"LET THERE BE LIGHT" Ministries
ANG TEMPLO NG DIOS KAILANGANG LINISIN!?
Ang tanging santuario ng Dios na tanging lumitaw o nanatili sa lupa, na kung saan nagbibigay ang Biblia ng anumang impormasyon, ay ang isa na siyang iniutos ng Dios kay Moises na itayo: "At kanilang igawa ako ng isang santuario; upang ako'y makatahan sa gitna nila (tingnan ang Exodo 25:8). Ito ay ipinahahayag ni Pablo na siyang santuario ng unang tipan (tingnan ang Hebreo 9:1). Ngunit wala bang santuario ang bagong tipan? "Ang kinauuwian nga ng mga bagay na aming sinasabi ay ito: Mayroon tayong isang dakilang saserdote, na nakaupo sa kanan ng luklukan ng karangalan sa mga langit, Ministro sa santuario, at sa tunay na tabernakulo, na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao." Hebreo 8:1-2.
Dito ay nahayag ang santuario ng bagong tipan-isang makalangit na tabernakulo. Ang santuario sa lupa ng unang tipan ay itinayo sa pamamagitan ng tao at ginawa ni Moises. Ngunit ang santuario sa langit ay itinayo ng Panginoon at hindi ng tao. Sa santuario ng unang tipan ang mga saserdote sa lupa ang gumagawa ng serbisyo o paglilingkod. Sa makalangit na santuario ng bagong tipan, si Cristo, ang ating dakilang Mataas na Saserdote, ang nagmiministeryo o naglilingkod sa kanan ng Dios. Samakatuwid, ang isang santuario ay nasa lupa, ang isa ay nasa langit.
Ang santuario na itinayo ni Moises ay ginawa ayon sa anyo ng templo sa langit. Inutusan ng Panginoon si Moises:
"Ayon sa lahat ng aking ipinakita sa iyo, sa anyo ng tabernakulo at sa anyo ng lahat ng kasangkapan niyaon ay gayon ninyo gagawin. Ingatan mo, na iyong gawin ayon sa anyo ng mga yaon na ipinakita sa iyo sa bundok." Exodo 25:9,40 (tingnan din ang Hebreo 9:23, 8:5).
Ito ay ginawa upang ang ating pananampalataya ay manghawak sa katotohanan na sa langit ay mayroong santuario na ang serbisyo ay ginagawa para sa katubusan ng sangkatauhan. Ang santuario na ito kung saan nagmiministeryo si Jesus para sa ating kapakanan, ang siyang dakilang orihinal na ang templo na itinayo ni Moises ay tanging kopya lamang.
Ang lahat ng pagsamba sa santuario sa lupa ay nagtuturo ng katotohanan tungkol sa santuario sa langit. Habang ang tabernakulo sa lupa ay nakatayo pa, ang daan patungo sa tabernakulo sa langit ay hindi pa nahahayag (tingnan ang Hebreo 9:8). Ngunit nang si Cristo ay namatay sa krus, ang tabing ng santuario sa lupa ay nahapak sa dalawa na ipinahihiwatig na isang bago at lalong mas mabuting daan ang itinatag (tingnan ang Mateo 27:51; Lukas 23:45).
Ang una ay inalis upang ang ikalawa, na batay sa lalong mabubuting pangako, ay maitatag o mailagda (tingnan ang Hebreo 8:6). Habang si Cristo ay nasa lupa pa, hindi siya maaaring maging saserdote (tingnan ang Hebreo 8:4), at dahil dito ay hindi niya maihandog ang Kaniyang nabuhos na dugo at magtubos para sa ating mga kasalanan. Ngunit si Cristo ay bumangon o nabuhay mula sa mga patay, umakyat sa langit, at pagkatapos ay naging Mataas na Saserdote natin upang maiharap niya sa Dios ang Kaniyang sariling dugo na nabuhos para sa atin, at nang sa gayon ay makagawa ng pagtubos para sa kasalanan. Samakatuwid ang pagtutubos para sa kasalanan ay hindi natapos o nalubos sa krus, kundi magsisimula pa lamang pagkatapos na umakyat si Cristo sa langit at simulan ang kaniyang gawain ng paglilingkod sa santuario sa langit bilang ating Mataas na Saserdote.
Inihayag ng Dios ang malaking pagbabagong ito mula sa santuario sa lupa hanggang sa santuario sa langit sa pamamagitan ng Kaniyang mga propeta - lalo't higit sa pamamagitan ng iniibig na disipolong si Juan (tingnan ang Apokalipsis 4:1-5, 8:3, 4, 9:13, 11:19, 14:17-18, 15:5-8).
Hindi lamang idinudulog o isinasamo ni Cristo ang Kaniyang mahalagang dugo sa harap ng Ama sa santuario na ito sa langit alang-alang sa ating mga makasalanan (tingnan ang Hebreo 9:11-14, 24-28), kundi makikita rin doon ang maharlikang trono ng Dios, na napalilibutan ng di-mabilang na mga hukbo ng anghel, na lahat ay naghihintay na sumunod sa mga utos ng Dios(tingnan ang Awit 103:19-20). Mula sa templong ito ng Dios ang mga anghel na ito'y isinusugo upang maging sagot sa mga dalangin ng mga anak ng Dios dito sa lupa (tingnan ang Daniel 9:21-23; Hebreo 1:7, 14).
Kaya nga ang santuario sa langit ay makikita na siyang pinakasentro ng gawain kung saan ang lahat ng banal na kapangyarihang kinakailangan upang mapagtagumpayan ang bawat tukso ni Satanas ay ipinagkakaloob sa bawat isa na nakaugnay rito sa pamamagitan ng pananampalataya. Si Cristo, ang ating Mataas na Saserdote na nagmiministeryo o naglilingkod para sa atin ay handang iabot ang kaniyang makapangyarihang kamay mula sa makalangit na santuariong ito upang may pagmamahal na hawakang mahigpit ang kamay ng bawat isa na aabot sa pamamagitan ng pananampalataya at tatanggap ng Tulong na inihahandog sa kanila. Ang isa na ang pananampalataya ay nanghahawak sa makapangyarihang Katulong ay ligtas na makalalampas sa matatarik na burol ng kahirapan, ang kaniyang sariling kaluluwa ay mapupuspos ng liwanag habang kaniyang ikinakalat o ibinabahagi ang liwanag at pagpapala sa iba. Habang siya ay nananatiling matatag na naghahawak sa Dios sa pananampalataya, mayroon siyang liwanag at kapangyarihan mula sa santuario sa itaas; ngunit kung pahintulutan niya ang pag-aalinlangan at kawalan ng pananampalataya na sumira ng mahalagang ugnayang ito, siya ay sasa kadiliman, na hindi lamang magagawang sumulong sa kaniyang sarili, kundi hinahadlangan pa ang daanan ng iba.
Darating ang panahon na ang gawaing paglilingkod ni Cristo ay matatapos na at hindi na Niya ihahandog o iaalok pa ang Kaniyang dugo upang itubos para sa ating mga kasalanan (tingnan ang Daniel 12:1; Apolalipsis 22:11-12). Ito ang magpapasimula ng panahon ng kabagabagan na susubok sa mga kaluluwa ng mga tao, at kung piliin natin na gumawa ng kasalanan pagkalipas ng panahong ito, wala ng anumang paraan kung saan ito'y mapatatawad pa at tayo ay mawawaglit! Yamang ito ay paksang may kinalaman sa kaligtasan - buhay o kamatayan, mayroon bang anumang paraan na malalaman natin kung kalian matatapos o titigil ang gawain ni Cristo na paglilingkod o pagmiministeryo ng sa gayon ay maihanda natin ang ating sarili para sa panahong ito? Oo! Bago matapos ang gawain ni Cristo bilang Tagapamagitan, ang santuario sa langit ay kinakailangang linisin.
Ang paglilinis ng santuario, maging sa gawain sa lupa o sa langit, ay kinakailangang isagawa o isakatuparan sa pamamagitan ng dugo: sa una, ay dugo ng mga hayop; at sa huli, sa mahalagang dugo ni Cristo. Ito ay kinakailangan sapagkat kung walang pagbuhos ng dugo ay walang kapatawaran ng kasalanan (tingnan ang Hebreo 9:22). Ang kapatawaran, o ang pag-alis ng kasalanan, ay ang pinakahuling gawain na dapat gawin. Ngunit papaano magkaroon ng kaugnayan ang kasalanan sa santuario, maging sa langit o sa lupa? Ito ay maaalaman sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa mga simbolo na paglilingkod ng santuario sa lupa; sapagkat ang mga saserdote na gumaganap sa lupa, ay nangaglilingkod "sa anyo at anino ng mga bagay sa kalangitan." Hebreo 8:5.
Ang paglilingkod sa santuario sa lupa ay binubuo ng dalawang bahagi; araw-araw ang mga saserdote ay nagmiministeryo o naglilingkod sa banal na dako, samantalang isang araw lamang sa isang taon gumaganap ang mataas na saserdote ng mahalagang gawain ng pagtubos sa kabanal banalang dako para sa paglilinis ng santuario (tingnan ang Lev. 16). Araw-araw dinadala ng nagsisising makasalanan ang kaniyang handog sa pintuan ng tabernakulo, at ipapatong ang kaniyang kamay sa ulo ng biktima o handog, kaniyang ipapahayag roon ang kaniyang mga kasalanan, ng sa gayon ay naililipat ang mga yaon mula sa kaniyang sarili patungo sa walang salang handog o hain. Pagkatapos ay kaniyang papatayin ang hayop, na mabubuhos ang dugo nito at sa gayon, bilang simbolo, ay naghahatid ng kapatawaran ng kasalanan. Hinihingi ng sinalangsang na kautusan ng Dios ang buhay ng mananalangsang. Ang dugo, na kumakatawan sa namatay na buhay ng makasalanan, na ang kasalanan nito ay pinasan o inako ng handog, ay dadalhin ng saserdote sa banal na dako at iwiwisik sa tabing ng kabanalbanalang dako kung saan naroon ang kaban na naglalaman ng utos ng Dios na sinalangsang ng makasalanan. Sa pamamagitan ng seremonyang ito, ang kasalanan sa pamamagitan ng dugo ay nalilipat sa santuario.
Yaon ang gawain na nagpapatuloy araw-araw sa buong taon. Ang mga kasalanan ng bayan ng Dios sa pamamagitan ng mga yaon ay nalipat na sa santuario, at isang mahalagang gawain ang kinakailangan para sa pag-alis ng mga yaon sa santuario. Iniutos ng Dios na dapat gawin ang pagtubos sa bawat banal na silid. "At itutubos niya sa dakong banal dahil sa mga karumalan ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang mga pagsalangsang, samakatuwid baga'y sa lahat nilang kasalanan: at gayon ang kaniyang gagawin sa tabernakulo ng kapisanan na nasa kanila, sa gitna ng kanilang mga karumalan." Ang pagtutubos ay gagawin din para sa dambana, upang linisin ito at banalin dahil sa mga karumalan ng mga anak ni Israel." Levitico 16:16, 18-19.
Minsan sa isang taon, sa dakilang Araw ng Pagtubos, ang mataas na saserdote ay pumapasok sa kabanalbanalang dako para sa paglilinis ng santuario. Ang gawaing ginagawa roon ang humuhusto sa buong taong paglilingkod. Sa araw ng Pagtutubos dalawang batang kambing ang dinadala sa pintuan ng tabernakulo - ang isa ay para sa Panginoon, at ang isa ay para sa kambing na hantungan ng sisi o tinatawag bilang "scapegoat" (tingnan ang Levitico 16:8). Ang kambing na pinili para sa Panginoon ay papatayin bilang handog dahil sa kasalanan ng bayan. At dadalhin ng saserdote ang dugo ng kambing sa loob ng tabing sa kabanalbanalang dako at iwiwisik ito sa harap at ibabaw ng luklukan ng awa. Ang dugo ay iwiwisik din sa dambana ng kamangyan sa unang silid.
Sa ulo ng kambing na hantungan ng sisi ay isasaysay o ipapahayag ng mataas na saserdote ang lahat ng mga pinatawad na mga kasalanan at kasamaan ng bayan ng Dios na naipon hanggang sa panahong yaon, sa gayon ay kaniyang ilalagay o ililipat ang mga yaon sa kambing na hantungan ng sisi. At pagkatapos ang kambing na ito ay dadalhin o aakayin sa pamamagitan ng mga kamay ng isang taong handa papunta sa ilang; at hindi na babalik pa (tingnan ang Lev. 16:21-22) At pagkatapos niyaon ang santuarios ay ganap ng malinis at malaya mula sa kasalanan. Walang takdang haba ng panahon o oras para sa gawaing ito ng pagtubos na matatapos sa araw ding yaon, ngunit ang haba ng panahon ay malalaman kung gaano katagal matapos ng mataas na saserdote ang kaniyang gawain (tingnan ang Lev. 16:17). Ito ay maaaring matapos sa anumang oras sa araw ding yaon.
Ang buong seremonyang ito ay nilayon upang ikintal o itatak sa bayan ng Dios ang kabanalan ng Dios at ang Kaniyang pagkamuhi sa kasalanan; at dagdag pa, ay upang ipakita sa kanila na hindi sila maaaring lumapit sa kasalanan na hindi sila mahawa o magkasala. Ang bawat isa ay inaatasan na papagdalamhatiin ang kanilang kaluluwa habang ang gawain ng pagtubos ay nagpapatuloy. Gugugulin ng buong kapisanan ang araw na yaon sa solemneng pagpapakumbaba sa harapan ng Dios, sa pamamagitan ng panalangin, pagaayuno, at malalim na pagsisiyasat ng puso.
Dakila at mahahalagang mga katotohanan tungkol sa pagtubos sa kasalanan ang itinuturo ng kinaugaliang serbisyong ito. Ang kahalili ay tinanggap sa lugar ng makasalanan; ngunit ang kasalanan ay hindi naalis ng dugo ng handog. At dahil doon naglaan ng kaparaanan kung paanong ito'y mailipat sa santuario. Sa pamamagitan ng paghahandog ng dugo, kinikilala ng makasalanan ang awtoridad o kapangyarihan ng kautusan, kaniyang pagsisisihan ang kaniyang kasalanan sa pagsalangsang dito, at ipahahayag ang kaniyang pagnanais ng kapatawaran sa pamamagitan ng pananampalataya sa Manunubos na darating; ngunit hindi pa siya ganap na nakalaya sa sumpa o hatol ng kautusan. Sa Araw ng Pagtubos ang mataas na saserdote, na kumuha ng handog mula sa kapisanan, ay papasok sa kabanalbanalang dako na dala ang dugo ng handog, at iwiwisik yaon sa luklukan ng awa, sa ibabaw mismo ng kautusan, upang mabigyang kabayaran ang mga hinihingi ng o inaangkin nito. Pagkatapos, sa likas ng kaniyang pagiging tagapamagitan, kaniyang ipapataw ang mga kasalanan sa kaniyang sarili na aalisin ang mga yaon sa santuario. Pagkatapos kaniyang ipapatong ang kaniyang mga kamay sa ulo ng buhay na kambing bilang hantungan ng sisi, kaniyang isasaysay at ipapahayag ang lahat ng mga kasalanang ito sa kambing, sa gayon ay naililipat ang mga yaon mula sa kaniya patungo sa kambing. At dadalhin ng kambing ang mga yaon sa malayo, at ituturing ang mga yaon na hiwalay na sa bayan magpakailanman.
Gayon ang ginagawang serbisyo "ayon sa anyo at anino ng mga bagay sa kalangitan." At kung ano ang ginawa sa halimbawa o anyo sa paglilingkod sa santuario sa lupa ay ginawa sa katotohanan sa paglilingkod na ginagawa sa santuario sa langit ngayon. Pagkatapos ng Kaniyang pagakyat sa langit, sinimulan ng ating Tagapagligtas ang Kaniyang gawain bilang ating Mataas na Saserdote. Sinabi ni Pablo:
"Sapagkat hindi pumasok si Cristo sa dakong banal na ginawa ng mga kamay, na kahalintulad lamang ng tunay; kundi sa talagang langit, upang humarap ngayon sa harapan ng Dios dahil sa atin." Hebreo 9:24.
Ang paglilingkod ng saserdote sa buong taon sa unang silid ng santuario, o "sa nasa loob ng tabing" na nag-anyong pinto at nagpahiwalay sa banal na dako mula sa tabernakulo sa labas, ay kumakatawan sa gawain ng paglilingkod na pinasok ni Cristo pagkatapos ng Kaniyang pagkapako sa krus at pag-akyat sa langit. Gawain ng saserdote sa araw-araw na paglilingkod na iharap o ihandog sa harap ng Dios ang dugo ng handog dahil sa kasalanan, ganundin ang usok ng kamangyan na umaakyat kasama ng mga panalangin ng Israel. Ganoon iniluluhog ni Cristo ang Kaniyang dugo sa harap ng Ama alangalang sa mga kasalanan, at ihandog din sa harap Niya kasama ng mabango at mahalagang samyo ng Kaniyang sariling katuwiran, ang panalangin ng nagsisising mananampalataya. Gayon ang gawain ng paglilingkod sa unang silid ng santuario sa langit.
Doon ang pananampalataya ng mga alagad ni Cristo ay sumunod sa Kaniya habang Siya ay papaakyat mula sa kanilang paningin (tingnan ang Gawa 1:9-11). Dito nakasentro ang kanilang pag-asa, "na siyang pag-asang mayroon tayo," sabi ni Pabloo, "na tulad sa sinepete ng kaluluwa, na matibay at matatag, at pumapasok sa nasa loob ng tabing; Na doo'y pumasok dahil sa atin si Jesus, na gaya ng pangunahin, na naging dakilang saserdote magpakailanman..At hindi rin naman sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at ng mga bulong baka, kundi sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo, ay pumasok na minsan magpakailanman sa dakong banal, na kinamtan ang walang hanggang katubusan para sa atin." Hebreo 6:19-20, 9:12.
Sa loob ng labingwalong daang taon pagkatapos ng pagakyat ni Cristo ang gawaing ito ng paglilingkod ay nagpatuloy sa unang silid ng santuario sa langit. Ang dugo ni Cristo, na inihandog alang alang sa nagsisising mananampalataya, na natiyak ang kanilang kapatawaran at pagtanggap sa Ama, ngunit ang kanilang mga kasalanan ay nananatili pa rin sa mga aklat ng talaan. Kung paanong sa tipikal na paglilingkod ay mayroong gawain ng pagtubos sa pagtatapos ng taon, gayon din naman bago matapos ang gawain ng pagliligtas ni Cristo para sa sangkatauhan ay mayroong Gawain ng pagtubos para sa pag-aalis ng mga kasalanan sa santuario sa kalangitan.
Kagaya ng una, sa pamamagitang ng pananampalataya, ang mga kasalanan ng mga tao ay napupunta sa handog sa kasalanan at sa pamamagitan ng dugo nito ay nalilipat, sa santuario sa lupa, gayon sa bagong tipan, ang mga kasalanan ng mga nagsisisi ay nalilipat sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo at nalilipat, sa katunayan, sa santuario sa langit. At kung paanong ang> tipikal na paglilinis sa makalupa ay ginagawa sa pamamagitan ng pag-alis ng mga kasalanan na siyang dahilan na ito'y nagging marumi, kaya't ang tunay na paglilinis ng makalangit ay magagawa sa pamamagitan ng pag-alis o pagpawi sa mga kasalanan na nakatala doon sa mga aklat sa langit (tingnan ang Awit 69:28; Malakias 3:16; Daniel 12:1; Filipos 4:3; Apokalipsis 3:5, 13:8, 17:8, 22:19). Ngunit bago ito maganap, magkakaroon ng pagsisiyasat sa mga aklat na ito ng talaan upang malaman kung sino, sa pamamagitan nng pagsisisi at pananampalataya kay Cristo, ang karapatdapat sa mga benepisyo ng Kaniyang pagtubos. Ang paglilinis ng santuario kung magkagayon ay nangangailanganng > gawain ng pagsisisyasat-o ng gawain ng paghatol (tingnan ang Daniel 7:10; Apokalipsis 20:4, 11-15; Eclesiastes 12:13-14). Ang gawaing ito ay kinakailangang gawin bago ang pagbabalik ni Cristo upang iligtas ang Kaniyang bayan; sapagkat kung Siya ay dumating, ang kanilang gantimpala ay napagpasyahan na at daladala na ni Cristo upang ibigay sa bawat isa ayon sa kanilang mga gawa (tingnan ang Mateo 16:27; Apokalipsis 22:12). Ngunit kailan mangyayari ang huling gawain na ito sa ikalawang silid, malilinis ang santuario pagkatapos ng anong gawaing paglilingkod ni Cristo?
"Hanggang sa dalawang libo at tatlong daan na hapon at umaga; kung magkagayo'y malilinis ang santuario." Daniel 8:14.
Sa mga hula sa Biblia, ang bawat araw ng inihulang panahon ay katumbas ng literal na isang taon (tingnan ang Bilang 14:34; Ezekiel 4:6). Kaya ang 2300 na mga araw ng panahong inihula ay magiging katumbas ng 2300 na literal na mga taon. Ngunit kailan magsisimula ang hulang ito at ng sa gayon ay ating maalaman ang petsa kung kailan ito matatapos at matiyak kung kailan malilinis ang santuario? Ipinahayag sa atin ang ilang hula na tumutukoy kay Cristo bilang ating Mesias, at ating Mataas na Saserdote:
"Pitong pung sanglinggo ang ipinasya sa iyong mga tao at sa iyong banal na bayan.upang pahiran ang kabanalbanalan. Iyo ngang talastasin at bulayin, na mula sa paglabas ng utos na isauli at itayo ang Jerusalem sa pinahiran na prinsipe, magiging pitong sanglinggo at anim na put dalawang sanglinggo ito'y matatayo uli.At pagkatapos ng anim na put dalawang sanglinggo, mahihiwalay ang pinahiran. At pagtitibayin niya ang tipan sa marami sa isang sanglinggo at sa kalahati ng sanglinggo ay kaniyang ipatitigil ang hain at ang alay." Daniel 9:24-27.
Inihayag ng kasaysayan na ang batas na nag-uutos na ibalik at itayong muli ang Jerusalem ay naganap noong 457 B.C., kaya nga ang petsang ito ang simula ng 70 sanglinggo (o 490 inihulang mga araw o literal na taon) gayundin ng hula tungkol sa 2300 araw/taon. Kaya, 457 B.C. idagdag ang 7 sanglinggo (49 araw/taon) ay dadalhin tayo sa pamamagitan ng kasaysayan kung kailan naitayong muli ang templo ng Jerusalem noong 408 B.C. At 62 pang mga sanglinggo (434 araw/taon) ay dinala tayo sa pamamagitan ng kasaysayan kung kailan si Cristo pinahiran ng Espiritu ng Dios bilang Mesias noong 27 A.D. (tingnan ang Mateo 3:13-17; Lukas 4:17-21). May huling isang sanglinggo pang natitira, at sa kalahati ng huling 7 taong ito, 3 ½½ taon pagkatapos na pahiran ang Mesias, si Cristo ay ipinako sa krus dahil sa ating mga kasalanan noong 31 A.D. Pagkalipas ng 3 ½ taon ay naganap ang kamatayan ng unang kristiyanong martir sa katauhan ni Esteban na pinagbabato at ang ebanghelyo ng kaharian ay ibinigay sa mga Gentil noong 34 A.D. (tingnan ang Gawa 7, 8:1-8, 18:6). Dito natapos ang hula ng 70 sanglinggo/ 490 taon na malinaw na ipinakita na si Cristo ang Mesias at ang tunay na Mataas na Saserdote ng bayan ng Dios, ngunit ang hula sa 2300 na araw/taon ay hindi pa nagtapos. Ibabawas ang 490 taon mula sa 2300 ay mag-iiwan sa atin ng natitira pang 1810 na taon. Kaya nga upang matuklasan kung kailan matatapos ang hula ng 2300 araw/taon at kung kailan maguumpisa ang gawain ni Cristo na paglilinis ng santuario sa langit mula sa kasalanan, ating idadagdag ang 1810 na taon sa 34 A.D., at siyang maghahatid sa atin sa taon ng 1844.
Sa pagtatapos ng hula ng 2300 araw/taon noong 1844, itinigil ni Cristo ang Kaniyang gawain ng paglilingkod sa unang silid ng santuario sa langit at pumasok sa kabanalbanalang dako upang gampanan ang pinakahuling gawain ng pagtubos na kinakailangan upang maging malinis ang santuario sa kasalanan at ihatid Siya sa Kaniyang ikalawang pagbabalik. Noong 1844, isinara ni Cristo ang pinto ( o pintuang tabing) ng unang silid at binuksan ang pinto (o pintuang tabing) patungo sa ikalawang silid ng santuario sa langit upang simulan ang gawain ng pagtubos (tingnan ang Apokalipsis 3:7, 11:19). Sa maraming mga taon ngayon, si Cristo ay naglilingkod o namamagitan sa ikalawang silid na gumagawa ng pagtutubos para sa mga kasalanan na pinagsisihan at tinalikuran ng Kaniyang bayan - una'y sa mga patay (tingnan ang Apokalipsis 11:18), at pagkatapos ay sa mga nabubuhay (tingnan ang Ezekiel 9:1-6; Apokalipsis 22:11). At kung ang Kaniyang gawain ng pagiging Mataas na Saserdote ay matapos, na maaaring sa anumang sandali sapagkat walang takdang panahon kung kailan, kung magkagayo'y titigil na si Cristo sa gawain ng pagtubos magpakailanman, Kaniya nang ilalagay o ililipat ang lahat ng mga kasalanang ito sa ulo ng kambing, at sinuman na pipili na magkasala pagkalipas ng panahong ito ay magpapasan sa kanilang sarili ng lubos na kabayaran para sa kanilang kasalanan - na siyang walang hanggang kamatayan! (tingnan ang Roma 6:23).
Habang ang handog sa kasalanan ay tumutukoy kay Cristo bilang ating dakilang Handog o Sakripisyo, at ang mataas na saserdote ay kumakatawan kay Cristo bilang ating Tagapamagitan, ang kambing na hantungan ng sisi ay kumakatawan kay Satanas, ang may-akda ng lahat ng kasalanan, kung saan ang mga kasalanan ng tunay na nagsisisi ay ilalagay o ililipat sa kanya sa wakas - sa ganito'y inaalis ang mga ito sa santuario. Kapag inalis na ni Cristo, sa pamamagitan ng bisa ng Kaniyang sariling dugo, ang mga kasalanan ng Kaniyang bayan mula sa santuario at dalhin Niya sa Kaniyang sarili sa pagtatapos ng Kaniyang pamamagitan, kung magkagayon kaniyang ililipat ang mga kasalanang ito kay Satanas, na siyang magpapasan o tatanggap, sa pagpapatupad ng kahatulan, ng kahulihulihang parusa para sa lahat ng kasalanan. At kung paanong ang kambing na siyang hantungan ng sisi ay dinala o itinaboy sa lupaing hindi tinatahanan, na hindi na kailanman makababalik > na muli sa kampamento ng Israel, ay gayon ang mangyayari kay Satanas, kasama ng lahat ng nagsisunod sa kaniya sa pagkakasala, ay itataboy magpakailanman mula sa presensya ng Dios at ng Kaniyang bayan, upang pawiin sa paglitaw sa kahulihulihang maapoy na pagpuksa o paggunaw sa kasalanan at sa mga makasalanan sa dagatdagatang apoy (tingnan ang Malakias 4:1-3; Apok. 20:9-10, 13-15).
Kayo ba ay handa na ang inyong pangalan at ugali ay dalhin sa pagsisiyasat sa harapan ng Dios sa panahon na ito ng paghatol? Kayo ba ay handa para tapusin na ni Cristo ang Kaniyang gawain ng pagtubos para sa inyo sa anumang sandali? Kayo ba ay handa na pagsisihan, mapatawad at matakpan ang inyong mga kasalanan ng dugo ni Cristo Jesus upang kayo ay maging handa para sa Kaniyang pagdating upang gantimpalaan ng buhay na walanghanggan ang lahat na napatunayang naging tapat hanggang sa wakes (tingnan ang Mateo 10:22)?
"Ngunit sino ang makatatahan sa araw ng kaniyang pagparito? At sino ang tatayo pagka siya'y pakikita?" "Ang masama ay inilulugmok at nawawala: ngunit ang sangbahayan ng matuwid ay tatayo." "Yaman nga na mga inaring ganap sa pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ngating Panginoong Jesucristo: Sa pamamagitan din naman niya'y nangagkaroon tayo n gating pagpasok sa pamamagitan ng pananampalataya sa biyayang ito na diyan ay nagsisilagi tayo." "Dahil dito magsikuha kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y mangakatagal sa araw na masama, at kung magawa ang lahat, ay magsitibay. Magsitibay nga kayo, na ang inyong mga baywang ay may sakbat na baluti ng katuwiran, at anng inyong mga paa ay may panyapak na paghahanda ng evangelio ng kapayapaan; Bukod dito ay taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na siyang ipapatay ninyo sa lahat ng nangagniningas na suligi ng masama. At magsikuha rin naman kayo ng turbante ng kaligtasan, at ng tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Dios: Na magsipanalangin kayo sa Espiritu ng lahat ng panalangin at daing sa buong panahon, at mangagpuyat sa buong katiyagaan." "Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso." Malakias 3:2; Kawikaan 12:7; Roma 5:1-2; Efeso 6:13-18; Hebreo 4:7.
|
||