"LET THERE BE LIGHT" Ministries
home  |  Tagalog  Tracts

DALAWANG KAUTUSAN?

     "...may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay." 1 Corinto 8:6.

     Sa Dios nagmula ang buhay ng lahat ng tao. Siya na naglalang at nagpatibay sa lahat ng mga bagay ang siyang talagang may karapatan na mamahala at pumigil sa lahat ng bagay. Sa kadahilanang ito, Siya ay inilalarawan sa Kasulatan bilang isang dakilang tagapagbigay ng Kautusan, na makapagliligtas at makapagwawasak (tingnan ang Santiago 4:12).  Ang buhay na nanggaling sa kabutihan ng Lumikha, lahat ng matalinong nilalang ay mananagot sa Kaniyang matuwid na gobyerno. Sa lahat ng nilalang ng Dios sa lupa, ang tao lamang ang may kakayanang makaalam ng pagkakaiba ng tama at mali. Kaya nga, tayo ay inilagay sa ilalim ng pamamahala ng Kautusang moral.
     Nagmula ang ating buhay mula sa Isa na may walang hanggang kadalisayan, tayo ay dating walang-kasalanan, dalisay at matuwid. Nang pasimula tayo ay minsang tapat na mga saklaw ng Dios - ang ating natatanging Lumikha at makatuwirang Pinuno o Hari. Sa panahong ito hindi ipinakikilala ng Dios ang Kaniyang sarili sa tao sa kalagayan ng isang Tagapagligtas at Manunubos; sapagkat hindi pa natin kinakailangan ang kapatawaran mula sa kasalanan.
     Dahil sa utang natin ang lahat sa Dios, tayo, bilang mga indibidwal, ay nasa ilalim ng mataas na obligasyon o katungkulan na ibigin Siya ng higit ng ating buong puso. Ngunit mayroon ding ikalawa at kasinghalagang katungkulan.  Ang ibang sangkatauhan ay nakikibahagi na katulad natin bilang mga nilalang ng Dios at dahil dito ay mayroong mga karapatang kagaya ng mayroon tayo. Samakatuwid, nararapat nating ibigin ang ating kapuwa na gaya ng ating sarili. Itong dalawang Kautusang ito ang siyang kabuuan ng buong moral na Kautusan.
     Sa pagsunod sa una sa dalawang kautusang ito, ang sangkatauhan ay hindi maaaring magkaroon ng ibang mga dios sa harap ng Panginoon; ni dapat gumawa o sumamba sa mga larawan o dios-diosan; ni maaaring sambitin o bigkasin ang pangalan ng Dios sa isang walang galang na pag-uugali o paraan; ni maaaring pabayaan o kaligtaang pakabanalin ang araw ng pamamahinga o pangilin ng Panginoon na ibinukod noong paglalang bilang alaala ng araw kung saan nagpahinga ang Lumikha.
     Kasing linaw nito ang ating tungkulin tungo sa ating kapuwa-tao. Nasasaklaw at nauunawaan nito ang ating tungkulin sa ating mga magulang at ang mahigpit na paggalang at pagsasaalang-alang sa buhay, kalinisan, pag-aari, pag-uugali at kapakanan ng iba.
     Ang Kautusang moral, kung magkagayon ay nahati sa dalawang bahagi at ipinakita at ipinahayag sa sampung utos o batas, ay hindi maaaring mabago sa kaniyang likas yamang ang mga Kautusan nito ay nagmula sa dakilang Tagapagbigay ng Kautusan. Ang pananatili nito ay nagpapatunay sa di-nababagong pakikipagugnayan ng tao tungo sa Dios at sa kanilang kapuwa. Ang Kautusang ito ang siyang dakilang pamantayan ng katuwiran ng Dios, at pagkatapos na ating piliing maghimagsik laban sa Dios, ito ay nagiging siyang malaking subukan na kung saan ipinakikitang mali ang kasalanan (tingnan ang Roma 7:7).
     Ito ang pinagmulan at likas ng mga batas ng Kautusang moral. Sa pagpapahayag dito mismo ng Dios, bago pa ang Kaniyang dahilan na maisulat ang alinman sa bahagi ng Biblia, ay sapat ng pagpapatunay sa pagpapahalaga na Kaniyang ibinibigay ditto. Mula mismo sa likas nito, ito ay nahayag kaalinsabay ng mga prinsipyo ng moralidad; sa katunayan naisulat lamang ang mga prinsipyong moral na ito.
     Ngunit mayroong sistema ng ibang mga kautusan na totoong hiniram ang pinanggalingan nito sa kasalanan, sistema na hindi sana iiral kung hindi naging manunuway o mananalangsang ang tao. Ang pagsalangsang sa Kautusang moral ang nagbigay ng lugar o daan sa batas o kautusan ng palatuntunan at seremonya, na siyang anino ng mabubuting bagay na darating. Wala sanang sakripisyo o handog para sa kasalanan kung hindi naging makasalanan ang tao.  Sa Eden, wala sanang halimbawa at anino na nagtuturo sa hinaharap na paglaya mula sa kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo, sapagkat ang tao ay matuwid at hindi nangangailangan ng katubusan sa kasalanan. Ni hindi inilagay ng Dios sa tao ang katungkulan ng ordinansang ayon sa laman bago ang pagbagsak na tumitingin sa panahon ng repormasyon o pagbabago, sapagkat ang tao ay wala pang kasalanan at malaya pa sa karumihan. Samakatuwid, ang pagsalangsang sa Kautusang moral ang naging dahilan ng pagbagsak ng tao!
     Ang motibong ipinahayag ni Satanas kay Eba na siya at ang kaniyang asawa ay magiging mga dios kung kanilang kakanin ang bunga ng punongkahoy na yaon (tingnan ang Genesis 3); at kung paanong si Adan ay hindi nadaya (tingnan ang 1 Timoteo 2:14) ay malinaw na kaniyang pinili na sundin ang kaniyang asawa kaysa sumunod sa Panginoon. Kaya't pareho nilang sinuway at sinalangsang ang unang utos ng dakilang Kautusang moral ng Dios.
     Nang ang tao nga ay naging makasalanan at ang Dios ay nagbigay ng pangako ng daan ng kaniyang katubusan, ang ikalawang pakikipagugnayan sa Dios ay binigyang daan. Ang tao ay makasalanan, na nangangailangan ng kapatawaran; at ang Dios ay siyang Tagapagligtas, na naghahandog ng kapatawaran. Maliwanag na ang kautusan ng mga palatuntunan, na nagtuturo sa katubusan sa pamamagitan ni Cristo, ay nagumpisa sa paghihimagsik ng tao at sa walang sukat na kabutihan ng Dios. Kung hindi nagkasala ang tao, hindi na siya mangangailangan ng anino o halimbawa ng hinaharap na katubusan o pagliligtas at kung ang Dios ay hindi nagpasya na ibigay ang Kaniyang Anak upang mamatay, hindi sana Niya itatatag ang sistema ng paghahandog na nagtuturo sa dakilang pangyayaring yaon. Ang paglabas ng ganoong kautusan, samakatuwid, ay bunga ng kasalanan; ang mga batas nito ay may likas na seremonyal o palatuntunan at ang panahong itatagal nito ay kinakailangang takdaan ng Dakilang handog na nag-aalis ng kasalanan. Mula pa sa pagbagsak ni Adan hanggang sa panahon ni Moises - nang ang sistemang ito ay maisulat - at hanggang sa kamatayan ng ating Panginoon, ang kinaugaliang pamamaraan ng paghahandog ng mga palatuntunan ay nahayag o nanatili bilang anino ng mabubuting bagay na darating.
     Sa Bagong Tipan, masusumpungan natin na ang kamatayan ng ating Panginoong JesuCristo bilang dakilang hain o handog sa kasalanan, ang siyang katuparan o ang katapusang bunga, na siyang itinuturo ng lahat ng Levitikal na mga handog o hain. Ang pagiging saserdote ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa santuario sa langit ay siyang dakilang katuparan ng pagiging saserdote ng mga anak ni Levi (tingnan ang Hebreo 8). Ang mismong santuario sa langit ang siyang dakilang orihinal na doo'y inihalintulad at iniayon ang santuario dito sa lupa (tingnan ang Hebreo 9:23; Exo 25:1-9). At ang kaban ng tipan ng Dios sa templo sa langit (tingnan ang Apokalipsis 11:19) ang naglalaman ng dakilang Kautusang moral. Kaya nga makikita natin sa ilalim ng bagong dispensasyon ang tunay na Hain o Handog sa halip na ang anino lamang, ang Dakilang saserdote na siya mismo ang naglilingkod at gumagawa ng pagtubos (pagpapatawad at pagaalis ng kasalanan) para sa iyo at sa akin at siyang dumirinig ng ating mga panalangin na hindi na nangangailangan pa na personal na dalawin ang santuario o saserdote dito sa lupa. At ang Kautusang yaon, na sinira ng tao, ay dadakilain at gagawing marangal habang pinatatawad ng Dios ang nagsisising makasalanan.
     Atin ding masusumpungan na ang Bagong Tipan ay sagana sa reperensya o talata sa mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang kautusang ito - ang kautusang seremonyal o palatuntunan at ang kautusang moral - at ang pagkakaiba ay ginawang malinaw.


Walang Dahilan Para Sa Pagkalito

     Ang kautusang seremonyal at tinatawag na "kautusan ng utos na ukol sa laman" (Hebreo 7:16); at ang Kautusang moral, ito'y pinagtibay, "Nalalaman natin na ang Kautusa'y sa Espiritu." Roma 7:14. Ang una ay siyang kautusang inalis ni Cristo sa Kaniyang kamatayan (tingnan ang Colosas 2:14); at ang ikalawa ay " ang kautusang Hari;" na pinatotohanan ni Santiago na kasalanan na ito ay salangsangin (tingnan ang Santiago 2:8-12).
     Ang kautusang seremonyal ay kautusan na siyang "kinakailangang palitan" Hebreo 7:12. Ang moral ay ang Kautusan na siyang sinasabi ni Cristo na, "Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay." Mateo 5:8. Ang isang kautusan ay " anino ng mabubuting bagay na darating" (Hebreo 10:1), at ito'y iniatang lamang "hanggang sa panahon ng pagbabago" Hebreo 9:10. Ngunit ang isa ay siyang mga alituntuning moral, na kung saan sinasabi ni Juan tungkol dito na, "Ang sinomang gumagawa ng kasalanan ay sumasalangsang din naman sa Kautusan at ang kasalanan ay pagsalangsang sa kautusan" 1 Juan 3:4. Ang una ay pamatok na hindi maaaring madala (tingnan ang Gawa 15:10); ang ikalawa ay ang "kautusan ng kalayaan" na kung saan sa pamamagitan niyaon tayo hahatulan (tingnan ang Santiago 2:8-12). Ang seremonyal ay ang kautusan na "inalis ni Cristo sa pamamagitan ng Kaniyang laman" (tingnan ang Efeso 2:15); ang moral ay ang kautusan na hindi Niya sinira (tingnan ang Mateo 5:17). Ang una ay tinatawag na "ang usapang nasusulat sa mga palatuntunan" "na hindi naaayon sa atin," na siyang ipinako sa krus at inalis (tingnan ang Colosas 2:14). Ang ikalawa ay ang kautusan na siyang Kaniyang ipinarito upang dakilain at gawing marangal (tingnan ang Isaias 42:21). Ang una ay kautusang pansamantala na napawi "dahil sa kaniyang kahinaan at kawalan ng kapakinabangan" (tingnan ang Hebreo 7:18); ang ikalawa ay ang walang hanggang kautusan na hindi nababago na hindi maaaring walan ng kabuluhan: "Niwawalan kaya nating kabuluhan ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari: kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan." Roma 3:31. Ang una ay ang kautusan na siyang naging pader na nasa gitna na nagpapahiwalay sa mga Hudio at mga Hentil (tingnan ang Efeso 2:14); ang ikalawa ay ang kautusan, ang gawa na kung saan maging sa mga Gentil ay sinasabi na ito'y nasusulat sa kanilang mga puso (tingnan ang Roma 2:14-15).  Ang seremonyal ay ang kautusan ng mga batas na nasa palatuntunan (tingnan ang Efeso 2:15); ang Kautusang moral ay ang mga batas o utos ng Dios, na siyang katungkulan na sundin ng tao (tingnan ang Eclesiastes 12:13).
     Ang dakilang moral na Kautusang ito ng sampung utos ay ipinahayag ng mensahe o pabalita ng ikatlong anghel (tingnan ang Apokalipsis 14:9-12).  Ito ang kautusan na siyang sinusunod ng nalabi sa binhi ng babae nang nakikipagbaka sa kanila ang dragon (tingnan ang Apokalipsis 12:17). Ang kautusang moral na ito ay magbibigay sa lahat na sumusunod dito ng katiyakan at karapatan na makapasok sa langit at makakain ng punongkahoy ng buhay (tingnan ang Apokalipsis 22:14).
     Tiyak, na ang dalawang kautusang ito ay hindi dapat magbigay ng kalituhan. Ang kautusang moral ay dinakila, ginawang marangal, pinagtibay, at ito ay banal, matuwid spiritual, mabuti at makahari, habang ang isa ay karnal, anino, pabigat, at ito ay pinawi na, sinira, inalis, ipinako sa krus, binago, at pinawi dahil sa kahinaan nito at kawalang kapakinabangan.
     Totoo na ang mga batas ng Kautusang moral ay nakakalat sa mga aklat ni Moises at naihalo sa mga batas ng kautusang seremonyal. Ngunit hindi ito ang magiging dahilan na sila'y mapabilang na bahagi ng Kautusang ito ng seremonyal at kasamang pinawi. Ang Kautusang moral ay walang hanggan na kagaya ng Dios, habang ang kautusang seremonyal naman ay may bisa o umiral lamang hanggang noong mamatay si Cristo sa krus. Yaong mga binabaha-bahagi ng tama ang salita ng katotohanan ay hindi kailanman malilito sa magkaibang mahahalagang mga kautusan, ni kanila mang ipapatungkol sa makaharing Kautusan ng Dios ang salitang ginamit patungkol sa nasusulat sa mga palatuntunan.
     Na ang Sampung Utos na siyang sakdal nitong alituntunin, ay nahayag mula sa ilang mga katotohanan: ang mga ito ay sinalita ng sariling tinig ng Dios; at sinabi,"hindi na niya dinagdagan pa" (tingnan ang Deuteronomio 5:22), na ipinakikita na Siya ay nagbigay na ng sakdal o ganap na Kautusan. Ang mga ito lamang ang Kaniyang isinulat sa dalawang tapyas na bato ng Kaniyang sariling mga daliri, isa pang katunayan na ito ay ganap na alituntuning moral (tingnan ang Deuteronomio 9:9-11). Nilayon Niya na ito lamang ang mailagay sa ilalim ng luklukan ng awa sa ikalawang silid ng santuario (tingnan ang Exodo 30:6; Hebreo 9:4-5), isang malinaw na katibayan na ito ang Kautusan na gumagawa ng kinakailangang pagtubos sapagkat ito ang sinira o sinalangsang. At maliwanag na tinawag ng Dios ang Kaniyang sinulat sa mga tapyas ng bato, na Kautusan at utos (tingnan ang Exodo 24:12).
     Ang parehong kautusan ay may mga Sabbath, ngunit mayroong malinaw na pagkakaiba sa pagitan nila. Ang ikapitong araw na Sabbath na nagpasimula sa Eden bago pa ang kasalanan bilang bahagi ng di-nababagong Kautusan ng Dios; at palaging nagaganap sa ikapitong araw na tinatawag natin ngayon na Sabado. Habang ang Sabbath na kapistahan ay nagpasimula pagkatapos ng kasalanan bilang bahagi ng Kautusang seremonyal, at maaaring maganap sa alinmang araw ng sanlinggo. Ang ikapitong araw na Sabbath ay isinulat sa bato ng sariling mga daliri ng Dios. Habang ang Sabbath na kapistahan ay isinulat sa tela, o papel, o balat, sa pamamagitan ng mga daliri ni Moises. Ang ikapitong araw na Sabbath, kasama ng 9 na iba pang mga utos ay inilagay sa kaban sa ilalim ng tapat ng luklukan ng awa na may kaluwalhatian ng Dios at presensya sa itaas nito (tingnan ang Exodo 30:6, 40:20,34), na nangangahulugan na sila'y permanenteng ipatutupad at hindi magbabago. Habang ang mga Sabbath ng kapistahan ay inilagay sa tabi ng kaban (tingnan ang Deuteronomio 31:26), na nangangahulugan na sila'y pansamantala lamang na ipatutupad hanggang sa maganap o matupad ang kanilang panukala o layunin. Sa ikapitong araw ng Sabbath ay hindi na magluluto, kundi lahat ng pagkain ay ihahanda at lulutuin na sa ikaanim na araw o sa araw ng paghahanda (tingnan ang Exodo 16:23). Habang sa mga Sabbath ng kapistahan ay maaari naman kayong maghanda at magluto ng inyong pagkain (tingnan ang Exodo 12:14-16). At sa ikapitong araw ng Sabbath, walang gawaing dapat gawin - maging ang mamulot ng kahoy na gagamitin sa paghahanda ng pagkain (tingnan ang Bilang 15:32-36). Habang sa mga Sabbath ng kapistahan ay maaari ng magtipon ng mga sanga ng ibat-ibang punongkahoy (sa panahon ng kapistahan ng mga balag) upang makapagtayo ng mga balag na tatahanan (tingnan ang Levitico 23:34-40).
     Kaya nga mayroong malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng di-nababagong ikaapat na utos ng Kautusang moral ng Dios na ipangiling may kabanalan ang ikapitong araw ng Sabbath, at ang pansamantala na anino ng Sabbath ng kapistahan ng kautusang seremonyal. Ang ikapitong araw ng Sabbath ay "ginawa para sa tao" bago pa ito mahulog sa pagkakasala; samakatuwid hindi ito maaaring anino lamang na tumuturo sa kamatayan ni Cristo, kaya hindi napako sa krus kundi patuloy na itinuturong pabalik sa umpisa ng kasaysayan ng sanlibutang ito at sa Lumalang sa ating lahat. Ngunit ang mga araw ng kapistahang Sabbath, pati na ang lahat ng iba pang uri ng kaugalian ng mga Judio, ay nagpasimula lamang pagkatapos na bumagsak at magkasala ng tao at pagkatapos na mangailangan ng Tagapagligtas; kaya nga ang mga ito ay anino lamang na nagtuturo sa katubusan o kaligtasan at totoong napako na sa krus (tingnan ang Colosas 2:14).


PATULOY PA RING IPANGINGILIN ANG SABBATH NGAYON

     Maging si Pablo ay nagpahayag na kinakailangang patuloy na ipangilin ng bayan ng Dios ang ikapitong araw ng Sabbath ng Kautusang moral pagkatapos ng kamatayan ni Cristo ngunit hindi masusumpungan saan man na kinakailangang ipangiling banal ang seremonyal na mga Sabbath o anumang araw ng sanlinggo!
     "Sapagkat sa isang dako ay sinabi niya ang ganito tungkol sa ikapitong araw, At nagpahinga nang ikapitong araw ang Dios sa lahat ng kaniyang mga gawa....May natitira pa ngang isang pamamahingang Sabbath, ukol sa bayan ng Dios. Sapagkat ang pumasok sa kaniyang kapahingahan ay nagpahinga naman sa kaniyang mga gawa, gaya ng Dios sa kaniyang mga gawa. Magsipagsikap nga tayo ng pagpasok sa kapahingahang yaon, upang huwag marapa ang sinoman ayon sa gayong halimbawa ng pagsuway." Hebreo 4:4, 9-11.

     Nawa ay maging maliwanag sa lahat na nagnanais na makakita na ang pag-alis sa mga usapang nasusulat sa mga palatuntunan ng kautusang seremonyal ay nagbigay sa bawat batas ng makaharing Kautusan ng buong bisa, at gayundin ang kautusan ng mga anino na nagtuturo sa kamatayan ni Cristo ay nagwakas at natapos na nang maganap ang pangyayaring yaon. Ang paglabag o pagsalangsang sa Kautusang moral ang siyang dahilan kung bakit ipinagkaloob ng Tagapagligtas ang Kaniyang buhay na mamatay upang iligtas kayo at ako mula sa kasalanan. Sa gayon ang walang tigil at walang pagbabagong kabanalan ng 10 utos ay mapagtitibay ng katotohanan na ibinigay ng Dios ang Kaniyang nag-iisang Anak upang pasanin sa Kaniyang sarili ang sumpa nito at namatay dahil sa pagsuway natin dito.
     Nawa ay magising tayo sa ating tungkulin at ating alalahaning sundin ng may pagtitiis at katapatan ang lahat ng 10 utos ng Kautusang moral ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya sa katuwiran at kalakasan ni Cristo, upang matamo natin ang buhay na walang hanggan at mapasa Dios magpakailanman!
     "Narito ang pagtitiyaga ng mga banal; ng mga nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at ng pananampalataya ni Jesus....
     "Mapapalad ang nangagsisitupad ng Kaniyang mga utos, upang sila'y magkaroon ng karapatan sa punongkahoy ng buhay, at makapasok sa bayan sa pamamagitan ng mga pintuan. Sapagkat nangasa labas ang mga aso, at ang mga manggagaway, at ang mga mapakiapid, at ang mga mamamatay-tao, at ang mga mapagsamba sa dios-diosan, at bawat nag-iibig at gumagawa ng kasinungalingan." Apokalipsis 14:12, 22:14-15.