"LET THERE BE LIGHT" Ministries
home  |  Tagalog Tracts

ANG  HAYOP

     Ang kapamahalaan ng Hayop ng Apokalipsis 13:1-10 ay tumawag ng pansin sa mga Kristiyano sa loob ng ilang daang mga taon. Maraming mga haka-haka kung ano ito, ano ang kaniyang likas, at anong panahon ito mahahayag. Ang lahat ng ito ay maayos na naisa lugar, sapagkat nagbigay ang Biblia ng pinakamakapangyarihang babala tungkol sa kapamahalaang ito ng Hayop. Ngunit ang haka-haka ay hindi kinakailangan.
     Sa mga hula sa Biblia, ang mga pamahalaang pampulitika ay madalas na kinakatawanan ng mga "hayop". Ang kasanayang ito ay hindi lamang sa mga panahon ng Biblia, sapagkat patuloy pa rin tayong gumagamit ng hayop bilang simbolo o sagisag upang ipakilala ang mga bansa ngayon. Ngunit ang anyo ng natatanging Hayop na ito ay kakaiba sa alinmang hayop na alam natin at tila binubuo ng ilang hayop na magkakaiba ngunit pinagsamasama sa iisang katawan. Sa ganito, hindi natin ito matawag sa pangalan ng anumang hayop, katulad ng leon o oso; kung kaya't ito ay karaniwan nang tinatawag na Hayop, o Hayop na kagaya ng leopardo, o ang Hayop na binubuo ng iba't ibang uri ng Hayop.
     Ang Hayop na ito ay nakatatawag pansin sapagkat ito'y nag-aangkin ng pagsambang laban sa Dios. At ito'y dahil sa maling sistema ng pagsambang ito, kasama na yaong mga bumubuo ng bahagi nito, kung kaya't ang galit ng Dios na walang halong awa ay ibubuhos. (tingnan ang Apokalipsis 14:9-10).
     Sa pagsiyasat sa mga talata patungkol sa pamamahala ng Hayop na ito, mapapansin natin na maraming mga katangian o palatandaan na makatutulong na makilala kung sino ang kumakatawan dito. Habang ating pinag-aaralan ang bawat bahagi nito, makikita natin ng malinaw kung sino talaga ang Hayop na ito.
     "At siya'y tumayo sa buhanginan ng dagat. At nakita ko ang isang hayop na umaahon sa dagat, na may sampung sungay at pitong ulo, at sa kanilang mga ulo ay mga pangalan ng kapusungan. At ang hayop na aking nakita ay katulad ng isang leopardo, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng sa oso, at ang kaniyang bibig ay kagaya ng bibig ng leon: at ibinigay sa kaniya ng dragon ang kaniyang kapangyarihan, at ang kaniyang luklukan at dakilang kapamahalaan. At nakita ko ang isa sa kaniyang mga ulo na waring sinugatan ng ikamamatay; at ang kaniyang sugat na ikamamatay ay gumaling: at ang buong lupa'y nanggilalas sa hayop; At sila'y nangagsisamba sa dragon, sapagkat ibinigay niya ang kaniyang kapamahalaan sa hayop, at nangagsisamba sa hayop, na nangagsasabi, Sino ang kagaya ng Hayop? At sino ang makababaka sa kaniya ? At binigyan siya ng isang bibig na nagsasalita ng malalaking bagay at mga kapusungan: at binigyan sya ng kapamahalaan, upang magpatuloy na apat na pu't dalawang buwan. At binuka niya ang kaniyang bibig sa mga kapusungan laban sa Dios, upang pusungin ang kaniyang pangalan, at ang kaniyang tabernakulo, gayon din naman ang mga nananahan sa langit. At ipinagkaloob sa kaniya na makipagbaka sa mga banal, at pagtagumpayan sila; at binigyan siya ng kapamahalaan sa bawat angkan at bayan at wika at bansa. At ang lahat ng nangananahan sa lupa ay magsisisamba sa kaniya, na ang kanikaniyang pangalan ay hindi nasusulat sa aklat ng buhay ng Cordero na pinatay buhat ng itatag ang sanlibutan." Apokalipsis 13:1-8.

     Maraming mga tao ang naghihintay sa isang malademonyong kapangyarihan na magpipilit pumasok sa pulitika, at pipilitin ang mga Kristiyano na talikuran ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang gobyernong namimilit na walang relihiyon. Dapat nating pansinin, gayunman, na may pagsambang kaugnay sa kapangyarihan o kapamahalaang ito. Sinasabi sa talatang 8 na ang lahat ng tao sa lupa ay sasamba rito, maliban doon sa ang kanilang mga pangalan ay nasa aklat ng buhay ng Cordero. At tanging yaong ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay ang siyang maliligtas! Si Jesus ay nagsalita ng malinaw ng Kaniyang sabihin na "makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon." Mateo 7:14.
     Ilang sandali lang kasunod ng sermon ding yaon, si Jesus ay nagsalita ng iba pang malalim na pananalita: "Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan. At kung magkagayo'y ipahahayag ko sa kanila, kailanma'y hindi ko kayo nangakikilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan." Mateo 7:21-23.
     Mula sa mga talatang ito, ating masasabi na ang lipos na karamihan ng mga Kristiyano ay hindi handa na salubungin si Cristo sa kaniyang pagbabalik. Sang-ayon sa hula, ang lahat ng mga ito ay masusumpungang sumasamba sa kapangyarihan ng Hayop na ito. Dapat nating malaman ang likas o katangian ng Hayop na ito; sapagkat kung ang kapangyarihang ito'y hayag na laban sa mga Kristiyano, napakakakaunti sa mga Kristiyano ang masusumpungang sumasamba rito.
     Ang kasunod na punto na dapat bigyan ng pansin ay ang bahaging ito, na ang Hayop ay mayroong katawan ng isang leopardo, at sa Daniel 7:6 ang bansang Greece ang kumakatawan sa leopardo (maaaring sumulat para sa polyetong "Ang Pagbangon at Pagbagsak ng mga Imperyo o Kaharian"). Iilang mga tao lamang ang nakakaalam kung paanong ganap na nabihag ng paganong pilosopiya ng Greece ang sanlibutan, at ito'y gumaganap ng mahalagang papel sa paghubog ng kaisipan sa iglesya.
     Sa panahon ng 'middle ages', nang ang Biblia ay ipagbawal, ang mga tao ay tumingin kay Plato, Aristotle, at Socrates para sa liwanag. Katulad ng inaasahan ng iba, ang kanilang pilosopiyang pagano ang lumaganap ng dakila sa kaisipang relihiyoso, at tumulong upang hubugin ang marami sa mga kuru-kuro na naging bahagi ng paniniwala ng mga Kristiyano, kung saan walang pagsang-ayong galing sa Biblia.
     Halimbawa, naniniwala si Plato sa kawalang-kamatayan ng kaluluwa. Sa kaniyang pagkaunawa, ang mga bayani at mga kilalang mga tao ay dumediretso agad sa mga mansion at mga lugar ng gantimpala, habang ang mga pangkaraniwang tao ay bumababa sa mala-impiyernong dako upang tumanggap ng kaparusahan sa mga kasalanang ginawa hanggang sa sila'y maging malinis. Dito natin makikita ang paniniwalang relihiyon ng pag-akyat ng mga banal sa langit kung ito'y mamatay na, gayundin ang doktrina ng purgatoryo.
     Naniniwala rin si Plato sa kuru-kuro ng paghiwalay ng kaluluwa mula sa katawan. Naniniwala siya na ito'y matatamo sa pamamagitan ng pagpapahirap sa katawan, sa pagpapakasama, at sa paghiwalay sa lipunan. Sa ganito naitatag ang saligan para sa pangangailangan ng mga paniniwalang monastisismo at penitensya.
     Dapat ding bigyan ng pansin ang bahagi na ang Hayop na ito ay nagmula sa mga tubig ng dagat. Sang-ayon sa Apokalipsis 17:15, ang tubig ay kumakatawan sa "mga bayan, at mga karamihan, at mga bansa, at mga wika." Kaya nga sinasabi ng talatang ito na kapag ang pamahalaan ng Hayop na ito ay lumitaw, ito ay babangon mula sa lugar na makapal o maraming tao- na katulad ng Europa, at hindi galing sa ilang- o sa lugar na kakaunti ang tao.
     Mahalaga na maunawaan na ang kapangyarihan ng Hayop na ito ay inihula rin na magpapatuloy ng 42 na mga buwan, o tatlo at kalahating taon ng panahong inihula. Sa paggamit sa kalendaryo ng mga Judio na 30 araw sa bawat isang buwan, ang 42 na mga buwan o 3 ½ na mga taon ay katumbas ng 1260 na mga araw> sa hula. Sa hula sa Biblia, bawat araw ng hulang panahon ay katumbas ng isang taon sa literal na panahon (tingnan ang Bilang 14:34; Ezekiel 4:6). Sa ganito mauunawaan natin na ang Hayop na ito ay maghahari ng 1260 na hulang mga araw o 1260 literal na mga taon.


Ang Maliit na Sungay

     Sa Daniel 7, ang kapangyarihan ng Hayop ay inihahalintulad rin sa isang Maliit na Sungay o kaharian na siyang bumunot at nagwasak sa tatlong sungay o kaharian, at pagkatapos ay nagsasalita ng mga dakilang salita ng pamumusong laban sa Dios (tingnan ang Daniel 7:8, 20-25). Ang kapangyarihang ito ay maghahari "hanggang sa isang panahon, at mga panahon, at kalahati ng isang panahon." Daniel 7:25. Ang "isang panahon" ay katumbas ng isang taon sa hula sa Biblia. Kaya nga ang kapangyarihan ng Maliit na Sungay na ito ay naghari ng isang panahon- o 1 taon, mga panahon- o 2 pang taon, at kalahati ng isang panahon- o kalahati ng isang taon. Sa kabuuan, mayroong tatlong taon at kalahati, o 42 na mga buwan, o 1260 na mga araw sa hula o 1260 literal na mga taon. Samakatuwid, ang mga hula tungkol sa Hayop at sa Maliit na Sungay ay tumutukoy sa iisang relihiyosong kapangyarihan.
     Habang ipinakita ng parehong hulang ito na ang ipinakilalang kapangyarihan ay maghahari ng 1260 literal na mga taon, kung magkagayon kailan nagsimula ang panahon na ito na itinakda? Ang isa pang mahalagang bahagi na makatutulong sa atin na maitatag ang panahon para sa paglitaw ng kapangyarihang ito, ay ang sinasabi na ito ay pinagkalooban ng dragon ng kaniyang luklukan, kapamahalaan, at kapangyarihan.
     Bagaman ang dragon ay tumutukoy kay Satanas (tingnan ang Apokalipsis 12:9), ito ay higit na tumutukoy partikular sa matandang paganong Imperyo ng Roma na siyang ginamit ni Satanas upang usigin at patayin ang anak ng Tao- o si Cristo- simula pa ng Siya ay isilang (tingnan ang Mateo 2:1-18; Apokalipsis 12:2-5). Ang luklukan ng matandang Imperyo o kaharian ng mga Romano ay ang mismong syudad ng Roma. At kung ang petsa ng pagbagsak ng kaharian ng Roma ay noong A.D. 476, malinaw na ang kapangyarihan ng Hayop kasama na ang luklukan at kapamahalaan nito ay natatag pagkalipas ng panahong ito.
     Kung gayon, sino ang Hayop na ito? Nang bumagsak ang Imperyo ng Roma, ang kaniyang kaharian ay nahati sa 10 bansa o estado. At ano ang relihiyosong kapangyarihan na bumangon mula sa pagkawasak ng paganong Roma? Inaangkin ang mga titulo at ang kapamahalaan ng kaniyang mga sinundang Emperador, ang Iglesya ng Romano Katoliko ay unti-unting sinikap na ipagpatuloy ang kaniyang kapangyarihan sa 10 bansa- estado na ito ng Europa. Hindi nagtagal ang mga pangulo ng mga estadong ito ay nagsitanggap ng kanilang korona at namuno na nasa ilalim ng kapamahalaan ng Romano Katoliko. Bagama't maaaring igiit ng ilan na ang kapapahan ay isang kapangyarihang pangrelihiyon, dapat rin nating maunawaan na ito ay isa ring kapangyarihang pampulitika na nagsusugo at tumatanggap ng mga embahador at tungkulin bilang isang estadong pampulitika.
     Habang unti-unting natatamo ng iglesya ng Romano Katolika ang higit na kapangyarihan at pamamahala sa 10 bansa-estado na ito ng Europa, malinaw na lahat maliban sa tatlo sa mga bansa nito (ang Heruli, Vandals, at Ostrogoths) ay sang-ayon, o sumuko sa relihiyon at kapamahalaan ng Katoliko. Dahil doon, ang iglesya ng Katoliko ay nakipagbaka laban sa tatlong bansang ito, at sunod-sunod na binunot sila (ang Heruli noong 493, ang Vandals noong 534, at ang Ostrogoths noong 538) - tamang tama sa inihula ng Biblia tungkol sa kapangyarihan ng Maliit na Sungay-Hayop na ito! Samakatuwid, noong 538 A.D. nagpasimula ang pamamahala ng Hayop.
     Ipinakita rin na sa katapusan ng 1260 na mga taon ng paghahari ng Hayop, ang kapangyarihan nito ay maaalis, at ito ay tatanggap ng sugat na parang ikamamatay. Ngunit ang sugat na ito ay gagaling, at ang kapangyarihang yaon pa rin ang muling gagamitin na kapangyarihan sa mga hari ng lupa.
     Simula sa taong 538, ang iglesya ng Katoliko ay namuno ng 1260 taon, at pagkatapos ay tinanggap nito ang sugat na nakamamatay sa taong 1798. Ang mga kawal ni Napoleon ay nagmartsa sa kabilang ibayo ng Europa na winassak ang kaharian at ang iglesya. Si Heneral Berthier na isang Pranses, ay bumaba sa Roma at kinuha si Papa Pious VI bilang bihag at ipinatapon sa France at nanatili roon hanggang sa kaniyang nalalabing mga araw sa pagkabihag. Dahil dito, ang iglesya ng Katoliko sa ilang panahon ay walang ulo o lider na mamumuno. Ito ay tahasang isang dagok ng kamatayan o isang sugat na ikamamatay sa iglesya, sapagkat kung walang nakikitang ulo o papa, ang Iglesya ng Katoliko ay patay! Ito ay naghari sa loob ng 1260 na mga taon at ngayon nga ito ay walang lakas o kapangyarihan - gaya ng ipinahayag ng hula.
     Marami ang naniniwala na dumating na ang katapusan at wakas ng iglesya at hindi na muling makikita o mabibilang na mahalaga sa mga pangyayari sa sanlibutan. Sa maraming mga taon, ang tanawing ito ay nanatiling di-nababago,ngunit noong 1929, si Cardinal Gasparri at Benito Mussolini ay lumagda sa kasunduan na nagbabalik ng kapangyarihan sa kapapahan. Minsan pa, muling sinimulan ng Vatican ang kaniyang gawain na katulad noong una.
     Walang sinumang maaaring mag-alinlangan doon sapagkat buhat noon muling binawi ng kapapahan ang malaking katanyagang nawala sa nakalipas na dalawang siglo. Noong mga panahon ng 1950, nang magtangka si Harry Truman na humirang ng opisyal na embahador sa Vatican, may bumangong pagsalungat na hindi maaari na siya'y sundin. Ngunit makalipas ang tatlumpung taon, nang subukin ni Pangulong Reagan na gawin ang ganunding bagay, siya'y tumanggap ng maliit na pagtutol.
     Ang isa pang kapansin-pansing punto, na itong Hayop na ito ay may mga paa ng oso. Ang oso sa Daniel 7:5 ay kumakatawan sa imperyo ng Media at Persia, at sila ay may natatanging sistema ng gobyerno. Kapag ang hari ng Media at Persia ay nagsalita o gumawa ng batas o kautusan, sila ay itinuturing na di-maaaring magkamali. Ang kautusang minsang ibinigay ay hindi na maaaring baguhin pa (tingnan ang Daniel 6:8, 12, 15). At masusumpungan ang katulad na katulad nito sa doktrina ng kawalan ng pagkakamali ng papa kapag siya ay nagsalita at ipinaliwanag ang mga bahagi ng kautusan o doktrina.
     Ganundin, sa ulo ng Hayop ay may pangalan ng kapusungan. Ang paliwanag ng Biblia tungkol sa pamumusong ay masusumpungan sa Marcos 2. Inakusahan ng mga pinuno ng mga Judio si Jesus na namumusong sa pangangahas na magpatawad ng mga kasalanan, ang tanging karapatan na nauukol lamang sa Dios (tingnan ang talatang 5-7). At ang karapatang ito ay inaangkin din ng Iglesya Katoliko.
     Ang kahulihulihang bahagi na dapat bigyan ng pansin, ay ang ipinahahayag ng hula na ang kapangyarihan ng Hayop na ito ay makikipagbaka sa mga banal ng Dios. Walang sinuman na nakaaalam ng kasaysayan ang maaaring magkaila na ang pagkakalarawang ito, walang duda, ay angkop sa Iglesya ng Romano Katoliko. Maingat na kinalkula na mahigit sa limampung milyong katao ang ipinapatay ng Iglesya ng Roma sa loob ng 1260 na taong paghahari nito. Bakit ipinapatay ang mga taong ito? Sapagkat kanilang sinunod ang katotohanan ng Biblia o ang kanilang budhi - kahit na ito'y hindi sang-ayon sa naitatag na aral at karapatan ng Simbahan. Samakatuwid, maliwanag na ang Hayop ng Apokalipsis 13:1-10 at ang Maliit na Sungay ng Daniel 7, ay tumutukoy, na hindi mapagkakamalian, sa Iglesya ng Romano Katoliko!
     Bagamat totoo na ang pagpapahintulot sa mga relihiyon ay higit na laganap ngayon kaysa noong nakalipas na panahon, itinuturo ng hula sa Biblia ang katotohanan na hindi palaging ganito. Ang sugat na ito na ikamamatay ay ganap na gagaling, at hindi magtatagal, mababawing muli ng Iglesya Katoliko ang kaniyang nawalang kapangyarihan. Pagkatapos, kasama ng mga Protestanteng iglesya na kaisa niya at lumalarawan sa kaniya, kanilang muling uulitin ang pag-uusig noong nakalipas laban doon sa mga tatangging tatanggap at pasasa-ilalim sa kanilang pamamahala sa paniniwala at kaugaliang pangrelihiyon - sa halip ay pipiliing sundin ang katotohanan ng Biblia at ang kanilang mga budhi (tingnan ang Apokalipsis 13:15-17).
     Dapat nating maunawaan na hindi ibinigay ng Dios ang mga hulang ito sa Biblia bilang pagsasakdal laban sa mga indibidwal, kundi laban sa mga tumalikod na sistemang pangrelihiyon. Nagsugo ang Dios sa Kaniyang bayan ng malahulang babala na ito upang hindi sila mapabilang na walang malay sa pagtalikod na ito ng Roma o sa alinmang iglesya ng tumalikod na Protestante na kaisa niya.
     Sa Apokalipsis 18, binabanggit rin ng Dios ang tumalikod na sistemang ito ng relihiyon bilang Babilonia. Sa huling mga araw na ito nakita natin na kung paanong tinawag ng Dios si Lot palabas ng makasalanang Sodoma bago ang pagkawasak nito, gayon Siya'y nananawagan sa Kaniyang bayan ngayon na "mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko": na magsihiwalay mula sa lahat ng relihiyosong sistema ng pagtalikod, "upang huwag kayong mangahawa ng kaniyang mga kasalanan, at hindi kayo magsitanggap ng kaniyang mga salot" Apokalipsis 18:4.
     Malinaw na binabalaan ng Dios ang Kaniyang bayan na huwag makiisa sa mga tumalikod na iglesya o sa hindi mananampalataya, kundi manatiling hiwalay mula sa kanilang lahat. Kung sila'y magpapatuloy na manatiling kaanib o kaisa ng mga ito, sila'y hindi magiging malinis sa paningin ng Dios, hindi Niya ituturing sila bilang kaniyang mga anak na lalaki at babae, at hindi nila matatamo ang buhay na walanghanggan (tingnan ang 2 Corinto 6:14-18; Isa 52:11; Mikas 2:10).
     Dahil sa dakilang pag-ibig ng Dios doon sa mga taong patuloy pa ring nakaugnay sa relihiyosong sistema na ito ng pagtalikod; na ang marami ay tapat na umiibig sa Kaniya ng kanilang buong puso, kung kaya Kaniyang pinapayuhan sila na tumakas mula sa tunay na panganib na kung saan sila naroon. Sa mapagmahal na kabaitan at maamong kaawaan, tinatawagan ng Dios ang Kaniyang bayan palabas sa lahat ng mga iglesya, upang kanilang maiwasan na mamatay o mapuksa kasama ng Babilonia, at sa halip ay maging kaugnay ni Cristo at ng Kaniyang kaharian ng katuwiran, at kung magkagayon ay magtamo ng buhay na walang hanggan.
     "Tumakas ka na mula sa gitna ng Babilonia, at iligtas ng bawat tao ang kaniyang buhay; huwag kayong mangahiwalay ng dahil sa kaniyang kasamaan.Bayan ko, magsilabas kayo sa kaniya, at lumigtas bawat isa sa mabangis na galit ng Panginoon." Jeremias 51:6, 45.