"LET THERE BE LIGHT" Ministries
ANG HULING PAGHATOL
Ang sukdulan ng ebanghelyo ay ang ikalawang pagdating ni Jesu-Cristo. Sa pangyayaring ito ang mga tagapagsulat ng bagong tipan ay nagsalita ng halos tatlong daang beses! Karugtong ng pangyayaring ito ay ang pagpapalaya at pagpapawalang-sala sa bayan ng Diyos. Sa kaganapang ito si Abraham at ang iba pang patriarka ay umasa (tingnan Heb. 11:10, 13-16).
Sa tanawin ng kaganapang ito, nakita ni Juan ang babaeng ikakasal kay Cristo na nararamtan ng puting damit. "At sa kanya'y ipinagkaloob na damtan ang kanyang sarili ng mahalagang lino, makintab at tunay; sapagkat ang mahalagang lino ay siyang matuwid na gawa ng mga banal." Apok. 19:8.
Alam natin na ang babaeng ikakasal na ito ay ang iglesya, o mga banal ng Diyos (tingnan 2 Cor. 11:2; Efeso 5;23-24). Isang malaking kasinungalingan ni Satanas na ang kaligtasan ay binubuo ng ating kusang-loob na pagtatanggap ng kaligtasan ni Cristo na ipinakita sa Kanyang pamumuhay at sakripisyo, na ang tanging kailangan nating gawin ay tanggapin ang gawang Kanyang ginawa sa kalbaryo. Ngunit ating nabasa na ang puting damit na suot ng mga banal ay ang damit ng kanilang katuwiran. "...Huwag kayong padaya kaninuman: ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya niya na matuwid." 1 Juan 3:7.
Totoo na ang kanilang katuwiran ay natamo sa pamamagitan ni Cristo, ngunit ang mga banal ay hindi lamang nagbigay paimbabaw na pagsasalita sa katotohanan na ang utos ng Diyos ay banal at matuwid at mabuti (tingnan Roma 7:12), subalit kanilang binigyang halimbawa ang kautusan sa kanilang buhay (tingnan Apok. 14:12). Sa pamamagitan ng masigla at buhay na pananampalataya sila'y naging kabahagi ng banal na likas at matakasan ang kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pita (tingnan 2 Pedro 1:4). Sa pananampalataya kay Jesus na Siyang gumagawa sa pamamagitan nila sila'y nangahugasan mula sa lahat ng kasalanan, at mula sa lahat ng depekto ng karakter. "Ako'y napako sa krus na kasama ni Cristo, at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya na ito'y sa Anak ng Diyos, na sa akin ay umibig, at ibinigay ang kanyang sarili dahil sa akin." Galatia 2:20.
Sa marami, ang pagdaan ng panahon na hindi natutupad ang pangako ng ikalawang pagparito ni Jesus ang sanhi ng kalituhan. Ngunit ang Biblia ay sinasabi sa atin ang dahilan ng malinaw na pagkabalam. "Tayo'y mangagalak at tayo'y mangagsayang mainam, at siya'y ating luwalhatiin; sapagkat dumating ang pagkakasal ng Kordero, at ang kanyang asawa ay nahahanda na." Apok. 19:7. Ang pagkaantala ay dahilan sa katotohanan na ang asawa, o ang iglesya ni Cristo, ay hindi naghahanda, o inihahanda ang kanyang sarili upang siya'y salubungin. At ang daan upang maihanda ang iglesya ni Cristo ay sa pamamagitan ng pag-alis ng lahat ng batik at mantsa ng kasalanan mula sa kanilang karakter (tingnan Efeso 5:23-27).
Ang ating karakter ay nahahayag sa mga bagay na ating ginagawa, hindi sa paminsan-minsang pagkakasala o sa paminsan-minsang gawang mabuti, kundi sa kaugaliang ating hinubog. Ang mga maliliit na pangyayari sa ating pang-araw-araw na pamumuhay ay kalimitan ay di nating gaanong napapansin
ay ang mga bagay na humuhugis sa ating karakter. Bawat kaganapan sa buhay ay may malaking bunga-alinman sa kabutihan o sa kasamaan. Ang mahabang hakbang na naibigay sa daan ng mabuting ugali, ay may malaking probabilidad na ipagpatuloy ang katulad na hakbang sa buong kabuhayan.
Ang karakter na ating sinanay, ang pakikitungong ating ipinalalagay ngayon, ay nagtatakda ng ating destinasyon para sa panahon at kawalang-hanggan. Ang pagpipili na ating ginagawa at ang gawang ibinunga ay tapat na nakatalang lahat sa aklat talaan sa langit (tingnag Apok. 20:11-15). Dito ipinakikita kung ang ating pag-uugali ay nasa alituntunin ng pagsunod, o ng paglabag sa batas ng nagpasimula sa paghihimagsik ni Lucifer. Pinagpapasyahan natin ngayon, ng ating pag-uugali at karakter, kung tayo'y masusumpungan na may suot ng puting damit ng katuwiran o kaya'y mawaglit kung si Cristo'y bumalik.
Ang pag-uurung-sulong ay maaaring maging kapasyahan sa maling direksiyon. Marami ang mabibigo na makapasok sa langit at sa buhay na walang hanggan sapagkat sila'y nabigong magbigay ng tiyak na pagpupunyagi, sa pamamagitan ni Jesus, na mapanagumpayan ang kanilang depekto sa pag-uugali dito sa lupa. Marami rin, samantalang nag-aakalang mapapanagumpayan ang mga problema sa kanilang buhay sa hinaharap, ay nagpapasiya ngayon sa walang hanggang kalugihan.
Si Jesus ay naparito sa lupa sa unang pagkakataon bilang tagapagligtas ng sangkatauhan. Siya'y nagdala sa sanlibutan ng salita ng buhay (tingnan Juan 6:63), na sa kanilang pagtanggap ang lahat ay magkakamit ng kaligtasan. Subalit nagbabala si Jesus, na yaong mga tatanggi na tanggapin ang mga salitang ito ay hahatulan nito. "Ang nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga pananalita, ay mayroong isang paghatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kaniya'y hahatol sa huling araw." Juan 12:48. Kung si Jesus ay dumating sa ikalawang pagkakataon, hindi na bilang isang Tagapagligtas kundi isang Tagahatol. "Narito, Ako'y madaling pumaparito; at ang Aking gantimpala ay nasa Akin, upang bigyang kagantihan ang bawat isa ayon sa kanyang gawa." Apok. 22:12.
Kung si Jesus ay bumalik, ang lahat ng matuwid na namatay ay muling bubuhayin, at kasama ng mga buhay na matuwid ay kukunin upang salubungin ang Panginoon sa hangin" (tingnan 1 Tesalonica 4:16-17). Ang sekreto upang maging bahagi ng mga unang bubuhaying ito ay ang pagtagumpayan ang lahat ng kasalanan; sapagkat yaon lamang makapanagumpay sa pamamagitan ng kapangyarihan na inihanda ni Jesus sa lahat na masusumpungang nakatala sa aklat ng buhay ng Kordero, at yaon lamang masusumpungan ang pangalang nakatala sa aklat na ito ang may bahagi sa muling pagkabuhay. "Ang magtagumpay ay daramtang gayon ng mga mapuputing damit; at hindi Ko papawiin sa anumang paraan ang kanyang pangalan sa aklat ng buhay, at ipahahayag Ko ang kaniyang pangalan sa harapan ng Aking Ama, at sa harapan ng Kanyang mga anghel." Apok. 3:5.
Sa pagpapakita ni Jesus, ang mga matuwid ay mangagagalak sa tanawin (tingnan Isaias 25:9). Ang masasama ay nangatakot at sinikap na tumakas mula sa Kanyang presensiya (tingnan Apok. 6:16), at nangapuksa dahil sa kaluwalhatian ng Kanyang pagpapakita (tingnan Apok. 19:21; 2 Tesa. 2:8). Sa panahong ito'y tatalian si Satanas sa loob ng isang libong taon, at pagkalipas nito'y muli siyang (Satanas) kakalagan sa maikling panahon (tingnan Apok. 20:1-3).
WALA NANG PAGKAKATAONG MAGBAGO SA HINAHARAP
Marami ang mga naaakay na umasa na sa hinaharap pa ang tamang panahon upang gumawa ng desisyon para sa kaligtasan sa panahon na si Satanas ay talian; ngunit ating malinaw na makikita na si Satanas ay hindi tatalian hanggang si Jesus ay hindi pa bumabalik, ang panahon na kung saan ang matuwid ay dadalhin sa langit at ang masasama ay puksain. (Para sa karagdagang kaalaman tungkol dito,sumulat lamang para sa polyetong "Ang Lihim na Pagkaligtas".)
Ang pagtatali kay Satanas ay ang pagkakabilanggo sa mga pangyayari. Maririnig nating lahat ang pangungusap: "Ang aking mga kamay ay natatalian." Ating mauunawaan na ito'y nangangahulugan na ang tao ay nagsasalita ng katunayan na dahil sa pangyayaring nasa kaniyang kontrol, siya ay pinigilan sa paggawa ng maaari niyang piliing gawin. Sa kalagayang ito, si Satanas ay nakabilanggo sa lupa. Ang mga masasama ay patay, ang mga matuwid ay inalis, at pagkaraan ng anim na libong taon ng matinding paggawa, ang nahulog na anghel na ito ay pipiliting pagbulay-bulayin ang kanyang nalalapit na hatol. Si propeta Isaias ay nagsalita tungkol sa panahong ito: "Gayon ma'y (Lucifer) mabababa ka sa Sheol, sa mga kadulu-duluhang bahagi ng hukay. Silang nagakakakita sa iyo ay magsisititig sa iyo, kanilang mamamasdan ka, na mangagsasabi, Ito baga ang lalake na nagpayanig ng lupa, na nagpauga ng mga kaharian...Ngunit ikaw ay natapon mula sa iyong libingan na gaya ng kasuklamsuklam na sanga, gaya ng bihisan ng mga patay, na tinaga ng tabak, na bumaba sa mga batong buhay: gaya ng bangkay na nayapakan ng paa. Ikaw ay hindi matatakip sa kanila sa libingan; sapagkat iyong sinira ang iyong lupain, iyong pinatay ang iyong bayan; ang angkan ng mga manggagawa ng kasamaan ay hindi lalagi magpakailanman." Isaias 14:15-16, 19-20.
Samantalang ang paghatol ay nagpasimula sa pagpapahayag ng ebanghelyo (tingnan Apok. 14:6-7), hindi pa rin ito tapos; sapagkat ating mababasa na ang paghatol ay ibibigay sa mga banal (tingnan Apok. 20:4). Sinasabi sa atin ni Apostol Pablo na ang mga banal ay hahatulan, hindi lamang ang sanlibutan kundi ang mga anghel (tingnan 1 Cor. 6:2-3).
Sa bawat pagsubok mayroong tatlong bahagi ang paghatol--pagsisiyasat, pagpaparusa, at pagpapatupad ng sentensiya. Ang una ay ang pagsisiyasat. Sa panahong ito, ang ebidensiya ay sinusuri at tinitimbang at ang desisyon ay ibinibigay kung nagkasala o hindi. At kung natiyak na ang nasasakdal ay inosente, ang kanyang pagkakapaglitis ay natapos na sa pagkakapawalang-sala. Si Apostol Pablo ay nagsalita nito kay Timoteo: "Ang mga kasalanan ng ilang tao ay hayag na, na nagsisipanguna sa paghuhukom: at ang ilang mga tao naman ay kanilang sinusundan. Gayundin naman ang mabubuting gawa ay hayag: at ang mga di gayo'y hindi maaaring ilihim." 1 Tim. 5:24-25.
Ang ibang mga tao, sa kanilang pagpapahayag at pag-iwan sa kasalanan, ay ipinadala na ang kanilang kasalanan sa simula pa lang ng paghuhukom at naipatawad na at tinakpan ng dugo ni Jesus. Subalit ang iba'y ayaw gawin ang gayon, at marami ang hindi naipahayag at hindi iniwang kasalanan na hindi naalis sa simula ng paghatol ay mananatiling hindi naipapatawad upang hatulan sila sa huling panahon. Sila'y titimbangin sa timbangan at masusumpungang kulang. Ang pagsisiyasat ay dapat makumpleto bago dumating si Cristo, sapagkat kung siya'y dumating na lahat ng kapasyahan ay nagawa nang lahat kung sino ang naligtas at sino ang nawaglit. Totoong huli na para maghanda! Kailangang maghanda na tayo ngayon, na ang ating kasalanan ay maipahayag na, maiwanan na, at maipatawad na, bago dumating si Cristo! Pagka si Cristo'y dumating na, lahat ng desisyon ay nagawa na, at ang ikalawang bahagi ng paghatol ay magaganap--ang pagsi-sentensiya.
Sa bawat paglilitis, kung ang pagkakasala ng nasasakdal ay napasyahan na, mayroong petsa para sa pagsi-sentensiya. Sa panahong ito, ang katibayan na ipinakita sa paglilitis ay nakalkula at ang hatol ay napagpasyahan na. Dito sa ikalawang bahaging ito na ang mga matuwid na banal ay kalahok.
Kung mayroong pagkabuhay na mag-uli sa buhay ng mga banal sa ikalawang pagdating ni Jesus, Mayroon ding pagkabuhay na mag-uli na mararanasan--ang pagkabuhay na mag-uli sa paghatol (tingnan Juan 5:29). Ang mga nawaglit, yaong mga hindi dinala sa langit sa unang pagkabuhay, ay babangon buhat sa kanilang mga libingan pagkaraan ng isang libong taon (tingnan Apok. 20:5). Sa panahong ito, si Satanas ay kakalagan ng kaunting sandali at kaagad na muling pasisimulan ang kanyang gawain ng pandaraya (tingnan Apok. 20:5, 7-9).
Sa kanilang pagkapoot sa katuwiran hanggang sa katapusan, ang masasamang ito sa ilalim ng pangunguna ni Satanas ay sisikaping kubkubin ang kampamento ng mga banal at agawin ang banal na siyudad. Dito sa panahong ito na ang ikatlo at huling bahagi ng paghatol ay magaganap.
Napigilan sa pagsasakatuparan ng kanilang layunin, ang masasamang ito ay dadanasin ang kaganapan ng hatol na napagpasyahan laban sa kanila sa bahagi ng pagsi-sentensiya. Bababa ang apoy mula sa langit na ganap na susupok sa lahat ng masama - kasama si Satanas o si Lucifer mismo - at lahat ay naging abo (tingnan Ezek. 28:18; Mal. 4:3). Sa dagat-dagatang apoy na ito ang lahat ng kasalanan at makasalanan ay papawiin mula sa sanlibutan magpasawalanghanggan, at lahat ng bakas ng paghihimagsik ay nabura na magpakailanman.
Sa malinaw na larawang ito ng paghuhukom na nasa iyong harapan, ang malaking katanungan na kailangang magpabahala sa iyo ay: Paano ko ililigtas ang aking sarili sa gayong nag-aapoy at kakila-kilabot na kahahantungan? Ang Diyos ay buong kahabagang sinasabi sa iyo kung paano:
"Sapagkat gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanlibutan, na ibinigay Niya ang Kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinumang sa Kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan....upang ang sanlibutan ay maligtas....at ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay sumasa kanya." Juan 3:16-17, 36.
"Pasakop nga kayo sa Diyos; datapwat magsisalangsang kayo sa Diablo, at tatakas siya sa inyo. Magsilapit kayo sa Diyos, at Siya'y lalapit sa inyo, Mangaglinis kayo ng inyong mga kamay, kayong mga makasalanan; at dalisayin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang akala....Mangagpakababa kayo sa paningin ng Panginoon, at Kanyang itataas kayo." Santiago 4:7-8, 10.
"Si Simon Pedro, na alipin at apostol ni Jesu Cristo, sa nagsipagkamit na kasama namin ng mahalagang pananampalataya sa katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Jesu Cristo...Na dahil dito ay ipinagkaloob Niya sa atin ang Kanyang mahahalaga at napakadakilang pangako; upang sa pamamagitan ng mga ito ay makabahagi kayo sa kabanalang mula sa Diyos, yamang nakatanan sa kabulukang nasa sanglibutan dahil sa masamang pita. Oo, at dahil din dito, sa pagkaragdag sa ganang inyo ng buong sikap, ay ipamahagi ninyo sa inyong pananampalataya ang kagalingan, at sa kagalingan ay ang kaalaman; at sa kaalaman ay ang pagpipigil; at sa pagpipigil ay ang pagtitiis; at sa pagtitiis ay ang kabanalan; at sa kabanalan ay ang mabuting kalooban sa kapatid; at sa mabuting kalooban sa kapatid ay ang pag-ibig. Sapagkat kung nasa inyo ang mga bagay na ito at sumasagana, ay hindi kayo pababayaang maging mga tamad o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesu Cristo." 2 Pedro 1:1, 4-8.
"At kung ang sinuman ay magkasala, ay may Tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesu Cristo ang matuwid. At siya ang pampalubag-loob sa ating mga kasalanan, at hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi ng sa boong sanlibutan din naman. At sa ganito'y nalalaman natin na Siya'y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang Kanyang mga utos. Ang nagsasabing, nakikilala ko Siya, at hindi tumutupad ng Kaniyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kaniya; datapwat ang sinumang tumutupad ng Kanyang salita, tunay na sa kanya ay naging sakdal ang pag-ibig ng Diyos. Dahil dito'y nalalaman nating tayo'y nasa Kaniya. Ang nagsasabing siya'y nananahan sa Kaniya at nararapat din namang lumakad na gaya ng inilakad Niya." 1 Juan 2:1-6.
"Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Diyos, at sundin mo ang Kaniyang mga utos; sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. Sapagkat dadalhin ng Diyos ang bawat gawa sa kahatulan, pati ng bawat kubling bagay, maging ito'y mabuti o maging ito'y masama." Eccl. 12:13-14.
|
||