"LET THERE BE LIGHT" Ministries
home  |  Tagalog Booklets

Ang SALOT at APOY ng PANATISMO
Unang Bahagi - Ang Mga Prinsipyong Bumubuo sa Panatismo



First printing, 1998

Copyright  © 1998, held by

“Let There Be Light” Ministries (rs)
PO BOX 1776
Albany, OR 97321
U.S.A.
www.LightMinistries.com


     All rights reserved.  Permission is hereby given to reprint this booklet, provided that it is duplicated in its entirety without any change or comment.

     Para sa karagdagang impormasyon, maaaring sumulat sa alin mang tanggapan:

BOOKLETS
PO BOX 1776
ALBANY, OR 97321
U.S.A.




Ang SALOT at APOY ng PANATISMO
Unang Bahagi - Ang Mga Prinsipyong Bumubuo sa Panatismo

     Marami sa mga anak ng Dios ay nagigising na sa solemneng katotohanan na ang lahat ay hindi payapa at kalugod-lugod maging sa loob at labas ng mga iglesya!
     Nakikita at nauunawaan ng marami ang kasindak-sindak na pagtalikod at katiwalian sa loob ng iglesya, at sila’y tumitingin sa labas nito para sa isang mas mabuting bagay na kanilang matatakbuhan. Subali’t sa kanilang pagtingin sa labas ng iglesya kanilang nakikita na mayroon ring mga suliranin at kaguluhan. Kaya’t marami ang nagpapasya na magbakasakali o makipagsapalaran na lang sa pamamagitan ng pananatili sa loob ng kanilang tumalikod at bulok o tiwaling iglesya upang maiwasan ang lahat ng mga panganib o kaguluhang kanilang nakikita sa labas nito. Subali’t ito ba ang ligtas na landas na dapat tahakin?

     Malinaw na nakikita ng Dios ang panahon at suliraning ating kinakaharap ngayon, kung kaya’t Kaniyang binalaan na ang Kaniyang bayan na mayroon lamang isang landas na dapat tahakin ng lahat ng Kaniyang mga anak upang maligtas ang kanilang buhay – bagama’t ang landas na ito ay napakahirap at mapanganib na lakbayin.
     “Ang tabak ay nasa labas, at ang salot at ang kagutom ay nasa loob: siyang nasa parang ay mamamatay sa tabak; at siyang nasa bayan, kagutom at salot ay lalamon sa kaniya.  Ngunit silang nagsisitanan sa mga yaon ay tatanan…” Ezekiel 7:15-16.

     Kaya’t yaong mga nagpasya na manatili sa syudad o bayan, o sa kanilang bulok o tiwaling iglesya, at makipagsapalaran sa kanilang pagtalikod at kabulukan, ay mamamatay sa iglesya.  Sila ay mapapahamak dahil sa kakulangan ng buhay na mana – ang salita ng Dios, o mula sa salot – ang mismong nakakahawang sakit ng lepra ng kasalanan at katiwalian o kabulukan. Ang pagpili na manatili sa loob ng tumalikod at bulok o tiwaling iglesya ay nangangahulugan na hindi mo mapananatili ang iyong kadalisayan kundi ikaw rin ay mahahawa o magiging marumi at bulok at hindi mo matatamo ang langit!
     “Kayo’y magsiyaon, kayo’y magsiyaon, kayo’y magsialis doon, huwag kayong magsisihipo ng maruming bagay; kayo’y magsilabas sa gitna niya; kayo’y mangagpakalinis, kayong nangagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon.” Isaias 52:11.

     “At narinig ko ang ibang tinig mula sa langit, na nagsasabi, Mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, upang huwag kayong mangaramay sa kaniyang mga kasalanan, at huwag kayong magsitanggap ng kaniyang mga salot.” Apokalipsis 18:4.

     “Kayo ay pinapayuhan na huwag humipo ng maruming bagay; sapagka’t sa inyong paghipo, kayo mismo ay magiging marumi. Imposible para sa inyo na makiisa doon sa mga masama, at patuloy na manatiling malinis.  ‘Anong pakikisama mayroon ang katuwiran at kalikuan? at anong pakikisama mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? At anong pakikipagkasundo mayroon si Cristo kay Belial?’ Nais ipabatid ng Dios at ni Cristo at ng makalangit na hukbo sa tao na kung sila ay makisama sa masama, sila man ay magiging masama.” Review and Herald, January 2, 1900 (vol 4, p 137) (SDA Bible Commentary, vol 6, p 1102).

     “Sapagka’t talastas ninyong lubos, na sinomang mapakiapid, o mahalay (maruming tao)…ay walang anomang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Dios.” Efeso 5:5.

     Kaya’t sa pagpili na manatiling nakaugnay sa tumalikod na iglesya, kayo rin ay magiging kabahagi sa lahat ng mga kasalanan ng iglesya, at dahil doon kayo ay mapapahamak! Ngunit maging yaong mga nagpasya na humiwalay mula sa mga iglesyang tumalikod ay hindi malaya o ligtas sa banta ng kamatayn. Ang tabak ay nasa labas ng iglesya naghihintay upang patayin ang sinuman na hindi maingat sa pag-iwas dito. Subalit, mayroong ilan, at purihin ang Dios dahil mayroong iilan, na makakatakas mula sa iglesyang tumalikod at mula sa tabak sa labas!
     Para doon sa mga humiwalay na, o doon sa mga nagpapanukala na humiwalay mula sa kanilang tumalikod at tiwaling iglesya upang iligtas ang kanilang mga kaluluwa mula sa pagkahawa, ano ang kumakatawan sa tabak na ito na naghihintay sa labas ng iglesya upang subukin kayo at kung maaari ay patayin pa? Ang tabak na ito ay kumakatawan sa iba’t ibang bulaan at maling doktrina ng panatismo!

     Sa mahigit na 100 taong nagdaan, malinaw at makapangyarihang binalaan ang bayan ng Dios na mag-ingat sa panatismo.
     “Ipinagkaloob sa bayan ng Dios ang mga dakilang liwanag. Nawa’y magsigising ang ating mga kapatid at magpatuloy sa pagsulong sa kasakdalan. Kayo ay matatambad sa mga pandaraya ng mga ahensiya ni Satanas. Mga nakatatakot na mga alon ng panatismo ay darating. Subali’t ililigtas ng Dios ang Kaniyang mga anak na masigasig na humahanap sa Panginoon, at nagtatalaga ng kanilang mga sarili sa kaniyang gawain.” Selected Messages, book 2, p 47.

     Ano ang darating sa bayan ng Dios? Panatismo. Hindi lamang isa o dalawang doktrina ng panatismo, kundi mga alon ng panatismo. Kung kayo ay titingin sa karagatan, sunod-sunod na alon ay dumarating at humahampas sa buhanginan sa iba’t ibang antas ng lakas—ang iba ay mahina at ang iba naman ay malakas. Kaya’t sunod-sunod na alon ng panatismo ang haharapin ng bayan ng Dios. At hindi lamang maliliit na panatismo ang darating, kundi mga nakapanghihilakbot at makapangyarihang panatismo.
     Hindi dahil sa may kaawaang binuksan ng Dios ang ating mga mata upang makita at maiwasan ang isang panatismo, ay nangangahulugan na na ligtas na tayo at matatahimik na na iniisip na wala nang darating pang iba. Asahan natin na tiyak na darating pa ang ibang panatismo upang subukin at tangayin ang ating mga paa at lunurin tayo sa marurumi at mabula nitong tubig. Kaya nga, kinakailangan nating palaging magbantay, na hindi pinahihintulutang mamatay ang ating pagbabantay at ang ating kahandaan – kahit sa isang sandali.
     Subali’t asahan natin na mahahayag ang panatismo sa kaniyang sarili?
     “Kapag nakita ni Satanas na pinagpapala ng Dios ang Kaniyang bayan at inihahanda sila upang makita ang kaniyang mga panlilinlang, siya ay gagawa sa kaniyang dalubhasang kapangyarihan upang magpasok ng panatismo sa kabila at malamig na pagkapormal sa kabila, upang siya’y makapag-ani ng mga kaluluwa.” Selected Messages, book 2, p 19.

     Asahan na ng bayan ng Dios na darating ang panatismo sa panahon na kung saan ang Panginoon ay gumagawa upang pagpalain ang Kaniyang bayan – lalo’t higit sa katotohanan. Si Satanas, na laging handa upang magpasok ng mga usaping hindi mahahalaga upang hadlangan ang bayan ng Dios na tumanggap at magtaguyod ng pangkasalukuyang katotohanan, ay higit na gagawa upang hadlangan ang bayan ng Dios sa pagsulong sa liwanag.
     “Natuklasan namin sa aming karanasan na kung hindi mapanatili ni Satanas ang mga kaluluwa sa malamig na pagwawalang-bahala, kaniyang susubuking itulak sila sa mga apoy o init ng panatismo.” Testimonies, vol 5, p 644.

     At ganitong-ganito ang ginagawa ni Satanas ngayon! Kung hindi magawa ni Satanas na mapanatili tayo sa pagkakalugmok sa pagwawalang-bahala sa pangkasalukuyang katotohanan, kanyang susubuking itulak tayo sa kabilang kalabisan at balutin tayo sa mga apoy o kainitan ng panatismo.
     Natuklasan natin kung kailan natin makikita o aasahang darating ang panatismo sa bayan ng Dios, ngunit saan  mahahayag at magpapakita ang panatismo?
     “Ang panatismo ay mahahayag sa mismong kalagitnaan natin.”
                    Selected Messages, book 2, p 16.

     Kaya’t hindi lamang ganap na mananatili ang panatismo sa labas ng ating pulutong o mga iglesya, kundi ito ay matatagpuan din sa loob o kalagitnaan natin. “ANG PANATISMO AY MAHAHAYAG SA MISMONG KALAGITNAAN NATIN”! At anong uri ng mga panloob na panatismo ang babangon sa gitna ng ating mga kapatid na nagsihiwalay at iglesya sa tahanan?
     “Ang mga pandaya ay darating, at sa isang likas na kung maaari sila’y makapagligaw sa mga hinirang.” Selected Messages, book 2, p 16.

     Ang ilan sa mga pandaya at panatismong ito ay hindi madaling mamataan at mapansin. At ang ilan ay may likas o uri pa na posibleng makadaya sa atin. Ipinapakita nito na kinakailangan tayong magkaroon ng Banal na Espiritu sa lahat ng panahon upang bigyan tayo ng pang-unawa, karunungan, at pangpahid sa mata na buhat sa langit – lalo’t higit sa ating pagharap sa mga panatikong mga doktrina o aral.
     Dapat tayong maging mga mag-aaral ng salita ng Dios at ng Espiritu ng Hula, na sinusubok ang bawat doktrina na dumarating sa atin sa pamamagitan ng dalawang pamantayan na ito, kung nais nating makaiwas sa pagkasunog.
     “Sa kautusan at sa patotoo: kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga (liwanag) sa kanila.” Isaias 8:20.

     “Magkakaroon ng maalab na pagkagalit  na malademonyo laban sa mga patotoo. Ang gawain ni Satanas ay ang pahinain ang pananampalataya ng mga iglesya sa mga ito, sa kadahilanang ito: Si Satanas ay hindi maaaring magkaroon ng malinaw na daan upang maipasok ang kaniyang mga pandaya at bigkisin ang mga kaluluwa sa kaniyang mga panlilinlang kung ang mga babala at mga saway at mga payo ng Espiritu ng Dios ay pinakinggan.” Selected Messages, book 1, p 48.

     “Ang mga tao ay maaaring makapagbangon ng mga sunod-sunod na pakana, at sisikapin ng kaaway na hikayatin ang mga kaluluwa palayo sa katotohanan, subali’t ang lahat nang naniniwala na ang Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ni Kapatid na White, at pinagkalooban siya ng mensahe, ay magiging ligtas mula sa maraming mga panlilinlang na darating sa huling mga araw na ito.” Selected Messages, book 3, p 83-84.

     “Isang bagay ang tiyak: Yaong mga Adventista del Septimo Dia na tumayo sa ilalim ng bandila ni Satanas ang siyang unang magsusuko ng kanilang pananampalataya sa mga babala at saway na nakapaloob sa mga Patotoo ng Espiritu ng Dios.” Selected Messages, book 3, p 84.

     Kung ang anumang doktrina ay taliwas sa kahit isang bahagi sa Biblia o sa mga Patotoo, kung gayon huwag ninyong sang-ayunan o tanggapin ito, sapagka’t walang liwanag dito! Ang pagyakap sa alinmang aral na panatiko kahit na bahagya lamang ay magsasalab sa ating mga kasuotan kung hindi man sa ating mga kamay!
     Ganunpaman ang pagpasok ng panatismo at mga bulaang aral sa ating hanay ng tunay na bayan ng Dios na nagsihiwalay at ng iglesya sa tahanan ay hindi na bago. Ano ang palaging ginagawa ni Satanas upang sikaping sirain ang tunay na nangagsihiwalay na kilusan ng Dios sa buong kasaysayan?
     Ano ang nangyari sa panahon ng tunay na kilusan na nangagsihiwalay sa panahon ng iglesya ng mga naunang Kristiyano, kung saan ang mga tao ay lumisan mula sa tumalikod na iglesya ng Judio na naging Babilonia – na nauupo na gaya ng isang reyna na nagsasabi na hindi siya makakakita ng anumang kalungkutan? (tingnan ang Review and Herald, June 1, 1886; Desire of Ages, p 232; Selected Messages, book 3, p 417; Apokalipsis 18:7; Great Controversy, p 382).
     “Nilalabanan ni Satanas ang bawat hakbang na isinusulong ng bayan ng Dios sa kanilang paglalakbay patungo sa makalangit na bayan. Sa buong kasaysayan ng iglesya, walang repormasyon na isinulong na hindi nakasagupa ng mga matitinding balakid. Kaya’t ganito rin sa panahon ni Pablo. Saan man magbangon o magtatag ng iglesya ang apostol, mayroong ilan na nagpapanggap na tumanggap ng pananampalataya, ngunit nagpasok ng mga maling aral, na kung tinanggap, ay unti-unting mag-aalis ng pag-ibig sa katotohanan.” Spirit of Prophecy, vol 4, p 245.

     Ano ang nangyari sa panahon ng tunay na kilusan ng Repormasyon, kung saan inihiwalay ng mga tao ang kanilang mga sarili mula sa iglesya ng Romano Katoliko na naging Babilonia?
     “Si Lutero ay dumanas ng labis na kabalisahan at pangamba dahil sa hakbang ng mga panatikong tao...Marami na kulang sa pananampalataya at karanasan, subali’t malaki ang tiwala sa sarili, at mahilig magsalita ng bagong bagay, ay nadaya ng mga pagpapanggap ng mga bagong guro, at sila’y nakiisa sa mga ahente ni Satanas sa kanilang gawain ng pagpapabagsak doon sa mga iniutos ng Dios kay Lutero na itayo. Palagi ding nakakasagupa ni Wesley at ng iba pa na pinagpala ang sanlibutan sa pamamagitan ng kanilang impluwensiya at kanilang pananampalataya, ang mga lalang at daya ni Satanas sa pagtutulak doon sa mga taong labis na masigasig, hindi-patas, at hindi napabanal patungo sa lahat ng uri ng panatismo.” Spirit of Prophecy, vol 4, p 245.

     “Habang nasa Wartburg si Lutero at naririnig kung ano ang mga nagaganap, ay kaniyang sinabi na may labis na pag-aalala, ‘Inaasahan ko nang lagi na ipapasok sa atin ni Satanas ang salot na ito.’...Mula sa mga nagpapanggap na kaibigan ng Repormasyon ay bumangon ang pinakamatindi nitong kaaway.” Spirit of Prophecy, vol 4, p 147.

     Tinawag ni Lutero ang panatismo na isang salot! At ano ang mas mabuting paglalarawan ang maibibigay sa hagupit na ito ng mala-demonyong kadalubhasaan na bumangon mula sa mga humiwalay na indibidwal na nagpapanggap na kabahagi ng tunay na kilusan ng Dios na humiwalay?
     Sinabi pa sa atin na ang mga panatikong ito, na nagsisikap hikayatin ang mga lider ng repormasyon sa kanilang panatikong paniniwala, ang siyang pinakamatinding kaaway ng Repormasyon! Subali’t hindi pa ito ang katapusan ng kaguluhan sa Repormasyon.

      Isinisisi mismo ni Satanas at ng kaniyang mga kinatawan ang lahat ng kaguluhang ito na dulot ng iba’t ibang panatismo at ng lahat ng tagataguyod nito sa kilusan ng Repormasyon.
     “Ang matinding sakit o paghihirap na matagal nang naranasan ni Lutero sa kaniyang selda sa Erfurth, ay bumalik sa kaniya na may ibayong lakas habang kaniyang nakikita ang mga bunga ng panatismo na ibinintang sa Repormasyon. Ipinahayag ng mga prinsipeng makapapa na ang mga aral ni Lutero ang siyang sanhi ng paghihimagsik, at marami ang naniwala. Bagama’t ang bintang na ito ay walang anumang bahagyang batayan, ito pa rin ay nagbigay sa Repormador ng matinding pighati. Ang hamakin nang gayon na lamang ang gawain ng Langit na ibilang ito sa pinakamababang-uri ng panatismo, ay higit sa bagay na kaniyang mababata.” Spirit of Prophecy, vol 4, p 150-151.

     Kanino ibinintang ang lahat ng panatismo? Sa kilusan ng Repormasyon ng paghiwalay sa Katolisimo. Ang bintang na ito ay walang anumang batayan. Ang Dios ang may pamamahala sa kilusan ng paghiwalay ng Kaniyang bayan mula sa tumalikod at bulok o tiwaling iglesya. Ang paghiwalay sa Babilonia ay hindi siyang dahilan kung bakit bumangon ang panatismo, subalit marami ang nagsasabi na ito nga ang dahilan. Kaya’t ang mga taong ito, sa kanilang pagsisikap na siraan ang Repormasyon sa pamamagitan ng pagbibintang dito na siyang sanhi ng panatismo, ay kanilang ibinabato ang sisi sa Dios mismo sapagka’t ang Dios ang siyang nag-utos sa tao na humiwalay!
     Ngunit marami ang hindi nag-aaral para sa kanilang sarili, kung kaya’t sila’y naaakay na paniwalaan ang walang batayang kasinungalingang ito na ang panatismo ay bunga ng iyong paghiwalay sa tumalikod at bulok na mga iglesya. Dahil dito, marami ang pumipili na manatiling nakaugnay sa Babilonia.
     Ano ang nangyari nang ihiwalay ng bayang Adventista ang kanilang sarili sa panahon ng tunay na kilusan ng Dios mula sa tumalikod na mga iglesya ng Protestante na naging Babilonia?
     “Sa panahong ito (1843-44), nagsimulang bumangon ang panatismo…Sinisikap ni Satanas sa pamamagitan ng paraang ito na labanan at sirain ang gawain ng Dios. Ang mga tao ay lubhang nakilos ng kilusang Adventista, libo-libong mga makasalanan ang nahikayat, at ang mga tapat na tao ay nagtalaga ng kanilang mga sarili sa gawain ng pangangaral ng katotohanan maging sa panahon ng pagkaantala. Unti-unting nawawala sa prinsipe ng kadiliman ang kaniyang mga sakop; at upang makapaghatid ng kahihiyan sa gawain ng Dios, sinikap niyang dayain yaong mga nagpapanggap ng pananampalataya, at akayin sila sa pagkalabis. Kung magkagayon ang kaniyang mga kinatawan ay tumayong handa upang tingnan ang bawat kamalian, bawat pagbagsak, bawat hindi kaaya-ayang mga kilos o gawa, at ihayag ito sa mga tao sa pinakalabis na liwanag, upang ilarawan ang mga Adventista at ang kanilang pananampalataya na isang kasuklam-suklam. Kaya nga kung mas malaking bilang ang maaakay niya upang magpanggap ng pananampalataya ng Adventista habang pinamamamahalaan ng kaniyang kapangyarihan ang kanilang mga puso, mas malaking kapakinabangan ang kaniyang matatamo sa pamamagitan ng pagtawag ng pansin sa kanila bilang mga kinatawan ng lahat ng mananampalataya.” Spirit of Prophecy, vol 4, p 243-244.

     Bakit pumasok ang panatismo sa kilusang Adventista? Sapagka’t nababawasan ang mga sakop ni Satanas, kung kaya’t kinakailangan niyang gumawa ng hakbang upang subukin at magdala ng sisi sa buong kilusan ng Adventista at ilarawan itong kasuklam-suklam.
     “Ang aking puso ay nalulungkot at nabibigatang palagi. Para bagang isang kalupitan na ang gawain ay masugatan dahil sa mga hakbang ng mga di-tapat na lalaki. Hindi lamang nila winawasak ang kanilang sariling mga kaluluwa, kundi inilalagay sa gawain ang dungis na hindi madaling maaalis. At iniibig ni Satanas na mangyari ang gayon. Labis siyang nabibigyang-kasiyahan na makita ang katotohanan na pinangangasiwaan ng mga lalaking di-napabanal; na mahaluan ito ng kamalian, at pagkatapos ay sama-samang yurakan sa lupa. Siya’y tumitinging may pagtatagumpay doon sa magulo, watak-watak na kalagayan ng mga anak ng Dios. Kami’y nanginig para sa mga iglesya na napasailalim sa espiritung ito ng panatismo. Nagdadalamhati ang aking puso para sa bayan ng Dios. Kinakailangan ba silang madaya at maakay palayo ng huwad na kasiglahang ito?” Life Sketches, p 85.

     Ang puso ni Kapatid na White ay nasaktan, at siya ay nanginig pa, sapagka’t ang mga iglesya ay napasailalim sa panatismo. At walang bago ngayon sa tunay na kilusan ng Dios na nagsihiwalay mula sa lahat ng tumalikod at bulok na mga iglesya sa sanlibutan, kabilang na ang iglesya ng Seventh-day Adventist. Ang lahat ng mga iglesya ay naging patotot – tahanan ng bawat karumaldumal at kasuklam-suklam na ibon ng Babilonia (tingnan ang Testimonies, vol 4, p 13), at ngayon kabilang na dito ang iglesya ng SDA (tingnan ang posibilidad ng pagiging gayon sa Testimony to Ministers, p 265; Testimonies, vol 8, p 247-250; Selected Messages, book 2, p 68). Subali’t ang lahat ng kaguluhan ng panatismo ay ibibintang sa ating kilusan ng Repormasyon ngayon sapagka’t ating pinili na sundin ang kalooban ng Dios sa paghiwalay natin mula sa lahat ng tumalikod na mga iglesya – kabilang na ang SDA.
     Kaya’t may pagmamahal at kahabagang binalaan ng Dios ang Kaniyang bayan na sila’y makaaasa na babangon ang panatismo sa ating kalagitnaan at siya nating haharapin. Ngunit gaano karaming panatismo ang maipapasok sa gitna ng tunay na kilusan at bayan ng Dios na nagsihiwalay?
     Bawat anyo ng panatismo at maling mga aral, na nag-aangking katotohanan, ay maipapasok sa gitna ng nalabing bayan ng Dios.” Selected Messages, book 2, p 14.

     Umasa ang bayan ng Dios at mga iglesya sa tahanan na nagsihiwalay na sila’y makakaharap ng sari-saring anyo ng bawat uri ng mali at matitinding doktrina at aral na ibabangon ni Satanas! Subalit bakit magkakaroon ng napakaraming panatismo na papasok o darating sa ating hanay? Sapagkat ito na pinakahuling tunay na kilusan na gagamitin sa kasaysayan ng sanlibutang ito, at nalalaman ni Satanas na ang kaniyang panahon ay napakaikli na. Hinihila ng diablo ang lahat ng pamigil, at binibitiwan ang bawat umuugong na hangin upang subukin tayo at ilayo ang ating mga mata kay Jesus at sa pagpapalaganap ng Pabalita ng Kaniyang Tatlong Angel, at ilapit tayo sa kanya at ipalaganap ang kaniyang huwad na mga mensahe. Sinisikap ng tusong diablo na itumba at ibuwal tayo mula sa plataporma ng walang hanggang katotohanan.
     “Nalalaman natin na hindi pa nagkaroon ng relihiyosong pagsisikap kung saan hindi pinagsikapang mabuti ni Satanas na igiit ang kaniyang sarili, at sa mga huling araw na ito kaniyang gagawin ang hindi pa niya nagawa kailanman. Nakikita niya na ang kaniyang panahon ay maikli na, at siya’y gagawa ng lahat ng panlilinlang ng kasamaan upang isama at ihalo ang kamalian at maling pananaw sa gawain ng Dios at itulak ang tao sa maling katayuan.” Testimonies, vol 5, p 644-645.

     Si Satanas ay gumagawa na upang dalhin ang hanay natin na mga nagsihiwalay sa panatismo, o sa malamig na pagwawalang-bahala at pagiging pormal. At saan isisisi ang lahat ng bumabagabag na panatismong ito? Direktang sa kilusan ng nagsihiwalay at sa mga tumataguyod nito! Na kagaya ng nangyari sa nakaraan.
     Napakarami na ang nadayang mga tao na nagtataas ng kanilang mga tinig sa pagsasabi na kung kusa kang humiwalay mula sa tumalikod at bulok na iglesya ng SDA at ipahayag mo na ito ay nabagsak nang Babilonia, ay panatiko ka at mananagot ka sa lahat ng kaguluhan na kahahantungan nito.
     Pero dahil ba pinagbintangan o iniulat ang isa na sangkot sa panatismo, nangangahulugan ba iyon na paniniwalaan na natin ang ulat na iyon na iyon ay katotohanan ng ebanghelyo na hindi tayo gumagawa ng anumang pagsisiyasat sa ating sarili?
     Si Noe ay iniulat na isang panatiko, pero siya ba ay panatiko? Hindi. Ang kaniyang mensahe ng paghihiwalay ay ipinahayag na isang panatisismo; pero totoo ba? Hindi (tingnan ang SDA Bible Commentary, vol 1, p 1090; Patriarchs and Prophets, p 96). Ang mensahe ni Noe ng paghiwalay sa kasalanan at makasalanan ay mensahe ng katuwiran na direktang buhat sa Dios (tingnan ang 2 Pedro 2:5)! Si Juan Bautista ay pinaratangan bilang panatiko, pero iyon ba ay totoo? Hindi. At ang kaniyang mensahe ay ipinahayag na panatisismo, pero iyon ba ay totoo? Hindi. Siya ang mensahero ng Dios, at kaniyang ipinangangaral ang mensahe na kailangang-kailangan ng mga tao sa panahong iyon. Subalit ipinahayag ng mga kilalang Ministry at ministro ng mga Judio na si Juan ay panatiko (tingnan ang Desire of Ages, p 275). Si William Miller ay pinaratangan na isang panatiko, pero iyon ba ay totoo? Hindi-hindi (tingnan ang Great Controversy, p 336). Si Ellen White ay pinagbintangang nagtuturo ng panatisismo, ngunit siya ba ay sangkot doon? Hindi-kahit sa maliit na paraan. Ang kaniyang tinig ay isa sa malakas na sumigaw laban sa panatisimo sa kaniyang kapanahunan (tingnan ang Early Writings, p 22; Testimonies, vol 1, p 72). Sina A.T. Jones at E.J. Waggoner ay ipinahayag din na mga panatiko, pero sila ba ay panatiko? Hindi (tingnan ang Testimonies to Ministers, p 97). Sila’y ibinangon upang ipangaral ang pinakamaluwalhating katotohanan ng katuwiran ni Cristo. Subalit si Satanas ay may kaniyang mga ahente o kinatawan na nagpahayag sa kahanga-hangang katotohanan na ito na isang panatisismo, at ang mga tumataguyod noon bilang mga panatiko (tingnan ang 1888 Materials, p 1479, 1565; Paulson Collection, p 351; Spalding and Magan Collection, p 34).
     Kaya hindi dahil narinig mo ang ulat na ang ilan ay kabilang o nagtataguyod ng panatisismo ay nangangahulugan na  iyon nga ay totoo. Maaaring iyon ay isa lamang sa pandaraya ni Satanas upang subukin at ilayo tayo sa pakikinig ng kanilang mensahe. Subalit dapat rin tayong maging mapagbantay. Dapat nating subukin ang bawat doktrina at aral na nag-aangkin na katotohanan ng Biblia at ng Espiritu ng Hula. ANG BAWAT DOKTRINA AY KINAKAILANGANG SUBUKIN BAGO ITO TANGGAPIN!     

     Kung paanong makikita natin, at ngayon ay nakikita na natin ang nakatatakot na daluyong ng bawat anyo ng panatisismo sa hanay ng tunay na kilusan ng Dios ngayon, ano ang tungkulin natin sa harapan ng Dios? Ang tungkulin natin ay tiyakin na hindi tayo kabahagi ng panatisismo, at ating itaas ang ating tinig sa paghahayag nito saan man ito masumpungan, at babalaan natin ang ating mga kapatid na huwag lumakad doon, o makibahagi sa daya nitong nakahahalina.
     Subalit ano ba talaga ang panatisismo, at paano natin matitiyak na ito nga ay panatisismo?
     Malinaw na sinagot ng Dios ang mga katanungang ito sa pamamagitan ng Kaniyang Salita at ng Kaniyang mga propetan – ang Biblia at ang Espiritu ng Hula. Lalong malinaw na sinagot ang mga katanungang ito sa sulat ni Ellen White, sapagkat paulit-ulit siyang tinawag upang harapin at ihayag ang panatisismo.

     Sa pag-aaral sa mga patotoo, natuklasan ang 14 na pangunahing mga prinsipyo na bumubuo sa panatisismo. Sa 14 na mga prinsipyong ito maaaring subukin ng bayan ng Dios ang alinmang mensahe na darating sa kanila at tuklasin kung ito nga ay panatisismo o hindi.

     – Unang Prinsipyo.
          “Isisingit ni Satanas ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng maliliit na kalang o hadlang, na magiging malaki habang gumagawa sila ng lugar para sa kanilang sarili. Ang mapagpaimbabaw na mga daya ni Satanas ay ipapasok sa mahalagang gawain ng Dios sa panahong ito.” Selected Messages, book 2, p 21.

Ang unang prinsipyo ng panatisismop ay magsisimula bilang maliliit na mga hadlang o kalang na ikakabit sa katotohanan hanggang ang mga ito’y makasumpong ng lugar sa mensahe.

     – Ikalawang Prinsipyo.
          “Ang ilan ay nagbabangon ng mga huwad o maling subukan, at
ginagawang pamantayan ang kanilang sariling mga kuru-kuro at paniniwala, na pinalalaki ang mga bagay na may maliliit na halaga bilang subukan ng pagsasama-sama o pagtitipon ng mga Kristiyano, at iniaatas ang mabibigat na pasanin sa iba.” Selected Messages, book 2, p 318.

     Ang ikalawang prinsipyo ng panatisismo ay gagawing subukan ng tao ang kanilang sariling mga kuru-kuro at paniniwala, o kanilang palakihin ang mga bagay na may maliit na halaga upang maging subukan ng Kristiyano.

     – Ikatlong Prinsipyo.
          “Siya (o si Satanas) ay nagpapasok ng mumunting mga katha na walang anumang munting halaga. Ang mga ito ay kaniyang inihaharap bilang mga subukang bigay ng Dios, kung saan si Satanas naman ang pinagmulan ng mga yaon upang ilihis ang mga kaisipan mula sa tunay na mga subukan na ipinagkaloob ng Dios.” Evangelism, p 213.

     Ang ikatlong prinsipyo ng panatismo ay gagawing hayag ang mumunting mga katha bilang subukan na ibinigay ng Dios upang ang isipan ay mailihis mula sa tunay na subukan.

     – Ikaapat na Prinsipyo.
          “Para sa ilan ang kasamaan ay nahayag mismo sa anyo ng mga subukang gawa ng tao upang alamin ang karunungan ng kalooban ng Dios; at ipinakita sa akin na ito ay isang daya na naging kahibangan, at ito ay taliwas sa kalooban ng Panginoon.” Selected Messages, book 2, p 28.

     Ang ikaapat na prinsipyo ng panatismo ay kanilang palalabasin na kalooban ng Dios ang mga subukang gawa lamang ng tao gayong wala naman silang magagawa sa kalooban ng Dios.

     – Ikalimang Prinsipyo.
          “Ang mga kamalian ay inihahalo sa maraming mga katotohanan na tinatanggap sa maling kahulugan niyaon, at ginagawa ng mga taong may ugaling mabiglain. Dahil dito, ang panatismo ang kukuha sa lugar ng maayos na pangangasiwa, mabuting disiplina, makalangit na pagsisikap upang isulong ang gawain sa katapusan nito.” Selected Messages, book 2, p 17.

     Ang ikalimang prinsipyo ng panatismo ay ihahalo ang katotohanan sa kamalian at pagkatapos ay palalakihin ang kahulugan nito na magbubunga ng pagkapukaw, at sisira sa maayos na pagsisikap upang isulong ang gawain ng Dios.

     – Ikaanim na Prinsipyo.
          “Ang kanilang relihiyon (ng mga panatiko) ay hindi binubuo sa matuwid na mga gawa, tunay na kapakumbabaan ng kaluluwa, at tapat na pagtatalaga sa Dios, kundi sa simbuyo, sa ingay at kaguluhan, na pinalabukan ng kakatuwa at kakaiba o di-karaniwan.” Testimonies, vol 2, p 553.

     Ang ikaanim na prinsipyo ng panatisismo ay ang mga gawa ay isinasagawa sa pamamagitan ng bugso ng damdamin at ilan sa mga kilos na ito ay nalalahukan ng kakaiba at kawirduhan.

     – Ikapitong Prinsipyo.
          “Mayroong ilan na nagpapanggap na may dakilang kaamuan o kapakumbabaan, at itinataguyod ang paggapang sa sahig na kagaya sa mga bata, bilang katibayan ng kanilang kapakumbabaan. Kanilang inaangkin na ang salita ni Cristo sa Mateo 18:1-6 ay kinakailangang magkaroon ng literal na katuparan sa panahong ito, habang sila’y naghihintay para sa pagbabalik ng kanilang Tagapagligtas. Sila’y nagsisigapang sa paligid ng kanilang mga tahanan, sa kalye, sa mga tulay, at mismong sa mga simbahan. Malinaw kong sinabi sa kanila na hindi ito hinihingi; na ang kapakumbabaang tinitingnan ng Dios sa Kaniyang bayan ay dapat ipakita sa buhay na kagaya ng kay Cristo, hindi sa pamamagitan ng paggapang sa sahig. Ang lahat ng mga bagay na espiritual ay dapat na pakitunguhang may banal na karangalan.” Life Sketches, p 85-86.

     Ang ikapitong prinsipyo ng panatismo ay ang bigyan ng literal na kahulugan ang Kasulatan at ang mga gawa ay isinasakatuparan, na dapat sana na pakahulugan ang Kasulatan bilang espiritual, na kumakatawan sa karakter.

     – Ikawalong Prinsipyo.
          “Ang bawat bagay ay tila inihanda para sa gawain ni Satanas. Kaniyang inaakay ang marami na isaisantabi ang katuwiran at kahatulan, at  mapangunahan ng mga impresyon o pakiramdam. Hinihiling ng Dios sa Kaniyang bayan na gamitin ang kanilang kapasyahan o katuwiran, at huwag itong isaisantabi dahil sa pakiramdam. Ang Kaniyang gawain ay mauunawaan ng lahat ng Kaniyang mga anak. Ang Kaniyang mga aral ay yaong maipagkakatiwala sa pang-unawa ng matatalinong kaisipan. Ito ay sinadya upang itaas ang kaisipan.” Testimonies, vol 1, p 230.

     Ang ikawalong prinsipyo ng panatismo ay ang katuwiran ay isinasaisantabi upang mapangunahan ng impresyon o pakiramdam (na kagaya ng “Sa paniwala ko” o “sa palagay ko” o “sinabi ng Panginoon sa akin,” na kabilang na ang mga panaginip).

     – Ikasiyam na Prinsipyo.
          “Kahit minsan huwag pahintulutan ang damdamin na manaig o mangibabaw sa paghatol. Mayroong panganib sa pagiging labis doon sa bagay na matuwid, at yaong hindi matuwid ay tiyak na mag-aakay sa maling mga landas. Kung walang maingat, masikap, matalinong paggawa, na kasingtigas ng bato sa pagsulong ng bawat ideya at prinsipyo, at sa bawat paglalarawang ibinigay, ang mga kaluluwa ay mapapahamak.” Selected Messages, book 2, p 18.

     Ang ikasiyam na prinsipyo ng panatismo ay ang sundin ang damdamin sa halip na ang matuwid na paghatol at ang salita ng Dios.

     – Ikasampung Prinsipyo.
          “Napakarami ang nag-aangkin na naniniwala at nagtuturo ng katotohanan na may mga sariling kamalian at kakaibang kuru-kuro na naihalo sa katotohanan. Subalit mayroong mataas na pamantayan para sa atin upang doon tayo makatayo. Dapat nating sampalatayanan at ituro ang katotohanan ni Jesus.” Selected Messages, book 2, p 29.

     Ang ikasampung prinsipyo ng panatismo ay ang ihalo ang kamalian at kakaibang kuru-kuro sa katotohanan, at pagkatapos ang pinaghalong ito ay ipahayag na buong katotohanan.

     – Ikalabing-isang Prinsipyo.
          “Ang ilang masigasig na lalaki na ginagamit at pinapagod ang bawat lakas para maging kakaiba ay gumagawa ng mabigat na kamalian sa pagsisikap na makapukaw ng bagay na nakakagulat, kahanga-hanga, kabigha-bighani sa harap ng mga kapatid, mga bagay na kanilang iniisip na hindi maunawaan ng iba; subalit kadalasan sila mismo ay hindi nila maunawaan kung ano ang kanilang sinasabi. Sila’y nagsasapantaha o naghahaka-haka sa Salita ng Dios, na isinusulong ang paniniwala na hindi makakatulong nang bahagya man sa kanilang sarili o sa mga iglesya. Sa maikling panahon, magagawa nilang mapukaw ang imahinasyon; subali’t magkakaroon ng reaksiyon, at ang mga kuru-kurong ito ay magiging hadlang. Ang pananampalataya ay nilito ng guni-guni, at ang kanilang mga pananaw ay maaaring magkatig sa kaisipan sa maling direksiyon. Hayaan ang malinaw at payak na pahayag sa Salita ng Dios ang maging pagkain ng kaisipan; ang paghahaka-haka sa mga kuru-kuro na hindi malinaw na ipinakita doon ay isang gawaing mapanganib.” Selected Messages, book 2, p 13-14.

     Ang ikalabing-isang prinsipyo ng panatismo ay hinahaka-haka yaong mga bagay na hindi malinaw na ipinahayag sa salita ng Dios at ito’y ipinapahayag bilang bagong katotohanang direktang buhat sa Dios.

     – Ikalabing-dalawang Prinsipyo.
          “Mula sa liwanag na ipinagkaloob sa akin ng Panginoon, babangon ang mga lalaki na magsasalita ng mga salungat na bagay. Oo, sila’y gumagawa at nagsasalita na ng mga bagay na hindi kailanman inihayag ng Dios, na inihahalintulad ang mga banal na katotohanan sa mga bagay na pangkaraniwan. Ang mga paksa ay ginawa at patuloy na gagawin mula sa palalong kamalian ng mga tao, hindi ng katotohanan. Ang mga lalang ng mga kaisipan ng tao ay lilikha ng mga subukan na hindi kailanman subukan, upang kapag ang tunay na subukan ay mahayag, ito ay ipapalagay na kapantay ng mga subukang gawa ng tao na wala namang halaga. Makaaasa tayo na bawat bagay ay ipapasok at ihahalo sa matuwid na aral, ngunit sa pamamagitan ng malinaw na espiritual na paghatol, sa pamamagitan ng makalangit na pagpahid, makikilala natin ang banal mula sa karaniwan na naipasok upang lituhin ang pananampalataya at ang matuwid na paghatol, at sirain ang dakila, maringal, sumusubok na katotohanan para sa kapanahunang ito....
     “Hinding hindi kailanman dumating ang panahon kung saan higit na nagdusa ang katotohanan kung saan ito’y maling inilarawan, hinamak, sinira sa pamamagitan ng di-matuwid na pagtutol at paglaban ng mga tao kundi sa huling mga araw na ito. Ang mga lalaki ay nagsipasok na may magkakaibang dami ng maling aral na kanilang ipinapakita bilang mga orakulo sa mga tao. Ang mga tao ay naakit ng ilang kakaibang bagong bagay, at sila’y hindi pa pantas sa karanasan upang makita ang likas ng kuru-kuro na maaaring likhain nito. Hindi magagawang katotohanan ang tawagin ang isang bagay na may malaking kahalagahan at ipantay ito sa mga orakulo ng Dios. O, kung gaano nito sinasaway ang mababang pamantayan ng kabanalan sa mga iglesya.
     “Ang mga lalaki na nagnanais magturo ng di-karaniwang bagay ay magbabangon ng mga bagay na bago at kakaiba, at walang pagsasaalang-alang na sila’y hahakbang sa hindi-matitibay na mga teoryang ito, na pinagsama-sama bilang mahahalagang teorya, at ituturo na ito’y mga paksa  ng buhay at kamatayan.” Selected Messages, book 2, p 14-15.

     Ang ikalabing dalawang prinsipyo ng panatismo ay ang gawing isyu at subukan ang mga bagay na kailanman ay hindi inihayag ng Dios at ito’y iugnay sa banal na katotohanan. At kapag ang katotohanan ay itinuro na, ang mga maling subukang ito ay ipapasok din at gagawing paksa na buhay at kamatayan; ibig sabihin kung hindi mo susundin ang mga bago at kakaibang doktrinang ito, kundi iyong itatakwil, kung gayon ang iyong kaligtasan ay mawawaglit – kung saan wala namang ginagamit na “salita ng Panginoon” na magpapatibay nito.

     – Ikalabing tatlong Prinsipyo.
          “Ang kahihiyan na isinisisi sa gawain na may kinalaman kay Kapatid na A ay mabigat na nakaatang sa iyo. Hinubog mo ang karamihan sa kaniyang mga kasanayan at karanasan. Siya ay mahina, ngunit maaari niyang gampanan ang kaniyang lugar sa kaniyang pamilya at pagbuklurin ang kaniyang mga anak, subalit kakaunti lamang ang kaniyang naging panahon sa tahanan bago bumaba ang kaniyang katuwiran. Ang kalagayan ng pagtalikod ng mga nagpapanggap na nangingilin ng Sabbath sa ____ ang umakay sa iyo na hikayatin si Kapatid na A na iwanan ang kaniyang pamilya na nangangailangan ng kaniyang kalinga at pumunta sa ____ na doo’y makakatutulong ang kaniyang impluwensiya sa mga nangingilin ng Sabbath doon. Ang hindi tamang pagkapukaw ang umakay sa kaniyang hakbang.” Testimonies, vol 1, p 315.

     Ang ikalabing tatlong prinsipyo ng panatisismo ay ito’y nag-aakay na mawasak ang tahanan. Iniiwan ng panatikong mananampalatayang asawa ang asawang hindi mananampalataya sapagkat hindi sila magkasundo sa bagong doktrina.

     – Ikalabing-apat na Prinsipyo.
          “Ang bawat anyo ng panatisismo at maling mga teorya, na nag-aangking katotohanan ay ipapasok sa gitna ng nalabing bayan ng Dios. Ito ang magpupuno sa mga isipang mayroong mga maling kuru-kuro na walang bahagi sa katotohanan para sa panahong ito. Sinumang tao na nag-aakala na magagawa niyang simulan ang gawain na aakit sa sanlibutan sa pamamagitan ng kalakasan ng kaniyang sariling inisip na kapasiyahan, sa kaniyang katalinuhan kabilang na ang kaniyang kaalaman sa agham o paniniwala, ay masusumpungan niya ang kaniyang sarili na nakahiga sa gitna ng pagkawasak ng kaniyang sariling espekulasyon, at malinaw niyang mauunawaan kung bakit siya naroroon.” Selected Messages, book 2, p 14.

     Ang ikalabing-apat na prinsipyo ng panatisismo ay wala itong malinaw na “sinasabi ng Panginoon” bilang katibayan na magpapatunay ng kanilang teorya, iuugnay ng mga panatiko ang kanilang sarili sa agham at manghahawak sa ilang siyentipikong artikulo o pahayagan sa medisina upang patunayan na ang kanilang kuru-kuro ay siyang katotohanan sa panahong ito. (TALA: Maaari ninyong masumpungan ang parehong panig sa anumang argumentong isinulat sa mga siyentipikong artikulo na ito at pahayagang pangmediko.)


     Ang mga ito ang labing-apat na prinsipyo na bumubuo sa panatisismo. Kaya kapag dumating ang anumang aral sa inyo, ang mga prinsipyong ito ang maaaring gamitin. Kung ang doktrina ay umaayon sa alinman sa nabanggit na mga prinsipyo, kung gayon ito’y posibleng panatisismo na hindi dapat tanggapin nang walang maingat at may pananalanging paghahambing sa Biblia at sa Espiritu ng Hula. Pagkatapos na subukin ang pinag-aalinlanganang doktrina sa kautusan at sa patotoo, kung masumpungan ng kahit isang pagsalungat, kung gayon WALANG LIWANAG SA KANILA at ito’y dapat na iwasan at labanan.
     Maliwanag na binalaan tayo ng Dios:
     “Mayroong panganib na hindi maunawaan ang tamang kuru-kuro, at mawalan ng halaga ang salita ni Cristo na, ‘Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo’ (Mat. 28:20). Mayroong panganib na mangibabaw sa Kasulatan ang kakaibang pag-iisip at mapamahiing haka-haka. Sabihin ninyo sa ating mga kapatid: ‘Huwag kayong manabik na magdala ng mga bagay na hindi nahayag sa Kasulatan. Magpatuloy kayo sa paglapit kay Cristo.’...
     “Alalahanin natin na ang Salitang iniutos tayo sa atin ni Cristo na ipangaral sa lahat ng mga bansa, lahi, wika, at mga tao ay pinatibay ng Banal na Espiritu. Ito ang panukala ng gawain ng Dios.” Selected Messages, book 2, p 18.

     Ang Salita ng Dios ang subukan ngayon, hindi ang salita ng tao. At kung ang sinuman ay manghawak o magtaas ng kanilang sariling salita at sabihin na ito’y subukang buhat sa Dios, kung gayon sila ay nasa panatisismo.
     “Marami ngayon na tinatawag na sumusubok na katotohanan ay walang-kabuluhan na siyang umaakay upang labanan ang Banal na Espiritu.” Selected Messages, book 2, p 38.

     Subalit bakit naipasok ang panatisismo? Alam natin na ito’y mangyayari, at marami na sa atin ang nakakakita nito sa ating kalagitnaan; subalit bakit ito’y nasa kalagitnaan natin?
     “Siya (si Satanas) ay gumagawa ng lahat ng kaniyang mapanlinlang na kapangyarihan upang akayin ang tao palayo sa mensahe ng ikatlong anghel, na ipapangaral na may dakilang kapangyarihan. Kung makita ni Satanas na pinagpapala ng Panginoon ang kaniyang bayan at inihahanda sila upang kanilang makita ang kaniyang mga daya, siya ay gagawa sa kaniyang dalubhasang kapangyarihan na magbangon ng panatisismo sa kabila at pormal na kalamigan sa kabila, upang kaniyang matipon ang pag-aani sa mga kaluluwa. Ngayon ang panahon natin na magbantay ng walang patid. Magbantay, hadlangan ang daan sa anumang pinakamaliit na hakbang ng pagsulong na magagawa sa inyo ni Satanas.” Selected Messages, book 2, p 19-20.

     Kaya’t si Satanas ay magbabangon ng panatisismo upang subukin at akayin tayong palayo mula sa pagsasakabuhayan at pangangaral ng pabalita ng ikatlong anghel. Iyan ang isa sa malaking dahilan kung bakit nasa ating kalagitnaan ang panatisismo ngayon – upang masangkot tayo sa ilang hindi mahalagang paksa, na ilalagay sa unahan at bibigyan ng pangunahing pagpapahalaga. Dahil dito, ang pabalita ng ikatlong anghel ay matatabunan ng panatisismo, kung saan ito sana ang dapat bigyan ng malaking pagpapahalaga!
     “Mga maling kuru-kuro ay ibabangon at ipapasok sa gawain, at ituturo sa tao bilang bahagi ng katotohanan; subalit anumang bagay na hindi iniugnay ng Dios sa katotohanan ay magsisilbi lamang na pampahina sa gawain at magpapaliit sa kapangyarihan na tinataglay nito. Patuloy na sinisikap ni Satanas na ilayo ang isipan mula sa tunay na gawain tungo sa huwad na gawain; at yaong may maliit  na karanasan sa pakikitungo ng Dios ay nasa panganib na magapos ng labis na kuru-kuro, at nasa panganib na manghawak sa mga ideyang kapareho na nakagapos sa mga Judio sa panahon ng pananahan ng Tagapagligtas sa mga tao...
     “Mayroong ilan na tumalikod mula sa dakila at napakahalagang gawaing ito, upang sundin ang kanilang sariling daan. Mayroon silang naiibang kuru-kuro at ayaw nilang tumanggap ng payo. Kanilang pinili na sundin ang kanilang sariling hakbang, hanggang ang pabalita ng ikatlong anghel ay naging isang bagay na lamang na may maliit na halaga, hanggang sa huli ito’y lubusan nang mawalan ng halaga. Sila’y nanghahawak sa ibang doktrina na pangunahing lumalaban sa aral ng Biblia. Hindi nila maunawaan ang uri o likas ng gawain, at sa halip na akayin ang mga tao patungo sa matibay na plataporma ng katotohanan, kanilang inaakay sila na ilagay ang kanilang mga paa sa mahinang pundasyon ng kamalian. Kanilang hinihimok ang mga tao na pasanin ang pamatok na hindi naman pamatok ng maamo at mapagpakumbabang si Jesus...
     “Ang katotohanan, na dalisay at puro, ay dapat na ituro sa mga tao. Ang pabalita ng ikatlong anghel ang nagbabata ng tunay na subukan sa mga tao. Aakayin ni Satanas ang mga tao na lumikha ng mga huwad na pagsubok, upang sa gayon kaniyang sikaping ikubli at pawalang-halaga ang mensahe ng katotohanan. Ang kautusan ng Dios na halos ganap nang ipinawalang-bisa sa buong sanlibutan ang siyang katotohanang sumusubok para sa panahong ito.” Review & Herald, May 29, 1888 (vol 2, p 215).

     Layunin ni Satanas na ganap na takpan at pawiin ang pabalita ng ikatlong anghel mula sa ating mga buhay at sa ating pangangaral, at palitan ito ng mga panatikong mga doktrina at gawa. Ito ang dahilan kung bakit ipinapasok at ibinabangon ngayon ang panatisismo sa hanay ng bayan ng Dios na nangagsihiwalay.
     Naakay na paniwalaan ng maraming panatiko na dahil hindi pinahahalagahan ang kanilang naiibang aral kung kaya’t hindi pa nagaganap ang ikalawang pagdating ni Cristo! Inaangkin nila na ang kanilang mensahe ang malakas na sigaw, at hanggat hindi pa naipalalaganap na may kapangyarihan ang kanilang mensahe,ang bayan ng Dios ay mananatili pa rin daw sa makasalanang sanlibutang ito. Samantalang ang tunay na dahilan kung bakit narito pa rin tayo sa madilim na sanlibutang ito ay sa dahilang hindi pa ganap na ipinangangaral sa sanlibutan na gaya ng nararapat ang pabalita ng tatlong anghel-hindi sa dahilan na hindi pa natutuklasan at naipapangaral ang iba pang mensahe.
     Mga kapatid, kinakailangan ang matinding pakikipagbaka para mapigilan ang inyong mga pag-iisip. At si Satanas ay higit na nagtatamo ng pamamahala sa isipan ng ating mga kapatid na nagsihiwalay sa pamamagitan ng mga maling doktrina kaysa anupamang kaparaanan!  
     “Nakakamit ni Satanas ang kaniyang kapangyarihan sa isipan ng mga tao sa pamamagitan ng mga bulaan at maling kuru-kuro at tradisyon.” Evangelism, p 589.
     Mayroong nagaganap na walang-tulog at masigasig na pakikipagbaka ngayon, na hindi pa nangyari kailanman sa kasaysayan ng sanlibutang ito, para makuntrol ang ating mga isipan. Nawa’y may kaawaang tulungan ng Dios ang Kaniyang bayan na nagsihiwalay na palaging maging mapagbantay sa bawat sandali. Huwag nating hayaan na makalimot tayo sa ating pagbabantay, maging doon sa mga kaanib ng pulutong ng sarili nating iglesya sa tahanan!
     “Na nananangan sa tapat na salita ayon sa turo, upang umaral ng magaling na aral, at papaniwalain ang nagsisisalangsang. Sapagkat may maraming mga suwail, na mapagsalita ng walang kabuluhan at mga magdaraya, lalong lalo na yaong mga sa pagtutuli: Na ang kanilang mga bibig ay nararapat matikom, mga taong nagsisipanggulo sa buong mga sangbahayan, na nagtuturo ng mga bagay na di nararapat, dahil sa mahalay na kapakinabangan.” Titus 1:9-11.

     Ang kapakinabangan o pakinabang ay may kinalaman sa salapi o pera. Subali’t sino ang tinutukoy dito na nasa “pagtutuli”? Sila ang mga Judio. Subali’t ang mga Judiong ito ay hindi kaugnay sa iglesya o relihiyon ng mga Judio, sapagkat sila’y humiwalay na mula sa kanilang tumalikod na iglesya at iniugnay ang kanilang sarili sa tunay na mananampalataya ng Dios sa pamamagitan ng pagpapanggap ng kaparehong pananampalataya. Kaya’t ang mga mandarayang ito ay nasumpungan mismo sa gitna ng bayan ng Dios, hindi sa labas nila!
     Kaya’t sinasabi ni Pablo: “May mga taong magsisibangon mula sa inyong kalagitnaan na magpapasok ng mga bulaan at maling aral, at kanilang kukunin ang inyong mga salapi para sa pagpapalaganap ng mga maling aral na ito at para sa kanilang pansariling kapakinabangan.” Subali’t ano ang gagawin ng bayan ng Dios kapag bumangon sa kanila ang mga panatikong pananaw o kuru-kuro na mula sa kanilang sariling kapatid?
     “Paulit-ulit na ako’y inatasan sa nakaraang mga taon na magsalita ng pagtutol laban sa mga haka-haka at ipinagbabawal na mga pamamaraan at panukala na sunod-sunod na itinuturo ng mga tao. Ang palagi kong mensahe ay, Ipangaral ang Salita sa kapayakan at sa lahat ng kapakumbabaan; ituro sa mga tao ang malinaw, at dalisay na katotohanan na hindi nahaluan. Huwag buksan ang pintuan sa mga panatikong hakbang o pagkilos, sapagkat ang impluwensiya nito ay maghahatid sa bayan ng Dios ng kaguluhan sa kaisipan at panghihina at kakulangan ng pananampalataya....
     “Saanman ako tawagin upang harapin ang panatisismo sa iba’t ibang anyo nito, nakatanggap ako ng malinaw, positibo, at tiyak na tagubilin na dapat kong itaas ang aking tinig laban sa impluwensiya nito.” Selected Messages, book 2, p 28.

     Kaya kapag nakita natin sa ating hanay ang panatisismo, dapat nating itaas ang ating mga tinig laban sa impluwensiya nito, at hindi lamang bastang uupo na walang-imik na nagbabantay.
     “Naabot na natin ang panahon kung saan dapat na nating tawagin ang mga bagay sa kanilang tamang pangalan. Kagaya ng aming ginawa sa nagdaang mga araw, kinakailangan nating magsibangon, at sa espiritu ng Dios ay ating sawayin ang gawain ng pandaraya. Ang ilan sa mga kuru-kuro na ipinapahayag ngayon ay simula pa lamang ng ilang pinakapanatikong pananaw na maaaring ipahayag. Ang mga aral na katulad noong mga hinarap namin pagkatapos na pagkatapos ng taong 1844 ay siyang itinuturo ng ilan na nanghahawak sa mahalagang posisyon sa gawain ng Dios.” Selected Messages, book 2, p 26.

     Wala na tayo sa “pasimula” ng panatisismo. Subalit malinaw na tayo ay nasa panahon na ng “katapusan” ng panatisismo. Bawat hangin ng panatikong kuru-kuro,pananaw at doktrina ay mabangis na humihihip sa palibot natin. Ngayon, sa mga huling araw na ito, ay hindi na panahon na manatiling tahimik kapag nakita natin ang panatisismo sa gitna ng ating mga kapatid. Dapat nating tawagin ang panatisismo sa tama nitong pangalan at sawayin ito sa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu ng Dios.
     “Dahil dito’y sawayin mong may kabagsikan sila, upang mangapakagaling sa pananampalataya; Na huwag mangakinig sa mga katha ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nangagsisisinsay sa katotohanan.” Titus 1:13-14.

     Alinmang panatisismo at lahat ng panatisismo ay dapat na haraping walang pag-aalinlangan, kahit na sino pa man ang nanghahawak dito o kung sino ang nagbabangon nito sa ating kalagitnaan!
     “Ako ay pinagtagubilinan na ang panatisismo na katulad  kung saan kami tinawagan upang ito’y harapin pagkalipas ng panahon ng 1844 ay muling darating rin sa atin sa mga panahon ng pagtatapos ng mensahe, at dapat nating harapin ang kasamaang ito na walang-pag-aalinlangan ngayon na katulad ng amin itong harapin sa mga una naming karanasan.” Selected Messages, book 1, p 221.

     Kaya nga dapat nating harapin ang panatisismo sa isang tiyak na paraan na kagaya noong panahon ni Ellen White. Huwag nating hayaang maging bukas ang ating mga pintuan para dito, kundi sarhan o hadlangan natin ito na makapasok.
     “Iyong mga gumagawa ng gawain ng Panginoon sa mga syudad ay dapat nilang sarhan at kandaduhang matibay ang pintuan laban sa pagkabigla at panatisismo. Ang salita ng Dios ang siyang ating kabanalan at katuwiran, sapagkat ito ay pagkaing espiritual. Ang pag-aralan ito ay ang kumain ng mga dahon ng puno ng buhay. Walang higit na makapagpapataas at makapagpapasigla sa mga lingkod ng Dios kundi ang ituro ang mga Kasulatan na gaya ng paraan ng pagturo ni Cristo sa kanila. Ang Salita ng Dios ay naglalaman ng banal na pagkain, na nagbibigay kasiyahan sa panlasa para sa pagkaing espiritual.” Evangelism, p 138-139.

     Kaya’t tanging ang salita lamang ng Dios ang makapagbibigay kasiyahan sa panlasa para sa espiritual na pagkain, ang panatisismo ay hindi kailanman nagbibigay-kasiyahan. Iyan ang dahilan kung bakit ang mga panatiko ay patuloy na humahanap ng mga bagay na bago, ng mga bagay na nakagigiliw, upang subukin at bigyang kasiyahan ang kahungkagan. At hindi sila nalulugod na panatilihan sa kanilang sarili ang mga panatikong aral, kundi pinipilit ang iba na ito’y sundin din.
     “Ang isang panatiko, sa kaniyang malakas na espiritu at kakaibang kuru-kuro, na sisiil sa budhi noong nagnanais na maging matuwid, ay makagagawa ng malaking pinsala. Ang iglesya ay kinakailangang madalisay mula sa lahat ng ganoong mga impluwensiya.” Selected Messages, book 2, p 319.

     Ang iglesya ng Dios, maging ang iglesyang ito ay malaki o maliit, kayo man ay nagtitipon sa gusali o tahanan, ay kinakailangang malinis mula sa lahat ng impluwensiya ng panatisismo. Subali’t napakaraming panatiko ay hindi mo makikilalang panatiko, kaya nga papaano natin malalaman kung sino ang panatiko o hindi?
     Ang isang paraan upang mamataan yaong maaaring panatiko sa ating kalagitnaan ay sa pamamagitang ng pagsisiyasat ng kanilang posisyon sa pagkakaisa. Kung sila’y sumalungat sa pagkakaisa ng bayan ng Dios na nangagsihiwalay, kung sila’y tumutol sa pagtatatag ng Kaayusan ng Ebanghelyo at sa sama-samang paggawa sa gitna ng nagsihiwalay na mga kapatid at iglesya sa tahanan ngayon, kung gayon sila’y dapat pagdudahan.
     “Ang mga taong ito (mga relihiyosong panatiko) ay walang pagmamahal sa pagkakaisa at sama-samang paggawa. Sila’y nagagalak sa kawalang-ayos. Kanilang pinili ang kaguluhan, paggambala, at ang pagkakaiba-iba ng opinyon. Sila’y mahirap masupil, hindi mapigil, hindi nabago, at hindi-natatalaga, at ang elementong ito ng kaguluhan ang nagbibigay-kasiyahan sa kanilang mga isipang hindi nasupil. Sila ay sumpa sa gawain ng Dios...” Testimonies, vol 2, p 553-554.

     “Ang nais lamang nila (ng mga panatiko) ay ganap na kalayaan sa relihiyon, at ang bawat isa ay gumagawang magkakahiwalay sa bawat isa, subalit kanilang inaangkin na ang Dios ay gumagawa sa kanila....mayroon, at patuloy na magkakaroon ng mga nagpapanggap ng Sabbath, na gagawang hiwalay sa katawan, at paniniwalaan at gagawin ang kanilang naisin. Ang kanilang mga pananaw ay magulo at lito. Ang kanilang magkakaibang pahayag ay isang matibay na patotoo na ang Dios ay wala sa kanila.” Testimonies, vol 1, p 418, 420.

     Kaya’t ang isang mapagkikilanlang palatandaan ng mga panatiko sa ating kalagitnaan ay kanilang tinatanggihan ang ginawang pagsisikap upang magkaisa at gumawang kasama ng kanilang mga kapatid sa kaparehong pananampalataya. Sa halip ay kanilang pinipili na manatiling mag-isa, at  kanilang tinanggihan ang alinmang kilusan na papawi ng kawalang kaayusan at di-pagkakaisa sa ating hanay sa pamamagitan ng pagtatatag ng Kaayusan ng Ebanghelyo na sang-ayon sa Bagong Tipan. Dahil doon patuloy na hahawakan sila ni Satanas sa mali nilang posisyon at sa kaniyang pagtangan sa  panatisismo.
     “Ipinakita sa akin na ang lalang na ito ni Satanas (panatikong paniniwala) ay hindi agad-agad na tatanggapin…kung ang mga isip at puso lamang ng bayan ng Dios ay nabibigkis at kaisa ng gawain....Magiging madali lamang para sa kanila (mga panatiko) na isiping makapupunta sila sa langit na mag-isa bilang indipendiyenteng pulutong, at madali para sa kanila na mahulog sa mga silo. Hindi siya papayag na bitiwan ang kaniyang pagkakahawak…May nakahanda pa siyang ibang panlilinlang para doon sa hindi kaisa ng katawan.” Testimonies, vol 1, p 229.

     Subalit kapag napansin ba ang panatisismo sa ating kalagitnaan, maghihintay pa ba tayo na makita kung paano lalago ang panatisismo, na umaasang ito’y mamamatay o lilipas rin? Ano ang magiging hakbang natin? Kinakailangan natin itong harapin!
     “Ibig ni Kapatid na G na hintaying lumago ang panatisismo, at ito’y nagpatuloy na gaya ng nais mangyari ni Satanas, hanggang  sa ito’y lumago na may kakila-kilabot na bunga.” Testimonies, vol 1, p 314.

     Kaya’t kung kunin natin ang posisyon na hintayin at abangang makita kung ano ang mangyayari, ay ginagawa natin kung ano ang gusto ni Satanas na gawin natin. Sa halip na tiyakang labanan at sugpuin ito habang ito’y maliit pa at mahina, nais ni Satanas na gumawa lamang ng maliit o walang gawing anuman ang bayan ng Dios laban dito, kaya’t ito’y pinahihintulutan na magpatuloy na hindi hinahadlangan hanggang sa ito’y magtamo ng matibay na pundasyon sa atin. Pagkatapos hindi na ito madaling igupo kung hindi gagamit ng malaking pakikipagbaka at kalakasan upang ito’y sugpuin at patigilin – kung maaari.
     Bakit kinakailangan nating maging marahas o mahigpit laban sa mga panatikong paniniwala o erehiya?
     “Ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak.” Galacia 5:9.
     Ang maliit na panatisismo ay makaaapekto sa buong iglesya, hindi sa iilan lamang. Subali’t may iba pang dahilan kung bakit kinakailangan tayong kumilos nang mahigpit laban sa panatisismo.
     “At hayag ang mga gawa ng laman, samakatuwid ay ang mga ito; pakikiapid, karumihan, kalibugan, Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga maling paniniwala, Mga kapanaghilian, mga pagpatay, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinapapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios.” Galacia 5:19-21.

     Yaong mga nagtuturo o naghahawak sa maling paniniwala o erehiya ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Dios kung sila’y magpapatuloy doon! Kaya’t sa pamamagitan ng pagtataas ng ating mga tinig sa ganap na pagtutol laban sa lahat ng panatisismo na nasa ating kalagitnaan, hindi lamang natin sinisikap na maingatang madungisan ang ating mga kapatid na lalaki at babae, kundi atin ring sinisikap gisingin yaong sangkot dito upang sa gayon hindi nila mawaglit ang langit. Subalit sa pananatiling tahimik, ating ipinapahayag sa malakas na himig na nais natin na mawaglit ng ating mga kapatid na lalaki at babae, kasama na pati ng mga panatiko, ang langit!
     Ngunit ilan sa mga anak ng Dios ang dapat na lumaban sa panatisismo? Isa lamang ba o dalawa? Kung ang grupo ng inyong iglesya sa tahanan ay binubuo ng sampung kaanib, ang matanda sa iglesya lamang ba ang magsasalita laban sa panatisismo? Tatlo lamang ba sa apat na mananampalataya ang kinakailangang tumayo laban sa kamalian?
     “Ang napakahigpit na paniniil ng mga Pariseo, ang mabibigat na mga pamatok ng mga tradisyon ng tao, ang nagpawalang-bisa sa kautusan ng Dios, at ang gawain ni Cristo ay palayain ang katotohanan mula sa mga dumi ng kamalian at pamahiin ng tao, upang makita ng tao ang tunay na karakter ng Dios, at Siya’y kanilang paglingkuran sa espiritu at katotohanan. Yaong mga nagpapahayag ng katotohanan para sa panahong ito ay may kaparehong gawaing dapat gawin. Ang katotohanan ay dapat maitaas mula sa karimlan ng mga tradisyon at kamalian ng tao upang makita ng sanlibutan ang kagila-gilalas na liwanag ng ebanghelyo ng Anak ng Dios.” Review and Herald, May 29, 1888 (vol 2, p 215 col 2).

     Gaano karami ang titindig laban sa impluwensiya ng kamalian at magtuturo ng katotohanan? Ang lahat ng kabilang sa gawain ng Dios. Ito ba ay isa o dalawa lamang? Iyon ba ay nangangahulugan na mga ministro lamang? Hindi, ito ay nangangahulugan na lahat ng tumanggap ng katotohanan! Subalit higit na tungkulin ng mga ministro at ng mga matanda sa iglesya na ligligin at gisingin ang mga tao sa kung ano ang nangyayari sa kanilang kalagitnaan. Ngunit, napakakakaunting ministro at matanda sa iglesya lamang ang gising sa kanilang tungkulin!
     “Pagkalipas ng panahon ng 1844, ang panatisismo ay dumating sa hanay ng mga Adventista. Nagbigay ang Dios ng mga mensahe ng babala upang patigilin ang dumarating na kasamaan....
     “Kahit ngayon tayo ay nasa panganib. Ang bawat kaluluwa na nakatalaga na magbigay ng mensahe ng babala sa sanlibutan ay matinding susubukin upang kaniyang gawin ang hakbang sa buhay na kagaya ng pagtakwil sa katotohanan.
     “Bilang mga manggagawa, dapat tayong magkaisa na huwag sang-ayunan at  ating hatulan ang anumang bagay na nagbubunga ng pinakamaliit na paglapit sa masama, sa ating pakikihalubilo sa bawat isa. Ang ating pananampalataya ay bana...” Selected Messages, book 2, p 29.
     Ang bawat isa sa atin ay kinakailangang magkaisa sa hindi pagsang-ayon at sa pagbabawal sa anumang bagay na mag-aakay sa kapanatikuhan. Ang ilan ay maghihimagsik laban sa kaisipan na ang bayan ng Dios ay dapat humatol. Subalit ligtas nating mahahatulan ang anumang bagay na kinondena na ng Dios (tingnan ang Testimonies, vol 4, p 615). Kung kinondena o ipinagbawal ng Dios ang isang bagay, kung gayon ganap na ligtas ang Kaniyang bayan sa pagsasatinig ng ganoon ding mga  salita ng paghatol ng Dios; at ang lahat ng panatisismo ay dapat kondenahin.
     Sa katunayan, sinabi sa atin na kinakailangang ibigay ang disiplina ng iglesya doon sa mga taong sangkot sa panatisismo hanggang sa kanila itong itakwil (tingnan ang Spiritual Gifts, vol 2, p 159).

     Ngayon, papaano kung hindi tayo tumayo laban dito at hindi natin kondenahin ang panatisismo, kundi magpasya tayong manatiling tahimik o kunin ang hakbang na walang-kinikilingan? Ano ang tunay na ginagawa natin?
     “Ang posisyon na iyong pinanghawakan pagkatapos ng panatisismo sa ____, na taliwas sa iyong dignidad, na hinahati ang mga bagay na kasama ng mga panatiko at noong mga isinugo ng Dios na may mahalagang mensahe, ay direktang tumatayo sa daan ng pananaw ng iba na pagtingin at pagtutuwid ng kanilang kamalian. Ang iyong hakbang sa panahong iyon, sa pagkukulang na manghawak at gumawa sa tamang panig upang ituwid ang sumasabog na panatisismo, ang humubog sa nakapanlulupaypay na kalagayan ng mga bagay na lumaki sa madilim na paghahari ng panatisismo. Si Kapatid na C at D, at ang buong iglesya sa ____, at ang mga tao sa ____, ay hindi naakay sa tamang katayuan, na maaari sana nilang magawa kung ikaw lamang ay naging mapagpakumbaba at handang turuan, na gumagawa sa pakikipagkaisa sa mga lingkod ng Dios.” Testimonies, vol 2, p 547.

     Kaya’t kung kulang tayo sa katatagan ng pagpapasya sa pagsaway ng panatisismo, kung gayon ating ipinapahiram ang ating impluwensiya upang ito’y maipagpatuloy, at dahil doon tayo ay nagiging responsible sa pagpapakalat nito sa iba. Ganundin naman, tayo ay tumatayong taliwas sa daan ng ibang mga kapatid na nakakakita at nagtutuwid sa kanilang mga kamalian. Ang gawain ng pagkondena ng panatisismo ay hindi lamang nakaatang sa mga balikat ng mga ministro o ng ibang mga lider, kundi sa balikat ng lahat na nakakaalam ng katotohanan. Mahalagang-mahalaga para sa lahat na nasa iglesya na magkaisa, at sa isang nagkakaisa at malakas na tinig ay sawayin ang panatisismo at isara ang lahat ng pintuan ng iglesya sa tahanan laban dito.
     Subalit ano ang mangyayari kung sama-sama nating labanan ito?
     “Sa pamamagitan ng kaniyang panatikong hakbang kaniyang sinayang ang lahat ng karapatan sa pagsasama-sama ng mga Kristiyano. At ang hakbang ni H.A. at ni Ginang. C ay dapat iwasan, at dapat tutulan. At kung hindi lalayo ang iglesya mula doon sa nagpapatuloy sa ganoong hakbang, at itataas ang kanilang tinig laban dito kanilang tatamuhin ang pagsimangot ng Dios, at sila’y magiging kabahagi nila sa kanilang masasamang mga gawa.” Spiritual Gifts, vol 2, p 159.

     Kaya nga hindi lamang tayo mayroon ng indibidwal na pananagutan na labanan at isiwalat ang panatisismo, kundi mayroon din tayo ng pangkalahatan o sama-samang pananagutan. Kung hindi tayo sama-samang tatayo bilang isang pulutong o grupo laban sa panatisismo, kung magkagayon bilang isang grupo tayo ay makakabahagi sa masasamang gawa noong sangkot sa panatisismo! Nawa ay mapagtanto natin ang ating responsibilidad bilang mga mananampalataya sa Pangkasalukuyang Katotohanan at sama-sama tayong magkaisa sa ilalim ni Cristo at sa isang nagkakaisang tinig ay ating labanan ang panatisismo at ganapin ang kalooban at gawain ng Dios dito sa lupa.


     Bakit parang higit na mabilis lumaganap ang panatisismo kaysa sa katotohanan?
     “Ang kamalian at ang mga bulaang propeta ang pinipili bago ang ebanghelyo ni Cristo.”Review and Herald, August 31, 1897 (vol 3, p 496 col 1).

     “Sa bumagsak na panahong ito, mas pinipili ang kamalian at kadiliman kaysa liwanag at katotohanan.” Testimonies, vol 2, p 689.

     Subalit bakit mas pinipili ang mali at huwad na aral kaysa sa katotohanan ng Dios? Bakit nagkakalipumpon pa rin ang mga tao sa ilalim ng madilim na bandila nito, kahit na mapatunayang mangmang at hindi makatwiran ang isang panatikong aral, at ito’y nagtatamo pa ng napakalaking pagtalima sa halip na ituring na kagaya ng isang salot na dapat iwanan at hayaang mag-isa?
     Ang isang dahilan kung bakit ay sapagkat ang Banal na Espiritu ay hindi ginawang namamalaging panauhin sa buhay. Kung kaya’t walang espiritual na paningin upang makita at maiwasan ang kamalian (tingnan ang Christ’s Object Lessons, p 408-411). Sa ilalim ng mga kondisyong ito, natural na susundin na lamang ng tao ang mga mungkahi ni Satanas (tingnan ang Testimonies, vol 1, p 341) at magpapatuloy sa kapanatikuhan (tingnan ang Testimonies, vol 5, p 305).
     Kung ang isa ay ayaw tumanggap ng “Salita ng Panginoon,” at sa halip ay itakwil ang katotohanan, kung gayon sila’y maaakay sa panatisismo (tingnan ang Great Controversy, p 523).
     “Yaong tumalikod mula sa malinaw na, ‘Salita ng Panginoon,’ ay mabubulagan sa maling pananampalataya sa lahat ng uri ng pagtalikod...” Review and Herald, August 31, 1897 (vol 3, p 495, col 3).

     Kung ang ating mga puso ay hindi napabanal, o kung tayo ay may gana sa kamalian, kung magkagayon ay ating yakapin ang mga panatikong aral (tingnan ang Selected Messages, book 1, p 70-71).
     Ganundin naman, kung hindi tayo magpapasya para sa katotohanan mula sa bigat ng ebidensiya, kung gayon tayo ay masasangkot sa panatisismo.
     “Si Kapatid na G ay may sapat na liwanag upang makatayo siya laban sa panatikong gawain; subalit ayaw niyang magpasya mula sa bigat ng ebidensiya. Ang kaniyang puso ay hindi matuwid sa Dios. Hindi siya nag-aangkin ng espiritu ng pabalita ng ikatlong anghel. Inilayo niya ang kaniyang sarili mula sa pakikiisa at pakikiramay sa mga anak ng Dios bago pa man bumangon ang maling paniniwalang ito, at ito ang isang dahilan kung bakit siya naiwan sa gayong kadiliman.” Testimonies, vol 1, p 231-232.

     Kaya kung hindi tayo magpapasya mula sa dami ng katibayan o ebidensiya, kung ang ating puso ay hindi matuwid sa Dios, kung wala tayong espiritu ng pabalita ng ikatlong anghel, at ilalayo natin ang ating sarili mula sa pakikiisa at pakikiramay ng tunay na bayan ng Dios, kung gayon tayo ay direktang maaakay sa mga kamay ni Satanas at magiging handa at nanabik na kandidato para sa mga maling doktrina.
     Hindi lamang sa pamamagitan ng sariling kapabayaan na sundin ang Dios kung bakit naaaakay ang tao sa panatisismo, kundi dahil mayroon ding ibang uri ng kapangyarihan na gumagawa.
     “Maraming anyo ng impluwensiya ng tao na doo’y gumagawa si Satanas upang bigkisin ang kaniyang mga bihag. Nakukuha niya ang karamihan sa pamamagitan nang mailapit sila sa pamamagitan ng mga tali ng pagmamahal doon sa mga kaaway ng krus ni Cristo. Anuman ang pamamahal o pagkakalapit na ito, maging pagmamahal ng magulang sa anak, ng anak sa magulang, sa asawa, o sa kaibigan, ang epekto ay pareho lamang; ang kalaban ng katotohanan ay naghahari na may kapangyarihang mapaniil, at ang mga kaluluwa na nabihag sa ilalim ng kanilang kapangyarihan ay walang sapat na lakas o kakayanan na sundin ang kanilang sariling mga paniniwala ng tungkulin.” Spirit of Prophecy, vol 4, p 416.

     Kaya maaaring gamitin ni Satanas ang ating pagmamahal sa ating mga magulang, sa ating mga kapatid, sa ating asawa, o sa ating mga kaibigan o kapwa, upang hadlangan tayo sa pagsunod sa katotohanan. Kaya’t sa pamamagitan ng pagkabihag sa kapangyarihan ng impluwensiya ng tao, makapagsasamantala si Satanas sa atin at mailalayo niya tayo sa pagsunod sa Dios. At siya ay napakasigasig sa pagbihag sa mga konsensiya ng anak ng Dios hinggil sa bagay na ito.
     “Mayroong patuloy na pagpapalit sa katotohanan ng Dios ng mga teorya at maling doktrina na buhat sa tao. Patuloy na gumagawa ng mga hakbang upang bihagin ang mga budhi noong nais maging tapat sa Dios.” Testimonies, vol 5, p 546.

     Hindi lamang gumagawa si Satanas sa atin sa pamamagitan ng ating emosyonal na pagmamahal doon sa mga taong malapit sa atin, kundi siya ay gumagawa rin sa pamamagitan ng higit na mala-impiyernong kapangyarihan upang bihagin tayo sa kaniyang nakatatakot na pagkakahawak.
     Nakita ko ang masasamang mga anghel na gumagawa sa kanilang masasamang pandaraya sa kaisipan ng mga tao, nang sa gayon sila rin naman ay makagawa sa isipan ng iba, upang dayain kung maaari ang mga hirang.” Special Testimonies, Series B#2 p 38.

     “Ang teorya ng pagkontrol ng isip sa isip ay pinasimulan ni Satanas, upang ipakilala ang kaniyang sarili bilang pinunong manggagawa, upang ilagay ang pilosopiya ng tao kung saan dapat naroroon ang banal na pilosopiya. Sa lahat ng mga kamalian na nakakakuha ng daan ng pagtanggap sa gitna ng nagpapanggap na bayang Kristiyano, walang higit na mapanganib na pandaraya, walang higit na tiyak na maghihiwalay sa tao mula sa Dios kundi ito. Bagama’t magmukha itong hindi-masama, kung ito’y gagamitin sa mga pasyente ito’y mauuwi sa kamatayan, hindi sa kanilang paggaling. Ito’y magbubukas ng pintuan kung saan makakapasok si Satanas upang ariin ang pag-iisip na isinuko upang pamahalaan o kontrolin ng iba, at ang pag-iisip na kumukontrol. Kakila-kilabot ang kapangyarihang ipinagkaloob sa mga lalaki at babaeng may masamang kaisipan. O anong oportunidad ang maidudulot nito doon sa nabubuhay sa pamamagitan ng pagsasamantala sa kahinaan at kamalian ng iba!” Ministry of Healing, p 243.

     Ang paghawak ng isipan sa isipan ng iba para lamang makontrol ito ay paglalarawan ng hipnotismo (tingnan din ang Life Sketches, p 134-35; Spiritual Gifts, vol 2, p 131). Ang pagkontrol sa kaisipan ay itinuturo at natatamo sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang paraan at kasanayan, at tinatawag sa maraming iba’t-ibang pangalan; na kagaya ng NLP - Neuro-Linguistic Programming; Calling and Caring; Caring and Sharing; EST; Silva; at iba pa.
     Kaya’t sa pagbubunyag at pagkokondena sa panatisismo, tayo ay maaaring direktang nakikipagbaka laban doon sa kaisa ng diablo at nagsasanay ng hipnotismo! Kung gayon tayo ay nakikipaglaban sa masasamang anghel at maaaring kay Satanas mismo sa anyo ng tao (tingnan ang Selected Messages, book 2, p 37, 353; Acts of Apostles, p 169). Samakatuwid, hindi tayo magiging ligtas sa pagtindig at paglaban sa kamalian at panatisismo sa ating sariling kapangyarihan, kundi dapat nating tiyakin na tayo’y nakasakbat ng buong sandata ng Dios, at ginagawa natin ito sa kapangyarihan ng Dios. Sapagkat sa pakikipagbaka sa anumang kamalian, ating nilalabanan ang puwersa ng kadiliman, kung saan unang-unang nag-umpisa ang panatisismo!

     Sa pagsawata, pagkondena, at pagbunyag sa panatisimo, sa maling teorya at sa mga subukan o kautusang gawa ng tao, anong posisyon ang kinatatayuan noong mga nanghahawak at naniniwala rito?
     “Sila’y mga matatapang at walang-galang, at hindi nagpapahalaga sa mabuting-asal.Wala silang pakialam na itangi at ibigay ang paggalang kung kanino ito nararapat ibigay. Sila’y nagpapakita ng espiritung palalo, mapaghimagsik, at palaban laban doon sa mga taong taliwas sa kanilang opinyon. Ang kanilang magaspang na asal at maling hakbang ang umakay sa tunay na lingkod ng Dios na madama na kanilang tinanggihan ang pagsisikap na ginawa para sa kanila, at siya’y nasiraan ng loob na gumawa pa para sa kanilang kapakanan. Sila’y gumagawa ng napakasamang pagtatagumpay na katulad na katulad ng likas ng pagtatagumpay ni Satanas at ng masasamang anghel kapag nagtatamo siya ng mga kaluluwa. Si Satanas at ang masasamang anghel ay nasa kanilang tabi upang makipagsaya sa kanila. Ang kalagayan ng mga taong ito na sa kanila’y makikita ang ugaling ito na natatangi at kapansin-pansing yumayabong ay walang pag-asa.” Testimonies, vol 2, p 555.

     Para sa ilan, wala nang pag-asa na makakita sila ng malinaw. Ang ilan ay naging matatapang, walang galang, at palalo at mayroon ng ugaling mapaghimagsik laban doon sa sumasalungat sa kanilang mga pananaw. Sinasabi naman ng ilan na sila ay nakakaranas ng pag-uusig, o nagiging mapagbantay doon sa nagsisiwalat  at nagkokondena sa kanilang panatisismo (tingnan ang Life Sketches, p 85). At kung paanong paulit-ulit nating nakita, na gagawa ng hakbang ang ilang panatiko na babatikusin at sisikaping sirain ang karakter ng tao o ng Ministry na nagbubunyag at nagsasaway sa kanila. Sa ganitong mga gawain, palaging magtatamo ang mga panatiko ng walang-malay at hindi mabuting nakikidalamhati, na siyang magpapalakas ng kanilang loob na magpatuloy sa kanilang mga maling paniniwala at manatiling hindi nagsisisi (tingnan ang Spiritual Gifts, vol 2, p 158).
     “Ako’y itinurong pabalik, at nakita ko na sa bawat mahalagang hakbang, bawat pasyang ginawa o puntos na natamo ng bayan ng Dios, may ilang bumabangon upang dalhin ang mga bagay sa pagkalabis, at upang kumilos sa isang bulagsak na paraan, na siyang ikinainis ng mga hindi-mananampalataya, ikinahapis ng bayan ng Dios, at dinala ang gawain ng Dios sa pagkasira. Ang bayang inaakay ng Dios palabas sa huling mga araw na ito ay mababagabag ng ganitong mga bagay. Subalit higit na kasamaan ang maiiwasan kung ang mga ministro ni Cristo ay may iisang kaisipan, na nagkakaisa sa kanilang mga panukala ng paggawa, at nagkakaisa sa pagsisikap. Kung sila’y tatayong sama-sama, na tinutulungan ang bawat isa, at may katapatang sinasaway at pinupuna ang kamalian, madali nila itong mapatitigil. Subalit labis nang napamahalaan ni Satanas ang mga bagay na ito. Ang mga pribadong kaanib at maging ang mga mangangaral ay nakisimpatya sa mga taong walang-kasiyahan na sinaway dahil sa kanilang mga kamalian, at ang pagkakabaha-bahagi ng damdamin ang naging bunga. Ang isa na nangahas at gumanap ng kaniyang hindi kaaya-ayang tungkulin sa pamamagitan ng may katapatang pagharap sa kasalanan at kamalian ay napighati at nasugatan sapagkat hindi siya nakatanggap ng lubos na pakikidalamhati o simpatya ng kaniyang nangangaral na mga kapatid. Siya ay nanlupaypay sa pagganap sa nakasusugat na mga tungkuling ito, kung kaya’t kaniyang ibinaba ang pamatok, at iniurong ang dakilang patotoo. Ang kaniyang kaluluwa ay naiwan sa kadiliman, at ang iglesya ay nagbata dahil sa kakulangan ng mahalagang patotoo na hinangad ng Dios na mabuhay sa gitna ng Kaniyang bayan. Matatamo ni Satanas ang kaniyang adhikain kapag pinigilan ang tapat na patotoo. Yaong laging handa na makisimpatya sa mali ay itinuturing itong isang kagalingan; ngunit hindi nila napapagtanto na sila’y nagbibigay ng impluwensiyang nagpapahiwa-hiwalay, na sila mismo ay tumutulong upang matupad ang mga panukala ni Satanas.
     “Nakita ko na maraming mga kaluluwa ang nawasak dahil sa hindi matuwid na pagsimpatya sa kanila ng kanilang mga kapatid, na ang tangi lamang sana nilang pag-asa ay ang iwan upang kanilang makita at mapagtanto ang laki ng kanilang pagkakamali. Subalit habang masigasig nilang tinatanggap ang simpatya ng hindi matatalinong mga kapatid, kanilang tinatanggap ang haka-haka na sila ay pinagmalabisan; at kung sila’y magtangka na tuntuning muli ang kanilang mga hakbang o ginawa, sila’y hindi gagawa ng buong puso. Kanilang pinaghahati-hati ang mga bagay upang paluguran ang kanilang pakiramdam,  at kanilang itatapon ang sisi sa nagbigay ng saway, sa gayon napagtatagpi-tagpi ang mga bagay. Hindi ito siniyasat sa kailaliman, kung kaya’t hindi gumaling, at sila’y muling bumagsak sa ganoon ding pagkakamali, sapagkat hindi sila pinabayaan na kanilang madama ang laki ng kanilang pagkakamali, at upang papagpakumbabain ang kanilang mga sarili sa harap ng Dios, at pabayaan na Siya ang magtayo sa kanila. Ang mga maling nakikisimpatyang ito ay gumagawa sa direktang pakikipaglaban sa kaisipan ni Cristo at ng mga naglilingkod na mga anghel.” Testimonies, vol 1, p 212-213.

     Kung ang sinuman ay nakagawa ng kamalian o kasalanan o naniniwala sa ilang kamalian at sila’y sinaway dahil dito, mas makabubuting tiyakin natin na hindi natin ibibigay sa kanila ang hindi tamang pagsimpatya natin at akayin na isipin nila na sila ay pinakikitunguhan nang hindi tama. Kung gagawin natin ito, kung gayon tayo ay nakakabahagi sa kanilang kasalanan, at tayo ay mananagot para sa hindi nila pagsisisi!
     Subalit, may ilan na kanilang ipagtatanggol ang kanilang maling doktrina hanggang sa wakas, kahit na napakaraming katibayan o katotohanan na ang ipinagkaloob sa kanila laban dito (tingnan ang Testimonies, vol 2, p 232). Kung gayon, papaano sila magigising bago mahuli na sila’y mailigtas?
     “Datapuwa’t kung ang sinoma’y magtatayo sa ibabaw ng pinagsasaligang ito ng ginto, pilak, mga mahahalagang bato, kahoy, tuyong damo, dayami; Ang gawa ng bawat isa ay mahahayag: sapagkat sa pamamagitan ng apoy inihahayag; at ang apoy rin ang susubok sa gawa ng bawat isa kung ano yaon. Kung ang gawa ng sinoman ay manatili, na kaniyang itinayo sa ibabaw niyaon, siya’y tatanggap ng kagantihan. Kung ang gawa ng sinoman ay masunog, ay malulugi siya: ngunit siya sa kaniyang sarili ay maliligtas; gayon ma’y tulad sa pamamagitan ng apoy.” 1 Corinto 3:12-15.

     Ang ilan ay maaaring magising doon na sa pinakahuling panahon na maaari pa silang maligtas. At sila’y makakatakas, “gayon ma’y tulad sa pamamagitan ng apoy.” Ang kanilang mga maling doktrina, pati na ang lahat ng panahon at salaping ginugol sa pagpapalaganap nito, ay masusunog sa pamamagitan ng katotohanan na itinatambad ito na tanging kahoy, tuyong damo, at dayami.
     “Nagsalita si Pablo tungkol doon sa mga nagdadala sa pundasyon ng kahoy, tuyong damo at dayami. Ito ay kumakatawan doon sa mga nagpapasok o nagtuturo na parang katotohanan yaong hindi naman katotohanan, maging ang kanilang mga sariling palagay o akala at katha. Kung ang mga kaluluwang ito ay maliligtas, ito ay tulad sa pamamagitan ng apoy, sapagkat kanilang matapat na iniisip na sila’y gumagawa sa pakikiayon sa Salita. Sila lamang ay magiging katulad ng dupong na inagaw sa apoy.” Evangelism, p 213-214.


     Ngunit papaano susubukin at ilalayo ng bayan ng Dios ang mga panatikong tao mula sa kanilang panatisismo?
     “At ang ibang nag-aalinlangan ay inyong kahabagan: At ang iba’y inyong iligtas, na agawin ninyo sa apoy; at ang iba’y inyong kahabagan na may takot; na inyong kapootan pati ng damit na nadungisan ng laman.” Judas 22-23.

     Maaari bang maging ganap na makalaya ang sinuman mula sa lahat ng bakas ng panatisismo kung sila ay masangkot dito? Oo! Ngunit kailan sila ganap na magiging malaya mula sa panatisismo?
     Ang kaisipan ay magiging malaya lamang mula sa kamalian kapag ang bawat himaymay ay pinutol na siyang nagbibigkis sa mga kamalian ng kaaway.” Manuscript Release, vol 7, p 189 (Letter 87, February 25, 1905).

     Bawat himaymay ng panatisismo ay kinakailangang putulin bago ganap na maging malaya ang sinuman mula sa masamang impluwensiya nito. Hindi dapat maiwan ang anumang maliit na pakikipagugnay natin na siyang nagbibigkis sa atin sa isang panatikong teorya—ang lahat ng ito’y dapat isuko at alisin mula sa atin bago tayo lubusang maging malaya mula sa pagkakabihag nito. Ito ay mangyayari lamang sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesus, at ng biyaya at pagliliwanag ng Kaniyang Banal na Espiritu. NGUNIT PURIHIN NATIN ANG DIOS DAHIL POSIBLE NA MAGING LUBUSANG MALAYA MULA SA PANATISISMO!


     Papaano naman yaong matagumpay na inalis mula sa salot at apoy ng panatisismo? Ano ang kanilang gagawin? Ipinahayag ng Dios na kung ikaw ay ganap nang napalaya mula sa panatisismo, dapat kang gumawa upang iyong maituwid ang iyong nakaraang impluwensiya noong paanahong ikaw ay nanghahawak pa dito (tingnan ang Testimonies, vol 1, p 312-313). Gayundin naman, yaong naging sangkot sa panatisismo, at naging malaya na mula rito ay kinakailangang gumawa upang abutin yaong iba na sangkot rin sa ganoong panatisismo – lalo’t higit yaong mga taong naakay mo dito. Huwag mo silang iwanang bihag na umaasang sila’y makakatakas din na gaya mo na hindi mo sinusubukang tulungan sila na makalaya. Sa katunayan, ang iyong patotoo ng pagkagising sa katotohanan at pagkakalag mula sa panatisismo ay mayroong higit na makapangyaring epekto sa pagpapalaya sa iba mula sa gayuma ng kapanatikuhan kaysa sa patotoo ng sinumang tao na hindi kailanman nasangkot dito.Sa iyong mga balikat ay  iniaatang ng Dios, na may kahabagang nagpalaya sa iyo mula sa apoy, ang responsibilidad na gumawa upang hilahin ang iba bago pa man sila masunog.

     Mayroon talagang masidhi, walang tulog at walang humpay na pakikipagbakang nagaganap para makontrol ang ating mga kaisipan. At sinumang magpabayang mag-aral at bantayan ang kanilang pag-iisip ng salita ng Dios – ang Biblia at ang Espiritu ng Hula – ay madaling maaakay palayo. Kinakailangan nating magkaroon ng buong sandata ng Dios sa bawat sandali at ng isang napabanal na puso at dila na kaayon sa kalooban ng Dios.

     Subali’t mayroon pa bang ibang paraan upang maprotektahan natin ang ating sarili na maakay sa panatisismo? Oo!
     “Ngunit magsalita ka ng mga bagay na nauukol sa aral na magaling.” Tito 2:1.

     Dapat nating salitain lamang ang mga bagay na ukol sa aral na magaling, hindi ang mga aral na hindi magaling. Hindi rin natin dapat tanggapin ang bawat aral na dumarating sa atin na hindi muna natin ito sinusubok.
     “Mga minamahal, huwag kayong magsipaniwala sa bawat espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila’y sa Dios: sapagkat maraming nagsilitaw na mga bulaang propeta sa sanglibutan.” 1 Juan 4:1.


     Sinasabi ni Cristo sa Kaniyang bayan na maging tagasuri ng bunga-upang siyasatin ang bunga (tingnan ang Mateo 7:15-20). At tungkol sa mga bulaang aral, dapat nating siyasatin o suriin ang mga bunga ng mensahe na dumarating sa atin upang makita natin kung anong uri ng bunga ang ipinapakita ng mga tagasunod nito – kung ito ay masama o mabuti. Ibig sabihin, dapat nating subukin o suriin ang bawat espiritu upang ating makita kung ito’y buhat sa Dios o sa Kaniyang kaaway.
     “Sa halip na tanggapin natin ang bawat bago at kaakit-akit na pagpapakahulugan sa Biblia, mangapit tayo sa mensahe. Huwag ninyong hayaang maakit kayo ng bawat impluwensiya; kundi sikapin ninyong payabungin ang ugaling hindi pabagu-bago, maamo, handang turuan, subalit matatag at masayahin; at kasama ng lahat ng ito ay maging mahinahon at mapagbantay sa pananalangin. Magsilakad kayo sa sakdal na daan. Hayaan na ang mataas, banal na katotohanan na inyong ipinagpapanggap ay palaging magtaas sa inyong karakter, na pinadadakila at nililinang kayo, at pinapaging-dapat kayo para sa mga korte ng langit. Dapat ipakita ng mga mag-aaral sa paaralan ni Cristo na hindi sila mag-aaral na hindi marunong magpahalaga. Hayaan na ang nagpapabanal na biyaya ng Dios ang magpalakas, magpalambot, at sumupil sa inyong buong pagkatao. Kung ano ang minimithi mo na maging likas ng iba ay dapat na maging ganoon ka. Ang dalangin ni Cristo tungkol sa Kaniyang mga alagad ay, ‘Pinabanal Ko ang aking sarili, upang sila naman ay mangagpakabanal.’ Ipakita ninyo sa inyong buhay ang kabanalan, ang kagandahang-loob ng isang Kristiyano, ang paggalang sa isa’t isa na inyong ibig makitang nahahayag doon sa mga yumayakap sa katotohanan sa pamamagitan ninyo.” Review and Herald, May 29, 1888 (vol 2, p 216 col 1).

     Sa halip na tanggapin natin ang bawat bago at kaakit-akit na interpretasyon, dapat tayong maging maingat at huwag pahintulutang makaapekto sa atin ang anumang impluwensiya. Huwag tayong maging mabilis sa pagtanggap ng anumang mensahe. Dapat tayong maupo at sa pamamagitan ng maingat na pag-aaral at pananalangin ay ating alamin kung ito ba ay totoong mensahe o hindi – lalo’t higit magpasya tayo sa bigat ng ebidensiya na siyang magpapatunay dito. Kung tunay ang mensahe, ito ay mag-aakay doon sa susunod dito na mahubog ang matuwid na ugali na siyang magpapakilala kay Cristo at sa Kaniyang Ama – na dahil doon ay magbubunga ng mabubuting bunga. Kung hindi makita ang mga biyayang ito, kung gayon ito ay isang mali at panatikong mensahe na dapat pigilan o huwag tanggapin.


     Nawa ay tulungan ng Dios ang lahat ng Kaniyang tunay na mga anak na nagsihiwalay na lubusang magising upang makita ang panatisismo sa ating kalagitnaan. Nawa’y pagkalooban Niya tayo ng katalinuhan at kapangyarihan na magkaisang bumangon bilang isang katawan at sarhan ang mga pintuan ng ating puso at tahanan laban sa diablo at sa lahat ng kaniyang mapandayang mga aral.


     Ito ang katapusan ng Unang Bahagi. Sa Ikalawang Bahagi, ating susuriin at ihahayag ang ilan sa mga iba’t ibang panatikong turo at gawa na makikita natin sa loob ng ating kilusang humiwalay at mga iglesya sa tahanan ngayon.