magalak sa Kaniyang dalisay at walang halong katotohanan.
     Sa pag-aaral sa nagkalat na mga panatisismo ngayon, apat na pangunahing bahagi ang makikita na doon napapaloob ang mga pangunahing panatikong doktrina. Ang unang bahagi ay nakapaloob sa Pagbabagong Pangkalusugan. Ang Ikalawang Bahagi ay sa Pagbabago sa pananamit. Ang ikatlong bahagi ay sa Doktrina. At ang ikaapat na bahagi ay sa Personal na Kabuhayan. Ang mga ito ang apat na pangunahing bahagi, at ating pag-aaralan ang bawat bahagi.


IBA’T IBANG KAPANATIKUKAN AT LABIS NA PANINIWALA SA PAGBABAGONG PANGKALUSUGAN

     Ang pagbabagong pangkalusugan ay napakahalagang matutunan at isakabuhayan. Ito ay bahagi ng mensahe ng ikatlong anghel, na kung paanong ang bisig ay bahagi ng katawan (tingnan ang Counsels on Diet and Foods, p 74-75). Kung sasalansangin natin ang alinman sa 8 batas ng kalusugan (“Malinis na hangin, sikat ng araw, pagtitimpi, pamamahinga, ehersisyo, wastong pagkain, ang paggamit ng tubig, pagtitiwala sa banal na kapangyarihan”  – Ministry of Healing, p 127), tayo ay nagkakasala (tingnan ang Counsels on Health, p 40). Gayundin naman, kung ating itatakwil ang pagbabagong pangkalusugan, ay ating itinatakwil ang Dios!
     “Ibinigay ng Dios ang liwanag sa pagbabagong pangkalusugan, at yaong nagtakwil dito ay nagtakwil sa Dios.” Series B#6, p 31 (Review and Herald, April 14, 1903, vol 4, p 511, col 1).

     Subalit, ipinahayag sa atin:
     “Ang pagbabagong pangkalusugan ay hindi siyang huling mensahe ng awa na nagliligtas ngayon. Hindi nito dapat kunin ang lugar ng mensahe ng ikatlong anghel kundi ito ay nilayon upang ihanda ang mga tao na higit nila itong tanggapin.” Testimonies, vol 1, p 559.

     Itinuturo sa atin ng Biblia at ng Espiritu ng Hula na lakaran o sundin ang pagpipigil sa lahat ng bagay na mabuti na siyang batas ng kalusugan (Galacia 5:23; 2 Pedro 1:6; Adventist Home, p 258, 309; Counsels on Health, p 65). Sinabi rin sa atin na ang ating walang hanggang kahihinatnan ay nakasalalay sa mahigpit na pagpipigil (Testimonies, vol 3, p 489) – lalo’t higit ukol sa kalusugan (Testimonies, vol 3, p 486-487). Ngayon, anu-ano ang ilan sa mga bagay na hindi mabuti na ipinagbabawal ng Dios sa kaniyang bayan na hindi nila dapat kainin?

     1. – Anumang laman ng karumaldumal na hayop – lalo na ang baboy – ay hindi dapat maging bahagi ng ating pagkain (tingnan ang Levitico 11:4-44, 20:25; Deutronomio 14:3-19). Ganundin naman maging ang laman ng malilinis na hayop kagaya ng baka, isda, ibon, at iba pa ay dapat ding iwasan dahil sa sakit (tingnan ang Counsels on Diet and Foods p 383, 388, 394, 401; Review and Herald, May 27, 1902, vol 4, p 415, col 1).

     2. – Anumang uri ng keso na buhat sa hayop ay hindi dapat pumasok sa ating mga tiyan (Testimonies, vol, p 68).

     3. – Anumang taba o dugo ng anumang hayop ay hindi dapat masumpungan sa ating pagkain (Levitico 7:23; Testimonies, vol 2, p 61).

     4. – Ang tsaa, kape, alak, tabako, o anumang uri ng gamot na narkotiko ay hindi dapat maging bahagi ng ating pagkain o buhay (Counsels on Diet and Foods, p 421, 425; Testimonies, vol 3, p 321).

     May iba pang uri ng pagkain na ipinapayo sa atin na makabubuting iwasan natin (kagaya ng gatas at mga produkto galing sa gatas; mga nakaka iritang pampalasa; at iba pa (tingnan ang Counsels on Diet and Foods, p 236, 330, 339-340, 356, 359, 365-366, 384-385; Counsels on Health, p 478, 495; Healthy Living, p 93; Ministry of Healing, p 325; Testimonies, vol 2, p 366-367, vol 7, p 134-135). Subalit mayroon tayong malinaw na payo mula sa Dios mismo na ang apat na bagay na nakatala ay hindi dapat maging bahagi ng ating pagkain. Subalit ang iba ay hindi nakukuntento sa nakatala sa itaas. Idinaragdag nila ang kanilang gusto sa listahan ng Dios, at sinasabi na kung hindi susundin ng bayan ng Dios ang mga bagay na ito na idinagdag sa listahan, sila ay hindi bayan ng Dios na nagrereporma sa kalusugan, kanilang sinusuway ang Dios kung kaya’t hindi sila maliligtas.
     Sa pagtataguyod sa kanilang labis na paniniwala o posisyon sa Pagbabagong Pangkalusugan, kanilang ginagawang subukan ang kanilang sariling ideya kahit walang malinaw na sinasabi ang Panginoon na susuporta sa kanila. Sila ay lumampas sa listahan ng Dios na kailangan iwasan ng Kaniyang bayan, kung kaya’t sila ay nagiging mga panatiko.
     Sa puntong ito, ang mga sumusunod ay mga kapanatikuhan o labis na paniniwala sa bahagi ng Pagbabagong Pangkalusugan na pinaniniwalaan at itinataguyod na basehan ng kaligtasan sa hanay ng mga Iglesya sa Tahanan ngayon.


A.  SINASABI NG PANATISISMO: Hindi gusto ng Dios na ang Kaniyang bayan ay gumamit ng langis o mantika sa kanilang pagkain. Anumang langis o mantika sa ating pagkain—lalo na ang langis ng oliba—ay dapat matamo sa pagkain ng mga pagkain kung saan ito masusumpungan.

     Ang labis na paggamit ng langis (hindi yaong sebo na tumitigas sa temperatura ng bahay at ipinapayong huwag gamitin (tingnan ang Counsels on Diet and Foods, p 83, 85, 124, 200), kundi yaong langis na kinatas o piniga na hindi tumitigas sa temperature ng bahay, ay hindi bahagi ng malusog na pagkain, subalit kapanatikuhan na paniwalaan na hinihiling ng Dios sa lahat ng Kaniyang mga anak na alisin ang lahat ng langis o mantika sa kanilang pagkain.
     Binabanggit ng Biblia ang paggamit ng kinatas na langis ng oliba sa paggawa ng tinapay (tingnan Exodo 29:2, 23; Levitico 2:2, 5, 7, 7:12; Bilang 6:15). Sinasabi sa Ezekiel 16:13 na ipinapahintulot ang pagkain ng pinaghalong harina, pulot, at langis. Sa 1 Hari 17:12-16 masusumpungan natin na si Elias, na isa sa mensahero ng Dios, ay inuutusan ang babae na gawan siya ng tinapay galing sa harina na hinaluan ng langis. Pagkatapos siya ay nangako na patuloy silang tutustusan ng harina at langis. Kaya ang pagpapala ng Dios ay nasa harina at sa kinatas na langis ng oliba para mabuhay ang Kaniyang bayan sa panahon ng tagutom.
     Maliwanag na ang pagkain ng langis na hindi kasama ng oliba ay hindi ipinagbabawal ng Dios, kundi pinagpapala ng Dios kung gagamitin ng may pagpipigil. Sa katunayan, binanggit pa nga ni Sister White na kapag kumain ng kinatas na langis ng oliba, ito ay nakakatulong sa hindi pagdumi at nagpapaginhawa sa namamaga, masakit na tiyan o sikmura (tingnan ang Counsels on Diet and Foods, p 349; Selected Messages, book 2, p 298).

B. SINASABI NG PANATISISMO: Hinihingi ng Dios doon sa lahat ng nagnanais na makarating sa langit na hindi nakakaranas ng kamatayan, at maging kabahagi ng 144,000, na prutas at mga butil lamang ang kainin, at walang mga gulay at nuwes o mga mani.   

     Ito ay nakabatay sa paghihiwalay sa isang patotoo na ito mula sa karamihan ng iba pang mga patotoo na tumutukoy sa piniling pagkain ng Dios para sa Kaniyang bayan:
     “Ang mga butil at prutas na inihandang malaya sa sebo at nasa natural na kalagayan kung maaari, ang siyang dapat na maging pagkain sa mga hapag-kainan ng lahat na nag-aangking naghahanda para sa paglipat sa langit.” Counsels on Diet and Foods, p 314.

     Habang ang karamihan sa ibang mga patotoo ay nagsasabing:
     “Ang mga butil, prutas, nuwes, at gulay ang bumubuo sa pagkaing pinili para sa atin ng ating Manlalalang. Ang mga pagkaing ito, na inihanda sa payak at natural na paraan kung maaari, ang siyang pinakanakapagpapalusog at nagbibigay ng sustansya. Sila’y nagbibigay ng lakas, ng kapangyarihan na makapagtiis at maging matatag, at ng malusog na pag-iisip…” Counsels on Diet and Foods, p 81 (tingnan din ang Counsels on Diet and Foods, p 310, 329, 363, 443; Child Guidance, p 380, 384; Education, p 204; Ministry of Healing, p 295-296, 316-317; Testimony Studies on Diet and Foods, p 98).

     Ang pagkaing pinili para sa atin ng ating Manlalalang ay ang mga prutas, nuwes, butil at gulay, at ang gulay ay bahagi ng orihinal na pagkain ng tao bago ang pagkakasala (tingnan ang Confrontation p 10; Review and Herald, February 24, 1874, vol 1, p 139 col 1). Subalit ang ihiwalay ang isang patotoo at tutulan ang bigat ng katibayan ng iba pang mga patotoo, ay bumubuo ng labis at panatikong paniniwala. Mayroon lamang isang daan patungo sa langit, hindi dalawa! Mayroon lamang isang piniling pagkain para sa bayan ng Dios, hindi dalawa. Isa lamang ang sakdal na Huwaran na gagayahin natin, hindi dalawa. Hindi madali ang tatahaking daan noong mga hindi nagnanais na maging kabahagi ng 144,000 kaysa doon sa mga nagnanais. Mayroon lamang iisang daan, at ang 144,000 maging ang iba pang mga banal na maliligtas, ay lalakad sa iisang landas. Kaya’t hindi magkaiba ang daan at pagkain na susundin ng 144,000 at noong mga namatay sa Panginoon.

C. SINASABI NG PANATISISMO: Hindi gusto ng Dios na gumamit ang Kaniyang mga anak ng anumang ekstrang asin sa kanilang pagkain, maliban doon sa asin na natural na masusumpungan sa mga pagkain.

     Ang labis na dami ng asin ay masama sa kalusugan, subalit kapanatikuhang paniwalaan na hindi nais ng Dios na ang Kaniyang mga anak ay gumamit ng ekstrang asin. Sinabi ni Cristo na ang asin ay mabuti hindi masama (tingnan ang Marcos 9:50). Maliban pa doon, malinaw na ipinapayo sa atin:
     “Ako ay gumamit ng kaunting asin, at palaging gumagamit, sapagkat mula sa liwanag na ipinagkaloob sa akin ng Dios, ang bagay na ito, sa halip na makasama, ay totoong nakabubuti sa dugo. Kung bakit ito ay hindi ko nalalaman, subalit ibinibigay ko sa inyo ang tagubilin kung paanong ito ay ibinigay sa akin.” Counsels on Diet and Foods, p 344 (tingnan din ang Sermons and Talks, vol 1, p 11; Counsels on Health, p 120).

D. SINASABI NG PANATISISMO: Hindi gusto ng Dios na ang Kaniyang bayan ay gumamit ng anumang repinadong asukal sa kanilang pagkain.

     May mga natural na asukal na mas mabuting gamitin sa ating pagkain kaysa sa mga repinadong asukal, subalit kapanatikuhan na panghawakan at paniwalaan na hinihiling ng Dios na alisin ang lahat ng asukal sa ating pagkain. Ang labis na paniniwalang ito ay nakabatay sa maling pagkaunawa sa sumusunod na patotoo:
     “At mula sa liwanag na ipinagkaloob sa akin, ang asukal, kapag ginamit ng labis, ay higit na nakapipinsala kaysa sa karne.” Counsels on Diet and Foods, p 328.

     Kaya ang asukal kapag sobra o marami ay nakapipinsala sa ating katawan. Subalit ang Dios sa pamamagitan ni Sister White ay hindi kailanman ipinagbawal ang katamtamang dami ng asukal. Sa katunayan maging si Sister White ay gumamit ng asukal sa kaniyang pagkain! (tingnan ang Counsels on Diet and Foods, p 311, 330).

E. SINASABI NG PANATISISMO: Hindi nais ng Dios na ang Kaniyang bayan ay gumamit ng pulot sa kanilang pagkain. Ang pulot ay tinatawag na “suka ng bubuyog” at ito ay “produkto ng hayop.”

     Sinasabi ng Biblia na ang pulot ay mabuti kung kakainin sa katamtaman (Kawikaan 24:13, 25:16, 27). Maliban pa doon, kumain din nito si Cristo (Isaias 7:14-15; Lucas 24:41-43). Si Juan Bautista ay kumain din nito (Mateo 3:4). At pinagpala pa ng Dios ang produksiyon ng 7,000 libra nito sa isa sa mga independiyenteng paaralan na itinatag ni Ellen White sa Australia (tingnan ang Selected Messages, book 1, p 102). Kaya’t ang pulot ay maaaring gamitin sa ating pagkain sa katamtaman lamang.

F. SINASABI NG PANATISISMO:  Nais ng Dios na ang Kaniyang bayan ay mabuhay o kumain lamang ng mga hilaw na pagkain, at walang anumang lutong pagkain.

     Ito ay nakabatay sa paghihiwalay sa sumusunod na patotoo mula sa lahat ng iba pang patotoo na may kinalaman sa paksang ito:
     “Sa pamamagitan ng utos at halimbawa, gawing malinaw na ang pagkain na ibinigay ng Dios kay Adan sa kaniyang kalagayang walang kasalanan ang siyang pinakamabuting pagkain ng tao habang kaniyang sinisikap na mapanumbalik ang kaniyang kalagayang walang kasalanan.” Testimonies, vol 7, p 135.

     Ibinatay ng mga naniniwalang ito ang kanilang katwiran sa pagpapalagay na si Adan at si Eva ay hindi nagluto ng kanilang pagkain, kung kaya kailangan nilang kainin ito ng hilaw. Kung kaya’t kanilang ikinatwiran na maging ang mga anak ng Dios ngayon ay hindi dapat kumain ng anumang pagkaing luto kung nagnanais silang magtamo ng kalagayang walang kasalanan na kagaya ng kalagayan nila Adan at Eba noon.
     Marami ang nangangailangang maghanda ng kanilang pagkain sa higit na kapayakan at kumain ng mas maraming hilaw na pagkain kung maaari kaysa lutong pagkain. Subalit ang itaguyod o panghawakan ang labis na posisyon na hilaw na pagkain lamang ang dapat na kainin ng bayan ng Dios, o 80% na hilaw, o 60% na hilaw, at iba pa, ay isang panatisismo. Bakit? Sapagkat hindi lahat ng tao ay makakakain ang gayunding pagkain (tingnan ang Testimonies, vol 2, p 254; Counsels on Diet and Foods, p 198). Kung kaya’t, hindi dapat gawing pamantayan ang isang uri ng pagkain na susundin ng lahat ng bayan ng Dios.
     Kung hiningi ng Dios sa Kaniyang bayan na iwasan ang lahat ng pagkaing luto, kung gayon bakit sinabi Niya na ang tinapay na niluto ay isang pangunahing pagkain na mabuti sa atin (tingnan ang Levitico 26:26; Awit 105:16; Ezekiel 4:16, 5:16, 14:13; Counsels on Diet and Foods, p 315). Tayo rin ay pinayuhan na lutuin o ilaga ang butyl (tingnan ang Counsels on Diet and Foods, p 323) at ang patatas (tingnan ang Counsels on Diet and Foods, p 323). At ilagay sa lata ang mga lutong prutas (Counsels on Diet and Foods, p 335). Kang kaya’t ang lutong pagkain sa pagkain ng bayan ng Dios ay hindi masama sa Kaniya.

     Ano ang pagkaing pinili ng Dios para sa Kaniyang bayan? Mga prutas, nuwes, butil, at gulay. Iyan ay Salita ng Dios, at ligtas tayong makatatayo sa Salitang yaon at makapanghahawak doon. Ngunit kung gaano karaming gulay ang dapat nating kainin; o gaano karaming prutas ang kailangan natin; o gaano karaming hilaw na pagkain, o lutong pagkain ang kailangan natin; at iba pa; ang lahat ng katanungang ito ay iniwan na ng Dios sa bawat indibidwal na kanilang gawin para sa kanilang sarili batay sa sistema ng sarili nilang katawan. Kung naniniwala ang iba na mayroon silang mas mabuting pamantayan kaysa sa malinaw na inilahad ng Dios, at magsimulang panghawakan at itaguyod ang kanilang mga sariling kagustuhan at sabihin na iyon ang kalooban ng Dios, sila ay nagiging mga panatiko.

G. SINASABI NG PANATISISMO: Hindi nais ng Dios na ang Kaniyang bayan ay magkaroon ng higit sa dalawang kain sa loob ng 24 na oras.

     Sa KARANIWANG kalagayan o katayuan, ang dalawang balanseng pagkain ay sapat para sa maraming tao, sapagkat kinakailangan ang 5 oras na pagitan sa bawat  kain (tingnan ang Counsels on Diet and Foods, p 173). Subalit hindi hinahatulan ng Dios ang sinuman na pumipili na magkaroon ng pangatlong kain, lalo’t higit kung mabigat ang kaniyang trabaho. Ang mga sumusunod na patotoo ay nagbibigay ng ilang gabay:
     “Ang kasanayan ng pagkain ng dalawang kain sa isang araw ay kadalasang masusunpungang maganda sa kalusugan; ngunit sa ilang pagkakataon maaaring kailanganin ng isang tao ang pangatlong kain. Ito kung maaari, kung gagawin ay kaunti lamang, at yaong mga pagkain na madaling matunaw…ang zwieback, at prutas, o cereal, ay mga pagkaing pinakamabuti para sa hapunan.” Ministry of Healing, p 321.

     “Hindi ko sinasabi sa inyo o sa kaninuman, Dapat kayong kumain ng dalawang beses lamang sa isang araw. Ngunit sinasabi ko na hindi dapat ipasok ang labis na pagkain sa tiyan sa isang kainan, sapagka’t kung ito ay gagawin, hindi na magkakaroon ng pagkakataon ang tiyan na gawin ng tama ang kaniyang gawain. Para sa iba, ang tatlong beses na pagkain sa isang araw ay mas mabuti kaysa sa dalawa.
     “Sa loob ng tatlumpung taon, dalawang beses lamang akong kumain sa isang araw, at hindi ako kumain sa pagitan ng mga yaon. Nalalaman ko sa aking sarili na ang dalawang kain ay maiaayos upang maging lubos na maginhawa. Subalit hindi dapat gawing pamantayan ng sinuman ang kaniyang sariling halimbawa sa iba.” This Day With God, p 340.
     “Kung kakain ng pangatlong kain, dapat na kaunti lamang, at mga ilang oras gawin bago matulog.” Counsels on Diet and Foods, p 158.

H. SINASABI NG PANATISISMO: Hindi nais ng Dios ang sinuman sa Kaniyang mga anak na gumamit ng panggagamot ng medisina sa anumang panahon at sa anumang kadahilanan. O ayaw ng Dios na gumamit ang sinuman sa Kaniyang mga anak ng halamang gamot sa anumang kadahilanan.

Inilaan ng Dios ang mga simpleng panlunas ng kalikasan – ang halamang gamot, sikat ng araw, hangin, tubig, at iba pa, para sa paggamot sa mga karamdaman at sakit, subalit kapanatikuhan at kalabisan na hatulan yaong mga pumili na magpatingin sa doktor kung kinakailangan. Kapanatikuhan at kalabisan din kung tatangging lumapit sa doktor kung kinakailangan; ang paniwalaan na tanging halamang gamot at iba pang mga simpleng panggagamot  ang kinakailangan para sa lahat ng kaso, at kung ikaw ay mamatay, iyon ay kalooban ng Dios; at ang paniwalaan na tanging ang mga nakapag-aral lamang ng medisina ang dapat lapitan at gamitin para sa lunas, at hindi na natin kailangan pang gumamit ng simpleng panlunas ng kalikasan.
“Malinaw na ipinayo sa atin:
“Kanilang sinabi na kami ang dahilan ng kaniyang [sister Prior] hindi pagpapagamot. Sasabihin ko ng maikli na hindi namin nalalaman ang karamdaman ni Sister P, nang kami ay nasa Rochester, mahigit isang daang milya mula sa Camden, nang maganap ang mga bagay na ito, at hindi namin nalalaman ang kaniyang kamatayan hanggang ang isang kapatid ay dumalaw sa Rochester at ipinaalam sa amin ang pangyayari. Dalawang pamilya lamang ang nakaaalam ng bagay na ito. Pagkatapos nito, aming dinalaw ang Camden, at ipinakita sa akin sa pangitain na nagkulang sa paghatol hinggil sa kaso ni Sr P. sa pagiimpluwensiya sa kaniya upang hindi niya hanapin ang tulong ng medisina. Nakita ko na tiningnan nila ang mga bagay sa labis at ang gawain ng Dios ay nasugatan at ang ating pananampalataya ay nalagay sa kahihiyan, dahil sa mga bagay na yaon, na isang labis na kapanatikuhan. Ang ibinigay na saway at ang malinaw na patotoong ipinakita tungkol sa mga bagay na ito ang dahilan ng paglayo sa akin ni E.W.W. at ng kaniyang pag-anib sa grupo ng ‘Messenger’ at sila’y nagpakalat ng mga kasinungalingan upang sirain ako. Naniniwala tayo sa panalangin ng pananampalataya; subalit dinala ito ng ilan sa kalabisan, lalo’t higit yaong mga apektado ng panatisismo. Ang iba ay matibay na naninindigan na maling gumamit ng mga simpleng lunas. Hindi kami kailanmam tumayo sa posisyong ito, kundi sinalungat ito. Naniniwala kami na sakdal at matuwid na gumamit ng mga panlunas na inilagay ng Dios na maaabot natin, at kung ito’y hindi magtagumpay, lumapit sa dakilang Manggagamot, at sa ilang mga kaso, ang payo ng manggagamot sa lupa ay napakahalaga. Ito ang posisyong palagi naming pinanghahawakan.” Spiritual Gifts, vol 2, p 134-135.

“Hindi pinagagaling ng Dios ang may sakit na wala ang tulong ng mga paraan ng panggagamot na maabot ng tao; o kung tumanggi ang mga tao na mabenepisyuhan ng mga simpleng panlunas na inilaan ng Dios sa malinis na hangin at tubig.” Selected Messages, book 2, p 286.

Kung tumanggi tayo na matutunan ang mga simpleng panlunas ng kalikasan at tumangging gamitin ang mga yaon upang gumaling, papaano natin hihilingin sa Dios na pagalingin tayo? Sinabi sa atin na libo-libo ang namamatay dahil sa kakulangan ng kaalaman sa mga simpleng panlunas (tingnan ang Selected Messages, book 2, p 287), at sa sampung kaso, siyam sana ang bumuti kung sinunod lamang nila ang kanilang maliit na nalalaman tungkol sa simpleng panlunas (tingnan ang Selected Messages, book 2, p 288). Sa kabilang banda, kung ginawa na natin lahat ng ating nalalaman sa paggamit ng simpleng panlunas ng kalikasan at atin nang inilapit sa Dios ang ating kalagayan at hindi pa rin gumaling sa ating mga karamdaman at sakit, hindi naman pagtatakwil sa ating pananampalataya na hanapin ang tulong ng medisina.
“Pribilehiyo natin na gamitin ang bawat paraang inilaan ng Dios na sang-ayon sa ating pananampalataya, at pagkatapos ay magtiwala sa Dios, habang ating iginigiit ang Kaniyang pangako. Kung kinakailangan ang operasyon, at nais ng manggagamot na ito’y gawin, hindi pagtatakwil sa pananampalataya na pasailalim sa operasyon. Pagkatapos na ipagkatiwala ng pasyente ang kaniyang kalooban sa kalooban ng Dios, hayaan siyang magtiwala, at lumapit sa Dakilang Manggagamot, ang Makapangyarihang Tagapagpagaling, at ibigay ang kaniyang sarili sa lubos na pagtitiwala. Pararangalan ng Dios ang kaniyang pananampalataya kung nakikita Niya na ito ay para sa kaluwalhatian ng Kaniyang sariling pangalan. ‘Iyong iingatan siya sa lubos na kapayapaan, na ang pagiisip ay sumasa iyo: sapagka't siya'y tumitiwala sa iyo.  Magsitiwala kayo sa Panginoon magpakailan man: sapagka't nasa Panginoong Jehova ang walang hanggang kalakasan’ (Isaias 26:3,4).” Selected Messages, book 2, p 284.

I. SINASABI NG PANATISISMO: Hindi nais ng Dios na uminom ang Kaniyang mga anak ng anumang bitamina, mineral, o anumang karagdagang pagkain (food supplements), kundi dapat matamo ang lahat ng ito mula sa mga pagkaing kanilang kinakain. O gusto ng Dios na uminom ng mga ito ang Kaniyang mga anak sapagkat ang lupa ay kulang na nito.

Ito ay personal nang suliranin sapagkat iba’t iba ang pangangailangan ng bawat indibidwal. Subalit kapanatikuhan para sa indibidwal na sabihin ang “dapat gawin” o ang “hindi dapat gawin” o gawin itong isyu na makapagliligtas sa pagsasabi o pagpapalagay na “kalooban ng Dios” na gawin ng Kaniyang bayan ang isa o ang iba.

J. SINASABI NG PANATISISMO: Iniuutos ng Dios na ang lahat ng Kaniyang bayan ay dapat na PALAGING NAGLILINIS (cleansing) ng kanilang loob na sistema ng katawan  sa pamamagitan ng REGULAR na pagko-colonic o paglalabatiba, o regular na pagbobomba sa sistema ng mga prutas, o inihandang mga halamang gamot, o tubig-dagat, SILA MAN AY MAY SAKIT O WALA.

Mahalagang linisin natin ang mga sistema ng ating katawan mula sa mga lason at sa iba pang nakapipinsalang bagay kung kinakailangan, subalit isang kapanatikuhan at kalabisan na pilitin ang ating katawan na palaging linisin ito – lalo’t higit kung wala kahit isang sinasabi ang Panginoon kung ilang beses natin gagawin ang paglilinis!
Dalawa lamang ang ginagawa ng ating katawan: maaaring nililinis nito ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng mga pag-aayuno, ng pagkain ng mga prutas at katas, ng mga halamang gamot, at iba pa, o pinagaganda at pinalalakas ang katawan sa pamamagitan ng mga gulay, protina, at mabibigat na ehersisyo, at iba pa. Kung pipilitin o pupuwersahin natin ang ating mga katawan na palaging sumasailalim sa paglilinis, magsisimula tayong magdusa sapagkat hindi nakakakuha ng sapat na lakas ang katawan mula sa mga pagkaing naglilinis upang patibayin o palakasin ito. At pagkatapos noon, magsisimula tayong manghina. Kaya nga kung hindi natin pahihintulutang makapagpahinga ang ating katawan mula sa paglilinis nito, at hayaang muling makapagsimula na palakasin o patibayin ito at ayusin ang anumang napinsala ng proseso ng paglilinis, ay ating hinihingi ang problema at posibleng kamatayan.


ANG MGA PRINSIPYO NG PAGBABAGONG PANGKALUSUGAN

      Marami pang mga panatisismo ang maaaring ilista sa hanay ng PAGBABAGONG KALUSUGAN: na kagaya ng; hindi nais ng Dios na sinuman sa Kaniyang anak ay kumain sa mga Restawran; o yaong nagtuturo ng hindi balanse o ibang 8 batas ng kalusugan; at iba pa. Subalit bakit napakaraming panatisismo tungkol sa kalusugan? Sapagkat si Satanas ay magbabangon ng anumang hindi mahalagang isyu upang ilayo ang bayan ng Dios mula sa pangangaral at pagsasakabuhayan ng tunay na Pagbabagong Kalusugan na masusumpungan sa pabalita ng ikatlong anghel. Siya ay gagawa sa anumang paraang kaniyang magagawa upang magtalo-talo tayo at mag-away-away tungkol sa magkakaibang isyung ito, sa halip na sama-samang magkaisa, at sa iisang tinig ay ipangaral ang huling mensahe ng awa doon sa mga halos mamamatay na sa sanlibutang ito sa pangangailangan ng mahalagang mensaheng ito.

     Nawa ay pagpalain ng Dios ang Kaniyang bayan ng tama at matuwid na katwiran, nang sa gayon ay maiwasan ang gayong kalabisan. Sapagkat higit na kasamaan ang magagawa sa maikling panahon ng isang panatiko sa Pagbabagong Kalusugan, kaysa habang buhay itong labanan.
     “Kapag dinala noong mga tumataguyod sa pagbabagong kalinisan ang mga bagay sa kalabisan, hindi dapat sisihin ang mga tao kung sila man ay mainis. Madalas na ang ating relihiyosong pananampalataya ay nasisira, at sa maraming kaso yaong mga nakasaksi sa gayong pagpapamalas ng pagbabagu-bago ay hindi na maiisip kailanman na mayroong anumang kabutihan sa pagrereporma. Ang mga panatikong ito ay higit na nakagagawa ng kasamaan sa ilang buwan kaysa sa maaari nilang magawa sa habang panahon. Kanilang ginagawa ang gawaing iniibig ni Satanas na makitang nagpapatuloy.” Counsels on Health, p 153-154.

     Kung gayon ano ang gabay na susundin ng bayan ng Dios tungkol sa Pagbabagong Pangkalusugan upang sa gayon ay ating maiwasan ang mga kalabisan at kapanatikuhan sa pagkain, at maiwasang magtagumpay si Satanas sa atin?
     “May tunay na pagkaunawa sa pagbabagong pangkalusugan. Hindi lahat ng tao ay makakain ang magkakaparehong bagay. Ang ilang uri ng pagkain na mabuti at kaaya-aya sa isang tao ay maaaring nakasasama sa iba. Kaya’t imposibleng gumawa ng hindi-nagbabago o pirmihang batas na mangangasiwa sa pagkain ng bawat isa. Ang makitid na pagkaunawa at labis na pagsala sa maliliit na punto ay malaking pinsala sa gawain ng kalusugan. Suriin ninyo ang inyong paraan o asal ng pagkain. Pag-aralan ninyo ang mga dahilan at ang magiging bunga. Ngunit huwag kayong maging bulaang saksi laban sa pagbabagong pangkalusugan sa pamamagitan ng pagsunod sa isang hakbang na laban dito. Huwag ninyong pabayaan at abusuhin ang katawan at dahil doo’y hindi ito maging karapat-dapat na mag-alay sa Dios ng paglilingkod na para sa Kaniya. Ang pagbabagong pangkalusugan ay mahalaga sa atin at huwag natin itong hamakin dahil sa makikitid na pananaw at maling pagsunod. Dapat tayong maging totoo sa matuwid nating paghatol.” Counsels on Helath, p 154-156.

     “Hindi lahat ng nagpapanggap na naniniwala sa pagbabago sa pagkain ay tunay na mga repormador. Sa maraming tao, ang pagbabago ay binubuo lamang ng pag-alis sa iilan lamang pagkaing hindi mabuti. Hindi nila malinaw na nauunawaan ang mga prinsipyo ng kalusugan, at ang kanilang mga hapag-kainan ay puno pa rin ng nakapipinsalang masasarap na pagkain, na malayo sa halimbawa ng Kristiyanong pagpipigil at pagtitimpi.
     “Ang ibang pulutong naman, sa kanilang pagnanasa na makapagbigay ng tamang halimbawa, ay napunta naman sa kabilang kalabisan….
     “Yaong may kakaunting kaalaman pa lamang sa mga prinsipyo ng pagbabago ay siya pang kadalasang higit na mahihigpit, hindi lamang sa pagsasakabuhayan ng kanilang mga pananaw, kundi sa pagpipilit ng mga yaon sa kanilang mga pamilya at sa kanilang kapuwa. Ang bunga ng kanilang maling pagrereporma, na makikita sa sarili nilang kalusugan na hindi-mabuti, at sa kanilang pagsisikap na ipilit ang kanilang pananaw sa iba, ay nagbigay sa marami ng maling kuru-kuro ng pagbabago sa pagkain, at umakay sa kanila upang lubusan itong itakwil.
     “Iiwasan noong mga nakakaunawa sa mga batas ng kalusugan at pinangungunahan ng prinsipyo ang kalabisan, maging sa pagmamalabis o paghihigpit. Ang kanilang pagkain ay pili, hindi para sa pagbibigay kasiyahan sa panlasa, kundi para sa ikalalakas ng katawan. Kanilang sisikaping pangalagaan ang bawat kapangyarihan sa pinakamabuting kalagayan para sa mataas na paglilingkod sa Dios at sa tao. Ang panlasa ay nasa ilalim ng pamamahala ng katuwiran at budhi, at sila’y gagantimpalaan ng kalusugan ng katawan at kaisipan. Kahit na hindi nila igiit ang kanilang pananaw sa iba, ang kanilang halimbawa ay magiging patotoo sa matuwid na prinsipyo. Ang mga taong ito ay magkakaroon ng malawak na impluwensiya para sa mabuti.
     “May tunay na pagkaunawa sa pagrereporma sa pagkain. Dapat na malawak at malalim na pag-aralan ang paksang ito, at hindi dapat hatulan ng sinuman ang iba dahil lang sa hindi lahat magkakasang-ayon ang kanilang ginagawa. Imposibleng makagawa ng palagian o hindi-nababagong batas upang siyang mangasiwa sa kaugalian ng bawat isa, at huwag isipin ng sinuman na siya ang huwaran para sa lahat. Hindi lahat ay makakain ang parehong bagay. Ang pagkaing kaaya-aya at masustansiya sa isa ay maaaring hindi kaaya-aya, o nakasasama pa sa iba….
     “Ang pagbabago sa pagkain ay dapat na sumusulong o lumalago….
     “Ang makitid na pananaw ng ilan na nagsasabing nagrereporma sa kalusugan ay napakalaking pinsala sa gawaing pangkalusugan. Dapat alalahanin ng mga nagrereporma sa kalusugan na ang pagbabago sa kinakain ay hahatulan, sa malaking bahagi, sa pamamagitan ng ginawa nilang paghahanda sa kanilang mga hapag-kainan at sa halip na gumawa ng hakbang na maghahatid ng kasiraan o kasamaan dito, dapat nilang isakabuhayan ang mga prinsipyo nito na parang ipinagkakatiwala ang mga yaon sa mga isipang tapat….
     “Kapag yaong mga nagtataguyod sa pagbabagong pangkalusugan ay lumabis, hindi nakapagtataka kung bakit marami sa mga tumuturing sa mga taong ito na lumalakad sa mga prinsipyo ng kalusugan ay magtakwil o tumanggi na na magreporma. Ang mga kalabisang ito ay kadalasang nakasasama sa maikling panahon kaysa kung hindi sana ginawa sa pamamagitan ng habang-buhay na pamumuhay nang hindi pabagu-bago.
     “Ang pagbabagong pangkalusugan ay nakabatay sa malawak na mga prinsipyo, at hindi natin ito dapat gawing maliit dahil lamang sa mga makikitid na pananaw at gawain. Subalit walang sinuman ang dapat magpahintulot sa oposisyon o pagtuya, o ang pagnanais na paluguran o impluwensiyahan ang iba na tumalikod mula sa tamang prinsipyo, o balewalain ang mga ito. Yaong nasasaklawan ng prinsipyo ay magiging matibay at matatag sa pagtayo sa tama; ngunit kanilang ipakikita sa lahat ng kanilang nakakasalamuha ang mapagbigay, espiritung katulad ni Cristo at ang tunay na pagpipigil.” Ministry of Healing, p 318-324.

     Sa mga nabanggit na patotoo, nais ng Dios na gamitin ng Kaniyang bayan ang katalinuhan sa pagbabago sa kalusugan; na imposibleng gumawa ng iisang panuntunan na hindi nababago sa pamamahala sa paraan ng pagkain ng bawat isa; na dapat nating iwasan ang mga pananaw na makitid.  Dapat nating iwasan ang anumang pagsala sa maliliit na puntos. Dapat nating iwasan ang parehong kalabisan sa pagpapalayaw o pagbabawal man. Dapat nating siyasatin ang sarili nating paraan sa pagkain at pag-aralan ang dahilan at ang magiging bunga nito. Hindi natin dapat hayaan ang oposisyon o pagtuya o ang pagnanasa na paluguran ang sinuman ang siyang pumigil sa atin sa pagsunod sa mga prinsipyo na alam nating tama. Dapat tayong maging totoo sa paniniwala natin sa tama at dapat tayong pamahalaan ng prinsipyo. Hindi natin dapat punahin ang iba na hindi ginagawa yaong mga ginagawa natin o hindi kinakain yaong kinakain natin. At huwag nating ipagpilitan ang ating mga pananaw sa iba, kundi ipakita natin ang totoong espiritu na katulad ni Cristo at maging mapagpigil at mapagtimpi sa lahat ng bagay na mabuti.
     Ang mga ito ang payak at tunay na panuntunan na nais ng Dios na gumabay sa lahat ng Kaniyang mga anak sa totoong Pagbabagong Pangkalusugan. At isa pang bagay; kung kayo ay palaging natatakot na ang inyong pagkain ay makasasama sa inyo, ay iyon ang tiyak na mangyayari (tingnan ang Counsels on Diet and Foods, p 104).
     Nawa ay mababalaan tayong lahat ng mga sumusunod na payo:
     “At bagama’t pinapayuhan namin kayo na huwag kumain ng labis, maging noong magagandang uri ng pagkain, amin ding binabalaan yaong mga panatiko na huwag magtayo ng maling pamantayan at pagkatapos ay piliting dalhin o pasunurin ang lahat dito. Mayroong ilan na nagsimula bilang mga repormador sa kalusugan na hindi karapatdapat na gumawa sa anumang gawain, at walang sapat na pang-unawa kung paano pangalagaan ang kanilang sariling sambahayan, o ingatan ang kanilang tamang katayuan sa iglesya. At ano ang kanilang ginagawa? Bakit sila bumagsak bilang mga manggagamot sa pagbabagong pangkalusugan, na para bagang magagawa nila yaon na magtagumpay. Kanilang inako ang pananagutan ng kanilang panggagamot, at kanilang kinuha ang mga buhay ng mga lalaki at babae, gayong wala naman talaga silang alam sa gawaing iyon. Ang aking tinig ay babangon laban sa mga baguhan na nanggagamot at nag-aangking iyon ay ginagawa ayon sa mga prinsipyo ng pagbabagong pangkalusugan. Huwag nawang mangyari na tayo’y pasailalim sa kanila upang pag eksperimentuhan! Napakakakaunti lamang natin. At hindi marangal na laban na tayo ay mamatay. Nawa’y iligtas tayo ng Dios mula sa gayong panganib! Hindi natin kailangan ang gayong mga guro at manggagamot. Hayaan na yaong sumusubok na manggamot ng mga sakit ay magkaroon man lamang ng alam tungkol sa sistema ng tao….
     “Ngayon ang panahon na dapat may magawa upang mahadlangan ang mga baguhan sa pagpasok sa gawain at pagtaguyod sa pagbabagong pangkalusugan. Ang kanilang mga gawa at salita ay maaaring iwasan; sapagkat ang mga yaon ay higit na makapipinsala kaysa sa pinakamatalinong tao, sapagkat ito’y malalabanan ng pinakamabuting impluwensiya na kanilang ipapakita. Imposible para sa pinakamabuti at karapatdapat na tagapagtaguyod ng pagbabagong pangkalusugan na lubos na mapawi sa isipan ng publiko ang kamalian at kapinsalaang natanggap sa pamamagitan ng maling hakbang ng mga panatikong ito at ilagay ang paksa ng pagbabagong pangkalusugan sa tamang batayan sa komunidad na kung saan nakilala ang mga lalaking ito. Ang pintuan ay nagsara rin ng malaki, kung kaya’t ang hindi-mananampalatayang mga ito ay hindi na maabot ng pangkasalukuyang katotohanan tungkol sa Sabbath at sa nalalapit na pagdating ng ating Tagapagligtas. Isinaisantabi ng mga taong ito na ayaw makinig ang pinaka mahahalagang mga katotohanan. Nag-aangkin ang mga lalaking ito na mga kinatawan ng mga nagrereporma sa kalusugan at nangingilin ng Sabbath sa pangkalahatan. Isang napakalaking pananagutan ang nakaatang doon sa mapatutunayang naging katitisuran sa mga hindi-mananampalataya.” Testimonies, vol 2, p 374-375, 386.

     Ang ating maningas na panalangin ay tulungan nawa ng Dios at ng Banal na Espiritu ang ating mga kapatid na nagsihiwalay na maging TOTOONG Nagrereporma sa Kalusugan, at upang maiwasan na madaya ng mga kalabisan at kapanatikuhan sa pagbabagong pangkalusugan na kumakalat sa ating hanay ngayon.


IBA’T IBANG PANATIKO AT LABIS NA PANINIWALA
SA PAGREREPORMA SA PANANAMIT


     Bakit ibinigay ang pagrereporma sa pananamit sa bayan ng Dios?
     “Upang maingatan ang bayan ng Dios mula sa nakasasamang impluwensiya ng sanlibutan, at upang itaguyod ang kalusugan ng katawan at ng kaisipan kung kaya’t ang pagrereporma sa pananamit ay ipinagkaloob sa atin…Si Satanas ay patuloy na nag-iisip ng ilang bagong moda ng damit na mapatutunayang masama sa kalusugan ng katawan at kaisipan; at siya ay naitataas habang kaniyang nakikita ang mga nagpapanggap na mga Kristiyano na mainit na tinatanggap ang moda na kaniyang nilikha. Ang laki ng pisikal na paghihirap na likha ng hindi-karaniwan at hindi-malusog na pananamit ay hindi masusukat…Subalit ang pagrereporma sa pananamit ay binubuo higit pa sa pagpapaikli ng damit at pagdadamit sa mga binti at braso. Nakapaloob dito ang bawat artikulo ng damit sa tao. Itinataas nito ang bigat mula sa balakang kung ang palda ay titirantihan mula sa balikat. Maaalis nito ang mahigpit na paha, na nagpapahirap sa baga, sa tiyan, at sa iba pang panloob na mga sangkap, at siyang nagiging sanhi ng pagbaluktot ng gulugod at ng halos hindi mabilang na uri ng sakit. Ang pagrereporma sa pananamit ay itinakda ng tama para sa proteksyon at pagbuti ng bawat sangkap ng katawan.” Testimonies, vol 4, p 634-635.

     Ibinigay ang liwanag tungkol sa pagrereporma sa pananamit upang itaguyod ang kalusugan ng katawan at ng pag-iisip sa pamamagitan ng paglalaan para sa proteksyon at pagbuti ng bawat sangkap ng katawan. Nakapaloob dito ang proteksyunan tayo mula sa masamang moda ng sanlibutan. Kaya’t ang unang layunin ng Pagrereporma sa Pananamit ay nakasentro sa kalusugan – maging kalusugan ng katawan o ng kaisipan.
     Maraming mga indibidwal at maging mga mangangaral ang nag-uukol ng kanilang sarili sa paksa ng Pagrereporma sa Damit, at bumuo ng mahabang listahan ng pwede at hindi pwede na itinuturo sa bayan ng Dios bilang subukan na sinasabing: Kung hindi mo susundin ang mga kautusang ito, ay hindi mo sinusunod ang kalooban ng Dios at hindi magtatamo ng kaligtasan. Subalit ito ba ay may katotohanan sa lahat ng bahagi ng Pagrereporma sa Damit? Ang bawat bahagi ba ng Pagrereporma sa pananamit ay subukan ng kaligtasan?
     “Ang pagrereporma sa pananamit ay kabilang sa hindi lubhang mahalagang bagay na bumubuo sa dakilang pagrereporma sa kalusugan, at hindi dapat ipagpilitan bilang subukang katotohanan na kailangan sa kaligtasan…Ako’y nagsalita sa dakilang paksa ng kalusugan, na binanggit ang pagrereporma sa damit bilang isa sa mga bagay na may maliit na halaga na siyang bumubuo sa kabuuhan.” Review and Herald, October 8, 1867 (vol 1, p 74, col 1).

     Kaya nga ang Pagrereporma sa Pananamit ay hindi subukan ng kaligtasan. Ang Pagrereporma sa Pananamit ay maliit na punto, o hindi lubhang mahalagang bahagi ng paksa ng kalusugan. Subalit isisingit ng iba na mayroong mga patotoo na parang nagsasabi na ang Pagrereporma sa Pananamit ay mahalaga sa kaligtasan (tingnan ang Testimonies, vol 1, p 286-287, 618-619; vol 4, p 647-648). Mayroon bang hindi pagkakatugma sa mga patotoo? Wala. Ang mga ito ay ganap na nagkakaisa. Kaya’t papaano nga magiging ganoon ang pagrereporma sa Pananamit subalit hindi magiging batayan ng kaligtasan? Ang sagot ay makikita sa bahagi ng kalusugan.
     Ang Pagrereporma sa Kalusugan ay tunay na isang subukan ng kaligtasan, subalit hindi lahat ng bumubuo sa Pagbabago sa Pananamit ay hihigit sa bahagi ng kalusugan.
     “Mahalagang ibigay ng mga ministro ang mga tagubilin tungkol sa pamumuhay nang may pagpipigil. Dapat nilang ipakita ang relasyon ng pagkain, paggawa, pamamahinga at pananamit sa kalusugan.” Testimonies, vol 1, p 618.

     Kapag nahigitan ng Pagrereporma sa Pananamit ang bahagi ng kalusugan, ito ay nagiging subukan ng kaligtasan na nangangailangan ng pagbabago upang maibalik ang kalusugan maging sa katawan at sa pag-iisip. Subalit kung ang bahagi ng Pagrereporma sa Pananamit ay hindi humigit sa bahagi ng kalusugan ito ay hindi nagiging batayan ng kaligtasan. At mismong sa bahaging ito ng Pagrereporma sa Pananamit na hindi nakapaloob sa kalusugan at hindi batayan ng kaligtasan nananahan ang karamihan ng mga panatisismo ngayon.
     Ating tandaan, ang mga sumusunod ay ilan sa mga kapanatikuhan sa Pagrereporma sa Pananamit, na walang kinalaman sa kalusugan o kaligtasan, subalit itinuturing na subukan o batayan ng pagsamba, o maging ng kaligtasan sa hanay nang mga nagsihiwalay.

A.  SINASABI NG PANATISISMO: Hinihingi ng Dios na takpan o damtan ng lahat ng Kaniyang mga anak ang kanilang mga braso at binti sa lahat ng oras na hindi isinasaalang-alang ang temperetura-kahit na mainit ang panahon-upang makasiguro na pantay ang sirkulasyon ng dugo. At ang sinuman na magsuot ng damit na may maikling manggas, kahit na sa mainit na panahon, ay hindi tunay na Reprmador sa Kalusugan.

     Ang kalabisang ito ay batay sa maling pagkaunawa ng mga patotoo na patungkol sa pagtatakip ng mga braso at binti.
     Kung maingat na nag-aaral ang sinuman sa lahat ng mga patotoo na may kinalaman sa paksang ito, kanilang masusumpungan na iminumungkahi ng Dios at ng Espiritu ng Hula na kung malamig ang panahon, at may pagkakataon na ginawin at mangaligkig, ay tiyakin na ang mga paa at kamay, binti at braso ay nababalot at parehong nadaramtan ng tamang damit na pampainit upang makatiyak na ang sirkulasyon ng dugo ay dumadaloy hanggang sa paa’t kamay (tingnan ang Selected Messages, book 2, p 470-471; Ministry of Healing, p 292-294; Testimonies, vol 2, p 527; Child Guidance, p 426-427).  Subalit kung walang pagkakataon na ginawin, at hindi naman malamig ang panahon kundi mainit, ay hindi rin naman iminumungkahi ng Dios at ng Espiritu ng Hula na balutin ang mga paa at kamay sapagka’t wala nang panganib pa na maapektuhan ang sirkulasyon ng dugo at hindi maabot ang mga braso at binti.
     Sa katotohanang ito, hindi kasalanan sa Dios kung hindi balutin ng Kaniyang mga anak ang kanilang mga braso at binti kung wala namang pagkakataon na ginawin at kung mainit ang panahon! Sa katunayan, binabalaan tayo ng Espiritu ng Hula laban sa pagsusuot ng labis na damit na maging dahilan na tayo ay “magpawis” at maging sanhi na “tayo ay magkasipon” (tingnan ang Selected Messages, book 2, p 469), o “tambakan yaong mga bahagi ng katawan ng kasuotan kahit hindi naman kailangan ng ganoon” (Selected Messages, book 2, p 470). Kaya’t ang maikling manggas na isuot sa panahong mainit ay hindi kasalanan sa Dios, at hindi nito pinahihina ang pagsisikap na ipagpatuloy ang tunay na gawain ng Pagbabago sa Kalusugan. Sa katunayan binanggit ni Sister White na ang tanging panahon na ligtas na makalalabas yaong tao na nakasuot ng maikling manggas ay “kapag ang panahon ay maaliwalas” at walang tsansang ginawin (tingnan ang Ministry of Healing, p 382; Testimonies, vol 2, p 532).
     Ang punto dito ay kung “dadamtan ng bayan ng Dios ang kanilang sarili sa paraang makatwiran at sila’y magkakaroon ng lakas na tumayo sa matuwid na panig, ay hindi nila maisasapanganib ang kalusugan sa paglabas sa tag-init at tag-lamig…”(Testimonies, vol 2, p 532). Dapat tayong magdamit ng tama na naaayon sa panahon o temperatura, maging ito man ay sa loob ng bahay o sa labas, nang sa gayon ay malayang dumaloy ang ating dugo – lalo’t higit sa panahong malamig.

B. SINASABI NG PANATISISMO: Iniuutos ng Dios na walang sinumang Kristiyanong babae ang dapat magsuot ng pantalon sa anumang kadahilanan – kahit na ang pantalong ito ay ginawa para sa babae at hindi panlalaki.
     Pinanghahawakan ng mga tumataguyod ng kamaliang ito ang Deutronomio 22:5 bilang katibayang talata sa Kasulatan, na nagpapahayag na karumaldumal sa Panginoon para sa isang babae ang magsuot ng pantalon sapagka’t kaniyang isinusuot yaong nauukol para sa lalake.

     Isinulat mismo ni Sister White na wasto para sa mga babae na magsuot ng pantalon sa ilalim ng kanilang mga damit. Ang dahilan nito ay para sa kalusugan – sapagkat may higit na kakayahan ang pantalon na sanggalangan sila mula sa lamig kaysa sa damit lamang. Ang pantalong ito ay hindi ginawa para sa mga lalake, kundi pantalong ginawa para talaga sa mga babae.
     “Sa panahong malamig dapat silang magsuot ng mainit na tela na maaaring ilagay sa loob ng medyas. Sa ibabaw nito ay pantalon na may mainit na tela, na maaring buo at nakabutones hanggang sa palibot ng bukungbukong, o matulis sa dulo at abot sa sapatos. Ang kanilang damit ay dapat lampas sa tuhod. Sa ganitong uri ng damit, isang magaan na damit, o pinakamarami na ang dalawa, ang kinakailangan, at ito ay dapat nakabutones sa baywang.” Selected Messages, book 2, p 471.

     Nalalaman natin na ang lahat ng tapat na mga babaeng Kristiyano ay nagsisikap patungo sa kabanalan upang lubos na maipakilala si Cristo sa sanlibutan, ay nanaisin na sundin ang mga prinsipyo ng kahinhinan, kalinisan, at mabuting pagpili. Ang gayahin na malapit tulad sa damit ng lalake ay isang karumaldumal sa Panginoon.
     “Kanilang (o mga babae) gagayahin ang kasalungat na kasarian, na magkatulad na magkatulad kung maaari. Sila’y magsusuot ng sombrero, pantalon, tsaleko, at bota, ang huli ang siyang pinaka kapuna-punang bahagi ng kasuotan. Yaong sumusunod at tumataguyod ng ganitong estilo ng pananamit, ay dinadala ang tinatawag na pagrereporma sa pananamit sa hindi kanais-nais na haba. Ang magiging bunga ay kalituhan. Ang ilan na sumusunod sa kasuotang ito ay maaaring tama sa kanilang mga pananaw sa pangkalahatan sa paksa ng kalusugan, at sila’y maaaring maging malaking instrumento sa higit na mabuti kung hindi nila dinala ang kanilang pananamit sa gayong kalabisan.
     “Sa ganitong istilo ng pananamit nasasalungat ang utos ng Dios, at ipinagwawalang-bahala ang espesyal na direksyon. Deut xxii, 5. ‘Ang babae ay huwag mananamit ng nauukol sa lalake, ni ang lalake ay magsusuot ng pananamit ng babae; sapagka't sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon mong Dios. Sa istilong ito ng pananamit, hindi nais ng Dios na sundin ng kaniyang bayan.” Selected Messages, book 2, p 477.

     Kung magsusuot ang babae ng sombrero, ng amerikana, ng tsaleko, ng pantalon, at ng bota (na malamang ay isang terno ng lalaki ngayon), kung gayon siya ay mapagkakamalan na isang lalaki at hindi babae, at kalituhan ang siyang bunga. Kaya’t ang Deuteronomio 22:5 ay tumutukoy sa isang babae na nagsusuot ng buong kasuotan ng isang lalaki – na nagdadamit ‘na katulad na katulad’ ng kasalungat na kasarian, ngunit hindi ang pagsusuot ng isang sangkap lamang ng kasuotang ito. Ang Dios at maging si Sister White ay hindi sumulat na kung piliin ng babae na magsuot ng pantalon na ginawa para sa babae siya ay magiging karumaldumal sa Dios! Ang kinokondena lamang ay kapag isinuot ng babae ang buong kasuotan ng lalaki, at hindi isang sangkap lamang ng kasuotang yaon.
     Malinaw rin na maging ang Biblia at ang Espiritu ng Hula ay hindi kinokondena ang isang babae na magsuot ng pambabaeng pantalon. At yamang walang masusumpungan na malinaw na kahatulan sa Biblia at sa Espiritu ng Hula, ang magpatuloy ang sinuman na hatulan ang babaeng Kristiyano sa pagsusuot ng pantalong angkop para sa kanila, o tingnan silang mababa at iwasan sila dahil ginagawa nila iyon, ay inilalagay o ginagawa nila ang kanilang sariling opinion at kagustuhan na siyang kalooban ng Dios – at iyon ay panatisismo. Ang isyung ito ng pagsusuot ng pantalon ay ipinauubaya na sa mga Kristiyanong babae, bilang isang malayang indibidwal na kinatawan sa ilalim ng Dios, na sila ang magpapasya kung nanaisin nilang magsuot noon o hindi.
     Habang nagpapatuloy ang Kristiyanong babae sa paglago sa espiritwal, hindi nila nanaisin na magdamit sa paraang makakasakit sa Dios. Makikita sa kanilang panlabas na anyo ang kanilang paglakad sa Panginoon.
“Gayon din naman, na ang mga babae ay magsigayak ng mahinhing damit na may katimtiman at hinahon; hindi ng mahalagang hiyas ng buhok, at ginto o perlas o damit na mahalaga…” 1 Timoteo 2:9.

C. SINASABI NG PANATISISMO: Inuutos ng Dios na ang lahat ng babaeng may-asawa ay dapat na magsuot ng bonet, o sombrero o anumang uri ng talukbong sa publiko upang matakpan ang kanilang mga ulo at hindi mailagay sa kahihiyan ang kanilang asawa.

Ang patunay sa doktrinang ito ay galing sa maling pagkaunawa sa talata ng Biblia na masusumpungan sa 1 Corinto 11:13-16. Bagamat ang talatang ito ay patungkol sa mga babaeng may asawa, ngunit pinaniwala ang mga babaeng walang asawa at mga kabataang babae na kalooban ng Dios na sila ay magsuot ng talukbong sa ulo sa paniniwala na hindi nila mapaluluguran o mailalagay nila sa kahihiyan si Cristo bilang kanilang asawa kung hindi sila magsusuot noon sa publiko.
Pag binasa natin ang 1 Corinto 11:3-16, ang “lambong” o “takip” sa salitang Griyego ay isinalin na ganap na takpan o lambungan (Strong’s #2619).Kaya’t ito ay tumutukoy sa pagtatakip ng buong ulo ng lambong kabilang na ang mukha. Hindi lamang nito binabanggit ang pagkakaroon ng sombrero, o bonet para matakpan ang ulo at buhok, kundi ito ay tumutukoy sa pagtatakip ng buong ulo at mukha. Ganitong ganito ang kaugalian ng mga babae sa Gitnang Silangan na tinatakpan ang kanilang buong ulo ng lambong upang mata lamang ang makita.
Subalit inuutusan ba ng Dios ngayon ang lahat ng mga babaeng Kristiyano sa buong sanlibutan na kanilang takpan ang kanilang buong ulo ng lambong, o tinatagubilinan ni Pablo yaong mga babae na nakatira sa Gitnang Silangan na nahikayat kay Cristo na magpatuloy sa ganoong partikular na kaugalian?
“Datapuwa't kung tila mapagtunggali ang sinoman, walang gayong ugali kami, ni ang iglesia man ng Dios.” 1 Corinto 11:16.

Malinaw na sinabi ni Pablo na ang gayong gawain na pagtatakip ng ulo ay isang kaugalian na hindi isang panuntunan o kautusan ng alinmang mga iglesya ng Dios! Wala itong kinalaman sa direktang utos ng Dios para sa mga babaeng Kristiyano na kanilang susundin ngayon, kundi ito’y isang kaugalian na gawa ng tao na sinunod ng mga babaeng taga Gitnang Silangan – lalo’t higit yaong mga tumanggap sa Islam.
Yaong mga babaeng taga Gitnang Silangan na hindi nagsusuot sa publiko ng taklob o lambong sa ulo ay tinitingnan nila na isang patutot! Sinisikap lutasin ni Pablo ang ilang pagkakaiba sa mga iglesya sa Corinto, at kaniyang sinabi na makabubuti para sa mga nahikayat na babaeng taga Corinto na magpatuloy sa kaugaliang pagsusuot ng takip o lambong sa kanilang mga ulo sa publiko upang hindi nila matisod yaong mga babaeng mga taga Corinto na hindi pa nahihikayat at doo’y kanilang sinisikap na ibahagi ang katotohanan. Kaniyang sinusunod ang prinsipyo na –  sa lahat ng mga bagay ay nakibagay sa lahat ng mga tao, upang sa lahat ng mga paraan ay mailigtas ang ilan (tingnan ang 1 Corinto 9 :20-23). At kung ang isa sa ating mga babae sa Iglesya sa Tahanan na humiwalay ay pumaroon sa Gitnang Silangan bilang isang misyonero ngayon makikita natin na maliit na problema para sa kanya ang sundin ang kaugalian nila na pagtatakip ng ulo upang hindi siya maging kapuna-puna sa mga babae doon, subalit madali siyang matatanggap na kaisa nila at higit na magiging mabisa ang pagbabahagi niya ng katotohanan.
Subalit ang karamihan sa ibang mga bansa ay walang kaugalian na pagsusuot ng lambong kaya’t hindi naman ito hinihingi ng Dios, o angkop man para sa ating mga kapatid na babae na takpan ang kanilang mga ulo sang-ayon sa 1 Corinto 11, samantalang nabubuhay sa America, o sa Canada, o sa iba pang mga bansa na hindi sumusunod sa kaugaliang ito. Sa katunayan, kung hayag nilang gagawin ito, kanilang ipinapakita na sila’y panatiko at ginagawa nila ang kanilang sarili na kapansin-pansin at naiiba sa ibang mga kababaihan sa komunidad, at mabisang nawawalang halaga ang anumang tangkang pagsaksi bago pa man sila makabigkas ng isang salita! Kanila ring sinusuway ang kalooban ng Dios gaya ng nasasaad sa sumusunod sa patotoo:
“Mayroon tayong dakilang gawaing dapat gawin sa sanlibutan, at hindi nais ng Dios na sundin ang isang hakbang na magpapababa o sisira sa ating impluwensiya sa sanlibutan…Hindi dapat magpakahirap ang mga Kristiyano na gawin ang kanilang sarili na kapuna-puna sa pamamagitan ng pagdadamit ng kakaiba sa sanlibutan. Subalit kung sa pagsunod nila sa kanilang kombiksiyon ng katungkulan tungkol sa pananamit ng may kahinhinan at ayon sa kalusugan ay kanilang masumpungan ang kanilang sarili na luma na sa moda, ay hindi nila dapat baguhin ang kanilang pananamit upang maging kagaya lamang ng sanlibutan; kundi dapat nilang ipakita ang isang marangal na pagsasarili at matapang na asal upang ipakita ang matuwid, kung ang buong sanlibutan ay naiiba na sa kanila. Kung maglabas ang sanlibutan ng isang disente, maginhawa at malusog na moda ng damit, na kasang-ayon sa Biblia, hindi nito mababago ang relasyon natin sa Dios o sa sanlibutan kung sundin man natin ang ganoong istilo ng pananamit. Dapat sundin ng mga Kristiyano si Cristo at iayon ang kanilang pananamit sa salita ng Dios. Dapat nilang iwasan ang mga kalabisan….Ang kalabisang sinusunod ng ilang nagrereporma sa pananamit sa paksang ito ang pumipilay sa kanilang impluwensiya.” Testimonies, vol 1, p 458-460.


MGA PRINSIPYO NG PAGREREPORMA SA PANANAMIT

Maraming panahon ang magugugol sa pagsisiwalat ng iba pang mga kalabisan at kapanatikuhan sa Pagrereporma sa Pananamit: katulad ng; hindi nais ng Dios ang sinuman sa Kaniyang mga anak na magsuot ng anumang makukulay na kasuotan sa angkop na panahon o lugar. O nais ng Dios na iwasan ng Kaniyang mga anak ang ilang kulay, o isuot lamang yaong ibang kulay. O hinihingi ng Dios sa lahat ng Kaniyang mga anak na magsuot lamang ng mga natural na tela, subalit hindi kailanman yaong mga bagay na sintetik. O nais ng Dios na ang lahat ng mga Kristiyanong lalake ay palaging gumamit ng tirante at huwag kailanman magsusuot ng sinturon-kahit na magaan lamang ang kanilang mga pantalon at hindi naman nakabibigay ng higpit sa paligid ng mga sangkap o bahagi ng tiyan; at iba pa.
Subalit ang lahat ay nauuwi dito: Ano ang kalooban ng Dios hinggil sa katanungan sa pananamit ngayon? Ang kasagutan sa katanungang ito ay napakasimple: Tayong lahat ay dapat manamit nang makatuwiran, malusog, simple, may kahinhinan, na walang pagtatanghal, at sang-ayon sa uri ng klima sa paligid natin (tingnan ang Ministry of Healing, p 293-294; 1 Timoteo 2:9-10). Kinakailangan din na tayo ay napangungunahan ng ating katuwiran at pag-iisip pagdating sa pagrereporma sa pananamit (tingnan ang Child Guidance, p 392). At alalahanin natin kung maaari na anumang bahagi ng pananamit na hindi nakakaapekto sa kalusugan, ay isang maliit na punto lamang ng pinakamaliit na halaga at hindi isang subukan ng kaligtasan (tingnan ang Review and Herald, October 8, 1867 (vol 1, p 74, col 1).

Nawa ay pakatandaan nating lahat ang sumusunod na patotoong ito:
“Mga kapatid kong Kristiyanong babae, humarap kayo sa salamin, ang kautusan ng Dios, at inyong suriin ang inyong mga hakbang sa unang apat na kautusan. Malinaw na ipinapaliwanag nito ang ating tungkulin sa Dios. Hinihiling Niya ang hindi hating pagmamahal; at anumang bagay na pupuno sa isipan at maglalayo dito mula sa Dios ay itinuturing na uri ng dios-diosan. Ang tunay at buhay na Dios ay natatakpan ng mga nasa ng puso, at ang templong katawan ay nadudungisan ng pagsamba sa ibang mga dios sa harapan ng Panginoon. ‘Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap Ko’ ang sabi ng utos. Ating suriin ang puso, ihambing natin ang buhay at ugali sa mga batas at alituntunin ni Jehoba, at pagkatapos ay maningas nating sikapin na ituwid ang ating pagkakamali.” Testimonies, vol 4, p 632.

Ang salamin na dapat nating tingnang lahat ay ang kautusan ng Dios. Lumapit tayo sa Dios at sabihing: “Panginoon, ang akin bang pananamit ay hindi nakalulugod sa Iyo? Mali ba ang aking ginagawa? Ipakita mo sa akin.” Kung ating susundin ang simple ngunit malalim na tagubiling ito, na pinananatili sa pag-iisip na anumang labas sa bahagi ng kalusugan, ang pagrereporma sa pananamit ay hindi subukan ng kaligtasan, kung gayon ang lahat ng labis na pananaw ay maiiwasan at tayo ay malalayo sa panatisismo sa damit.
Gagawin ni Satanas ang lahat para makapasok sa hanay ng mga nagsihiwalay na Iglesya sa Tahanan ng Dios upang ipasok niya ang hindi mahahalagang isyu o paksa, mag-umpisa ng pag-aaway at pagtatalo, at hadlangan ang pagkakaisa at ang pagpapalaganap ng mensahe ng ikatlong anghel. At bakit hindi maging matalino ang bayan ng Dios na mamataan ang mga taktika ni Satanas at palayasin siya sa ating kampo? Ang pangunahing dahilan kung bakit naririto pa rin tayo ay sa dahilang kinuha ng panatisismo at ng mga hindi mahahalagang paksa o isyu ang lugar ng mensahe ng ikatlong anghel. At tayo ay patuloy na mananatili dito hangga’t hindi napatatahimik ang mga panatisismong ito, at muling bigyan ng pansin ang mensahe ng ikatlong anghel at muling ipangaral na matagal na sanang nagawa!


IBA’T IBANG KAPANATIKUHAN AT MALING PANINIWALA SA DOKTRINA

     Katulad na katulad noong panahon ni Cristo, ang mga tao ay nagsisiparoo’t parito na itinuturo bilang aral ang mga utos ng mga tao, subalit inaangkin na iyon ay mga utos ng Dios (tingnan ang Mateo 15:9; Marcos 7:7)! Katulad din ng nangyari noong mga unang panahon ng mga nanguna sa kilusan ng Adventista, pagkatapos na sila’y humiwalay mula sa tumalikod na mga iglesya ng Protestante, ay gayon din ang nangyari ngayon. Ang panatisismo at mga maling aral ang naging sanhi ng kaguluhan at nakainis sa bayan ng Dios na pumiling humiwalay mula sa tumalikod na iglesya ng SDA.
     Bawat hangin ng di-kilala o kakaibang doktrina ay babangon, at sinasabi ng Dios sa Kaniyang bayan na huwag paakay sa kanila (tingnan ang Hebreo 13:9). Bagama’t marami sa mga tumataguyod ng mga panatikong doktrina ay tila mga ministro ng katuwiran, ngunit sila’y mga kinatawan at ministro ni Satanas, na ipinalalaganap ang mga kasuklam-suklam na kamalian kapalit ng katotohanan (tingnan ang 2 Corinto 11:13-15; 2 Pedro 2:1).
     Kinakailangan tayong maging mapagbantay sa bawat sandali baka tayo ay mapasama sa mapandayang aral at mangaligaw sa pamamagitan ng mga kamalian ng panatisismo at mangahulog tayo mula sa ating katiyagaan sa plataporma ng dalisay at hindi nadungisang katotohanan ng Dios (tingnan ang Colosas 2:8; 2 Peter 3:17).
     Kinakailangang subukin natin ang lahat ng mga bagay, at ingatan yaong aral lamang na 100% na katotohanan, at subukin ang lahat ng aral sa kautusan (Biblia) at sa patotoo (Espiritu ng Hula) na gaya ng sinasabi sa 1 Tesalonica 5:21 at Isaias 8:20 na dapat nating gawin.
     Sa pamamagitan ng mga paalalang ito, ating suriin ang ilan sa mga panatikong aral na itinataguyod bilang katotohanan sa gitna ng nagsihiwalay na bayan ng Dios ngayon.

A. SINASABI NG PANATISISMO: Mayroon lamang iisang Dios – ang Ama, at Siya’y lumitaw na mag-isa lamang hanggang sa ipanganak Niya sa Kaniyang sarili ang Anak ng Dios – si Jesu-Cristo, at magkasama nilang binuo ang Banal na Espiritu na walang persona o katauhan. Kaya’t ang Kadiusan (Godhead) ay hindi binubuo ng tatlong persona o katauhan kundi dalawa lamang – ang Ama at ang Kaniyang Anak.

     Ang hindi nalalaman ng marami na ang partikular na aral na ito ng Kadiusan o Godhead ay hindi isang modernong paniniwala, kundi nagmula ito sa makademonyong kaisipan ni Hermes o ni Cush-na siyang ama ni Nimrod. At itinayo ni Nimrod ang Babilonia, at ibinatay nito ang relihiyon ng mga hiwaga ng espiritu sa mga aral ng kaniyang amang si Hermes! Mismong si Satanas, sa pamamagitan ni Hermes ang nagpasimula ng binabanggit na espiritwalistik na aral tungkol sa Kadiusan (Godhead)!
     Marami na nadaya ng espiriwalistik na aral sa Godhead ay matibay na ipakikipaglaban ito o ipagwawalang bahala na lamang, at tatanggihang tanggapin. Subalit yaong may katapatang nadaya ay tatanggapin lamang kung makita nila ang katibayan.

     Kaya’t tunay bang itinuturo ng espiritualismo na ang Ama ang tanging nag-iisang Dios, at Siya ay nag-iisa lamang lumitaw bago pa ang paglitaw ni Cristo? Oo! (hinihingi namin ang kapatawaran doon sa maaaring masaktan sa pagbasa sa mga sumusunod na mga espiritwalistik na pahayag, subalit ginagawa lamang namin ito alang-alang doon sa mga nadaya,hindi para doon sa hindi nanghahawak sa aral na ito):
     “Banal ang Dios, ang Ama ng lahat ng mga bagay, ang Isa na nauna sa Unang Pasimula.” Hermes, kinuha sa The Secret Teachings of All Ages, p XL, ni Manly P. Hall – 33rd Degree Mason.

     “…ang Isa [Dios] ay siyang terminong higit na angkop para bigyang kahulugan ang Ganap, yamang ang kabuuhan ay nauuna sa mga bahagi…” Hall, p XV.

     “…ang Dios [ang Dakilang Arkitekto ng Sansinukob] bilang walang hanggang Magulang ng lahat…” Morals and Dogma, p 715, ni Albert Pike – 33rd Degree Mason, at The Masonic Report, p 20.

     Tunay bang itinuturo ng espiritualismo na si Jesu-Cristo ay literal na isinilang o  nagmula sa Ama bago pa ang paglalang sa sanlibutang ito, na ipinahihiwatig na mayroong panahon na kung saan wala pa o hindi pa lumilitaw si Jesus, at ang Kaniyang kapanganakan ang dahilan papaano Siya naging Anak ng Dios? YES!

     “Anak ng Dios, Panganay…ang Pangalawang Logos o Nakatataas,--ang unang nanggaling sa Ama, ang Ganap o Kataastaasan, o ang Unang Logos.” Dictionary of All Scriptures and Myths, ni G.A. Gaskell, p 702 (ginagamit ng diksiyunaryong ito ang pinanghahawakang pilosopiya at banal na mga kasulatan ng lahat ng relihiyon tulad ng Zoroaster, Philo, Swedenborg, Buddah, Hermes, Qabbalah, at iba pa., upang makuha ang mga kahulugan—samakatwid ang mga ibinigay na kahulugan ay misteryo at espiritwalistik).

     “Ang walang hanggang Pagsilang o henerasyon ng Anak o Banal na Salita…
     “Mula sa ating matuwid na Bukal, walang iba kundi mula sa Ama at ang lahat ng nabubuhay sa Kaniya ay sumisilang,’ sinasabi ni Ruysbroeck, ang walang hanggang Sinag, na iyon ay ang Pagsilang ng Anak…Ating ipinagdiriwang ang kaarawan ng Walanghanggang Kapanganakan nang isinilang ng Ama…” Mysticism, p 146, ni E. Underhill, sinipi sa Dictionary, p 702.


     Ang turo na ito sa Godhead ay taliwas sa katotohanan ng Biblia; ang pundasyon nito ay siyang hiwaga ng relihiyon ng matandang Babilonia! Ang espiritwalistik na paniniwalang ito, na may iisa lamang Dios at Siya ay lumitaw na nag-iisa lamang bago pa man ang lahat ng mga bagay – pati na si Jesus, ay mag-aakay sa iyo sa paniniwala sa panteismo na hinati lamang ng Dios ang Kaniyang sarili, ang Kaniyang esensiya o ang Kaniyang banal na sangkap sa  iba’t ibang bahagi; kagaya ng Anak, o Banal na Espiritu. Samakatwid, ang Dios ang patuloy na pinagmumulan at tagapagbigay ng lahat ng bahagi o sangkap na ito Niya, sapagkat Siya ay kabilang o kasama ng lahat ng sangkap na ito. Ganitong-ganito ang paniniwalang panteismo ng Trinidad ng Katoliko – iisang Dios na nahati sa tatlong bahagi o sangkap; isang tunay na Dios na nagluwal sa Kaniyang sarili ng iba pa! Ang paniniwalang ito ay walang iba kundi purong panteismo at espiritwalismo!
     “Banal ang Dios, na ang kalooban o kagustuhan ay isinasakatuparan at isinasagawa ng Kaniyang sariling kapangyarihan na Kaniyang inilabas mula sa Kaniyang sarili.” Hermes sinipi ni Hall, p XL.

     “Ang mga katawagang Ama, Anak, at Espiritu ay mga simbolo lamang na kumakatawan sa tatlong pagpapakilala ng Dios…Ang Dios ay lumalabas sa Kaniyang sarili sa walanghanggang Anak, at bumabalik sa Kaniyang sarili sa Walanghanggang Espiritu.” Dictionary, p 770.

     “Ang Ama ay nagsalita sa Kaniyang sarili at sa lahat ng nilalang sa Salita, ang Kaniyang Anak, at ang pagbabalik ng Ama sa Kaniyang sarili ay kabilang ang katulad na pagbabalik ng lahat ng nilalang sa iisang Pinagmumulan na Walanghanggan. Ang makatwirang pasimula ng Anak ay nagbibigay ng uri ng lahat ng ebolusyon o nilikha; ang Anak ang kaisahan ng lahat ng mga gawa ng Dios….Ang Dios ay nasa lahat ng mga bagay, at ang Dios ay siyang lahat ng bagay.” Dictionary, p 770.

     “ ‘…[Ang Dios] ay magagawang ibukas ang Kaniyang esensiya sa sari-saring uri ng paglitaw, na bagama’t sila’y Kaniyang mga nilalang na katulad ng kanilang pinagmulan, ay mga bahagi ng Kaniyang esensiya na katulad ng kanilang nilalaman.” Dictionary, p 317.

     Totoo bang itinuturo ng espiritwalismo na ang Banal na Espiritu ay hindi isang hiwalay na Katauhan o Persona maliban sa Ama o sa Anak, at Siya ay hindi siyang pangatlong Katauhan o Persona ng Kadiusan (Godhead), kundi tinutukoy na ibang bagay, kagaya na bilang hininga, o buhay, o liwanag, o kapangyarihan ng Dios, o parehong kombinasyon ng Ama at Anak? Oo!
     “Ilagak ninyo ang inyong pagtitiwala sa Banal na Hininga-ang Banal na Espiritu-na siyang tagaganap ng Banal (Dios) sa buddhic plane.” Dictionary, p 816.

     “Ang Banal na Espiritu ay nagmumula sa Kadiusan (Godhead)—ang walang hanggang pinagmumulan ng lahat. Ito ang Hininga ni Atman,--ang walang hanggang kapangyarihan ng Dios. Hindi ito hiwalay mula kay Cristo, kundi nangangasiwa sa pamamagitan ni Cristo--ang Sariling Mas Mataas (Higher Self).” Dictionary, p 366.

     “Karaniwan nang kinikilala noong kalahatian ng panahon…ang Banal na Espiritu bilang pag-iisa ng Ama at ng Anak.” Dictionary, p 770.

     “Ang pagkakaiba ng Ama at ng Anak ay ito--‘Ang Ama’ ay upang ipakilala o ipahayag ang nakakubling Dios, ‘Ang Anak’ ay siyang Dios na nahayag, at ang ‘Banal na Espiritu’ ay siyang kaalaman ng Espiritu ng katotohanan, na nagmumula sa karanasan ng dalawa…” Dictionary, p 770.

     “Sa puso ng Trinidad [o Iisang Dios] ang Manlalalang ay natuwa at nagsilang sa anak. Ang anak ay natuwa rin sa Manlalalang at magkasama na kanilang isinilang ang Espiritu.” Meister Echart sinipi sa The Coming of the Cosmic Christ, p 218-19, ni Matthew Fox.

     “Aking [ang Ama ng Lahat ng mga Bagay] inuutusan ka [Anak ng Liwanag] na humayo, upang maging gabay doon sa mga naliligaw sa kadiliman, upang ang lahat ng mga tao na dooy nananahan ang espiritu ng Aking Pag-iisip (Ang Pandaigdig na Kaisipan) ay maligtas sa pamamagitan ng Aking Kaisipan na nasa inyo, na tatawagin ng Aking Kaisipan na nasa kanila….sapagkat Ako ang kaisipan ng mga Hiwaga…’” Hermes, sinipi ni Hall, p XL.

     Ang doktrina na mayroon lamang iisang Dios – ang Ama, at siya ay mag-isa lamang nabuhay hanggang sa Kaniyang ipanganak mula sa Kaniyang sarili ang Anak ng Dios – si Jesu-Cristo, at kanilang binuo na magkasama ang Banal na Espiritu na walang persona, na ginagawa ang Kadiusan (Godhead) na dalawa at hindi tatlong katauhan, ay isang malademonyong aral ng espiritwalismo na ang pundasyon ay nagmula pa sa matandang Babilonia! At yaong nagpapatuloy na nanghahawak at naniniwala sa espiritwalistik na aral na ito sa Kadiusan ay hindi mga tagasunod ng katotohanan ng Dios ng langit, kundi mga tagasunod ng kasinungalingan ng huwad ng dios ng sanlibutang ito – si Satanas!
     Kung gayon ano ang katotohanan tungkol sa Ama, Anak, at Banal na espiritu – ang mga miyembro ng Kadiusan? Ang paksang ito ay malawak kaysa sa magkakasya sa babasahing ito. Kaya’t inilagay naming ang mga kinasihang mga talata na patungkol sa bawat isa sa tatlong Kaanib ng Kadiusan sa isang aklat na pinamagatang “Ang Kadiusan: Isa, Dalawa o Tatlong Dios.” Ang mahalagang aklat na ito ay maaaring matamo sa pagsulat sa address na ibinigay sa harapan ng babasahing ito.

B. SINASABI NG PANATISIMO: Ang Dios ay may mga katangian ng pag-ibig at kaawaan, subalit hindi Niya papatayin kailanman ang mga masasama – kahit na sa panahon ng 7 huling salot, at pagkatapos ng 1000 taon sa dagat-dagatang apoy.

     Bagamat walang sinuman ang ganap na makaaabot sa isyu ng dakilang pag-ibig ng Dios sa atin sa pagsusugo Niya ng Kaniyang Anak upang iligtas ang sangkatauhan mula sa pagkapahamak, subalit isang kapanatikuhan na sabihin at paniwalaan ang maling doktrina na binabanggit sa itaas – na sa katotohanan ay ginagawang sinungaling ang Dios sa pagsasabing hindi Niya magagawa ang malinaw Niyang sinabi na Kaniyang gagawin doon sa pumili na tumanggi sa Kanyang napakalaking pag-ibig at patuloy na pinili na magkasala!
     Ang mga tumataguyod sa paniniwala na “Ang Dios ay hindi magagawang pumatay” ay nagsasabi na ang lahat ng mga kahatulan ng Dios – kagaya ng baha, o ng pagkawasak ng Sodoma at Gomora, at iba pa, ay hindi buhat sa Dios kundi sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Satanas. Ang kaparehong kamaliang ito ay makatlong itinaguyod sa kasaysayan; ang isa ay sa panahon ni Noe, isa sa panahon ni Moises, at ang isa ay sa panahon ni Cristo, at kakilakilabot ang naging bunga noong mga naniwala dito.
     Sa kasaysayan noong panahon ni Noe:
“…kanilang penal na sinabi na ang banal na kautusan ay wala nang bisa; na labag sa likas ng Dios ang magparusa sa kasalanan; at kanilang itinanggi na ang Kanyang paghatol ay ipapataw sa lupa….subalit ang kanilang isip ay lubha nang nabulag sa pamamagitan ng pagtanggi sa liwanag kung kaya’t kanilang tunay na pinaniwalaang ang pabalita ni Noe ay isang kasinungalingan.
     “Hindi marami o nakararami ang nasa panig ng tama…. ‘Ang mga babala ng Dios,’ ayon sa kanila, ‘ay upang mangtakot lamang, at hindi tunay na magaganap. Hindi kayo dapat mabahala. Ang mga ganoong pangyayari tulad ng paggunaw sa sanlibutan sa pamamagitan ng Dios na lumikha noon, at ang pagpaparusa sa mga nilikha Niya, ay hindi kailanman mangyayari….
     “Ang pag-ibig, lalo’t higit ang kahatulan, ay humihiling na ang hatol ng Dios ay magbigay ng pagpigil sa kasalanan. Ang naghihiganting mga tubig ay umapaw sa pinakahuling matutunguhan, at ang mga nagsitalikod sa Dios ay nangamatay sa maitim na kalaliman….
     “‘Sa pamamagitan ng salita ng Dios…ang sanlibutan noon, na inapawan ng tubig, ay napahamak. Ngunit ang sangkalangitan ngayon, at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding salita, ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama’ 2 Pedro 3:5-7. Isa pang bagyo ang dumarating. Ang lupa ay muling wawalisin ng nakasisirang galit ng Dios, at ang kasalanan at ang makasalanan ay pupuksain….Ang Dios ng kalikasan, ang Lumikha at Nangangasiwa sa Kanyang mga batas, ay maaaring gamitin ang ginawa ng Kanyang mga kamay upang ganapin ang Kanyang layunin.” Patriarchs and Prophets, p 96-103.

     Sa panahon at kasaysayan ni Moises:
     “…Si Core at ang kanyang mga kasama ay tumanggi sa liwanag hanggang sa sila ay naging bulag na upang maging ang mga kapansin-pansin na pagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan ay hindi sapat upang sila ay makumbinse; kanila iyong itinuring na lahat ay dala lamang ng kakayanan ng tao o ng tulong ni Satanas. Gano’n din ang ginawa ng bayan, na makalipas ang araw ng pagkamatay ni Core at ng kanyang mga kasama ay lumapit kay Moises at Aaron, na nagsasabi, ‘Inyong pinatay ang bayan ng Panginoon’…. Pinangahasan nilang ituring ang Kanyang mga kahatulan na gawa ni Satanas, sinasabi na sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Satanas, ay pinapangyari ni Moises at ni Aaron na mamatay ang mabubuti at banal na mga lalaki. Ang ginawa nilang ito ang nagtatak sa kanilang kapahamakan. Sila ay nakagawa ng kasalanan laban sa Banal na Espiritu…” Patriarchs and Prophets, p 405.

     At sa panahon at kasaysayan ni Cristo:
     “Kanilang itinuring ang banal na kapangyarihan ng Dios na buhat sa mga ahensya ni Satanas…Dahil doo’y nagkasala ang mga Pariseo laban sa Banal na Espiritu. Matigas, madilim, pusong bakal, na determinadong ipinikit nila ang kanilang mga mata sa lahat ng katibayan, kung kaya’t sila’y nakagawa ng kasalanang walang kapatawaran.” Review and Herald, January 18, 1898 (vol 3, p 535, col 3) (tingnan din ag Desire of Ages, p 321; Great Controversy, p 543).

     Ang isa sa pangunahing hadlang doon sa mga naniniwala na hindi magagawa ng Dios na pumatay, ay dahil sa hindi nila tinatanggap ang salita ng Dios gaya ng kanilang nababasa. Kapag malinaw na sinasabi ng Biblia o ng Espiritu ng Hula na papatay o magpaparusa ang Dios sa mahigpit na paghatol, nangangatwiran sila na hindi gayon ang tunay na kahulugan noon. Kanilang inaangkin na kabaligtaran noon ang kahulugan, at sinasabi na si Satanas ang talagang pumapatay sa mga tao. Dahil dito ang Biblia ay ginagawang sinungaling, at ginagawa ang Dios na sinungaling sapagkat Siya ang may-akda ng Biblia. Sila ay totoong nasilo sa bihag ni Satanas; ngunit iniisip nila na itinataas nila ang tunay na karakter ng Dios, at ipinapahayag ang mensahe na magbibigay ng kaligtasan sa lahat ng maniniwala at magtuturo nito sa iba – at o anong matalinong pandaraya naroroon sila.
     “Si Satanas ay isang tusong manggagawa; at siya’y magpapasok ng mga mapanlinlang na mga kamalian upang padilimin at guluhin ang isipan at bunutin ang mga aral ng kaligtasan. Yaong hindi tumatanggap sa Salita ng Dios gaya ng pagkabasa rito, ay masisilo sa kanyang (Satanas) bitag.” Selected Messages, book 2, p 52 (tingnan din ang Spirit of Prophecy, vol 4, p 417; Review and Herald, June 28, 1906, vol 5, p 251, col 3).

     Yaon lamang naniniwala at tinatanggap ang Salita ng Dios gaya ng nasusulat – na isinasantabi ang kanilang sariling maling katwiran at karunungan at tatayong matatag sa malinaw na “sinasabi ng Panginoon,” ang makaliligtas mula sa pagkakasilo sa bitag ni Satanas. At ano ang malinaw na sinasabi ng Dios – hindi ni Satanas?
“Tingnan ninyo ngayon, na ako (Dios), sa makatuwid baga'y ako nga, At walang dios sa akin: Ako'y pumapatay, at ako'y bumubuhay; Ako'y ang sumusugat, at ako'y ang nagpapagaling: At walang makaliligtas sa aking kamay… Aking ibibigay ang aking panghihiganti sa aking mga kaaway…” Deuteronomio 32:39-41.

Ito ay isa lamang sa napakaraming mga talata sa kasulatan na nagpapatungkol sa pagkawasak na direktang darating sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios. At oo, may ilang talata sa kasulatan na nagsasabi na “Pinatay sila ng Dios,” gayong hindi naman ang Dios. Subalit ang dapat na maunawaan ay kapag bumangon ang isang sitwasyon na kung saan walang malinaw na dahilan o karunungan kung bakit nangyari ang pagkamatay, kanilang sinasabi na ang Dios ang may gawa noon, sapagkat wala silang ibang kasagutan. Sa ganitong pagkakataon, mismong ang Dios ay hindi nagsabi na Siya ang responsable sa pagkamatay, ngunit isinulat na Siya ang responsable. Subalit ang iilang mga talatang ito ay hindi kailaman dapat maging pamantayan ng interpretasyon sa bawat iba pang Kasulatan na tumutukoy sa pagpatay ng Dios sa mga masasama – lalo’t higit kung sinabi mismo ng Dios na pinatay Niya o papatayin Niya! Magsisinungaling baga ang Dios? Kung gayon sino ang abang makapagsasabi na hindi ginawa ng Dios o hindi Niya gagawin ang mismong sinalita Niya?
Ano ang malinaw na sinalita ng Dios – hindi ni Satanas – sa pamamagitan ng mga Patotoo?
“Ang mga lalaki (10 tiktik) na nagdala ng maling ulat tungkol sa lupaing pangako ay nangamatay sa pamamagitan ng salot, habang si Caleb at si Josue ay nabuhay…ipinahayag ng Panginoon sa pamamagitan niyaon ang Kaniyang kapangyarihang pumatay at magligtas ng buhay…” Pamphlets, vol 2, p 227.

Ito ay isa lamang sa maraming patotoo patungkol sa pagkawasak na buhat mismo sa kapangyarihan ng Dios. Subalit maaaring gamitin ng ilan ang patotoo na nagsasabi:
“Ang Dios ay hindi pumapatay ng sinuman. Ang bawat namatay ay sila ang pumatay sa kanilang sarili.” Christ’s Object Lessons, p 84.

Ang pahayag na ito ay totoo, at nauunawaan sa iisang kahulugan kung ano ang isinulat ni Sister White, at ito ay ganap na kaayon ng mga patotoong nabanggit sa itaas tungkol sa mga tiktik. Ang Dios ay hindi pumapatay ng sinuman na walang katwiran o dahil lamang sa Kaniyang sariling kagustuhan, ni hindi Niya inaakay o pinipilit ang sinuman patungo sa landas ng kasamaan. Kaya’t “ang bawat namatay ay sila ang pumatay sa kanilang sarili” sapagkat kusa nilang pinili na sumunod sa mga daan na patungo sa kamatayan o kapahamakan. Mas pinili nilang mapahamak o mamatay at tanggapin ang wakas na bunga ng kanilang inihasik, subalit hindi sila pinilit ng Dios na tumungo sa landas na iyon ng pagkapahamak. Kaya nga, “Ang Dios ay hindi pumapatay ng sinuman.”
Ito ang ibig sabihin ng isinulat ni Sister White sa patotoong ito, at ang gamitin ng sinuman ang patotoong ito upang subukin at ituro na walang sinuman ang pinapatay ng Dios, sa ilalim ng anumang kondisyon o kalagayan – kahit na sinabi Niya mismo na Kaniyang gagawin – ay pagbabaluktot at pagpipilipit lamang sa mga Kasulatan at Patotoo sa kanilang pagkapahamak; at hindi lamang ang kanilang kapahamakan, kundi maging ang kapahamakan ng lahat ng susunod sa maling turo na ito.
Gayundin ang sakdal na pagkakaisa na nakikita, at dapat panghawakan, sa pagitan ng isang kasulatan at patotoo sa iba pang kasulatan at patotoo ay nawawala dahil sa kanilang maling interpretasyon, dahil pinalalabas nila na ang isang talata o patotoo ay talagang naglalaban at nagsasabi ng kataliwas sa sinasabi ng iba! Kung kaya’t ang mga tao ay naaakay na maniwala na ang Biblia ay may mali at hindi maaaring gabay sa buhay, at si Sister White ay hindi mensahero ng Dios sapagkat siya ay sumulat ng dalawang magkaibang bagay tungkol sa iisang paksa o isyu. O, ano ngang pag-aani ng kasamaan at kabulukan ang aanihin ng mga taong ito kung sila’y magpapatuloy na maniwala at ituro ang gayong baluktot at bulaang teorya na nagmula mismo kay Satanas!
“Sa pagwasak sa naunang sanlibutan sa pamamagitan ng baha ng mga tubig, ang Dios ay nagbigay ng katibayan na lumampas na ang tao sa itinalagang hanggganan sa pamamagitan ng Kaniyang mahabang pagtitiis. At kapag ang tao, na may “salita ng Panginoon’ na siyang gagabay sa kanila, ay magsamantala sa Kaniyang kaawaan, at walang pag-aalinlangang salungatin ang Kanyang kalooban, na hinahamak ang lahat ng Kanyang mga babala, sila’y ganap na lumalampas sa hangganan ng biyaya. Kaya’t gagawa na ang Dios at ipagtatanggol ang karangalan ng Kanyang kautusan. Kaniyang pinipigilan ang paglago ng katampalasanan, sa pamamagitan ng pagpawi sa lahi noong mga nagwawalang bahala sa Kanyang kautusan na ipinaalam sa mga nananahan sa panahon ni Noe. Kung kaya’t ipinahahayag ng Panginoon sa buong sangkatauhan na dahil sa patuloy na paggawa ng kasalanan at kahiya-hiyang pagsalangsang sa Kanyang kautusan, ay kinailangan Niya na saklawan o limitahan ang buhay ng tao, at ipasok ang Kanyang galit upang hadlangan ang pagsira nila sa bawat isa sa patuloy na pagsuway at pagsinsay sa Kanyang kautusan….
“Narating na natin ang panahon kung saan ang mga kaluluwa ay dapat nang mailigtas mula sa pagiging ganap na pagkadaya ng mga kabulaanan sa mga labi ng mga tagasunod ni Satanas. Napakatagal na na winawaling-halaga ang kautusan ng Dios. Ang pangangailangan ng makalangit na pamamagitan ay malapit nang mahayag. Ang di-matwid na pagkakilala sa ating Dios ay binuo nang marami na higit sanang nakaalam, at higit pang naalaman kung kanila lamang pinakinggan ang mga babala na ipinagkaloob ng Dios….
“Nawa ay pagkalooban ako ng Dios ng biyaya upang mapasyahan ang bagay na ito, ang siya kong dalangin, upang ang iba pang mga kaluluwa ay makaiwas na masira ng iba’t ibang pagbaliko at pagpilipit ng kamalian.” Manuscript 35, 1906 (Manuscript Release #1511, p 2, 5-6).

Tunay na sinilo ni Satanas ang mga taong ito sa Kaniyang bitag sa kapahamakan ng kanilang mga kaluluwa, sapagkat ang paniwalaan na hindi papatay ang Dios at ang Kaniyang galit ay hindi ibubuhos sa masasama, ay nangangahulugan na hindi nila pinaniniwalaan ang tunay na pabalita ng ikatlong anghel – o ipanangangaral man at itinuturo ang mahalagang mensahe na ito sa iba, Bakit? Sapagkat malinaw na sinasabi nito:
“At ang ibang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na nagsasabi ng malakas na tinig, Kung ang sinoman ay sumasamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo, o sa kaniyang kamay, Ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Dios, na nahahandang walang halo… at siya'y pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Cordero.” Apokalipsis 14:9-11.

Hindi nito sinasabi na “galit ni Satanas,” kundi “galit ng Dios.” Ano ang galit ng Dios na ibubuhos na walang halo sa hindi nagsisising makasalanan? Ang huling 7 salot!
“Pitong anghel na may pitong salot, na siyang mga panghuli, sapagka't sa mga yao'y magaganap ang kagalitan ng Dios… pitong mangkok na ginto na puno ng kagalitan ng Dios.” Apokalipsis 15:1, 7.

Ipinapahayag ng Apokalipsis 16 ang tungkol sa mga salot na ito (tingnan din ang Early Writings, p 64-65). At maliligtas baga ang sinuman na nakaaalam subalit tumatangging paniwalaan at ituro ang pabalita ng ikatlong anghel sa kapuspusan nito? Hindi! Tatanggapin nila ang tanda ng hayop, at aanihin ang walang hanggang kamatayan!
Ang mga taong ito ay hindi gumagawa para sa ikasusulong ng kaharian ng Dios, kundi sila’y mga kaaway ng Dios, na gumagawa para sa pagkawasak! Malinaw naming isinulat ang mga bagay na ito nang may katapatan – hindi ng isang puso upang subukin o sirain ang nagkakamali nating mga kapatid, kundi ng isang puso ng pagmamahal at pagnanasa na makita sila na magising bago mahuli ang lahat. Subalit ang tunay na karakter ng Dios ay hindi maaaring ipakipagkasundo sa kabulaanang ito ng diablo at ng kaniyang mga tagasunod.
“Ang karakter ng Dios ay hindi maaaring ipakipagkasundo. Dahil sa galit ng Dios, ang pansanlibutang pagkawasak ay darating sa lahat ng bahagi ng mundo….Yaong sa kanilang pag-iisip at puso ay lumalayo mula sa espesyal na gawain ng Panginoon sa panahong ito, yaong hindi nakikipagtulungan sa kanya sa pagpapatibay ng mga kaluluwa sa pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aakay sa kanila na dinggin ang mga salita ng babala, ay gumagawa ng gawain ng kaaway ni Cristo.” Review and Herald, November 27, 1900 (vol 4, p 241, col 2-3).

Ang katanungan na dapat ngayong malinawan ay – kailan mamumuksa ang Dios?
“Ang Dios ay gumagawa sa pamamagitan ng mga pagpapahayag ng Kanyang Espiritu upang sumbatan at hatulan ang makasalanan; at kung ang gawain ng Banal na Espiritu ay tanggihan sa wakas, ay wala nang magagawa ang Dios para sa kaluluwa. Ang huling tulong ng kahabagan ng Dios ay nagamit na. Ang makasalanan ay wala nang anu pa mang kaugnayan sa Dios, at ang kasalanan ay wala nang lunas upang mapagaling pa. Wala nang iba pang nakatabing kapangyarihan upang sumbatan at hikayatin ang makasalanan. “Pabayaan siya” ang ipinag-uutos ng Dios. At ‘wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan, kundi isang kakila-kilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway.’” Patriarchs and Prophets, p 405.

Pinaparusahan at pinapatay ng Dios ang masasama pagkatapos lamang na lumipas na ang kanilang palugit na panahon, at wala ng iba pang paraan na makabalik sila sa kanya. O gaano nga mahabagin at maibigin ang Dios na ating pinaglilingkuran!
“Ang pag-ibig ng banal na Dios ay isang kamangha-manghang prinsipyo, na nagpapagalaw sa sanlibutan para sa atin sa mga panahon ng ating palugit at pagsubok. Subalit pagkatapos ng ating panahong palugit, kung tayo ay masumpungang mananalangsang ng kautusan ng Dios, ang Dios ng pag-ibig ay masusumpungan na isang ministro ng paghihiganti. Ang Dios ay hindi nakikipagkasundo sa kasalanan. Ang hindi masunurin ay parurusahan. Ang galit ng Dios ay nabuhos sa Kaniyang iniibig na Anak habang si Cristo ay nakabayubay sa krus ng kalbaryo na naging kahalili ng mananalangsang. Kaya’t ngayon ang pag-ibig ng Dios ay umaabot upang yakapin ang pinakamababa, napakasamang makasalanan na bagbag na lalapit kay Cristo. Ito’y nakaunat upang baguhin ang makasalanan na maging masunurin, tapat na anak ng Dios; ngunit wala isa mang kaluluwa na maliligtas kung siya ay magpatuloy sa kasalanan.
“Ang kasalanan ay pagsalangsang sa kautusan, at ang bisig na ngayon ay makapangyarihang nagliligtas ay magiging malakas na magparusa kapag lumampas na ang mananalangsang sa hangganan na tatapos sa banal na pagpapahinuhod. Siya na tumatangging hanapin ang buhay, na hindi nagsasaliksik ng mga Kasulatan upang makita kung ano ang katotohanan, at nang hindi siya mahatulan sa kaniyang mga gawa, ay maiiwan sa kadiliman ng pag-iisip at sa mga pandaraya ni Satanas.” Selected Messages, book 1, p 313.

Ang mga tumataguyod na ito sa paniniwala na “Ang Dios ay hindi pumapatay” ay tinatanggap lamang na ang Dios ay may mga katangian ng pag-ibig at kaawaan, habang kanilang ipinagwawalang-bahala at isinasaisantabi ang iba pang katangian o karakter ng Dios, gaya ng kahatulan at galit. Nakatuon lamang sila sa katangian ng pag-ibig ng Dios sa makasalanan, at ang Kaniyang hatol laban sa kasalanan ay ikinukubli – na kapareho noong mga nagtuturo at nagpapalaganap ng espiritwalismo! (tingnan ang Great Controversy, p 558).
Kanilang ginagamit si Sister White sa pagsasabi na, “Ang Dios ay hindi tatayo laban sa makasalanan bilang isang tagapagpatupad” (tingnan ang Great Controversy, p 36). Kaya nga kanilang ikinakatwiran na hindi papatayin ng Dios ang sinuman. Ang Dios ay hindi tumatayo laban sa makasalanan bilang isa na naghihintay sa isang tao upang patayin, katulad ng tanawin inilarawan sa isang hukom noong unang panahon. Subalit isasakatuparan at gaganapin ng Dios ang mga kaparusahan na nakatakda para doon sa mga tumanggi sa Kanyang pag-ibig, at nagwalang-bahala sa lahat ng mga ginawang pagsisikap upang iligtas sila mula sa kapahamakan o pagkawasak!
“Sa kahit anong kaharian o pamahalaan, hindi iniwan o ipinabaya sa manlalabag ng kautusan na kanilang sabihin kung anong kaparusahan para doon sa mga sumira ng kautusan. Ang lahat ng nasa atin, lahat ng kabutihan ng Kaniyang biyaya na tinataglay natin, ay utang natin sa Dios. Ang malubhang likas ng kasalanan laban sa mabuting Dios ay hindi kailanman matatantiya at tanging langit lamang ang makasusukat noon. Ang Dios ay isang moral na tagapamuno at isang Ama rin. Siya ang Tagapagbigay ng kautusan. Siya ang gumagawa at nagpapatupad ng Kaniyang mga batas. Ang batas na walang kaparusahan ay walang bisa.” Manuscript 5, 1876 (Manuscript Release #963, p 2).

Ang tagapagtaguyod nito ay ginagamit rin ang ikaanim na utos; “Huwag kang papatay,” at sinasabi na hindi papatayin ng Dios ang sinuman, kahit sa anong kondisyon, sapagkat hindi Niya sisirain ang Kaniyang sariling kautusan. Ang salitang Hebreo para sa “papatay” ay “murder” (Strong’s Concordance #7523), at ang “murder” ay nangangahulugan na “di-matwid na pagpatay o pumatay nang labag sa batas o may masamang hangarin” (tingnan ang Webster’s New World Dictionary). Hindi imamarder ng Dios ang sinuman, kundi Siya’y nasa ganap na katarungan, na matuwid at walang anumang maliit na hangaring masama, na Kanyang papatayin at pupuksain ang nahatulang makasalanan pagkatapos na ang kanilang palugit na panahon ay matapos!
Subalit sa ilan, gaano man karaming kapani-paniwalang talata ang ibigay na nagpapakita na sila ay nanghahawak sa maling aral ay patuloy pa rin nilang ikukubli sa takbuhan nila na ang Dios ay hindi pumapatay, o kahit kailan ay hindi Niya pupuksain ang mga masasama. Ngunit gaano man katibay ang paniniwala nila sa maling doktrinang ito, darating ang panahon na kung saan hindi na sasanggalangan pa ng Kaniyang awa ang mga masasama mula sa matuwid Niyang galit!
“Malimit na inaabuso ng tao ang mahabang pagtitiis ng Dios, at sinasamantala ang Kaniyang pagpapahinuhod. Subalit dumarating ang panahon sa kasamaan ng tao kung saan panahon na upang manghimasok ang Dios; at kakilakilabot ang usapin. ‘Ang Panginoon ay banayad sa pagkagalit, at dakila sa kapangyarihan, at sa anomang paraan ay hindi aariing walang sala ang masama’ (Nahum 1:3). Ang mahabang pagtitiis ng Dios ay kamangha-mangha, sapagkat naglalagay Siya ng puwersa sa Kaniyang sariling katangian; ngunit ang kaparusahan ay walang iba kundi tiyak.Ang bawat dekada ng kasamaan ay pag-iipon ng galit laban sa araw ng kagalitan; at kapag dumating na ang panahon, at puno na ang katampalasanan, kung magkagayon ay gagawin na ng Dios ang Kaniyang di-karaniwang gawain. Masusumpungan na isang  kakila-kilabot na bagay na ubusin ang banal na pasensiya, sapagkat ang galit ng Dios ay babagsak  na kapansin-pansin at napakatindi na ito’y inilalarawan na walang halong awa, at ang buong lupa ay mawawasak.” Selected Messages, book 2, p 372-373.

Sino ang tatanggap sa salita ng Dios gaya ng pagkabasa rito at upang makatakas sa daya ng diablo, at tatanggi na magkubli sa kasinungalingan na hindi magagawang pumatay ng Dios? Sino ang magtatakwil sa kadiliman at kamaliang ito ng espiritwalismo at tatayo sa liwanag ng nahayag na salita ng Dios?
“Ang sanlibutan ay malapit nang iwanan ng anghel ng awa, at malapit nang ibuhos ang pitong huling salot…Ipinauubaya pa rin ng Dios sa mga kaluluwa ng tao ang mahalagang pribilehiyo ng pagtanggap sa liwanag kapalit ng kadiliman, ng katotohanan sa kamalian, katuwiran sa kasalanan. Subalit ang pagtitiis at awa ng Dios ay hindi palaging maghihintay. Huwag isipin ng sinumang kaluluwa na siya’y makapagtatago sa galit ng Dios sa likod ng kasinungalingan; sapagkat aalisin ng Dios mula sa mga kaluluwa ang kublihan ng kasinungalingan. Ang pagtakas ng galit ng Dios ay malapit nang bumagsak, at kapag pinasimulan na Niyang parusahan ang mga mananalangsang, ay hindi na magkakaroon pa ng panahon ng kapahingahan hanggang sa wakas. Ang bagyo ng galit ng Dios ay natitipon, at ang tanging makatatayo lamang ay yaong napabanal sa pamamagitan ng katotohanan sa pag-ibig ng Dios.” Testimonies to Ministers, p 182.

“Kung paano silang nangatwiran sa panahon ni Noe gayundin sila nangangatwiran ngayon, kapag ang mensahe ay ipinahayag na sila’y matakot sa Dios at sumunod sa Kaniyang kautusan. Ang galit ng Dios ay malapit nang bumagsak sa lahat ng makasalanan at hindi-masunurin, at sila’y mapupuksa sa pangkalahatang pagsunog. Ang mga nagpapanggap na lingkod ni Cristo na hindi naging tapat, ay papayapain ang kanilang sarili sa kasiguruhan kasama ng kanilang maling katuwiran, katulad ng kanilang ginawa noong kapanahunan ni Noe. ‘Ang Dios ay napakabuti at napakamahabagin (katwiran nila) upang iligtas lamang ang iilan…Ito, katwiran nila, ay hindi kasang-ayon sa Dios….
“Ang pag-ibig ng Dios ay inilalarawan sa kapanahunan natin na isang likas na magbabawal sa Kanya na puksain ang mga makasalanan. Ang mga tao ay nangangatwiran mula sa kanilang mababang pamantayan ng tama at matuwid. ‘Iyong inisip na tunay na ako'y gayong gaya mo’ (Awit 50:21). Kanilang sinusukat o itinutulad ang Dios sa kanilang sarili. Sila’y nangangatwiran kung paano sila gumagawa sa ilalim ng mga pagkakataon at nagpapasya na gagawin ng Dios kung ano ang iniisip nilang gagawin.
“Ang kabutihan at pagpapahinuhod ng Dios, ang pagtitiis at kaawaang Kaniyang ipinapakita sa Kaniyang mga nasasakupan, ay hindi hahadlang sa Kaniya sa pagpaparusa sa mga makasalanan na tumangging maging masunurin sa Kaniyang hinihingi. Hindi iniukol sa tao--na isang kriminal laban sa Banal na kautusan ng Dios…na diktahan ang Dios. Pagkatapos ng lahat ng pagsisikap na ito ng Dios na maingatan at mapanatiling banal at mataas ang likas ng Kanyang kautusan, kung ang tao, sa pamamagitan ng mga daya ng diablo, ay ipahayag ang kahabagan at pagpapakababa ng Dios na isang sumpa, ay kanilang tatamuhin ang kaparusahan….
“Kanilang sasabihin ang pagsusumamo na hindi daw nanaising makita ng maibiging ama ang Kanyang mga anak na magdanas ng kaparusahan ng Dios sa apoy gayong may kapangyarihan naman Siya na iligtas sila. Subalit parurusahan ng Dios ang mga mananalangsang para sa kabutihan ng Kaniyang mga anak at para sa kanilang kaligtasan. Ang Dios ay hindi gumagawa ayon sa panukala ng tao. Maaaring Siya ay makagawa ng walang-sukat na katarungan na walang karapatan ang tao na iyon ay gawin sa kaniyang kapuwa. Hindi sana napaluguran ni Noe ang Dios kung nilunod niya ang isa sa mga manlilibak at manunuya na nanggugulo sa kanya, subalit nilunod ng Dios ang buong sanlibutan. Si Lot ay maaaring walang karapatan na magparusa sa kanyang mga manugang na lalaki, ngunit ginawa ito ng Dios sa ganap na katarungan.
“Sino ang makapagsasabi na hindi magagawa ng Dios ang Kaniyang sinabi na Kanyang gagawin? Ang Dios ay totoo at sinungaling ang bawat tao. Ang Panginoon ay dumarating sa nagniningas na apoy upang maghiganti doon sa lahat ng makasalanan na hindi kumikilala sa Dios at hindi sumusunod sa Kanyang ebanghelyo.” Manuscript #5, 1876 (tingnan ang Manuscript Release #963, p 1-3).

Para doon sa nagnanais ng higit pang impormasyon sa paksang ito, lalo’t higit iyong may kinalaman sa tunay na katangian ng ating Makalangit na Ama, ay sumulat lamang para sa aklat na: Ang Karakter ng Ating Ama.
Lubos kaming umaasa at nanalangin na yaong mga naniniwala sa malaking kamaliang ito na “Hindi pumapatay ang Dios” ay magigising, iiwanan ang mapandayang aral na ito (na ang kapangyarihan ng Dios na nahayag sa pagpuksa sa mga determinadong makasalanan ay kanilang sinasabi na kapanyarihan ni Satanas) at tatayo para sa katotohanan bago mahuli ang lahat.
“Ang ipagwalang-bahala ang Espiritu ng Dios, at paratangan ito na espiritu ng diablo, ay inilalagay sila sa posisyon kung saan walang kapangyarihan ang Dios na abutin ang kanilang mga kaluluwa. Walang kapangyarihan sa anumang kaparaanan ng Dios na ituwid ang makasalanan ang maaaring umabot sa kanila.” SDA Bible Commentary, vol 5, p 1092, col 2.

C. SINASABI NG PANATISISMO: Hinihingi ng Dios sa lahat ng Kaniyang bayan, anuman ang wika, na bigkasin o ipahayag ang “banal na pangalan” ng Dios sa Hebreo, o hindi nila tatanggapin ang tatak ng Dios sa kanilang mga noo at maligtas.

Ang panatisismong ito ay nakabatay sa maling pang-unawa at pagbaluktot ng mga sumusunod na mga talata sa Biblia na patungkol sa tatak ng Dios na nakasulat sa mga noo ng lahat ng maliligtas (Apokalipsis 3:12, 7:3, 14:1). Malinaw na pinilipit at nilito ng mga tumataguyod sa banal na pangalan kung ano ang kahulugan na ang pangalan ng Dios ay nakasulat sa ating mga noo.
Hindi sa pamamagitan ng pagbigkas ng literal sa pangalan ng Dios sa Hebreo na iyon ay masusulat sa ating mga noo. Kundi ito ay sa pamamagitan ng paghahayag ng karakter ng Dios sa ating sariling buhay, sa pagsunod sa Kanyang kalooban at pag-iingat ng Kanyang mga kautusan, na ang Kanyang pangalan o karakter ay makikintal o matatatak sa ating mga noo o isip.
“Ang tanging pag-asa ng sinumang tao ay masusumpungan kay Cristo. Ang dalisay at banal na kasuotan ay hindi inihanda upang isuot ng sinuman pagkatapos pa na siya ay makapasok sa pintuan ng syudad. Ang lahat ng papasok ay nakasuot na ng damit ng katwiran ni Cristo, at ang pangalan ng Dios ay makikita sa kanilang mga noo. Ang pangalang ito ay siyang simbolo na nakita ng apostol sa pangitain, at nangangahulugan ng pagsusuko ng kaisipan sa matalino at tapat na pagsunod sa lahat ng mga kautusan ng Dios.” Sons ang Daughters of God, p 370.

Kaya’t hindi sa pagsasabi ng literal na pangalan ng Dios, sa Hebreo o sa anumang wika, na ang Kanyang pangalang ay masusulat o matatatak sa ating mga noo. Kundi sa papamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Dios – lalo’t higit sa Sabbath (tingnan ang Ezekiel 20:12, 20), ipakita sa ating sariling buhay ang Kanyang likas o karakter, na Siya ang pinagtutuunan ng ating mga pag-iisip, na matatanggap natin ang Kaniyang tanda o maisulat ang Kaniyang pangalan sa ating mga pag-iisip.
Ang mataas na saserdote noon ay may salitang “Banal sa Panginoon” na nakasulat sa ginto at nakalagay sa kanyang mitra sa gitna ng noo (tingnan ang Exodus 28:36-38). Kaya ngayon, hindi na kailangang magkaroon ang bayan ng Dios ng mga salitang ito na literal na nakasulat sa gitna ng kanilang mga noo, kundi dapat nilang gawin si Cristo na sentro ng lahat ng kanilang iniisip. Dahil dito ang ating mga likas o karakter ay magiging banal sa Panginoon, at tayo rin ay tatanggapin Niya bilang Kaniyang buhay na mga saksi sa mga huling araw na ito.
“Maliban na nakasulat ang pangalan ng Dios sa inyong mga noo,--nakasulat doon sapagkat ang Dios ang sentro ng inyong pag-iisip,--ay hindi kayo nararapat para sa mamanahin na buhay.” Counsels on Stewardship, p 46.

Walang kabanalan sa pagbanggit sa literal na pangalan mismo ng Dios na gaya ng sinasabi sa atin ng mga panatikong ito na dapat nating gamitin para matatakan. Sa Exodus 6:3, ang pangalang Hebreo na ibinigay para sa Dios (ang Tetragrammaton) ay nakasulat na JHVH, JHWH, YHVH, o YHWH. At sa Awit 68:4 ang pangalang Hebreo ng Dios ay nakasulat na JH o YH. Kung papansinin, walang patinig sa mga salitang ito – puro katinig lamang. Mabibigkas kaya ng sinuman ang mga literal na pangalan ito para sa Dios kung walang patinig? Hindi. Ang ginawa ng tao ay dinagdagan ng patinig ang mga katinig upang ang mga pangalang ito ay mabigkas – na kagaya ng Jehovah, o Yahweh, o Yahsuwah. Ngayon kung pinakialaman ng makasalanang tao ang banal na pangalan, banal pa ba ito? Hindi na. Naniniwala kami na nilayon ng Dios na huwag lagyan ng mga patinig upang walang panatisismo na magtuon sa literal na pagbigkas ng Kaniyang pangalan.
Subalit sinasabi ng mga tumataguyod dito na anumang ibang pangalan para sa Dios maliban sa Hebreo, ay pagano ang pinagmulan at iyon ay hindi nakalulugod sa Dios – pati na ang pangalan ni Jesus. Ngunit anong pangalan ang ginamit ng anghel ng langit para kay Cristo nang kaniyang tinanong si Sister White kung gusto niyang makita Siya? Kaniyang sinabi, “Gusto mo bang makita si Jesus?” (Early Writings, p 80). Sinabi ba niya, “Gusto mo bang makita si Yahsuwah o Yahweh? Hindi, sinabi niya Jesus. Kaya kung ginamit ng makalangit na anghel ang pangalang Jesus, ay nakalulugod naman sa Kanya na iyon ay gamitin ng Kaniyang bayan ngayon.

Nababasa ng Dios ang mga puso ng lahat ng Kaniyang mga anak. At dahil sa mayroong higit sa 200 na wika na mismong ang Dios ang may gawa matagal nang panahon, ay mayroon ding 200 na iba’t ibang pagbigkas sa pangalan ng Dios na Kaniyang nilikha, na Kaniya naming tinutugon basta’t mayroon tayong tapat na puso!
Ang hindi nakikita ng marami  ay hindi ang literal na pangalan ng Dios ang mahalaga sa isyung ito (tingnan ang Awit 138:2), kundi ang karakter ang siyang tunay na mahalagang bagay. Ang pangalan ng Dios ay representasyon ng Kaniyang karakter, at ang ipahayag ang Kanyang pangalan sa iba ay ilarawan Siya sa karakter – na ipinapahayag Siya sa inyong buhay, hindi sa literal na pagbigkas ng Kanyang pangalan. Ipinahayag ni Cristo:
“ Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan (ng Ama), at ipakikilala ko.” Juan 17:26.

Papaano ipinakilala o ipinahayag ni Cristo ang pangalan ng Kanyang Ama? Naglibot ba si Cristo at sinabing, Ang pangalan ng Dios ay Yahweh, at iba pa? Hindi. Ipinakilala o ipinahayag ni Jesus ang pangalan ng Kanyang Ama sa pamamagitan ng paghahayag o pagpapakita ng karakter ng Dios sa Kaniyang sariling buhay (tingnan ang Juan 17:6). At si Cristo ba ay natatakan? Oo (tingnan ang Juan 6:27).
Kaya si Cristo ay matibay sa katotohanan, na ganap na ipinahayag ang karakter ng Dios sa Kaniyang sariling pamumuhay at mga gawa, kung kaya’t hindi na Siya matinag dito at natatakan na. Kaya nga, matatatakan baga ang humiwalay na bayan ng Dios na nasa mga tahanan, hindi sa paghahayag ng literal na pangalan para sa Dios, kundi kapag tayo ay napatibay na sa katotohanan, na ganap na inilalarawan ang karakter ng Dios sa ating sariling buhay, hanggang sa hindi na tayo maibuwal. (tingnan ang SDA Bible Commentary, vol 4, p 1161, col 2, vol 7, p 970, col 1).

D. SINASABI NG PANATISISMO: Kapag ibinigay mo na ang iyong puso sa Dios at tunay na nahikayat, imposible na para sa iyo na mahulog sa ilalim ng tukso, lagi mo nang sasabihin na hindi na muling matutukso; na sinasabi na ikaw ay banal na at hindi na kailanman muling magkakasala sapagkat iingatan ka na ng Dios na bumagsak at magkasala. O kapag ikaw ay nahikayat na, ikaw ay natatakan na, at iingatan ka na ng Dios upang di na muling magkasala pa. O kapag pinili mo na na paglingkuran ang Dios, ay hindi ka na mamimili pang muli sapagkat iingatan ka na ng Dios mula sa pagkakasala, at ang lahat ng iyong iniisip, ginagawa, at pakiramdam ay magmumula na sa Dios mula sa panahon na iyon hanggang sa darating pang panahon.

Ang doktrinang ito ng minsang naligtas at palagi o mananatiling ligtas na mapandaya ngunit kaakit-akit na nadaramtan ay nag-aanyo bilang tunay na mensahe ng katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya ng ikatlong anghel, at dinadaya ang marami sa ating mga kapatid na pabaya!
Ang mga nanghahawak sa mapandayang aral na ito ay nagmumula sa hanay ng mga ministro at mga kaanib; mula sa mga indibidwal na nagsihiwalay at sa hindi; mula sa malalaking Ministry hanggang sa maliliit na pulutong na tumatakbo sa ilalim ng maraming iba’t ibang pangalan. Subalit ang pangunahing mensahe ng minsang nahikayat mananatiling hikayat o ligtas ay nananatiling ganoon pa rin, bagamat ang kanilang paraan ng pagtuturo at pangangaral ay magkakaiba. Walang iba kundi ang “banal na laman” ay nagbalik upang subukin at dayain ang hinirang ng Dios! At malinaw na binigyan tayo ng babala tungkol dito!
“Pagkatapos ng paglipas ng panahon noong 1844, hinarap namin ang iba’t ibang uri ng panatisismo. Ang mga patotoo ng pagsaway ay ipinagkaloob sa akin upang ibigay doon sa ilan na nanghahawak sa mga teorya ng espiritwalismo….Kabilang sa ilang pananaw na kanilang pinanghahawakan na yaong minsang napabanal ay hindi na maaaring magkasala pa. Ang kanilang maling aral ay gumagawa ng malaking kapinsalaan sa kanilang sarili at sa iba. Sila’y nagtatamo ng kapangyarihan ng espiritualismo mula doon sa mga taong hindi nakakakita ng kasamaan ng teoryang ito na nadaramtan ng maganda….Ang karanasan nang nakalipas ay mauulit. Sa hinaharap, ang mga pamahiin o teorya ni Satanas ay mag-aanyong bago. Ituturo ang mga kamalian sa paraang kaibig-ibig at kapuri-puri. Ang mga maling teorya, na nababalot ng mga damit ng kaliwanagan ay ituturo sa bayan ng Dios. Sa ganito sisikaping dayain ni Satanas kung maaari pati ang mga hirang. Ang labis na nakaaakit na impluwensiya ay gagamitin, ang mga pag-iisip ay mahihipnotismo.” Testimonies, vol 8, p 292-293.

“Kung yaong mga malayang nagsasalita ng tungkol sa kasakdalan sa laman ay makikita lamang ang mga bagay sa tunay na liwanag, sila’y uurong nang may pagkagimbal sa kanilang mapangahas na kuru-kuro. Sa pagpapakita sa kamalian ng kanilang palagay tungkol sa banal na katawan o laman, sinisikap ng Panginoon na hadlangan ang mga lalaki’t babae na magbigay ng kahulugan sa Kaniyang salita na mag-aakay sa karumihan ng katawan, kaluluwa at espiritu. Hayaan na ang bahagi ng doktrinang ito ay bahagya pang ipagpatuloy, at ito’y mag-aakay sa pag-aangkin na ang mga tumataguyod o naniniwala rito ay hindi na maaaring magkasala pa; na yamang sila ay mayroong banal na katawan o laman, ang lahat ng kanilang mga gawa ay banal. O anong pintuan ng tukso ang nabuksan dahil dito….
“Ang ilan na gumagawa sa kilusang ito ay nanumbalik sa kanilang matuwid na pag-iisip, at nakita ang kanilang kahibangan. Ang ilan ay dating mahusay, tapat na tao, subalit kanilang inisip na ang napabanal na katawan o laman ay hindi na magkakasala, kung kaya’t sila’y nadala sa bitag ni Satanas. Kanilang ipinagpatuloy ang kanilang matibay na paniniwala kung kaya’t sila ay naging kasiraan sa mahalagang gawain ng Dios…. Ang mga bagay na ito ay nagbigay ng kahihiyan sa kapakanan ng katotohanan, at humadlang sa proklamasyon ng huling mensahe ng awa sa sanlibutan.” Selected Messages, book 2, p 32, 34-35.

Maaabot ba ng bayan ng Dios, habang nasa makasalanang sanlibutang ito ang kalagayang banal na kung saan hindi na nila pipiliing magkasala, at hindi na kailanman sasabihin na hindi sa tukso, o hindi na kailanman muling makikipagpunyagi sa sarili?
“Ang pagpapakabanal ay hindi gawaing panandalian lamang, isang oras, isang araw, kundi panghabangbuhay. Ito ay hindi matatamo sa pamamagitan ng masayang damdamin, kundi ito ay bunga ng patuloy na pagkamatay sa kasalanan, at patuloy na pamumuhay para kay Cristo….Sa pamamagitan lamang ng mahaba, matiyagang pagsisikap, matinding disiplina, at mahigpit na pakikipagbaka na tayo ay makakapanagumpay. Hindi natin nalalaman sa isang araw kung gaano katindi ang ating magiging pakikipagbaka sa susunod. Habang naghahari pa si Satanas, mayroon tayong sariling dapat supilin, mga kasalanang dapat panagumpayan; habang tayo’y nabubuhay ay hindi tayo hihinto, walang panahon na kung saan titigil na tayo at sasabihing, ‘Ganap ko nang naabot o nakamit.’ Ang pagpapakabanal ay bunga ng habang buhay na pagsunod…magkakaroon ng patuloy na paghahangad na higit na mapalapit sa Dios, ng patuloy na maningas, bagbag na pusong pagsisisi ng kasalanan at pagpapakumbaba ng puso sa Kaniya.”  Acts of the Apostles, p 560-561.

“Walang bagay na gaya ng biglaang pagpapakabanal. Ito ay gawaing pang-araw-araw. Sabi ni Pablo, ‘Araw-araw akong namamatay.’ (1 Corinto 15:31). Siya’y tumatanggap ng pagkahikayat araw-araw sa Dios. Habang ipinapakita sa kanya ng katotohanan at ng Espiritu ng Dios ang mga kapintasan ng kaniyang pag-uugali, kaniyang itinatakwil ang kaniyang kamalian, namamatay sa sarili, at kaniyang nililinis ang kaniyang sarili ‘mula sa karumihan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan sa pagkatakot sa Dios.’ (2 Corinto 7:1). Higit na nagtatagumpay si Satanas kung kaniyang matatakpan ang mga isipan ng kunwaring relihiyoso’y banal na pagtatalaga na walang anumang bahagi sa kabanalang ipinakita sa Salita ng Dios.” Upward Look, p 231.

Samakatuwid, walang tunay na taga-sunod ni Cristo ang kailanman makapag-aangkin na sila’y banal na, o makapagsasabing ligtas na, o sigurado na sila’y wala nang kasalanan habang nasa masamang sanlibutang ito!
“Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, ay ating dinadaya ang ating sarili, at ang katotohanan ay wala sa atin.” 1 Juan 1:8.

“Walang sinuman, gaano man kasigasig ang kaniyang pagsisikap na gawin ang pinakamabuting magagawa niya, ang makapagsasabi na, ‘Wala akong kasalanan.’ Siya na magsasabi nito ay nasa ilalim ng mapanganib na daya.” Upward Look, p 53.

“Ang mag-angkin na walang kasalanan ay isang katibayan na ang gumagawa ng pag-aangking ito ay malayo sa pagiging banal….Habang lumalaki ang agwat sa pagitan ng kaniyang sarili at ni Cristo, at habang lalong nagkukulang ang kaniyang pagkaunawa sa banal na pag-uugali at kautusan, ay lalong higit na nagiging matuwid siya sa kaniyang sariling paningin.” Great Controversy, p 473.

“Yaong mga naghahangad na mapasakdal ang pag-uugaling Kristiyano ay hindi kailanman pagbibigyan ang kaisipan na sila ay walang kasalanan. Ang kanilang buhay ay maaaring walang maipipintas, maaari na sila ay mga buhay na kinatawan ng katotohanan na kanilang tinanggap; subalit habang lalo nilang dinidisiplina ang kanilang mga isipan na tumahan sa karakter ni Cristo, at habang lalo silang lumalapit sa Kaniyang banal na larawan, ay lalong nagiging malinaw na nakikilala nila ang walang-dungis nitong kasakdalan, at higit na malalim ang kanilang pagkadama ng sarili nilang kakulangan.
“Kapag inangkin ng mga tao na sila ay banal na, sila’y nagbibigay ng sapat na katibayan na sila ay napakalayo sa pagiging banal. Hindi nila nakikita ang sarili nilang kahinaan at kasalatan. Nakatingin sila sa kanilang sarili na waring inilalarawan si Cristo, sapagkat wala silang tunay na pagkakilala sa Kanya. Habag lumalayo ang agwat sa pagitan nila at ng kanilang Tagapagligtas, ay lalong nagmumukha silang matuwid sa kanilang paningin…
“Ang mga taong ito na nagpapanggap na napabanal ay hindi lamang dinadaya ang kanilang sariling mga kaluluwa sa pamamagitan ng kanilang pagkukunwari, kundi sila’y nagbibigay ng impluwensiyang magliligaw sa marami na masigasig na nagnanais na sundin ang kalooban ng Dios. Paulit-ulit silang maririnig na nagsasabi, ‘Inaakay ako ng Dios! Tinuturuan ako ng Dios! Ako ay nabubuhay na walang kasalanan!’ Marami sa lumalapit sa espiritung ito ay nasasagupa ang isang madilim, mahiwagang bagay na hindi nila maunawaan. Subalit iyon ay walang iba kundi ang kataliwas ni Cristo, ang natatanging tunay na huwaran….
“Walang gayong bagay na biglang pagpapakabanal. Ang tunay na pagpapakabanal ay gawaing pang-araw-araw, na nagpapatuloy habang nabubuhay. Yaong mga nakikipagbaka sa araw-araw na mga tukso, na pinapanagumpayan ang kanilang sariling hilig na makasalanan, at nagnanasa ng kabanalan ng puso at buhay, ay hindi gumagawa ng mayabang na pag-aangkin ng kabanalan. Sila’y patuloy na magugutom at mauuhaw sa katuwiran. Ang kasalanan ay makikita nilang labis na masama.
“Mayroon sa mga nag-aangkin ng kabanalan ang gumagawa ng pagpapanggap sa katotohanan, katulad ng kanilang mga kapatid, at napakahirap na gumawa ng pagkakakilanlan sa pagitan nila; gayon pa man, mahahayag din ang kaibahan. Ang patotoo noong mga nag-aangkin ng gayong mataas na karanasan ang magiging sanhi ng pag-alis ng matamis na Espiritu ni Cristo mula sa kapulungan, at mag-iiwan ng maginaw na impluwensiya doon sa naroroon, samantalang kung sila ay totoong nabubuhay na walang kasalanan, ang mismong presensiya nila ang magdadala ng mga banal na anghel sa mga pagpupulong, at ang kanilang mga salita ay tunay na ‘gaya ng mga mansanang ginto sa mga bilaong pilak’ (Kawikaan 25:11).” The Sanctified Life, p 7-10.

“Hindi tayo kailanman dapat tumigil sa kalagayang nasisiyahan na, at huminto sa paglago, na sinasabing ‘Ako ay ligtas na.’ Kapag ang paniniwalang ito ay pinahintulutan natin, ang mga hangarin para sa pagbabantay, pananalangin, at para sa maningas na pagsisikap na sumulong tungo sa mataas na matatamo ay mawawala. Walang napabanal na dila ang masusumpungang nagsasalita ng mga salitang ito hanggang dumating si Cristo, at tayo ay makapasok na sa mga pintuan ng syudad ng Dios.” Selected Messages, book 1, p 314.

Kung paanong totoo na walang anak ng Dios ang mag-aangkin na sila ay walang kasalanan, o sila ay banal na, o sila ay ligtas na, ngunit nananatiling totoo na dapat abutin ng lahat ng anak  ng Dios ang kalagayang ito na banal habang nandito sa lupa bago sila dalhin sa langit!
“Kinakailangan nating ipakita sa sanlibutan ang kagandahan ng kabanalan, at hindi tayo kailanman makakapasok sa mga pintuan ng syudad ng Dios hanggang sa maging sakdal ang ugali na katulad ng kay Cristo. Kung sa pagtitiwala sa Dios, tayo ay magsumikap para sa kabanalan, ito ay matatanggap natin.” Upward Look, p 99.

Nawa’y sikapin nating lahat, oras-oras, na itakwil ang mga kapintasan ng ating pag-uugali sa pamamagitan ng pagtingin sa ating Huwaran, na sinusuri ang ating mga buhay sa pamamagitan ng salita at kautusan ng Dios, at pinananagumpayan ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng dugo ng Kordero at ng salita ng ating patotoo, at huwag nating hayaan ang ating mga damdamin na maging gabay natin!
“Hindi ang iyong mga damdamin, ang iyong emosyon, ang gagawa sa iyo na maging anak ng Dios, kundi ang paggawa ng kalooban ng Dios.” Testimonies, vol 5, p 515.

“Marami ang gumagawa ng mabigat na pagkakamali sa kanilang relihiyosong buhay dahil sa pagtutuon ng kanilang pansin sa kanilang nararamdaman at dahil doo’y hinahatulan ang kanilang paglago o paghina. Ang pakiramdam ay hindi ligtas na pamantayan. Hindi tayo dapat tumingin sa loob para sa katibayan ng ating pagtanggap sa Dios.” Testimonies, vol 5, p 199.

E. SINASABI NG PANATISISMO: Inuutos ng Dios sa lahat ng Kaniyang mga anak na ibalik ang pangingilin ng mga araw ng kapistahan ng pamamalakad ng kabuhayan ng mga Judio noong una. Sa pagtanggi mo na iyon ay gawin, ikaw ay ibinibilang na isang maninira ng kautusan, at mawawalan ng buhay na walanghanggan.

Ang nandarayang panatisismong ito, na literal na pagsunod sa mga sinaunang mga araw ng kapistahan ng mga Judio ngayon, ang tumatangay palayo sa marami nating mga kapatid na nagsihiwalay. Ang hindi lubos na nauunawaan ng mga tumataguyod nito na sa pangingilin o pagsunod sa mga kapistahang ito ng mga Judio, ay kanilang itinatanggi o itinatakwil sa katotohanan si Cristo bilang kanilang Mesias at Manunubos! Bakit? Sapagkat si Cristo ang Pundasyon at Kinatawanan o Antitype ng buong pamamalakad ng kabuhayan ng mga Judio na mga paghahandog, seremonya, kapistahan, at iba pa. Ang ibalik ang pagsunod sa alinman sa mga ritwal nang una, ay inyong itinatakwil o itinatanggi na dumating na ang Katuparan o si Cristo!
Ang lahat ng mga uri o halimbawa ng kabuhayan ng mga Judio bilang anino ay patungkol kay Cristo. Nang Siya ay ipako sa krus noong 31 AD o “mahiwalay” sa kalahati ng huling sanglinggo ng 3 ½ taon (tingnan ang Daniel 9:27) pagkatapos Niyang simulan ang gawain ng Kaniyang ebanghelyo, nagtagpo ang halimbawa (type) at ang katuparan (antitype). Samakatuwid ipinatigil na ni Cristo ang pagsasakripisyo, paghahandog, mga kapistahan, at lahat ng mga halimbawa sa kabuhayan ng mga Judio upang hindi na literal na sundin at gawin.
Ang mga seremonya at halimbawang ito ay ipinagkaloob upang ituro tayo kay Cristo bilang ating Mesias. Subalit yamang dumating na si Cristo, at nagtagpo na ang halimbawa  at ang katuparan, ang mga halimbawang ito ay nag-aangkin lamang ng espiritwal na kahulugan, at hindi nag-uutos na literal na sundin; patuloy nitong ituturo tayo pabalik kay Cristo, subalit hindi tayo magkakasala kung hindi natin ito literal na sundin ngayon. At sinuman na tumatangkilik na dapat ibalik ng bayan ng Dios ang pangingilin ng alinman sa mga halimbawa ng ginagawa ng mga Judio, ay tinatanggihan sa katotohanan na dumating na si Cristo bilang Mesias, ang Katuparan ng lahat ng ginagawa ng mga Judio!
“Si Cristo ang saligan o pundasyon ng lahat ng ginagawa ng mga Judio, na siyang simbolong iniutos sa halimbawa para sa pananampalataya at pagsunod ng lahat ng mga tao.” Manuscript Release #499, p 1 (Manuscript 130, November 27, 1901).

“Dapat nating matutunan na ang buong ekonomiyang pang-Judio ay pinaikling hula ng ebanghelyo. Ito ang ebanghelyo sa kaanyuan…” Manuscript Release #313, p 1 (Manuscript 130, November 23, 1897).

“Hindi nila (mga Judio) nalirip na nagtagpo na ang halimbawa at ang simbolo sa kamatayan ni Jesu-Cristo….hindi nila makita ang sakdal na katuparan ng ekonomiyang pang-Judio, na itinatag at pinagtibay ni Cristo at pumapatungkol sa Kaniya bilang siyang diwa.” Fundamentals of Christian Education, p 398.

Naunawaan ni Cristo na Siya ang katuparan ng mga kapistahan ng mga Judio, at iba pa., at sa panahon ng kaniyang ministeryo, hindi na Niya ipinangilin ang marami sa mga kapistahan (tingnan ang Desire of Ages, p 450). Subalit si Cristo ay hindi mananalangsang ng kautusan, Siya ay “walang kasalanan” (Hebreo 4:15). At dahil si Cristo ang ating Huwaran at Halimbawa sa mga daan ng katuwiran, ay hindi rin naman ituturing ng Dios ang sinuman sa tunay na mga anak Niya na isang mananalangsang ng kautusan kung hindi nila ipangilin ang mga araw ng kapistahan!
Subalit, sinisikap ng ilan sa mga tumataguyod ng araw ng kapistahan na iugnay ang mga kapistahang araw ng sabbath sa Sabbath na ikapitong araw, na sinasabi na yamang patuloy tayong inuutusan na ipangiling banal ang ikapitong araw na Sabbath, ay dapat din nating ipangilin nang banal ang mga kapistahang araw ng Sabbath. Ngunit sa paghahambing sa dalawa ay mayroon lamang maliit na pagkakatulad.
Ang Sabbath na ikapitong araw ay nag-umpisa sa Eden bago ang kasalanan bilang bahagi ng hindi-nababagong kautusan ng Dios, at palaging pumapatak o nagaganap sa ikapitong araw. Habang ang kapistahang araw ng sabbath ay nagsimula lamang pagkatapos ng kasalanan bilang bahagi ng kautusan ng palatuntunan, at nagaganap anumang araw ng sanglinggo. Ang Sabbath na ikapitong araw ay isinulat sa bato ng sariling daliri ng Dios. Habang ang mga kapistahang araw ng sabbath ay isinulat sa tela, o papel, o balat, ng daliri ni Moises. Ang ikapitong araw ng Sabbath, kasama ng 9 na iba pang kautusan, ay inilagay sa kaban na direkta sa ilalim ng luklukan ng awa at ng kaluwalhatian at presensya ng anghel ng Dios sa itaas (tingnan ang Exodo 30:5, 40:20), na ipinahihiwatig na sila’y permanenteng ipatutupad at hindi mababago. Habang ang mga kapistahang araw ng sabbath ay inilagay sa tabi ng kaban (tingnan ang Deutronomio 31:26), na nanganghulugan na pansamantala lamang silang ipatutupad hanggang maganap ang kanilang layunin. Sa ikapitong araw ng Sabbath ay walang paglulutong magaganap, kundi ang lahat ng pagkain ay dapat nang ihanda at iluto sa ikaanim na araw o sa araw ng paghahanda (tingnan ang Exodo 16:33). Habang sa mga kapistahang araw ng sabbath ay maaari kang maghanda at magluto ng iyong pagkain (tingnan ang Exodo 12:14-20). At sa ikapitong araw ng Sabbath, walang gawaing dapat gawin – maging ang pamumulot ng kahoy o patpat ay hindi dapat tipunin para sa paghahanda ng pagkain (tingnan ang Bilang 15:32-36). Samantalang ang mga kapistahang araw ng sabbath ay maaaring gumawa ng pamumulot ng iba’t ibang sanga ng puno (sa panahon ng kapistahan ng mga tabernakulo) upang makapagtayo ng mga balag upang maging kanlungan (tingnan ang Leviticus 23:39-42).
Kaya’t mayroong malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng hindi nababagong ikaapat na utos ng Dios na ingatang banal ang ikapitong araw ng Sabbath, at ang pansamantalang mga kapistahang araw ng sabbath ng kautusang palatuntunan na halimbawa at anino lamang. Ang ikapitong araw ng Sabbath ay hindi kailanman halimbawa o anino (tingnan ang Patriarchs and Prophets, p 48), at hindi ipinako sa krus (tingnan ang Early Writings, p 33). Subalit ang mga kapistahang araw ng sabbath, pati na ang lahat ng iba pang halimbawa ng ekonomiyang pang-Judio ay anino lamang at ito’y ipinako na sa krus (tingnan ang Colosas 2:16).
Subalit sasabihin ng iba na sinasabi ni Pablo na, “ipangilin natin ang pista” (1 Corinto 5:8). Ngunit papaano sinabi ni Pablo na ipangilin ito? Nang literal o espiritwal? Hindi ito maaaring ipangilin nang literal sapagkat siya’y nagpatuloy, “ni sa lebadura man ng masamang akala at ng kasamaan, kundi sa tinapay na walang lebadura ng pagtatapat at ng katotohanan.”
Pagkatapos kanilang sasabihin na isinulat  daw ni Sister White na makabubuti para sa bayan ng Dios sa kasalukuyang panahon na magkaroon ng kapistahan ng tabernakulo (tingnan ang Patriarchs and Prophets, p 540). Ngunit iminumungkahi ba niya ang literal na pangingilin ng araw ng kapistahan nito? Hindi. Ang kahulugan ng patotoo ay hindi ibig sabihin na ibabalik na natin ang literal na pangingilin ng mga lumang kapistahan, kundi nakasentro sa malaking kapakinabangang natanggap ng mga anak ni Israel sa pamamagitan ng pakikisama sa panahon ng mga kapistahan. Sinabi niya:
“Tatanggap tayo ng kalugihan kapag pinabayaan natin ang pribilehiyo ng pagsasama-sama upang mapatibay at mapalakas ang bawat isa sa paglilingkod sa Dios at hihina tayo sa espiritwalidad.” Patriarchs and Prophets, p 540-541.

Hindi itinataguyod ni Sister White ang literal na pangingilin ng mga araw ng kapistahan, kundi iminumungkahi na hindi natin dapat pabayaan ang ating pagkakatipon sa iba pang mga araw maliban sa araw ng Sabbath upang makatanggap tayo ng ganoon ding pagpapala na tinanggap ng dating bayan ng Dios nang sila ay nagtitipong magkakasama. Iyan ang dahilan kung bakit sinabi niya na ang mga banal na pagtitipon na dapat daluhan ng bayan ng Dios ngayon ay hindi ang mga literal na pagtitipon o kapistahan ng lumang Israel, kundi ang mga pagpupulong o camp meeting (tingnan ang Testimonies, vol 6, p 38-40). Samakatuwid, ang sama-samang pagtitipon ng Iglesya sa Tahanan ng Dios sa mga pagpupulong ang siyang sinisimbilohan ng pagtitipon ng naunang bayan ng Dios sa mga araw ng kapistahan!
Sa panahon ni Pablo, sinasabi ng mga maka-Judio na mga kapatid na kailangang ipagpatuloy ang pangingilin ng mga naunang halimbawa at dapat na tuliin upang maging mga anak ng Dios (tingnan ang Gawa 15:24). Ang mga panatikong ito ay napakaraming katibayan sa Lumang Tipan na magpapatibay sa kanila, gayunpaman sila’y nagkakamali at itinatanggi si Cristo bilang Mesias o ang Katuparan. At ngayon, mayroon pa ring maka-Judiong mga kapatid  na ipinipilit sa bayan ng Dios ang pangingilin ng mga naunang halimbawa, bagama’t hindi nila ipinipilit ang halimbawa ng pagtutuli kundi ang halimbawa ng mga araw ng kapistahan, upang maging mga anak daw ng Dios. Bagama’t ang mga panatikong ito ay napakaraming katibayan sa Lumang Tipan na magpapatibay sa kanila, subalit sila’y nagkakamali, at kanilang itinatanggi si Cristo bilang Mesias o ang Katuparan.
“Marami sa panahon ni Pablo ang patuloy na tumatalakay sa pagtutuli, at sila’y nagpapakita ng maraming katibayan mula sa Biblia upang ipakita ang obligasyon nito sa mga Judio; subalit ang aral na ito ay walang maibubunga sa panahon ngayon; sapagkat si Cristo ay namatay na sa krus ng Kalbaryo, at ang pagtutuli sa laman ay wala nang anupamang halaga. Ang tipikal na paglilingkod at ang mga palatuntunang nakaugnay dito ay pinawi na sa krus. Ang dakilang simbolo ng Kordero ng Dios ay naging handog para sa nagkasalang tao, at ang anino ay natapos na nang dumating ang katawan. Sinisikap na akayin ni Pablo ang mga isipan ng mga tao sa dakilang katotohanan para sa kasalukuyan; subalit ang mga taong ito na nag-aangking mga taga-sunod ni Jesus ay buhos na buhos ang isip sa pagtuturo ng mga tradisyon ng mga Judio at ng obligasyon ng pagtutuli.” SDA Bible Commentary, vol 6, p 1061, col 2.

At maaari nating sabihin sa modernong mga judio na ito na nangingilin ng mga araw ng kapistahan ang gayunding mga salitang sinabi ni Pablo sa mga judio sa kaniyang panahon; na habang ipinapangilin natin yaong mga lumang halimbawa at palatuntunan, “ay wala kayong mapapakinabang na anoman kay Cristo” (Galacia 5:2).
“Sinasalungat ng mga Judiong tagapagturo ang gawain ng Apostol (Pablo), at sinisikap na wasakin ang bunga ng kaniyang paggawa….
“Dahil doon, ang mga emisaryo ng mga Judio ay nagtagumpay sa paglalayo ng kalooban ng marami sa mga Kristiyanong mananampalataya mula sa kanilang mga tagapagturo ng ebanghelyo. Sa pagtatamo nito, kanilang hinikayat sila na magsibalik sa pangingilin ng mga kautusan ng palatuntunan bilang kinakailangan sa kaligtasan….Si Cristo, ang tunay na saligan, ay totoong itinakwil para sa mga seremonya ng mga Judio na lumipas na.” Sketches from the Life of Paul, p 188-190.

Kaya nga, kung sinuman ngayon ang nangingilin ng mga kapistahan, ay wala kayong mapapakinabang na anoman kay Cristo. Hindi lamang ito, kundi ang mga espiritwal ninyong paglilingkod ay lantarang paghamak at insulto sa Dios!
“…Pinalaya na ni Cristo ang Kaniyang mga disipulo mula sa mga alalahanin at pasanin ng lumang tungkulin ng mga Judio sa mga seremonya. Ang mga ito ay hindi na nagtataglay ng anumang halaga; sapagkat nagtagpo na ang anino at katawan sa Kaniyang sarili, ang kapamahalaan at saligan ng lahat ng mga palatuntunan ng mga Judio…
“Hangarin ni Cristo na iiwan sa Kaniyang mga disipulo ang isang ordinansang gagawa sa kanila ng mga mahahalagang bagay na kanilang kinakailangan--na magsisilbi upang magkalag sa kanila mula sa mga ordinansa at seremonya na hanggang ngayon ay itinuturing nilang mahalaga, at kung saan ang pagtanggap ng ebanghelyo ay wala nang anumang bisa sa kanila. Ang ipagpatuloy ang mga ordinansa o seremonyang ito ay magiging isang paghamak kay Jehoba.” SDA Bible Commentary, vol 5, p 1139-1140.

Tayo ay nasa pagiging bihag at estranghero sa sanlibutang ito hanggang sa pagdating ni Cristo at sa pagdating Niya ay Kaniyang palalayain tayo, dadalhin tayo sa langit, at pagkakalooban tayo ng bagong lupa pagkatapos na ang masasama ay mapuksa sa pamamagitan ng naglilinis na apoy ng Dios. Noong una, ang mga Judio ay hindi makapangilin ng mga kapistahan habang nasa ilalim ng pagkabihag, subalit muling ipinangilin ang mga ito pagkatapos na sila ay maging malaya at naroon sa kanilang lupang pangako. Gayundin naman sa atin ngayon!
“Sa panahon ng pagkabihag ng mga Judio, ang mga ito (mga araw ng kapistahan) ay hindi nila maaaring maipagdiwang; subalit nang ang bayan ay maihatid na sa kanilang sariling lupain, ang pangingilin ng mga palatuntunan o alaalang ito ay muling nagpasimula.” Desire of Ages, p 447.

Gayundin naman, wala sa mga kapistahan ng mga Judio ang magkakasabay, kundi naganap sa sarili nilang panahon at lugar. At dahil tayo ay nasa anti-tipikal na araw ng pagtubos, walang anumang ibang kapistahan ang maaaring gawin hanggang sa ang panahong ito ay matapos. Ang ipangilin ang anumang ibang kapistahan sa panahong ito ng anti-tipikal na araw ng pagtubos ay inyong itinatakwil na si Cristo ay kasalukuyang nasa Kabanalbanalang Dako na tumutubos sa ating mga kasalanan!
Aming hinihimok ang bawat isa sa ating mga kapatid na nagsihiwalay na huwag nang paalipin pa sa alinman sa mga halimbawa ng relihiyon ng mga Judio, at dahil doo’y mahadlangan ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ni Cristo. Kundi maging malaya kay Jesu-Cristo – ang Katuparan – at tayo’y gumawa upang ipalaganap ang tunay na ebanghelyo at mapadali ang pagdating ng ating Tagapagligtas at nang sa gayon tayo ay makauwi na!
“Ang ilan sa iglesya ay patuloy pa ring nagpupumilit na itulad ang Kristiyanismo ayon sa lumang tradisyon at palatuntunan na pinawi na sa kamatayan ni Cristo….Kanilang nakita na sila ay nagapos ng mga kaugalian at tradisyon ng mga Judio, kung kaya’t ang Gawain ng rbanghelyo ay labis na nahadlangan…” Sketches from the Life of Paul, p 211.

F. SINASABI NG PANATISISMO: Ang mga hula ukol sa panahon ng Daniel at Apokalipsis ay may modernong aplikasyon o katuparan sa hinaharap.

Karamihan sa modernong teorya na ito patungkol sa panahon ay nakapaloob ang muling aplikasyon o paggamit ng natupad nang hula ukol sa panahon na masusumpungan sa Daniel at Apokalipsis – partikular ang mga taon ng 1260, 1290, 1335, at maging ang 2300 na mga taon. Sinasabi ng mga modernong nagtatakda ng panahon na ang pagkakasunod-sunod ng mga nabanggit na hula tungkol sa kapanahunan ay hindi na bibilangin sa taon, kundi araw na ngayon. Kung kaya’t napakaraming magkakasalungat, nakakalito at pabagu-bagong teorya ng pagkakasunod-sunod ng panahon ang nabubuo at iginigiit sa mga anak ng Dios na nasa mga Iglesya sa Tahanan.
Ang kalimitang iniuugnay sa modernong aplikasyon ng malinaw na hula ukol sa panahon ay ang iba’t ibang mga pangyayari na inihulang magaganap bago dumating si Jesus. At para bagang mayroong hindi matapos na pagnanasa at kasigasigan upang makabuo ng ilang teorya o tsart na nagtuturo ng araw, o linggo, o buwan, o taon, o tala ng lahat ng mga pangyayaring magaganap. Mula sa mga lindol at pagkawasak; kung kailan mangyayari ang Kagalakan o Katuwaan (Jubilee); hanggang sa pagsasara o pagtatapos ng palugit na panahon sa iba’t ibang grupo. Mula sa kung kailan nagpasimula ang pagbuhos ng huling ulan; kailan malilipat ang paghatol mula sa mga patay patungo sa buhay; o kailan maririnig ang tinig ng Dios na magliligtas sa mga banal; hanggang sa araw, buwan, o taon kung kailan darating si Cristo; atbp.
Hindi pinagtitibay ng Biblia at ng Espiritu ng Hula ang alinman sa mga modernong teoryang ito na ukol sa panahon na bumangon at patuloy na babangon. Kundi malinaw na konokondena ng salita ng Dios ang lahat ng ganoong paniniwala na maling aral at panatisismo!
Mula pa noong Oktubre 22, 1844 hanggang ngayon, walang sinuman ang makapaghuhula, o makapagsasabi sa anumang paraan ng panahon o petsa (araw, buwan, o taon) kung (1) kailan magaganap ang pagbuhos ng Banal na Espiritu; o (2) kailan malilipat ang paghatol mula sa patay patungo sa buhay; o (3) kailan matatapos ang mensahe ng pangkasalukuyang katotohanan; o (4) kailan magsasara ang palugit na panahon para sa iglesya at sa sanlibutan! O walang sinuman ang makapagsasabi (5) na ang pagdating ni Cristo ay hindi mangyayari sa 1, 2, 5 o higit pang taon sa hinaharap. Samakatuwid, (6) walang paghahayag o pagtatakda ng panahon—sa hula man o literal na aplikasyon—sa mensaheng buhat sa Dios mula pa noong 1844. At sinumang masumpungang nangangaral ng panahon (sa hula man o literal) para sa alinman sa binabanggit na pangyayari, ay isang bulaang propeta (tingnan ang Testimonies, vol 4, p 307-308); direktang sangkot sa panatisismo (tingnan ang Selected Messages, book 2, p 84), at gumagawa ng gawain ni Satanas na paghahatid ng kaguluhan at kadiliman sa loob ng hanay ng mga anak ng Dios sa Iglesya sa Tahanan (tingnan ang Early Writings, p 75)! At aming binabalaan ang lahat ng tunay na anak ng Dios na (7) mag-ingat sa anumang gayong uri ng mensahe ngayong panahon, sapagkat (8) wala nang anumang mensaheng buhat sa Dios na nakabase sa panahon buhat pa noong 1844, sapagkat ang panahon ay hindi na kailanman magiging subukang muli!
1. –  “Kung tayo lamang ay lalago sa espiritwal na kaalaman, makikita natin ang katotohanan na lumalaki at lumalawak sa mga hanay na hindi natin iniisip, subalit hindi ito kailanman lalago sa alinmang hanay na mag-aakay sa atin na isipin na maaari nating malaman ang mga panahon o mga bahagi ng panahon na itinakda ng Ama sa Kaniyang sariling kapamahalaan. Paulit-ulit akong binabalaan tungkol sa pagtatakda ng panahon. Hindi na magkakaroon pang muli ng mensahe para sa bayan ng Dios na nakabatay sa panahon. Hindi ukol para sa atin na malaman ang tiyak panahon…para sa pagbuhos ng Banal na Espiritu…” Selected Messages, book 1, 188.

“Hindi ko masasabi ang tiyak na panahon kung kailan magaganap ang pagbuhos ng Banal na Espiritu--kapag bumaba ang makapangyarihang anghel buhat sa langit, at makiisa sa ikatlong anghel sa pagsasara ng gawain para sa sanlibutang ito…” SDA Bible Commentary, vol 7, p 984, col 2.

2. – “Ang paghuhukom ay ginagawa ngayon sa santuaryo sa itaas. Sa loob ng maraming taon ay ipinagpapatuloy ang gawaing ito. Sandali na lamang--walang nakaaalam na sinuman kung kailan--at ito’y darating sa mga kabuhayan ng mga nangabubuhay.” Great Controversy, p 490.

3. – “Ipinakita sa akin ng Panginoon na ang pabalita ng ikatlong anghel ay kinakailangang marinig, at ipahayag sa nagkalat na mga anak ng Panginoon, subalit hindi ito dapat iasa sa panahon. Nakita ko na ang ilan ay nagkakaroon ng maling kasigasigan, na bumabangon sa pagtuturo ng panahon; subalit ang pabalita ng ikatlong anghel ay higit na malakas kaysa sa magagawa ng panahon. Nakita ko na ang mensaheng ito ay makatatayo sa sarili nitong pundasyon at hindi na kinakailangan ang panahon upang patibayin ito; at ito ay susulong sa dakilang kapangyarihan, at gagampanan ang kaniyang gawain, at matatapos nang madali sa katuwiran.” Early Writings, p 75.

“Hindi inihayag sa atin ng Dios ang panahon kung kailan magsasara o matatapos ang mensaheng ito (ng ikatlong anghel)…Yaong mga bagay na inihayag ay dapat nating tanggapin para sa ating sarili at para sa ating mga anak; subalit huwag na nating hangaring maalaman yaong pinanatiling lihim sa mga konseho ng Makapangyarihan.” Review and Herald, October 9, 1894 (vol 3, p 191-192).

4. – “Kapag natapos na ang palugit na panahon, ito ay darating na bigla, di-inaasahan--sa panahong hindi inaakala.” SDA Bible Commentary, vol 7, p 989.

“Dumating ang mga sulat sa akin na tinatanong ako kung mayroon akong anumang espesyal na liwanag kung kailan matatapos ang palugit na panahon; at sumagot ako na ito lamang ang mensaheng dapat kong sabihin, na ngayon ang panahong dapat gumawa samantalang may araw pa, sapagkat dumarating ang gabi kung saan walang sinumang tao ang makagagawa. Ngayon, totoong ngayon nga ang panahon para sa atin na magbantay, gumawa, at maghintay….
“Ngunit walang utos sa kaninuman na saliksikin ang mga Kasulatan para lamang alamin, kung maaari, kung kailan matatapos ang palugit na panahon. Ang Dios ay walang gayong mensahe para sa kaninumang labing makasalanan. Hindi Niya ipinahintulot sa makasalanang dila na ipahayag yaong ikinubli Niya sa Kaniyang lihim na konseho.” SDA Bible Commentary, vol 7, p 989-990.

“Malinaw kong sinasabi…sa grupong ito ng mga panatiko na kanilang ginagawa ang gawain ng kaaway ng mga kaluluwa; sila’y nasa kadiliman. Sila’y nag-angkin na mayroong dakilang liwanag, na ang palugit na panahon ay nagtapos noong Oktubre, 1844.
“Kaya’t dito’y sinabi ko sa madla na nalugod na ipakita sa akin ng Panginoon na hindi magkakaroon ng tiyak na panahon sa mensaheng ipinagkaloob ng Dios simula pa noong 1844; at nalalaman ko na ang mensaheng ito, na mayroong apat o lima na masigasig na nanghahawak dito, ay mali. Selected Messages, book 2, p 73.

5. – “Wala sa kalooban ng Dios na ang sinumang makasalanang tao ay makaalam, sa pamamagitan ng anumang paraan o pagbilang upang makabuo siya ng larawan, o simbolo, o halimbawa, sa anumang katiyakan hinggil sa takdang panahon ng pagparito ng Panginoon.” Manuscript 8, 1891.

“Ang Kaniyang mga tagasunod (ni Cristo) ay dapat nasa kalagayan noong mga nakikinig sa mga utos ng kanilang Pinuno; dapat silang magbantay, manalangin, at gumawa, habang nalalapit sila sa panahon ng pagdating ng Panginoon; subalit walang sinuman ang makahuhula kung kailan darating ang panahong iyon; sapagkat ‘tungkol sa araw at oras na yaon ay walang makaaalam.’ Hindi mo maaaring sabihin na Siya ay darating sa isa, dalawa, o limang taon, ni hindi mo rin dapat ipalagay ang Kaniyang pagdating sa pagsasabi na hindi na aabutin ng sampu o dalawampung taon.” Evangelism, p 221.

“Ang mga taong ito’y para bagang nakatitiyak na sila ay inaakay ng Dios, at sila ay nagsasama sa iba’t iba nilang kuru-kuro upang gumawa doon sa mga nangangaral ng katotohanan. Sinasabi ko sa mga ministrong ito, ‘Ang Panginoon ay wala sa mga ito; huwag kayong padaya, ni huwag ninyong kunin ang katungkulan na mandaya ng iba.’… Sa panulat at sa tinig ay aking ibinibigay ang mensahe, ‘Huwag kayong magsisunod sa kanila.’…Ang salita ng Panginoon sa akin ay, ‘Hindi ito katotohanan, kundi ito’y mag-aakay sa di-kilalang landas, at ang ilan ay maguguluhan sa representasyon na ito, at kanilang isusuko ang pananampalataya.’…
“Walang sinuman ang may tunay na mensahe na itinatakda ang panahon kung si Cristo ba ay darating o hindi. Makatitiyak kayo na hindi nagbigay ang Dios sa kaninuman ng kapangyarihan na magsabi na inantala ni Cristo ang Kaniyang pagdating ng limang taon, sampung taon, o dalawampung taon. ‘Kayo'y magsihanda naman; sapagka't paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip’ (Mateo 24:44). Ito ang mensahe natin, ang siyang mensaheng ipinapahayag ng tatlong anghel na lumilipad sa gitna ng langit. Ang gawaing dapat gawin ngayon ay ipangaral ang huling pabalita ng awa na ito sa nabagsak na sanlibutan.” Selected Messages, book 2, p 113-114.
(PUNA: kung muli nating gagamitin ang mga panahong inihula na mga taon ng 1260, o 1290, o 1335, o 2300 at sasabihin na ito’y kumakatawan sa mga araw at ilalagay ito sa hinaharap, ay ating inilalagay mula ngayon ang pagdating ni Cristo na 3 ½ taon o mahigit pa na darating! Dahil dito’y ipinapakita natin na tayo ay hindi tunay na tagasunod ng Dios, kundi mga tamad na alipin at panatiko!)

“Tayo ay malapit na sa kawakasan, ngunit kung kayo o sinumang tao ay mahikayat ng kaaway, at maakay na magtakda ng panahon para sa pagdating ni Cristo, ay kaniyang gagawin ang kaparehong masamang gawain na nagbunga ng kapahamakan ng mga kaluluwa noong nagsigawa nito sa nakalipas….Subalit ang sinuman na magsisimulang mangaral ng mensahe na maghahayag ng oras, araw, o taon ng pagpapakita ni Cristo ay pinapasan ang isang pamatok at ipinapangaral ang mensahe na kailanman ay hindi ibinigay ng Panginoon sa kaniya.” Testimonies to Ministers, p 60-61.

6. – “…Nakita ko na hindi tayo dapat magkaroon ng panibagong tiyak na panahon na ituturo sa mga tao….
“Ang mga tagapagtakda ng panahon ay ipinapahayag ang sumpa ng Panginoon sa akin bilang hindi mananampalataya na nagsabi, magtatagal ang aking Panginoon….Simula pa noong 1844 ay ibinigay ko ang aking patotoo na tayo ngayon ay nasa kapanahunan na kinakailangang mag-ingat sa sarili baka ang ating mga puso ay mangalugmok sa katakawan at sa paglalasing, at sa pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa atin ang araw iyon na gaya ng silo. Ang ating posisyon ay isang buhay na naghihintay at nagbabantay, na walang mamamagitan na pagpapahayag ng panahon sa pagitan ng pagtatapos ng inihulang panahon noong 1844 hanggang sa panahon ng pagdating ng ating Panginoon….Kung ako’y nagkulang na gawing malinaw ang bagay na ito na nais mong maunawaan, ay sumulat kang muli sa akin at ako ay magsisikap na gawin ang bawat bahagi na malinaw.” Manuscript Release #816, p 5-7 (Letter 38, August 11, 1888).

“Ang Kasulatan ay totoong lahat, subalit sa pamamagitan ng maling paggamit ng Kasulatan ang tao ay dumarating sa maling konklusyon…Kukunin ng ilan ang katotohanang para sa kanilang panahon at ilalagay ito sa hinaharap. Ang mga kaganapan sa hanay ng mga hula na matagal nang natupad sa nagdaan ay ginagawang panghinaharap, at dahil dito sa pamamagitan ng mga teoryang ito, ang pananampalataya ng ilan ay napahihina.” Manuscript Releases, book 1, p 195 (manuscript 31, November 8, 1896).

“Ang mga hulang natupad ay naging mga katotohanan ng kasaysayan, na malinaw na ipinapaliwanag ang ating katayuan.” Review and Herald , November 29, 1881 (vol 1, p 297, col 3).

“Ang mga hindi pa nagaganap na hula ng aklat ng Apokalipsis ay malapit nang matupad.” Notebook Leaflets, p 96.

7. – “Mangag-ingat ang lahat ng ating mga kapatid na lalaki at babae sa sinuman na magtatakda ng panahon para sa Panginoon upang tupdin ang Kaniyang salita na may kinalaman sa Kaniyang pagdating, o may kinalaman sa alinmang pangakong Kaniyang ginawa na may espesyal na kahalagahan. ‘Hindi ukol sa inyo ang pagkaalam ng mga panahon o ng mga bahagi ng panahon, na itinakda ng Ama sa kaniyang sariling kapamahalaan.’ Ang mga bulaang tagapagturo ay magmumukhang tila napakasigasig sa gawain ng Dios, at maaaring gumugol ng salapi upang dalhin ang kanilang mga teorya sa sanlibutan at sa iglesya; subalit habang kanilang inihahalo ang kamalian sa katotohanan, ang kanilang mensahe ay isang pandaya, at mag-aakay sa mga kaluluwa sa maling mga landas. Sila ay dapat harapin at labanan, hindi dahil sa sila ay masasamang tao, kundi dahil sa sila ay mga tagapagturo ng kabulaanan at mga nagsisikap na ilagay sa kasinungalingan ang tatak ng katotohanan.” Testimonies to Ministers, p 55.

8. – “Ang mga panahon o mga bahagi ng panahon ay itinakda ng Dios sa Kaniyang sariling kapangyarihan. At bakit hindi ibinigay ng Dios sa atin ang kaalamang ito?--Sapagkat maaaring hindi natin ito magamit ng tama kung Kaniyang ginawa ito. Isang kondisyon ng mga bagay ang maaaring maging bunga sa gitna ng ating mga kapatid mula sa pagkaalam nito na labis na magpapabagal sa gawain ng Dios sa paghahanda sa mga tao na tumayo sa dakilang araw na darating. Hindi tayo dapat maging abala sa mga hala-haka tungkol sa mga panahon o mga bahagi ng panahong hindi inihayag ng Dios. Sinabihan ni Jesus ang Kaniyang mga disipulo na ‘mangagbantay,’ ngunit hindi para sa tiyak na panahon.” Selected Messages, book 1, p 189.

“Ang panatisismo na kinahibangan sa nagdaang mga taon ay nag-iwan ng malulungkot na bunga… Nakita ko na sinubok ng Dios ang Kaniyang bayan tungkol sa panahon noong 1844, subalit wala nang panahonng itinakda buhat noon ang nagdala ng espesyal na bakas ng Kaniyang kamay. Hindi na Niya sinubok ang Kaniyang bayan sa anumang particular na panahon mula noong 1844. Tayo ay nananatili at patuloy na mananatili sa panahong naghihintay nang may pagtitiis.” Testimonies, vol 1, p 409.

“Ang panahon ay hindi na naging subukan pa buhat noong 1844, at ito’y hindi na kailanman magiging subukan pa.” Early Writings, p 75.

“Hindi tayo kabilang noong pulutong na itinatakda ang eksaktong haba ng panahon na lilipas bago ang pagdating ni Jesus sa ikalawang pagkakataon na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” Fundamentals of Christian Education, p 335.

Hindi na magkakaroon pa ng anumang mensaheng buhat sa Dios na nakabatay sa panahon mula 1844 hanggang sa pagdating ng ating Panginoon. Subalit may itinakdang panahon na kung saan tatapusin ng Dios ang Kaniyang gawain. Ngunit kailan ang panahon na iyon?
“Sa inyo, bilang mga lingkod ng Dios, ipinagkatiwala ang pabalita ng ikatlong anghel, ang pagtapos ng mensahe, na iyon ay ang ihanda ang mga tao para sa pagdating ng ating hari. Ang panahon ay maikli na.” Manuscript 53, June 11 1909 (Review and Herald, November 25, 1909 (vol 5, p 561, col 1).

“Ang pabalita ng ikatlong anghel ay dapat ipangaral ng bayan ng Dios. Ito ay dapat isigaw ng malakas. Ang Panginoon ay may itinakdang panahon na kung saan Kaniyang tatapusin ang gawain; subalit kailan ang panahong iyon? Kapag ang katotohanang ipinahayag para sa mga huling araw na ito ay humayo bilang mga saksi sa lahat ng mga bansa, kung magkagayo’y darating ang wakas. Kung ang kapangyarihan ni Satanas ay dumating sa pinakatemplo ng Dios at manipulahin ang mga bagay na kaniyang naisin, ang panahon nga ng paghahanda ay tatagal pa. Letter 83, 1896 (Publishing Ministry, p 389-390).

Yamang walang mensahe na ukol sa panahon na dapat nating hintayin, at dapat tayong maging handa ngayon na inihahanda at pinagniningas ang ating mga ilawan, ay ano nga ang ating pananagutan at tungkulin sa Dios na dapat nating gampanan, at nang sa gayo’y makatulong tayo sa pagtapos sa dakilang labanang ito?
“Nasa atin ang katotohanan, na sa pagpapahayag nito ay siyang maghahatid ng krisis para sa kasaysayan ng sanlibutang ito.” Letter 94, July 3, 1900 (Last Day Events from the Letters and Manuscripts of E.G. White, p 190).

Hindi na dapat hintayin ng bayan ng Dios na dumating ang batas ukol sa Linggo bago natin ipangaral ang mensahe. Kundi dapat tayong bumangon at ipangaral ang mensahe ngayon, na siyang maghahatid sa krisis ng batas ng Linggo! Nais ni Satanas na maupo lamang ang bayan ng Dios at walang gawin; nais niya na huwag nating ipangaral ang katotohanan hanggang sa hinaharap na panahon. Subalit nasa atin ang katotohanan ngayon na sa pagpapahayag nito ay siyang magdadala ng krisis para sa kasaysayan ng sanlibutang ito. At ang sinuman na muling gagamit sa alinman sa mga inihulang panahon ng mga taon ng 1260, 1290, 1335, 2300, o ang 150 mga taon o 391 na mga taon at ang 15 araw ng Apokalipsis 9; o ang 3 ½  mga taon ng Apokalipsis 11; o ang panahon ng mga Hentil ng Lukas 21; o ang Araw ng Pagsasaya o Katuwaan (Jubilee); o anumang iba pang kuru-kuro na may panahong nakaugnay dito, ay nalinlang ng Diablo at sangkot sa panatisismo. At nawa’y tumanggi ang ating mga kapatid na makinig at maglaan ng panahon sa gayong mensahe, upang ito ay madaling mamatay dahil sa kawalan ng interes dito!

G. SINASABI NG PANATISISMO: Kalooban ng Dios na isangkot ng Kaniyang mga Kristiyanong anak ang kanilang sarili sa mga kilusan o grupong pampulitika upang subukin at pabagsakin yaong mga gumagawa o nagsusulong sa Bagong Kaayusang Pangsanlibutan. O yaong mga tumataguyod na ang bayan ng Dios ay dapat magdala o gumamit ng baril o iba pang sandata ng tao upang maipagtanggol ang kanilang sarili o ang kanilang pamilya laban doon sa mga pumapanig sa Bagong Kaayusang Pangsanlibutan.

Maaaring madama ng mga hindi kristiyano na kinakailangan nilang maging bahagi o sangkot sa mga kilusang pampulitika, o magdala o gumamit ng mga sandata upang maipagtanggol ang kanilang sarili. Subalit ang paniwalaan na ang mga Kristiyano ay kinakailangang maging aktibo sa anumang bagay na may kinalaman sa pulitika, o may kinalaman sa pagtatanggol sa kanilang sarili o sa iba ng baril at ng iba pang literal na sandata, ay labag sa kalooban ng Dios at laban sa kahulugan ng pagiging Kristiyano!
Ang lahat ng mga anak ng Dios ay inihalintulad sa pagiging embahador o sugo para kay Cristo (tingnan ang 2 Corinto 5:20). Bilang mga embahador o sugo, ang kanilang interes ay nakasentro sa, at sila ay mga kinatawan ng, makalangit na kaharian ng katuwiran. Ang mga embahador mula sa ibang Bansa ay hindi kailanman isinasangkot ang kanilang sarili sa pampulitikang kapakanan ng kanilang kinakatawanang bansa. Kung magkagayon, hindi din dapat maging sangkot ang sinumang tunay na Kristiyano sa kapakanang pampulitika ng Bansa na kanilang tinatahanan sapagkat sila ay mga embahador na kumakatawan kay Cristo at sa kaharian ng langit!
“…[Ang bayan ng Dios] ay hindi malaya na makiisa na gawing malinaw ang kanilang masamang palagay para o laban sa mga pulitikong tao o hakbang pampulitika, sapagkat sa paggawa niyaon ay kanilang ginigising ang mga isipan ng iba, na umaakay sa bawat isa na itaguyod ang kani-kaniyang paboritong opinyon. Mayroong ilan sa gitna noong mga nagpapanggap na naniniwala sa pangkasalukuyang katotohanan na nasusulsulan na ipahayag ang kanilang mga pananaw at kuru-kurong pampulitika, nang sa gayon ay maipasok ang pagkakabaha-bahagi sa iglesya.
“Nais ng Panginoon na ibaon ng Kaniyang bayan ang mga usaping pampulitika. Sa paksang ito, ang pagsasawalang-kibo o pananahimik ay kagalingan. Nanawagan si Cristo sa Kaniyang mga tagasunod na magkaisa sa dalisay na mga prinsipyo ng ebanghelyo na malinaw na inihayag sa salita ng Dios. Hindi tayo ligtas na makabubuto para sa partidong pampulitika; sapagkat hindi natin kilala kung sino ang ibinoboto natin. Hindi tayo maaaring makabahagi sa anumang panukalang pampulitika….
“Yaong…itinatanyag ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang sigasig sa pulitika, ay dapat maalis sa kanilang gawain at tungkulin na walang pagkaantala; sapagkat ang Panginoon ay hindi makikipagtulungan sa kanila….Ang bawat guro, ministro, o lider sa ating hanay na nahahaluan ng pagnanasa na ipahayag ang kaniyang mga opinyon sa paksang pampulitika, ay dapat mahikayat sa pamamagitan ng paniniwala sa katotohanan, o isuko na lang ang kaniyang gawain. Ang kaniyang impluwensiya ay dapat magsabi na siya ay isang kamanggagawa ng Dios sa paghihikayat ng mga kaluluwa kay Cristo, o ang kaniyang kredensiyal ay kailangang bawiin sa kaniya. Kung hindi siya magbabago, siya ay gagawa ng kapinsalaan, at tanging kapinsalaan….
“Yaong tumatayo bilang mga tagapagturo, bilang mga ministro, bilang mga kamanggagawang kasama ng Dios sa anumang hanay, ay walang anumang pakikibakang lalabanan sa mundo ng pulitika. Ang kanilang pagkamamamayan ay nasa langit. Sila ay tinatawagan ng Panginoon na tumayo bilang isang hiwalay at kakaibang bayan….Sila ay dapat tumayo bilang mga nasasakupan ng kaharian ni Cristo, na dinadala ang bandila na doo’y nakaukit, ‘Ang mga kautusan ng Dios, at ang pananampalataya ni Jesus.’ Dapat nilang dalhin ang pasanin ng isang espesyal na gawain, isang espesyal na mensahe….Si Cristo ang ating Prinsipe, at bilang Kaniyang mga nasasakupan ay dapat nating gawin ang gawaing itinalaga ng Dios sa atin….Ang salita ng Panginoon ang siyang dapat nating gabay. Anumang kaugnayan sa mga impidel at sa mga hindi-mananampalataya na magpapakilala na tayo ay kaisa nila ay ipinagbabawal ng salita. Dapat tayong umalis at magsihiwalay sa kanila.” Fundamentals of Christian Education; p 475, 477-479, 482.

Maging ang mga embahador ay hindi pinahihintulutan na magdala ng sandata para sa kanilang depensa, sapagkat ang kanilang proteksyon ay pananagutan ng Bansang tagapangasiwa at ng Bansang kanilang kinakatawanan. Si Cristo ba ay nagdala ng mga sandata upang maipagtanggol o depensahan ang Kaniyang sarili? Hindi. Sa katunayan, bilang liksiyon sa Kaniyang mga alagad at lalo’t higit sa Kaniyang mga tagasunod ngayon, nang gumamit si Pedro ng tabak upang ipagtanggol at protektahan yaong iniibig niya mula doon sa gumagawa sa isang Bagong Kaayusan sa kanilang panahon, sinabi ni Cristo kay Pedro, ganundin doon sa sumusunod sa kaniyang halimbawa ngayon, na mali ang kaniyang ginagawa; na ang kaniyang depensa at proteksyon ay buhat sa Dios, at lahat ng gagamit ng literal na mga sandata upang ipagtanggol ang kanilang sarili ay mamamatay (tingnan ang Mateo 26:51-53).
Sa pagiging mga tagasunod ni Cristo, mamamayan ng langit, embahador o sugo ng kaharian ng Dios, na ipinapangaral ang Kaniyang mensahe ng kapayapaan at katotohanan, ang ating buhay ay nasa mga kamay ng Dios. Isang kamangmangang paniwalaan na maaari nating hawakan ang ating buhay sa ating mga kamay at protektahan ang ating sarili o ang ating mga minamahal na higit sa makapangyarihan nating Dios at Tagapagligtas!
Ang tunay na bayan ng Dios ngayon ay hindi dapat gumamit ng mga literal na sandata pangdepensa, sapagkat ang sandatang gagamitin natin ay hindi literal kundi espiritwal.
“Sapagka't bagaman kami ay nagsisilakad sa laman, ay hindi kami nangakikipagbakang ayon sa laman.  (Sapagka't ang mga sandata ng aming pakikilaban ay hindi ukol sa laman (literal), kundi sa harapan ng Dios ay may kapangyarihang gumiba ng mga kuta); Na siyang gumigiba ng mga maling haka, at ng bawa't bagay na matayog na nagmamataas laban sa karunungan ng Dios, at bumibihag sa lahat ng pagiisip sa pagtalima kay Cristo…” 2 Corinto 10:3-5.  

Sa katunayan, sinasabi sa atin ng Dios na hindi dapat gumamit ng literal na armas ang Kaniyang bayan ng para pang depensa – kahit na lumapit ang kanilang mga kaaway upang patayin sila at ang kanilang mga mahal sa buhay; at anumang sandata o armas na mahawakan ng kanilang mga kamay, sila’y papatayin ng mga ito (tingnan ang Ezekiel 39:1-9). Bakit? Sapagkat ang Dios ang kanilang Tanggulan o Pananggalang (Job 22:25; Awit 7:10, 59:9, 17, 62:2, 6, 89:18, 94:22)!
Kung kalooban ng Dios na tayo at an gating mga mahal sa buhay ay mamatay para sa katotohanan at kahariang tinatayuan natin, kung gayon ito ay para sa Kaniyang kaluwalhatian at ikasusulong ng Kaniyang katotohanan na ihandog natin ang ating mga sarili na martir para sa Kaniya. Subalit kung hindi kalooban ng Dios na tayo ay mamatay, ay walang anumang nilikhang sandata o armas na maaaring pumatay sa atin kung ang Dios ay tatayo bilang ating Tanggulan o Depensa!
“Walang almas na ginawa laban sa iyo ay pakikinabangan at bawa't dila na gagalaw laban sa iyo sa kahatulan ay iyong hahatulan. Ito ang mana ng mga lingkod ng Panginoon, at ang katuwiran nila ay sa akin, sabi ng Panginoon.Isaias 54:17.

“Samantalang iniwan ng mga banal ang mga bayan at mga nayon, sila ay sinundan ng mga masasama; na naghahangad na mapatay sila. Subalit ang mga armas na itinarak na siyang papatay sa mga anak ng Dios ay nabali at nabagsak na walang buhay natulad nang isang dayami. Ipinagsanggalang ng mga anghel ng Dios ang mga banal.” Early Writings, p 285.

Dalangin namin na nawa ay ganap na iwasan ng ating mga kapatid na lalaki at babae sa  Iglesya sa Tahanan na iugnay ang kanilang sarili sa anumang isyung pulitika o kilusang panlipunan. Upang kanilang ilagak ang kanilang buo at lubos na pagtitiwala sa kanilang matalino at Makapangyarihang Tagapagligtas, at huwag magkaroon ng anumang pagtitiwala sa sarili.
“Sapagka't kung nangabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nangabubuhay; o kung nangamamatay tayo, sa Panginoon tayo'y nangamamatay: kaya't sa mabuhay tayo, o sa mamatay man, tayo'y sa Panginoon.” Roma 14:8.

H. SINASABI NG PANATISISMO: Na gusto ng Dios sa Kaniyang bayan na ipagwalang-bahala ang ilan, kung hindi man lahat ng interpretasyon sa iba’t ibang mahahalagang mga hula ng Daniel at Apokalipsis na pinanghawakan ng karamihan sa mga nanguna sa Adventista, at bigyan ng bago at kakaibang kahulugan ang mga pangunahing hulang ito – na dahil doo’y kanilang ipinahihiwatig na ang mga nanguna sa Adventista ay nagkamali sa kanilang interpretasyon sa ilan sa mga pangunahing hula na ito, kung hindi man lahat.  

Ano mang kuru-kurong gawa ng tao na nagbibigay ng bagong interpretasyon sa mga mahahalagang hula ng Daniel at Apokalipsis na natupad na sa nagdaan, na doo’y nagkaisa ang mga pangunahing Adventista, maging ang mga hula mang ito ay tungkol sa panahon o hindi, ay hindi nangangaral ng mensaheng buhat sa Dios!
Ipinapahayag ng marami na ang mga natupad nang hulang ito ay dapat tumanggap ng panibagong katuparan ngayon, maging ang aplikasyon man nito ay mahalaga o pangalawa lamang. Ang iba ay masigasig sa pagtataguyod na ang mga tatak at pakakak nang nakalipas na kasaysayan ay dapat gamitin o muling gamitin sa higit na modernong panahon. Ang iba ay abala sa muling paggamit sa mga natupad nang hula ng Daniel sa mas modernong panahon. Dahil dito, ang kaguluhan ay kumakalat at lumalaganap sapagkat mayroong mga tumataguyod sa mga teoryang ito at sila’y nagkakaisa!
Ang karamihan sa mga pangunahing Adventista – kabilang si Ellen White, at ang karamihan sa mga lalaking maprinsipyo sa kilusan noong panahon ni Miller, ay nanghahawak sa paniniwala na ang lahat ng mga hula ni Daniel tungkol sa panahon – kabilang na ang Daniel 12 – ay natapos nang lahat noong 1844, at wala na ni isa mang dapat gamitin o magaganap pa pagkatapos ng 1844. At karamihan sa mga pangunahing Adventista – kabilang si Ellen White – ay nanghahawak na ang lahat ng mga hula ng Apokalipsis na may kinalaman sa panahon, maliban sa 1000 taon (millennium) pagkatapos ng ikalawang pagdating ni Cristo, ay natupad nang lahat hanggang sa panahon ng 1844, at wala na ni isa mang dapat iaplay o magaganap pa pagkatapos ng 1844. Kanila ring pinanghahawakan na ang unang 4 na tatak, pati na ang unang 6 na pakakak, ay natapos na bago ang 1844 at hindi na muling mauulit o maaaring iaplay pagkatapos ng 1844.
Dahil dito, para sa sinuman o anumang Ministry na maniniwala at magtuturo na mangyayari ang alinman sa mga hula ng Daniel at Apokalipsis na may kinalaman sa panahon pagkatapos pa ng 1844, kabilang na ang kamalian ng muling paggamit sa literal na panahon (araw kung araw),  o magaganap ang unang 4 na tatak o unang 6 na pakakak pagkatapos ng 1844, sila ay hindi mga “Makasaysayang Adventista” kundi mga “Modernong Adventista.” At kung sila ay mag-angkin na sila ay mga “Makasaysayang Adventista”, sila ay mga mandaraya ng Diablo na sinisikap na gibain ang matatag na pananampalataya ng tunay na mananampalataya ng Dios sa matibay at hindi matitinag na plataporma ng walang hanggang katotohanan.
Isang kahangalan, o hayag na katawa-tawa na paniwalaan na tinanggap ni Sister White ang mensahe ng katotohanan ng Adventismo na pinanghahawakan at itinuturo ng maprinsipyong lider ng kilusan tungkol sa binabanggit na hula, maging kabahagi ng maprinsipyong lider ng Adventista sa pagtatayo at pagtatatag ng iglesya sa pundasyon ng katotohanan na ito na inendorso ng Dios, subalit magbibigay ng patotoo na kung saan ipapaliwanag ang binanggit na mga hula sa isang ganap na kakaiba o iaaplay na muli sa anumang panahon pagkatapos ng 1844! Ang tanging paraan na makakasumpong ang mga tagapagtaguyod nito ng Patotoo na susubok at kakatig sa kanilang mga maling kuru-kuro ay ang baluktutin at baliin ito mula sa tunay nitong kahulugan, at dahil doo’y masalungat nito ang iba pang Patotoo.
Kung ang posisyon ng interpretasyon ng hula ng Daniel at Apokalipsis na pinanghawakan ng karamihan sa mga pangunahing Adventista ay hindi dapat paniwalaan at sang-ayunan ngayon, bakit sinabi pa ng Dios na ang mga kasulatang ito o paniniwalang ito ay kinakailang ipalimbag na muli upang ang kanilang mga interpretasyon ay maikalat at marinig?
“Araw-araw kong ninanasa na magawa ko nang ibayo ang aking tungkulin. Ako’y nagsusumamo sa Panginoon para sa kalakasan at karunungan upang maiparami ko ang mga kasulatan ng mga saksi na napatibay sa pananampalataya at sa unang kasaysayan ng mensahe….
“Nang patotohanan ng espiritu ng Dios ang katotohanan, ang katotohanan iyon tatayo magpakailanman bilang katotohanan. Walang bagong haka-haka o akala na taliwas sa liwanag na ibinigay ng Dios ang dapat tanggapin.Ang mga lalaki ay magsisibangon na may mga interpretasyon sa Kasulatan na para sa kanila ay katotohanan, ngunit hindi katotohanan. Ang katotohanan sa panahong ito na ipinagkaloob ng Dios ay siyang pundasyon sa ating pananampalataya. Siya mismo ang nagturo sa atin kung ano ang katotohanan. Mayroong babangon, at patuloy na babangon, na may bagong liwanag, na sumasalungat sa liwanag na ipinagkaloob ng Dios sa ilalim ng pagpapahayag ng Kaniyang Banal na Espiritu. Ang ilan ay patuloy pa ring nabubuhay na sila’y nakalagpas sa karanasang natamo sa pagtatatag ng katotohanang ito….At ang may-dala ng pamantayang ito na nalugmok sa kamatayan ay magsasalita sa pamamagitan ng muling pagpapalimbag ng mga kasulatang ito. Ako ay tinagubilinan na sa pamamagitan ng mga iyon ang kanilang tinig ay dapat marinig. Dapat nilang buhayin ang kanilang patotoo sa kung ano ang bumubuo sa katotohanan para sa panahong ito.
“Hindi natin dapat tanggapin ang mga salita noong may dala ng mensahe na sumasalungat sa mahalagang punto ng ating pananampalataya. Kanilang tinitipon ang napakaraming talata, at iniipon nila ito bilang katibayan ng kanilang pinaninindigang mga teorya. Ito ay paulit-ulit na nangyari sa loob ng nakalipas na limampung taon….
“Kami ay hinadlangan sa aming gawain ng mga lalaki na hindi hikayat, na hinahanap ang kanilang sariling kaluwalhatian. Hinahangad nila na isiping sila ang pinagmumulan ng mga bagong teorya, na inaangkin at itinuturo na ang mga iyon ay katotohanan. Subalit kung ang mga teoryang ito ay tatanggapin, ito ay mag-aakay sa pagtanggi sa katotohanan na sa loob ng nakalipas na limampung taon ay patuloy na ibinibigay ng Dios sa Kaniyang bayan, na pinagtibay ito sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Banal na Espiritu.” Selected Messages, book 1, p 160-162 (tingnan din ang Counsels to Writers and Editors, p 52-54).

Ang katotohanang pinagtibay ng mga pangunahing Adventista ang mga katotohanan na dapat paniwalaan at ituro ng bayan ng Dios ngayon sapagkat ang mga ito’y ibinigay sa ilalim ng pagpapahayag ng kapangyarihan ng Dios at ng Banal na Espiritu. At sinumang susubok na baguhin at labanan kahit na ang isa sa mga establisadong katotohanang ito ay hindi tunay na nahikayat sa Dios, kundi hinahanap na itaas ang kanilang sarili at akayin ang mga walang-ingat na mga kaluluwa patungo sa kaguluhan, kahibangan, at kamalian. Ang bayan ng Dios ay hindi dapat tumanggap ng anumang mensahe na taliwas sa establisadong katotohanan ng katawan ni Cristo – maging sinuman ang maghatid ng mapandayang interpretasyon na ito sa atin. Kung ang mga nagtuturo ng mga mapandayang aral na ito ay ministro o Ministry, hindi sila dapat patayuin sa pulpito ng tunay na bayan ng Dios at hindi sila dapat suportahan ng salapi hanggat hindi nila isinasantabi ang mga kamaliang ito at ituturo na lamang ay ang mga establisadong katotohanan na inendorso ng Dios.
Kinakailangang malaman ng bayan ng Dios para sa kanilang sarili kung anu-ano ang mga establisadong katotohanan at pananampalatayang ito ng iglesya ng Dios. Hindi sila dapat umasa sa kaninuman na sila ang maniwala para sa kanila o sila ang magsabi sa kanila ng dapat nilang paniwalaan. Kung tayo ay aasa sa sinumang tao o Ministry na sabihin sa atin kung ano ang dapat paniwalaan, ay susumpain tayo (Jeremias 17:5) upang magpagala-gala sa hindi mabilang na walang-kabuluhan at hindi-matatag na daan ng doktrinang buhat sa diablo. Dahil dito, ang ating pugalan ay hindi tatayong matibay sa katotohanan o Bato – si Cristo Jesus, kundi mababaon sa mapanlinlang at pabagu-bagong mga panatisismo at maling aral na nilikha ng salamangka ng tao.
“Si Satanas ay kumikilos na may kasidhiang nagbubuhat sa kailaliman at dinadala ang lahat ng kaniyang pwersang madadala upang ligligin yaong minsan ay napatibay sa katotohanan…Lubhang napakaraming bilang ang magsisipasok sa landas na ito….Si Satanas ay nangunguna sa kanila bilang anghel ng liwanag. Sila’y patuloy na magsisisunod sa maling mga landas hanggang sa kanilang makita kung ano ang naunawaan sag alit ng Kordero.” Manuscript Releases, vol 10, p 172 (Letter 98a, April 9, 1897).

Hindi binibigyan ng Dios ang isang tao ng bagong liwanag na sumasalungat, o taliwas sa matatag nang pananampalataya ng katawan o iglesya (tingnan ang Counsels to Writers and Editos, p 45-46). Ito ay magbubunga lamang ng kaguluhan at pagkaka baha-bahagi – lalo’t higit sa gitna ng mga ministro o manggagawa ng Dios. Subalit ang Dios ay gumagawa upang dalhin ang lahat ng Kaniyang bayan tungo sa pagkakaisa sa tunay na pananampalataya na itinatag ng karamihan sa mga nanguna at pinatotohanan mismo ng Dios nang sa gayon tayong lahat – lalo’t higit ang mga ministro – ay masabi ang magkakaparehong katotohanan (tingnan ang 1 Corinto 1:10; Tito 2:1; Efeso 4:11-13; Manuscript Releases, vol 3, 193).
Subalit kung inumin natin mapandayang halo ni Satanas tayo ay hindi mapapatibay sa tunay na pananampalataya, at masusumpungan natin ang ating sarili nawiwili sa hindi mahahalagang isyu o paksa na maglalayo sa atin sa paniniwala at pangangaral ng tanging mensahe na maghahatid sa ikalawang pagdating ni Cristo at sa katapusan ng kasalanan – ang pabalita o mensahe ng tatlong anghel (tingnan ang Selected Messages, book 2, p 320; Testimonies to Ministers, p 229; Counsels to Writers and Editors, p 47; Fundamental of Christian Education, p 123). At ang makasaysayang interpretasyon ng mga nanguna sa mga mahahalagang hula na masusumpungan sa Daniel at Apokalipsis ay hindi maaaring mahiwalay mula 3 mensahe na ito ng anghel; ang isa ay hindi maaaring ihiwalay mula sa isa na hindi maikokompromiso ang ating pananampalataya.
Ang mga ministro, higit sa lahat, ay dapat na nagkakaisa sa pangangaral at pagpapatibay sa ating mga kapatid tanging sa mga pabalita ng 3 anghel at makasaysayang doktrina. Kung ang mga mensaheng ito ay sapat na na makapagdala sa atin sa langit sa nakalipas, kung ang mga ito lamang ay naipangaral gaya nang inaasahan (tingnan ang Spirit of Prophecy, vol 4, p 291; Evangelism, p 695; Testimonies, vol 8, p 115-116, vol 6, p 450; Selected Messages, book 1, p 68), ay magkakaroon pa sana ng mga mensaheng para sa langit ngayon! Subalit kung maigugol ni Satanas ang panahon at lakas ng mga ministro sa hindi mahahalagang paksa at mga maling aral, ay mabubuksan nga ng malaki ang pintuan para sa diablo upang lapain ang mga tupa (tingnan ang Signs of the Times, January 3, 1884, vol 1, 401).
Totoong tayo ay nasa huling tanawin na ng kasaysayan ng sanlibutang ito, at si Satanas ay gumagawa sa lahat nang kaniyang mapandayang kapangyarihan upang akayin ang bayan ng Dios palayo sa matibay na plataporma ng katotohanan nang kaniyang makuha sila sa kaniyang mapanlinlang na silo ng katotohanang likha ng isip at dalhin sila sa pagkawasak (tingnan ang Review and Herald, January 22, 1901, vol 4, p 257, col 3). Ang panahon na ating kinabubuhayan ay lubhang mapanganib sa ating espiritwalidad, kung kaya’t dapat tayong maging gising at mapagbantay sa lahat ng paraang gagamitin ni Satanas upang hulihin tayo. Ang mga sumusunod na mga salita ay naglalarawan ng ating panahon:
“Nakakita ako ng isang pulutong na nakatayong totoong maingat at matatag, na hindi tumitingin doon sa sisira sa matatag nang pananampalataya ng katawan. Ang Dios ay tumitingin sa kanila nang may pagsang-ayon. Ipinakita sa akin ang tatlong baiting--ang una, ikalawa, at ikatlong pabalita ng mga anghel. Sinabi ng anghel na sumasama sa akin, ‘Sa aba niyaong mag-aalis ng isang tipak o gagalaw sa isang bahagi ng mga mensaheng ito. Ang tunay na pagkaunawa sa mga mensaheng ito ay napakahalaga. Ang kapalaran ng mga kaluluwa ay nakasalalay sa paraan kung paano sila tinanggap.’ Ako ay muling ibinalik sa pamamagitan ng mga mensaheng ito, at nakita ko kung gaano kamahal binili ng bayan ng Dios ang kanilang karanasan. Ito ay natamo sa pamamagitan ng napakaraming paghihirap at matitinding pakikipagbaka. Inaakay sila ng Dios sa daan sa bawat hakbang, hanggang sa ilagay Niya sila sa isang matatag, hindi-matitinag na plataporma. Nakita kong lumalapit ang mga tao sa plataporma at sinisiyasat ang pundasyon. Ang ilan ay may kagalakang agad na humakbang ditto. Ang iba ay nagsimulang humanap ng kamalian sa pundasyon. Nais nilang gumawa ng pagpapabuti, at upang higit na maging ganap ang plataporma, at ang mga tao ay higit na maging masaya. Ang ilan ay umalis sa plataporma upang suriin ito at ipahayag na mali ang pagkakatayo dito. Subalit nakita ko na halos lahat ay nakatayong matatag sa plataporma at pinapayuhan yaong mga umalis na itigil na ang kanilang mga paratang; sapagkat ang Dios ang Punong Tagapagtayo, at sila’y nakikipaglaban sa Kanya. Kanilang isinalaysay ang kahangahangang ginawa ng Dios, na umakay sa kanila tungo sa matatag na plataporma, at nagkakaisang itinaas nila ang kanilang paningin sa langit at sa malakas na tinig ay niluwalhati ang Dios. Ito’y nagkabisa doon sa ilan na nagreklamo at umiwan sa plataporma, at sa mapagpakumbabang anyo sila’y muling humakbang dito.” Early Writings, p 258-259.

Isang tapat na dalangin at pagsusumamo na mapagtanto noong mga umalis sa matatag na plataporma ng katotohanan, sa pamamagitan ng paniniwala at pagtuturo ng kakaiba sa pinanghawakan ng mga nanguna, na hindi lamang sila nakikipaglaban sa mga nanguna, kundi sila ay nakikipaglaban sa Dios mismo! Kami ay dumadalangin na ang katotohanang ito ay sisilay sa kanilang pang-unawa, upang sila ay makabalik kaagad sa matibay na platapormang ito sa pakiki-ayon at pakikiisa sa tunay na bayan ng Dios. Ang panahon ay tunay na napakaikli upang isapanganib pa ang walang hanggang buhay sa pamamagitan ng panghahawak sa ating sariling mga kuru-kurong inaalagaan. Mayroon lamang ISANG hanay ng katotohanan na makakarating sa makalangit na kaharian – yaon ding hanay ng katotohanan na pinagtibay ng Dios at ng Kaniyang Banal na Espiritu at yaong pinaniwalaan at itinuro ng mga nanguna, kabilang na si Ellen White (tingnan ang Selected Messages, book 1, p 206-207; Testimonies, vol 6, p 17; Prophets and Kings, p 252). Anumang taliwas sa hanay na ito ng katotohanan ay “mag-aakay sa kaguluhan.” Manuscript Release #760, p 22 (Letter 50, January 30, 1906).
Para doon sa nagnanais na maging “Makasaysayang Adventista’ mayroong dalawang napakahusay na aklat na isinulat ng isa sa mga nanguna sa Adventista – si Stephen Haskell – na maliwanag at lubusang ipinaliliwanag ang “makasaysayang” paniniwala at turo na siyang bumuo sa matibay na pananampalataya ng iglesya ng tunay na bayan ng Dios. Ang isang aklat ay pinamagatang The Book of Daniel, at ang isa ay The Book of Revelation.
Nawa ay mahabag ang Dios sa ating lahat, at ipagkaloob sa atin ang Kaniyang Banal na Espiritu nang sa gayon ay magkaroon tayo ng makalangit na pamahid sa mata, ng pang-unawa at karunungang buhat sa itaas, ng marangal na katapangan at determinasyon, na manghawak sa establisadong pananampalataya ng “Makasaysayang Adventista” upang tayo ay mapabilang na karapatdapat na makatakas sa mga lalang n gating kaaway at magtamo ng buhay na walang hanggan kasama ng ating Panginooong Jesu-Cristo at ng mahabagin nating Ama.


I. SINASABI NG PANATISIMO: Na ang Tanda ng Hayop ng Apokalipsis 13:16, 14:9 11, 20:4, na tatanggapin sa ating mga kamay o noo, ay isang kredit kard, tatak ng lazer, o pagtatanim ng tsip (chip implant), o Nasyonal na Bilang ng Pagkakakilanlan (National Identification Number), o higanteng computer, o iba pang literal na bagay. At dahil dito, kalooban ng Dios na tanggihan ng Kaniyang bayan na magkaroon ng anumang kredit kard, o Social Security number, o anupamang National ID number, atbp.

Ano ang “Tanda” ng Hayop? Ang salitang Griyego na ginamit para sa “tanda” ay “Charagma” (#5480 sa Strong’s Concordance), at ito ay isinalin na “selyo (bilang palatandaan ng pagkaalipin), tatak.” Samakatuwid ang tanda ng Hayop ay hindi isang literal na tanda, kundi isang selyo o tatak o tanda ng pagkaalipin sa ilang kapangyarihan o personalidad. Subalit ano ang Tanda ng Hayop, at papaano natin ito matatanggap? Upang malaman natin ito, kinakailangan nating malaman kung sino ang kumakatawan sa Hayop.
Ang Hayop na may kaugnayan sa Tanda na ito ay tumutukoy sa Iglesya ng Romano Katoliko. Kaya’t ang Tanda ay may kinalaman sa anumang bagay na may kaugnayan sa kapapahan. Dahil sa ang pagsamba ang siyang pangunahing isyu na nakatala na may kaugnayan sa Hayop na ito (tingnan ang Apokalipsis 13:4, 8, 12, 15, 14:9, 11, 20:4),samakatuwid ang Tanda ng Hayop ay may kinalaman sa isyu ng pagsamba. Kung gayon, ano ang tanda ng Katolisismo?
“Tinanggap ng mga Protestante…ang Linggo kaysa Sabado bilang araw para sa pampublikong pagsamba pagkatapos na baguhin ng Katolikong Iglesya…Sa kanilang pangingilin ng Linggo, kanilang tinatanggap ang kapamahalaan ng tagapagsalita para sa iglesya, ang Papa.” Our Sunday Visitor, February 5, 1950.
“Makabubuting ipaalaala sa mga Presbyterian, Baptist, Methodist, at sa lahat ng iba pang mga Kristiyano, na hindi sila sinusuportahan ng Biblia saanman sa kanilang pangingilin ng Linggo. Ang Linggo ay isang institusyon ng Iglesya ng Romano Katoliko, at yaong mga nangingilin ng araw na ito ay nangingilin ng utos ng Iglesya Katoliko.” Priest Brady, sa kaniyang talumpati, na iniulat sa Elizabeth, N.J. “ News” noong March 18, 1903.

“Ang Iglesya Katolika ang siyang…naglipat ng kapahingahang ito (Sabado bilang Sabbath) sa Linggo….Samakauwid, ang pangingilin ng Linggo ng mga Protestante ay isang pagsambang kanilang ipinaglilingkod sa kapangyarihan ng Iglesya (Katoliko).” Monsignor Louis Segur, “Plain Talk about the Protestantism of Today,” p 213.

“Talagang inaangkin ng Iglesya Katolika na ang pagpapalit (mula Sabado patungo sa Linggo) ay kaniyang gawa. Hindi sana magkakagayon, dahil sa wala naman noong nag-isip na gumawa ng anumang bagay na may may kinalaman sa espiritwal at relilihiyon kung wala siya., at ang kaniyang ginawa ay tanda ng kanyang eklesyastikong kapangyarihan at kapamahalaan sa mga relihiyosong bagay.” Sulat mula kay H.F. Thomas, Chancellor of Cardinal Gibbons.

Samakatwid, binago ng Iglesya Katoliko ang orihinal na araw ng pagsamba mula Sabado patungo sa Linggo, na siyang tanda o tatak o selyo ng kapamahalaan at kapangyarihan ng Hayop! Dahil sa katotohanang ito, ang Sabado kung gayon ay tanda o tatak ng ibang kapamahalaan at kapangyarihan! Subalit kanino? Ang Dios ng langit ay nagsabi:
“At inyong ipangilin ang aking mga sabbath; at mga magiging tanda sa akin at sa inyo, upang inyong maalaman na ako ang Panginoon ninyong Dios…. At inyong ipangilin ang aking mga sabbath; at mga magiging tanda sa akin at sa inyo, upang inyong maalaman na ako ang Panginoon ninyong Dios.” Ezekiel 20:12, 20.

Ang Sabado ay siyang araw ng Sabbath ng Panginoong Dios, ang ikapitong araw na Kaniyang pinagpala at painaging banal (tingnan ang Genesis 2:2-3), at siyang tanda o tatak o selyo ng Kaniyang kapahalaan at kapangyarihan. Pinili ng Dios ang araw ng alaala na ito ng paglalang higit sa lahat ng iba upang sa araw na ito magsisamba ang lahat ng Kaniyang mga anak, at Kaniya pang sinabi sa Kaniyang mga anak na huwag nilang kalilimutan ang katotohanang ito, kundi kanilang alalahanin.
“Alalahanin mo ang araw ng sabbath upang ipangilin.  Anim na araw na gagawa ka at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain.  Nguni't ang ikapitong araw ay sabbath sa Panginoon mong Dios: sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong aliping lalake ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong tagaibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang daan:  Sapagka't sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng nangaroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; na ano pa't pinagpala ng Panginoon ang araw ng sabbath, at pinakabanal.” Exodo 20:8-11.

Dito natin makikita ang pagkakaiba ng tanda o tatak o selyo ng Dios, at ang tanda o tatak o selyo ng Hayop. Ipinahayag ng Dios ng langit na “ang ikapitong araw [o Sabado] ay siyang Sabbath [o araw ng pagsamba] ng Panginoon mong Dios” Exodo 20:10. Subalit sinasabi ng Hayop:
“Ang Igleysa Katolika sa loob ng mahigit isang libong taon bago pa ang paglitaw ng Protestante…ay binago ang araw mula Sabado patungo sa Linggo.” Catholic Mirror, September 23, 1893.

“Ang Linggo ay isang institusyon ng Katoliko, at ang pag-aangkin nito sa pangingilin ay maipagtatanggol lamang ayon sa mga prinsipyo ng Katoliko…Mula sa simula hanggang sa katapusan ng Kasulatan ay walang isa mang talata na nagbibigay-karapatan sa paglilipat ng lingguhang pampublikong pagpupulong mula sa huling araw ng sanlinggo patungo sa unang araw.” The Catholic Press, Sydney, Australia, August, 1900.

“…patunayan mo sa akin mula sa Biblia lamang na dapat kong ipangiling may kabanalan ang Linggo. Walang ganoong utos sa Biblia. Ito ay kautusan lamang ng Sagradong Iglesya Katolika. Sinasabi ng Biblia ‘Alalahanin mo ang araw ng Sabbath upang ipangiling may kabanalan.’ Sinasabi ng Iglesya Katolika, Hindi. Sa pamamagitan ng aking banal na kapangyarihan, pinapawi ko ang araw ng sabbath at iniuutos sa inyo na ipangiling may kabanalan ang unang araw ng sanlinggo. At narito! Ang buong sibilisadong mundo ay yumyukod sa magalang na pagsunod s autos ng Sagradong Iglesya Katolika.” Priest Thomas Enright, Redemptorist Catholic College, Kansas City, Mo., lecture “Sunday in History”, p 56, February 18, 1884.

Kaya ang tanda o tatak ng Dios ng langit ay ang sambahin ang Panginoon sa araw ng Sabado – ang Kaniyang Sabbath – sang-ayon sa ikaapat na utos ng Dios. Sa paggawa nito, ito ay tanda na ipinapakita natin na ating iniibig, pinaglilingkuran, at sinasamba ang Dios. Habang ang tanda o tatak ng Hayop ay ang pagsamba sa kapapahan sa araw ng Linggo – ang araw ng araw o ng Nagniningas na Bituin o si Lucifer, ang kaniyang sabbath – pagkatapos na ito’y maipatupad. Sa paggawa nito, ito ay tanda na ating ipinapakita na ating iniibig, pinaglilingkuran, at sinasamba ang Hayop at si Lucifer.
Samakatuwid, ang tanda ng Hayop ay hindi isang literal na tanda, hindi isang tatak n glazer, hindi isang kredit kard, hindi isang tsip na itinanim, hindi isang Pangnasyonal na Bilang ng ID, at hindi isang higateng computer, kundi ito ay isang simbolikong tanda! Ang simbolikong tanda na ito ay maaaring sa noo – na nangangahulugan ng pagtanggap mo sa iyong pag-iisip, o naniniwala ka na ang Linggo ang siyang sabbath. O sa kamay – na nangangahulugan ng paglilingkod, o maaaring hindi ka naniniwala sa Linggo bilang sabbath, subalit sumusunod ka dito.
Isang katotohanan na inaangkin ng kapapahan ang kapangyarihan na baguhin ang ikaapat na utos sa kautusan ng Dios mula sa pagsamba lamang tuwing Sabado patungo sa pagsamba lamang kung Linggo bilang siyang espesyal na araw ng Sabbath ng Dios. Kaya’t sinumang nakakaalam ng katotohanan, subalit pinipiling sumamba ng Linggo sa halip na Sabado na siyang tunay na araw ng Sabbath ng Dios, lalo’t higit pagkatapos na ito ay gawing batas, ay nagpapasailalim at sumasamba sa kapapahan sa halip na sa Dios ng langit. Kung kaya’t kanilang tatanggapin ang Tanda ng Hayop na magtataan sa kanila para sa huling pitong salot at sa dagat-dagatang apoy (tingnan ang Apokalipsis 14:10-11, 19:20).
Ang sinuman ngang mag-angkin na ang tanda ng hayop ay anumang bagay kaysa sa pagsamba ng Linggo, ay nadaya at nag-aakay ng mga kaluluwa patungo sa kapahamakan.

J. SINASABI NG PANATISISMO: Nais ng Dios na ang lahat ng Kaniyang mga anak ay manalangin sa Kaniya sa pamamagitan ng iba’t ibang kasangkapan ng santuaryo – katulad ng dambana ng handog, dulang ng tinapay na handog, kandelero, atbp.  
Sinasabi ng tagapagtaguyod ng panatisismong ito na tinatawag na “Santuaryong Pananalangin”, na ang ganitong uri ng pananalangin ay dapat gawin at ulitin tuwing mananalangin ang isang tao, lalo’t higit kung mananalangin para sa iba. Upang sa gayon ay maaari kang manalangin ng matagal at tumanggap ng higit na kasiyahan sa paggawa noon.
Subalit sinasabi ni Cristo sa lahat ng Kaniyang mga anak na hindi sila dapat gumamit ng mga pauli-ulit na panalangin na iniisip nila na sa pamamagitan noon sila ay pakikinggan – kahit na ang mga panalanging ito ay tumagal nang buong magdamag! Kung pipiliin natin na gawin iyon, an gating mga panalangin ay magiging walang kabuluhan, at tayo ay magiging katulad ng mga hentil (tingnan ang Mateo 6:7-8).
Itinuturo ng Biblia at ng Espiritu ng Hula ang lahat ng tunay na bayan ng Dios na dalhin ang kanilang mga dalangin at daing direkta kay Jesus sa kabanalbanalang dako, na lumalapit nang may buong pagtitiwala sa luklukan ng biyaya ng Dios upang makapagtamo ng awa at tulong (tingnan ang Hebreo 4:16; Early Writings, p 72-73). Walang nasusulat na inuutusan tayo na dalhin ang ating mga dalangin sa labas ng korte, o maging sa unang silid o banal na dako. Sa katunayan, tayo ay binalaan na huwag masumpungan sa banal na dako, sapagkat si Satanas ang siyang naroroon na sumasagot sa lahat ng panalanging patungkol sa banal na dako (tingnan ang Early Writings, p 55-56)!


MGA PRINSIPYO NG DOKTRINA

     Higit pang maraming doktrina ang maaaring banggitin. Katulad ng: tanging orihinal na mga sulat lamang ni sister White sa mga unang mga pulyeto ang dapat na pagkatiwalaan, at bawat patotoo o inilathalang aklat pagkatapos ng panahon ng 1881 ay hindi dapat pagkatiwalaan.
     Malinaw na binabalaan namin ang lahat ng ating mga kapatid na lalaki at babae na huwag nang mangatulog, kundi maging mapagbantay at gising na ang kanilang mga paa ay matibay na nakatayo sa Bato ng katotohanan – si Cristo Jesus. Tiyakin ninyo na subukin ang bawat doktrina na dumarating sa inyo sa kautusan (Biblia) at patotoo (Espiritu ng Hula), at kahit na isang masumpungang sumalungat kung gayon ay “walang liwanag sa kanila”.
     “Siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo'y nangasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili.” 2 Corinto 13:5.  

“Upang tayo'y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito't doon at dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian; Kundi sa pagsasalita ng katotohanan na may pagibig, ay mangagsilaki sa lahat ng mga bagay sa kaniya, na siyang pangulo, sa makatuwid baga'y si Cristo…Kaya nga, pagkatakuwil ng kasinungalingan, ay magsasalita ang bawa't isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa…Anomang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuting ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang makinabang ng biyaya ang mga nagsisipakinig.” Efeso 4:14-15, 25, 29.

“Huwag kayong madaya ng sinoman ng mga salitang walang kabuluhan…” Efeso 5:6.


IBA’T IBANG KAPANATIKUHAN AT MALING PANINIWALA SA PANSARILING PAMUMUHAY

     Napakaraming sari-saring panatisismo na may kinalaman sa personal na pamumuhay at mga gawa. Ito ang bahagi na kung saan ang panatisismo ay lilitaw na tila maliit o hindi mahalaga kung ikukumpara sa iba pang mga panatisismo – kagaya ng tungkol sa doktrina. Subalit malaki man o maliit ang panatisismo, ito ay mapanganib pa rin na kamalian na dapat mapag-ingatan upang maiwasan ng iba.
     “Yaong minamaliit ni Kapatid na D ay waring di-nakapipinsala; hindi ito nagmumukha na tila makakasasama sa iba. Subalit, kapatid, ito ay pakana ni Satanas, ang paraan upang siya ay makapasok. Ito ay paulit-ulit na tinangka. Ang isang tao ay tumanggap ng ilang bago at kakaibang ideya na tila hindi lumalaban sa katotohanan. Siya ay nagsasalita tungkol dito at tumatahan dito hanggang sa para sa kanya ito’y nadaramtan na ng ganda at kahalagahan, sapagkat si Satanas ay may kapangyarihan upang bigyan ito ng maling anyo….
     “Binubuksan nito ang pinto na doo’y agad na makapagpapasok si Satanas ng maraming kamalian na maglilihis sa isipan mula sa kahalagahan ng katotohanan para sa panahong ito. Mga kapatid, bilang sugo ni Cristo, binabalaan ko kayo na mag-ingat sa mga hindi mahahalagang paksa na ito, na ang hilig ay maglayo sa isipan mula sa katotohanan. Ang kamalian ay hindi kailanman nakapipinsala. Hindi ito kailanman nagpapabanal, subalit palaging naghahatid ng kaguluhan at pagtatalo-talo. Ito ay palaging mapanganib. Ang kaaway ay may malaking kapangyarihan sa mga pag-iisip na hindi lubos na napalakas sa pamamagitan ng panalangin at napatibay sa katotohanan ng Biblia.” Testimonies, vol 5, p 292.

     Ang mga sumusunod ang ilan sa mga panatisismo sa bahaging ito.

A. SINASABI NG PANATISISMO: Na ang Dios ay nagpapadala ng mga panaginip at pangitain para sa pansariling kapakinabangan ng isang tao. O yaong mga naniniwala at nanghahawak na pangangasiwaan ng Dios ang kanilang bawat galaw sa pamamagitan ng mga panaginip at pangitain.

     Sa dumaraming pangyayari, ang iba’t ibang indibidwal sa gitna ng kilusan ng nagsihiwalay na Iglesya sa Tahanan ay nagkakaroon ng mga panaginip at pangitain, at isinasalaysay ito ng ilan para sa posibleng ikatitibay ng katawan ni Cristo.
     Kung paanong ang mga panaginip at pangitaing ito ay hindi lamang isang pangyayaring nagkataon sa gitna natin kundi ito’y dumarami sa bilang, marapat na ang bayan ng Dios ay magbantay sapagkat sisikapin ni Satanas na wasakin ang kanilang pananampalataya.
     Sinabihan tayo na si Satanas ay gagawa sa kaniyang kagilagilalas na himala upang dayain kung maaari ang mg hirang. Kaya’t hindi na labis na nakapagtataka na siya ay magtangka na pumasok sa ating hanay sa pamamagitan ng mga indibidwal upang isakatuparan ang mapandaya at kamangha-manghang himala na ito – at ang mga panaginip at pangitain ay maaaring isa sa kaniyang mapandayang kasangkapan (tingnan ang Youth Instructor, September 27, 1894; Selected Messages, book 2, p 49, 95)!
     Ngunit ang mga panaginip at pangitain ay maaari ring gamitin ng Dios upang makipag-usap sa Kaniyang bayan. Kaya nga papaano natin malalaman ang pagkakaiba sa pagitan ng mga panaginip at pangitaing buhat sa Dios, laban doon sa nagbuhat kay Satanas, o mula lamang sa ating sariling pag-iisip?
“Sa kautusan at sa patotoo; kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang liwanag sa kanila..” Isaias 8:20.

“Magkakaroon ng mga huwad na panaginip at huwad na pangitain, na may ilang katotohanan, subalit magliligaw mula sa orihinal na pananampalataya. Ang Panginoon ay nagbigay sa mga tao ng tuntunin kung paano sila mapapansin: ‘Sa kautusan at sa patotoo; kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang liwanag sa kanila.’ Kung kanilang hamakin o maliitin ang kautusan ng Dios, kung hindi nila sundin ang Kaniyang kalooban na nahayag sa mga patotoo ng Kaniyang Espiritu, sila ay mga mandaraya….Subalit habang iniisip nila na sila ay inaakay ng Espiritu ng Dios, ay sumusunod sila, sa katotohanan, sa imahinasyong kagagawan ni Satanas.” Signs of the Times, March 27, 1884 (vol 1, p 420, col 3).

     “Maging ang gawa ng Banal na Espiritu sa puso ay dapat subukin sa pamamagitan ng Salita ng Dios.” Selected Messages, book 1, p 43.

     Samakatuwid, ang lahat ng mga panaginip at pangitaing pinaniniwalaang nagmula sa Dios ay dapat na PALAGING sinusubok MUNA sa pamamagitan ng Biblia at ng Espiritu ng Hula BAGO angkinin ito na nagbuhat sa Dios, at lalo’t higit bago akayin ang iba na ito’y paniwalaan na anumang tagubilin o utos na nakapaloob dito ay katotohanang buhat sa langit. Gayundin naman tungkuling ipinagkaloob ng Dios na kung walang masumpungang pagtutol, na BAGO paniwalaan ang mga panaginip at pangitain kung buhat nga sa Dios at bago ituro ang mga iyon sa iba, na bayaan ang mga kapatid nang karanasan na suriin ang nilalaman ng mga panaginip o pangitain upang makita kung sila ba ay makakatuklas ng anumang kontradiksiyon na maaaring nalaktawan (tingnan Proverbs 24:6; Early Writings, p 61-63). At kahit na “walang masumpungang masama”, ito lamang ay isang mahinang batayan para tanggapin na ito’y buhat sa Dios (tingnan ang Selected Messages, book 2, p 93-95)!
     Isang kamalian lamang o isang kontradiksiyon sa isang panaginip o pangitain o hula, ay mahahatulan ang taong mayroon niyon na isang huwad at nadaya – at ang lahat ng mga panaginip o pangitain, nang nakalipas at hinaharap, ay mapapatunayan ding mali, at ang lahat ay dapat layuan o iwasan (tingnan ang Deutronomy 18:20-22; Testimonies, vol 5, p 98, 671-672, 691). Bakit? Sapagkat “WALANG LIWANAG sa kanila.”
     Paulit-ulit na ang mga teyp, kasulatan, o mga indibidwal ay nagsasalaysay ng panaginip o pangitain na iniuulat at pinaniniwalaang buhat sa Dios. Subalit kapag ang nilalaman ng mga panaginip o pangitain ay siniyasat sa Biblia at Espiritu ng Hula, makikitang malinaw ang mga kontradiksiyon na magpapatunay na hindi sangkot ang Dios. Ito rin ay nagpapatunay na yaong may kakaibang karanasang ito, o yaong nagsasalaysay o naniniwala sa mga yaon na buhat sa Dios, ay hindi ginampanan ang tungkuling ibinigay ng Dios sa kanila upang subukin ang mga ito sa pamamagitan ng Biblia at ng Espiritu ng Hula. Dahil dito, ang pintuan ay naiwang nakabukas sa gitna natin upang makapasok si Satanas sa pamamagitan ng mga panaginip at pangitain, at siya ay nagsasamantala sa bukas na pintuang ito!
     Ang ilang halimbawa ng katunayang ito ay ibinigay upang patunayan ang puntong ito:

     1. – Noong 1991 sa Australia, isang kapatid na ngangangalang Wendy Johns ay nagkaroon ng mga panaginip at pangitain na kung saan ipinakita sa kaniya ng kaniyang tagapagbantay na anghel ang mga mangyayari sa hinaharap – lalo’t higit yaong tungkol sa mga pangunahing syudad sa buong mundo na winawasak ng mga lindol, malalaking alon, sunog, at lumilipad na mga higanteng bato. Pagkatapos na maipakita ang partikular na tanawing naglalarawan sa pagkawasak ng Sydney, itinuro siya ng anghel sa isang “talaguhitan na nakabitin sa langit na itinuturo ang panahon ng kaganapan nito, sa pagitan ng 1992 at 1993.”
     Maraming mga Australiano ang naniwala sa mga pangitain at panaginip na ito na ito’y buhat sa Dios, kung kaya’t inilagay nila ang tatlo sa mga ito sa tiniklop na isang pahinang pulyeto at ipinangalat ang mga ito sa buong bansa.
     Isang kapatid na dumalaw sa Australia noong 1991 ay nakatanggap ng isa sa mga pulyetong ito, at wala kahit isa man doon sa naaalala niyang nagsasalita ng tungkol dito ang gumawa ng tungkuling ipinagkaloob sa kanila ng Dios upang subukin ang mga panaginip at pangitaing ito sa Biblia at Espiritu ng Hula. Kaniyang sinabi sa kanila na hindi niya pinaniniwalaan ang mga panaginip na ito na buhat sa Dios dahil sa dalawang prinsipyo ng Biblia at Espiritu ng Hula na nilabag:
     --A. Hindi na magkakaroon pa ng anumang mensaheng buhat sa Dios sa pamamagitan ng sinumang tao na magtatakda ng tiyak na panahon para sa anumang bagay na mangyayari mula 1844 hanggang sa pagbabalik ni Cristo sa ikalawang pagkakataon (tingnan ang Selected Messages, book 1, p 188-889; Great Controversy, p 490; Early Writings, p 75; Review and Herald, October 9, 1894 (vol 3, p 191-192); Selected Messages, book 2, p 73, 113-114; Testimonies to Ministers, p 55, 60-61; Manuscript Releases, vol 10, p 269-271; Testimonies, vol 1, p 409); ngunit ang panaginip ni Wendy John ay nagbigay ng tiyak na panahon na itinakda noong 1992-1993 upang maganap ang ilang mga bagay.

     --B.   Walang sinuman ang makapagsasabi na si Cristo ay hindi darating 1 taon mula ngayon (tingnan ang Evangelism, p 221): subalit noong 1991 itinakda ng mga panaginip ang pagdating ni Cristo pagkatapos ng mga taon ng 1992-93.

2. – Sa maraming mga taon, ang mga panaginip at pangitain ni Jeanine Sutron ng France ay nagkaroon ng lumalagong impluwensiya sa gitna ng ilan sa ating mga kapatid. Subalit pinatunayan na niya na siya ay isang bulaang propeta, at ang kaniyang mga panaginip at pangitain ay hindi buhat sa Dios.
Sa isa sa kaniyang mga hula, kaniyang ipinahayag na si Michael Dukakis ay mahihirang na presidente ng U.S.A., at “Siya ang yuyurak sa kalayaan ng budhi, pagtitibayin ang batas ukol Linggo, na ipipilit ang tanda ng hayop at ang kaniyang bilang na 666” (Dreams and Visions, tape 13, p 14). Subalit natalo si Dukakis ni George Bush sa halalan para sa pagka-pangulo noong nobyembre, 1988, at si Bush, hindi si Dukakis ang nahirang na pangulo!
Napakarami pang ibang mga maling hula at kontradiksiyon ang inilalahad ng mga panaginip at pangitain ni Jeanine Sautron nang ito ay inihambing sa Biblia at Espiritu ng Hula. Katulad ng: paghahayag na ang tanda ng hayop ay hindi pagsamba ng Linggo pagkatapos na ito’y magawang batas (tingnan ang Evangelism, p 234; SDA Bible Commentary, vol 7, p 980; Testimonies, vol 8, p 177), kundi ang bilang na 666 (Dreams and Visions, p 105) na siyang pandaigdig na kodigo na itatatu sa ating mga noo (Dreams and Visions, tape 10, p 8).  O ang Hayop ng Apokalipsis 13 ay hindi ang iglesya ng Romano Katoliko, kundi isang “higanteng kompyuter” (Dreams and Vision, p 104). Pagkatapos siya ay nagkaroong muli ng pangitain at doo’y ipinahayag na ang “hayop ay ang papa” “ang hayop ay kumakatawan sa Papa ng Roma” (Dreams and Visions, tape 15, p 1-2). Sa gayon, mayroong tahasang pagkakaiba-iba at di-pagkakatugma sa kaniyang mga pangitain mismo, at ang yaon ay hindi maaaring buhat sa Dios.
Ang marami pang iba ay maaaring ipakita, subalit isa lamang ang kailangan upang mapatunayan na siya ay isang bulaang propetang buhat sa diablo; at higit pa sa isa ang napatunayan.

3. – Sa loob ng taong 1994, mayroong ipinakalat na isang teyp na maluwalhating binabanggit ang mga panaginip at pangitain ng dalawang indibidwal mula Papua New Guinea – ang isa ay nagngangalang Peter, at ang isa ay nagngangalang Tassa. Ang mga panaginip at pangitaing ito ay pinanghahawakan ng marami na buhat sa Dios. Subalit nang sinubok ng Biblia at ng Espiritu ng Hula ay malinaw na nakita ang pagtutol.
Ipinahayag ni Peter na maraming beses siyang dinalaw ng anghel Gabriel – maging sa mga panaginip at pangitain at personal, na ipinapakita sa kanya ang maraming mga bagay, at nagbibigay ng mga tagubilin at utos na dapat niyang sundin at ng iba pa. Noong una si Gabriel ay nakasuot ng puti, subalit noong sumunod siya ay nakadamit na ng asul. Tinanong siya ni Peter kung bakit nagbago, at sinabi sa kanya ni Gabriel na ang lahat ng mga anghel ay naghahanda na upang umabay sa pagbabalik ni Cristo sa lupa sa ikalawang pagdating, at sila ay nagpapalit na sa kulay asul na kasuotan para sa dakilang kaganapang ito; samakatwid ang panahon ay napakaikli na!
Ito ay direktang taliwas sa tunay na sinasabi sa Biblia at sa Espiritu ng Hula na naglalarawan sa pagsama ng mga anghel sa ikalawang pagdating ni Cristo na lahat ay nakasuot ng puti (tingnan ang Apokalipsis 19:11-14; SDA Bible Commentary, vol 7, p 982)! Samakatwid, ang batang lalaking ito na nagngangalang Peter ay hindi tumatanggap ng mga panaginip at pangitain at pagdalaw mula sa anghel ng Dios na si Gabriel, kundi buhat sa isa sa mga masasamang anghel ng Diablo na nagkukunwaring si Gabriel; at ang mga mensaheng inihahatid niya sa batang lalaking ito ay walang anumang liwanag! Ang batang lalaking ito ay nadaya, at nandadaya sa iba.
Isinalaysay din ng babaeng si Tassa na isang anghel ang dumalaw sa kanya sa panaginip at pangitain, at sinabi sa kanya na ang batas ukol sa Linggo ay mangyayari sa taong 1995, at ang pag-uusig ay malapit nang magsimula.
Ito ay taliwas din sa Biblia at sa Espiritu ng Hula, sapagkat itinakda ang tiyak na panahon para maganap ang isang bagay, at ang ikalawang pagdating ni Cristo ay itinakda hanggang o pagkatapos ng taong 1995 – na mahigit isang taon. Kaya nga siya ay isa ring bulaang propeta, isang nadaya at nandaraya din ng iba.
Mayroon pang ibang bahagi sa mga panaginip at pangitain ni Peter na taliwas o salungat sa mga prinsipyo ng Biblia at Espiritu ng Hula. Subalit isa lamang kamalian o kontradiksiyon ay nagpapakita na ang lahat ng kaniyang mga panaginip at pangitain, maging yaong kay Tassa, ay hindi buhat sa Dios!

4. – Marami ring iba pang mga indibidwal sa America na nagkakaroon ng mga panaginip at pangitain na kanilang pinaniniwalaan at pinaniniwalaan ng iba na buhat sa Dios. Subalit bawat kaso kung saan sangkot ang indibidwal ay sinuri, at nasumpungan na walang sinuman ang unang sumubok sa kanilang mga panaginip at pangitain sa Biblia at sa Espiritu ng Hula. Ang mga panaginip na ito ay basta lamang tinanggap na buhat sa Dios.

Ang isang kaso ay sangkot ang isang maliit na batang babae, na may pangitain na si Jesus daw ay nasa isang dulo ng parang isang gintong siso, at sinisikap ng mga tao na iangat ang kabilang dulo ng gamit na ito upang maihatid si Jesus sa langit. Ang ilan ay nagtagumpay, subalit ang iba ay hindi.
Ang pangitaing ito ay tinanggap na buhat sa Dios sapagkat ang “ginto” ay simbolo para sa pananampalataya, kaya nga ikinatwiran ng mga matatanda na ang pananampalataya ang naghatid kay Jesus sa langit, at yaong hindi nagtagumpay na ihatid si Jesus sa langit ay walang sapat na pananampalataya. Ang maliit na batang babae ay naakay na paniwalaan na siya ay espesyal sapagkat sinabi sa kanya ng mga nakatatanda na ang kaniyang mga panaginip at pangitain ay buhat sa Dios.
Ang pangitain na ito ay hindi buhat sa Dios sapagkat taliwas ito sa Biblia at sa Espiritu ng Hula sa maraming bahagi:
--A.  Si Cristo ay walang kaugnayan sa kagamitan sa lupa, kundi naroroon sa kabanalbanalang dako sa santuaryo sa langit buhat pa noong 1844.
--B.  Ang ating pananampalataya ay hindi siyang maghahatid kay Jesus sa langit, kundi dapat ay na kay Jesus.
--C.  Ang ating pananampalataya ay hindi gagamit ng anumang kagamitan, o tao para maabot ang pandinig ng Dios, kundi tayo ay inutusan na direktang lumapit sa luklukan ng biyaya upang makasumpong ng tulong sa panahon ng pangangailangan.

Kaya’t ang batang babae ay nadaya at nandaraya pa ng iba. Higit na responsible dito ang mga nakatatanda sa paligid niya sapagkat hindi nila ginampanan ang tungkuling ipinagkaloob sa kanila ng Dios na subukin muna ang kaniyang mga panaginip at pangitain sa pamamagitan ng Biblia at ng Espiritu ng Hula bago man lamang isaalang-alang ang posibilidad na ito nga ay buhat sa Dios! Hindi lamang ipinahamak ng mga nakatatandang ito ang batang babaeng – maaaring para sa buhay, kundi sila rin mananagot para dito (tingnan ang Selected Messages, book 2, p 78, 89).

Ngunit hindi lamang ang batang babaeng ito ang nagkakaroon ng mga panaginip at pangitain sa kalagitnaan natin, at nagtatagumpay si Satanas sa pag-aakay sa ating mga kapatid patungo sa pagkadaya at kamalian.
Napakadali para sa Diablo na gawin ang mga unang ilang panaginip at pangitain na ganap na kasang-ayon sa katotohanan ng Dios. Pagkatapos kapag ang isang tao ay naging komportable na sa kapuri-puring katunayan na sila ay mga pinili ng Dios upang tumanggap ng mga mahiwagang katibayan ng Kaniyang pabor, magpapasok si Satanas ng maliliit na mga kamalian at kontradiksiyon patungkol sa mga panaginip at pangitain para sa hinaharap, at ang mga ito ay tinatanggap na katotohanan sapagkat yaong mga nauna ay tama. Hindi magtatagal at malalaking mga kamalian ang ipapasok, mga tiyak na panahon o petsa para sa iba’t ibang bagay na magaganap, atbp. Hindi magtatagal at ang mga panaginip at pangitain ay lubos nang pinagtitiwalaan na susundin na anumang tagubilin o sapantaha sa halip na sundin ang mga tagubilin na masusumpungan sa Biblia at sa Espiritu ng Hula. Dahil dito, ang Biblia at ang Espiritu ng Hula ay unti-unti nang binabalewala, at ang mga panaginip at pangitain na ang higit na pinahahalagahan. Subalit dapat nating tanggapin tanging yaong mga tagubilin, paggabay, at kapangyarihan lamang na nanggaling sa Biblia at sa Espiritu ng Hula para sa mga huling araw na ito (tingnan ang Selected Messages, book 2, p 93-95; book 3, p 404-405).
Halimbawa: yaong tinatawag daw na anghel na tagapagbantay ni Wendy Johns ay nagsabi sa kanya: “Sinabihan ako na dapat kong pag-aralan ang Biblia, ang mga sulat ni Ellen White at dapat akong manalangin, pagkatapos ay saka ako tatagubilinan ng dapat kong susundin. Pananagutan kong sundin ang mga tagubilin o utos na ito, hindi ako dapat matakot, lalo’t higit sa tao upang mapanatili ang aking pananampalataya kay Jesus.”
Kaya’t si Wendy ay may pananagutan na sundin ang mga tagubilin na ito mula sa anghel upang kaniyang mapanatili ang kaniyang pananampalataya kay Jesus. Samakatwid ang kaniyang kaligtasan ay hindi lamang nalilimitahan sa mga utos o tagubilin na masusumpungan sa Biblia at sa Espiritu ng Hula, kundi nakasalalay din sa mga tagubiling buhat sa anghel na ito! Kaya nga ang mga panaginip at pangitaing ito na ipinagkaloob sa kanya ay umakay sa kanya palayo mula sa orihinal na pundasyon ng pananampalataya ng mga banal, na siya mismong panukala ni Satanas na siyang kaaway ng Dios at ng Kaniyang mga hinirang (tingnan ang Signs of the Times, March 27, 1884 (vol 1, p 420-421); Selected Messages, book 2, p 78, 86-87).
Maliwanag na si Satanas ay nakapasok sa ating hanay sa pamamagitan ng mga panaginip at pangitain. Nararapat nga sa ating lahat na mag-ingat sa ating sarili upang hindi natin mabitiwan ang pananampalatayang ipinagkaloob sa mga banal sa paraan ng mga panaginip at pangitain. Subalit mayroon bang paraan upang maisara ang pintuang ito? Oo – “maging matibay o matatag sa kaayusan ng ebanghelyo” (Early Writings, p 100).

Isang malinaw na babala ang ipinagbibigay-alam sa bawat isa sa ating mga kapatid sa Iglesya sa Tahanan, na si Satanas ay gumagawa ngayon sa pamamagitan ng mga panaginip at pangitain! Kung maaari ay subukin muna ninyo ang anumang panaginip o pangitain sa Biblia at sa Espiritu ng Hula, at kahit na isang kontradiksiyon o kamalian lamang ang masumpungan, ay wala nga doong liwanag na buhat sa Dios – kabilang na yaong mga nakaraan at hinaharap na mga panaginip at pangitain buhat sa pinanggalingan noon.
Para doon sa mga nagnanais ng higit na impormasyon tungkol sa bahaging ito ng mga panaginip at pangitain, maaaring sumulat lamang sa address na ibinigay sa harapan ng babasahing ito para sa 40 pahinang pag-aaral: “Mga Gabay na Prinsipyo Tungkol sa mga Panaginip at Pangitain.” Ang pag-aaral na ito ay hango sa Espiritu ng Hula tungkol sa mga prinsipyo ng Dios upang maalaman kung aling mga panaginip at pangitain ang buhat sa Dios, at alin ang hindi.


B. SINASABI NG PANATISISMO: Sa dahilang ang mga sakit ay dumarami sa lahat ng mga hayop, ay kalooban nga ng Dios na alisin ng Kaniyang bayan ang kanilang mga alagang hayop, lalo’t higit iyong mga nasa loob ng kanilang pamamahay.

Sinasabi ng mga tagapagtaguyod ng panatisismong ito na nga mga alagang hayop ay tagapagdala ng sakit, at sa kanila ay dapat imiwas sapagkat maaari silang makapaghatid ng sakit sa may-ari. May kapalaluan nilang sinisikap na magtamo ng suporta buhat sa Dios sa pamamagitan ng di-wastong paggamit ng sumusunod na patotoo:
“Mayroong iilan lamang mga hayop na malaya mula sa sakit.” Selected Messages, book 2, p 418.

Subalit ang kahulugan ng patotoong ito ay tungkol sa sakit sa mga hayop na pinalalaki upang maging pagkain, hindi tungkol sa mga hayop bilang alaga.
Ang mga tagapagtaguyod na ito, upang matustusan ang kakulangan ng kinasihang patotoo, ay tumatawag sa mga medical na pahayagan, sa mga artikulong may kinalaman sa siyensya, at personal na mga patotoo na nagpapakita na ang sakit sa mga hayop ay dumarami, at pagkatapos ay sasabihin o ipahihiwatig na nais ng Dios na iwasan ng Kaniyang bayan na magkaroon ng alagang hayop. At kung hindi mo aalisin ang mga alaga mong hayop, ay sinasabi nila na hindi mo talaga gustong sumunod sa Dios na maging malusog at malayo sa mga sakit. O kung ikaw ay magkasakit at mayroon kang alagang hayop, ay kanilang sasabihin na ang sakit mo ay tiyak na sa dahilang ibinigay iyon sa iyo ng alaga mo.

Ang isyu na ito na pagkakaroon o hindi pagkakaroon ng mga alagang hayop ay personal at walang kinalaman sa kung ano ang kalooban ng Dios. Ang mga pusa, aso, ibon, atbp, ay hindi malaya mula sa sakit at maaaring makapaghatid ng sakit sa mga tao. Subalit isang kapanatikuhan na sabihin na dahil sa posibilidad na makapagdala ang mga hayop na ito ng sakit ay hindi na nais ng Dios na magkaroon ng alagang hayop ang Kaniyang mga anak.
Kung ang isa ay magpatuloy sa ganitong batayan, at dahil sa sinasabi rin ni Sister White na ang sakit ay patuloy na dumarami sa mga tao (tingnan ag Counsels on Diet and Foods, p 145), at dahil maaari ring makapagdala o makahawa ng sakit ang isang tao sa kaniyang kapwa na higit na mabilis kaysa hayop, ay hindi na rin nais ng Dios na dalawin pa ng mga kapatid na lalaki at babae ang Kaniyang mga anak sa kani-kanilang tahanan dahil sa posibilidad na makakuha ng sakit sa kanila.

Nawa ay iligtas ng Dios ang Kaniyang bayan mula sa lahat ng mga maling panatisismo – lalo’t higit sa maliit na ito, na waring walang kabuluhan.

C. SINASABI NG PANATISISMO: Inuutos ng Dios sa lahat ng may-asawa Niyang mga anak na huwag nang magkaroon pa ng anumang pakikipag-ugnayan sexual sa kanilang mga asawa upang maging handa para sa langit.

Ang mapagpigil na sexual na relasyon sa pagitan ng asawang lalaki at asawang babae sa isang pagsasamang mag-asawa na sinang-ayunan ng Dios ay hindi kinokondena ng Dios sa mga huling panahong ito habang tayo ay nagsisikap para sa kasakdalan ng likas o karakter! Ang banal na halimbawa ni Enoch ay magdudulot ng mabuting ilustrasyon.
Sinabi ni Sister White na ang banal na likas ng propetang ito ay kumakatawan sa banal na na kalagayan na kailangang maabot noong mga ililigtas mula sa sanlibutang ito sa panahon ng ikalawang pagdating ni Cristo (tingnan ang Apokalipsis 14:3; Patriarchs and Prophets, p 88-89). Pagkatapos na maging anak ni Enoc si Matusalem sa edad na 65, ay lumakad siyang kasama ng Dios sa loob ng tatlong daang taon, na lalong higit na napalapit sa Kanya at pinarangalan sa pagkakaroon ng mga natatanging pahayag at patuloy na nasa pakikipag-ugnayan sa langit (tingnan ang Patriarchs and Prophets, p 84-85). Kung paanong ang karakter ni Enoc ay kumakatawan sa gaoon ding banal na kalagayan na dapat maabot ng bayan ng Dios ngayon, at habang si Enoc ay lalong lumalapit sa Dios sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa langit, siya ba ay nagkaroon ng anumang pakikipag-ugnayan sa kaniyang asawa, o si Matusalem ba ang kaniyang huling anak?
“At lumakad si Enoc na kasama ng Dios, pagkatapos na maipanganak si Matusalem na tatlong daang taon, at nagkaanak ng mga lalake at mga babae.” Genesis 5:22.

Kaya’t ang doktrinang ito na lubusang pag-iwas sa sex sa pagsasama ng mag-asawa ay isang malaking panlilinlang, at winawasak ang mga pagsasama noong mga sumusunod dito.
Subalit sisikapin ng ilang tagapagtaguyod nito na patibayin ang kanilang teorya sa pamamagitan ng pagsipi sa sumusunod na talata:
“Nguni't sinasabi ko ito, mga kapatid, ang panahon ay pinaikli, upang mula ngayon ang mga lalaking may asawa ay maging mga tulad sa wala.” 1 Corinto 7:29.

Sinasabi ba ni Pablo na hindi na kailanman dapat magkaroon ng pag-uugnayang pang-mag-asawa, o tinutukoy niya ang ibang bagay? Malinaw niyang sinasabi sa atin kung ano ang kahulugan nito sa ilang sumunod na talata:
“Datapuwa't ang ibig ko ay mawalan kayo ng kabalisahan. Ang walang asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng Panginoon, kung paanong makalulugod sa Panginoon: Nguni't ang may asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng sanglibutan, kung paanong makalulugod sa kaniyang asawa. Mayroon din namang pagkakaiba sa may-asawang babae at sa dalaga. Gayon din naman ang babaing walang asawa at ang dalaga, ay nagsusumakit sa mga bagay ng Panginoon, upang siya'y maging banal sa katawan at sa espiritu man; nguni't ang babaing may asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng sanglibutan, kung paanong makalulugod sa kaniyang asawa. At ito'y sinasabi ko sa inyong sariling kapakinabangan; hindi upang alisin ko ang inyong kalayaan, kundi dahil sa bagay na nararapat, at upang kayo'y makapaglingkod sa Panginoon nang walang abala.” 1 Corinto 7:32-35.

Hindi sinasabi ni Pablo na hindi dapat magkaroon ng sexual na pakikipag-ugnayan, kundi dapat ang ating pagmamahal ay dapat sa Panginoon muna, at pagkatapos ay kung paano natin mapaluluguran ang ating asawa. At higit ito nararapat habang nakikita natin na ang panahon ay papalapit nang papalapit sa pagdating ni Cristo. Ang isipin o malinaw na sabihin na itinataguyod ni Pablo ang lubusang pag-iwas sa pakikipag-ugnayang pang-mag-asawa ay walang anumang pundasyon sa Salita ng Dios o sa mga sulat ni Pablo! Sinabi pa mismo ni Pablo:
“Datapuwa't, upang maiwasan ang pakikiapid, ang bawa't lalake ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa, at bawa't babae ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa. Ibigay ng lalake sa asawa ang sa kaniya'y nararapat: at gayon din naman ang babae sa asawa. Ang babae ay walang kapangyarihan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang asawa: at gayon din naman ang lalake ay walang kapangyarihan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang asawa. Huwag magpigil ang isa't isa, maliban kung pagkasunduan sa ilang panahon, upang kayo'y mamalagi sa pananalangin, at muling kayo'y magsama, baka kayo'y tuksuhin ni Satanas dahil sa inyong kawalan ng pagpipigil. 1 Corinto 7:2-5.

Kaya nga, ang anak ban g Dios na may asawa ay nadudungisan o nagkakasala sa pagkakaroon ng mapagpigil at katamtamang pakikipag-ugnayang pisikal sa kani-kanilang asawa sa mga huling araw na ito? Hindi kailanman.
“Maging marangal nawa sa lahat ang pagaasawa, at huwag nawang magkadungis ang higaan.” Hebreo 13:4.

D. SINASABI NG PANATISISMO: Na nais ng Dios na pahabain ng lahat ng Kristiyanong lalaki ang kanilang mga balbas.

Sinasabi ng tagapagtaguyod ng panatisismong ito na yamang si Cristo ay may balbas, ay dapat din na pahabain ng mga lalaking Kristiyano ang sa kanila o hindi mailalarawan si Cristo, at hindi magtatamo ng kaligtasan. Kinuha ang katibayan sa Biblia mula sa Kasulatan sa Lumang Tipan sa Leviticus 19, 21 at Ezekiel 44, na tumutukoy sa hindi pagputol ng balbas kundi pagtabas lamang dito.
Kung piliin ng sinumang lalaking Kristiyano na magkaroon ng mahabang balbas, o maikling balbas, o bigote, o wala na lang balbas, ay malaya nilang magagawa iyon. Subalit kami ay sumasalungat sa sinumang nagpapahayag na kalooban ng Dios na ang lahat ng Kristiyanong lalaki ay kinakailangan o hindi kinakailangang magpahaba ng balbas. Ito ay walang kinalaman sa ating Kristiyanong paglakad na kasama ng Dios, o sa ating kaligtasan!
Subalit kagaya nang kung paanong ginawang isang isyu ang pagtutuli pagkatapos ng kamatayan ni Crsito, gayon din muling sinisikap ng mga kinatawan ni Satanas na iwatak-watak ang mga Adventistang lalaki sa paniniwala na ang panlabas na anyo ay subukan ng kaligtasan. Hindi ang ating hitsura o mukha ang higit na mahalaga sa Dios, kundi kung ano ang nasa ating puso? Anong uri ang ating pag-uugali o karakter? Tayo ba ay katulad ni Cristo sa pag-iisip, gawa, at mga salita?

Ang ating anyo ay hindi magdadala sa atin sa langit, kundi ang ating karater lamang! Ang karakter ang mahalaga sa Dios, hindi mahalaga kung ang mga lalaki ay may balbas o wala; kung tuli o hindi; kung hinuhugasan ba natin ang ating mga kamay bago kumain o hindi.
Mayroon lamang isang katanungang itatanong sa bawat isa sa paghuhukom. At ang katanungang ito ay walang kinalaman kung ano ang hitsura natin, kundi lahat ay may kinalaman sa ating pag-uugali:
“Ang tanging katangungang itatanong sa paghuhukom ay, ‘Sila ba ay naging masunurin sa aking mga kautusan?’” Gospel Workers, p 315.


Napakarami pang pahina ang masusulat na magsisiwalat sa iba pang panatisismo maging malaki o maliit na pumapasok sa hanay ng bayan ng Dios ngayon. Kagaya ng mga sumusunod: ang Pagdiriwang o Selebrasyong pamamaraan ng pagsamba (Celebration type of worship); o ang higit na pag-aalaga sa mga hayop na nanganganib maubos at sa kapaligiran kaysa sa sangkatauhang nilalang sa larawan ng Dios; atbp. Subalit sapat na ang naisiwalat upang matanggap ng ating mga kapatid ang babala.
At huwag ninyong isipin kung maaari na ang tanging panatisismong lumilitaw ngayon ay yaon lamang mga nabanggit sa aklat na ito, sapagkat ang listahan ng iba’t ibag panatisismong gagambala sa bayan ng Dios ay magpapatuloy na lalago o darami at darating upang sunod-sunod na kumalampag sa Kaniyang bayan.
Ang tanging epektibong paraan upang mawala ang panatisismo at maling doktrina sa ating hanay at sa mga Iglesya sa Tahanan ay nakatuon sa bawat isang kaanib! Ikaw mismo sa iyong sarili ang dapat makakita ng panatisismo! Sa paraang ito ay mananatili kang hindi-naaapektuhan ng salot na ito, at maisisigaw mo ang babala na ipinahahayag ang panatisimo at mas mabilis at epektibong maihahanda ang mga kapatid na lalaki at babae upang iwasan ito. Sama-sama sa pagkakaisa, na pinatitibay ang Kaayusan ng Ebanghelyo – na tinutupad ang dalangin ni Cristo sa Juan 17, ay magsasara ng pinto sa panatisismo at mga maling doktrina (tingnan ang Early Writings, p 61-63). Subalit nakasalalay pa rin sa bawat isang kaanib ng ating Iglesya sa Tahanan na malaman nila para sa kanilang sarili ang katotohanan.

Taos-puso naming dalangin na lahat noong mga nadaya at naakay na paniwalaan ang alinman sa iba’t ibang panatisismong ito ay kanilang iiwanan na ang mahihigpit na hawak ni Satanas, na lalaya na mula sa kaniyang kapangyarihang naghahari sa kanilang pag-iisip, at itatakwil na ang mga mali at nakapupukaw na mga doktrina, upang kanilang mailigtas ang kanilang buhay at ang buhay ng iba “na tulad sa apoy” at maging ganap na malaya kay Jesus. At nawa’y lahat ng ating tunay na mga kapatid sa Iglesya sa Tahanan ay ganap nang umiwas at lumaban sa silo o daya na ito ng diablo!
“Ang panatisismo, kapag minsang sinimulan at pinabayaang hindi-naaapula, ay kasinghirap sa pagpatay sa apoy na lumalamon sa buong gusali. Iyong mga nagsipasok dito at sumang-ayon sa panatisismong ito, ay higit pang mabuting gumawa sa gawaing seglar, sapagkat sa pamamagitan ng kanilang pabagu-bagong hakbang hindi nila napaluluguran ang Panginoon at ipinapahamak ang Kaniyang mga anak. Maraming ganoong samahan ang magsisibangon ngayon, habang ang gawain ng Panginoon ay dapat tumayong mataas, dalisay, at hindi nahahaluan ng pamahiin at kasinungalingan. Kailangan nating magbantay, upang mapanatili natin ang malapit na ugnayan kay Cristo, upang hindi tayo madaya ng mga pakana ni Satanas.” Selected Messages, book 2, p 35.

Nawa ay sama-sama tayong lahat na gumawa laban sa salot at apoy na ito ng panatisismo upang mapawalang-halaga at malipol ang mali at mapandayang impluwensiya nito sa gitna natin. Nawa ay gumawa tayo na kaisa ng ating tunay na mga kapatid na lalaki at babae sa pagsasara ng mga pintuan sa kaaway na ito ng katotohanan, at nang sa gayon ay hindi makapasok ang lahat ng mali at panatikong paniniwala at gawain sa ating hanay. Ang gawaing ito ay hindi madali at hindi dapat ipagwalang bahala, subalit sa pamamagitan ni Cristo ang lahat ay posible (Filipos 4:13)!
“Dapat tayong maging mapagbanatay laban sa lahat ng uri ng kamalian, sapagkat patuloy na sinisikap ni Satanas na ilayo ang mga tao mula sa katotohanan.” Testimonies, vol 5, p 296.