"LET THERE BE LIGHT" Ministries
ANG KALOOBAN! -
ANG INYONG KAPANGYARIHAN NG PAGPILI
First printing, 1996
Copyright © 1996, held by
“Let There Be Light” Ministries (rs)
PO Box 328
Rogue River, OR 97537
U.S.A.
All rights reserved. Permission is hereby given to reprint this booklet, provided that it is duplicated in its entirety without any change or comment.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring sumulat sa alin mang tanggapan:
BOOKLETS
PO BOX 328
ROGUE RIVER, OR 97537
USA
Maaari ding sumulat upang tumanggap ng libreng pag-aaral ng Biblia sa pamamagitan ng sulatan sa nasabing tanggapan.
ANG KALOOBAN! -
ANG INYONG KAPANGYARIHAN NG PAGPILI
Ano ang kalooban? Si Kapatid na White ay sumulat:
"Ito (ang kalooban) ay ang namamahalang kapangyarihan sa likas ng tao, ang kapangyarihan ng pagpapasya, o ng pagpili. Nakabatay ang lahat ng bagay sa matuwid na gawa ng kalooban." Steps to Christ, p 47.
Samaktuwid, ang kalooban ay ang ating kapangyarihan ng pagpili, ito ang kapangyarihan natin ng pagpapasiya, at ito ang namamahalang kapangyarihan, o lakas, sa ating mga likas.
Kailan natin gagamitin ang ating kalooban o kagustuhan? Kailan magkakaroon ng bahagi ang ating kalooban? Ito'y magkakaroon ng bahagi sa bawat gawa ng buhay. Hindi natin magagawa ang isang bagay kung wala ang ating kalooban. Sa paggising natin sa umaga hanggang sa pagtulog natin sa gabi, patuloy nating ginagamit ang ating kalooban upang makagawa ng mga desisyon. Kaya nakikita na natin na ang ating buhay ay binubuo ng mga binuo nating iba't ibang pagpili at gawa. At kung patuloy nating piliin na ulitin ang isang gawa, nagsisimula tayong bumuo ng mga hilig. At ang ugali ay mahuhubog sangayon sa ating sariling hilig.
"Siya'y kumilos batay sa mga prinsipyo na kaniyang kinasanayan. Samakatuwid, ang mga gawi o hilig ay nahubog mula sa mga gawang inulit-ulit, ang hilig ang bumuo sa ugali, at ang kahihinatnan natin sa panahong ito at sa walanghanggan ay mapagpapasyahan sa pamamagitan ng ating mga ugali." Christ’s Object Lessons, p 356.
"...ang mga salita at gawa ang humuhubog ng ugali." That I May Know Him, p 141.
Kaya kung ano ang piliin natin na maging ay magiging gayon tayo. Kung piliin nating humubog ng isang masamang gawi para sa ating sarili, ay mag-aani tayo kung gayon ng walang hanggang pagkapahamak. Ngunit kung piliin nating humubog ng mabuti, matuwid na ugali para sa ating sarili, ay aanihin natin ang buhay na walanghanggan. At napakahalaga sa atin na ating gugulin ang walanghanggan na kasama ng ating Hari at ng ating mahabaging Tagapagligtas. Ito ang dahilan kung bakit niya sinabi na "nakabatay ang lahat sa matuwid na gawa ng kalooban."
Sa kaisipang ganito, ating ibaling ang ating pansin kay Adan bago pa siya magkasala. Sinabi ng Dios:
"Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis..." Genesis 1:26.
Ngayon bakit gumamit ng dalawang salita ang Dios upang ilarawan ang paglalang sa tao-kapwa sa Kaniyang larawan, at ayon sa Kaniyang wangis?Ang wangis ay nangangahulugan ng panlabas na anyo o itsura, at ang larawan ay nangangahulugan ng panloob na kaanyuan o hugis-o ugali. (Tandaan:--ang salitang Hebreo para sa larawan ay nangangahulugan ng isang taong kinatawan). Samakatwid, tayo ay nilalang upang katawanin o ilarawan ang Dios kapwa sa panlabas na kaanyuan at panloob na pag-uugali o likas!
"Dapat dalhin o ipakita ng tao ang larawan ng Dios, kapwa sa panlabas na pagkakatulad at sa pag-uugali." Patriarchs and Prophets, p 45.
"Hindi nilalang ng Panginoon ang tao upang tubusin, kundi upang magdala o ipahayag ang Kaniyang larawan." Letter 69, February 7, 1897 (Manuscript Release #701, p 11).
"Nilikha ng Dios ang tao, upang ang bawat kapangyarihan o kakayahan ay maging kapangyarihan ng makalangit na kaisipan." Christ's Object Lesson, p 355.
O anong solemneng kaisipan ito! Nilalang ng Dios ang bawat tao sa sanlibutang ito na may mga kapangyarihan o kakayahan, na kung huhubuging may katalinuhan at gagamitin ng tama, kanilang magagawang mailarawan at maipakita ang banal na pag-iisip sa bawat gawang kanilang ginagawa.
Ngayon, si Adan ba ay sakdal nang siya ay lalangin? Oo, sakdal siya. Si Adan ba ay may likas na walang kapintasan at walang kasalanan? Oo, mayroon. Siya ba ay nilalang na ang kaniyang ugali ay lubos, o ganap o husto na? Hindi!
"Magagawa ni Adan, bago ang kaniyang pagbagsak, na humubog ng matuwid na pag-uugali sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan ng Dios. Ngunit nabigo siyang gawin ito, at dahil sa kaniyang kasalanan ang ating mga likas ay bumagsak." Steps to Christ, p 62.
Samakatuwid, si Adan ay hindi nilalang na may ganap at lubos na pag-uugali. Ang kaniyang likas o ugali ay di pa ganap o lubos o di pa hubog. Ngunit siya'y pinagkalooban ng pagkakataon at kakayanan na mahubog o gawing ganap o lubos ang ang kaniyang pag-uugali sa pamamagitan ng kaniyang paggamit sa kaniyang kalooban ng pagpili at paggawa ng tamang mga desisyon, sa pagsasagawa ng matuwid na mga gawa, sa pagbuo ng matuwid na gawi o hilig, at nang sa gayo'y makahubog at mapaging sakdal ang isang matuwid na pag-uugali.
Si Adan, sa kalooban niya, ay walang hilig o pagnanasa na gumawa ng kamalian subali't siya'y malaya na isuko ang kaniyang kalooban kay Satanas at piliing gumawa ng mali kung kaniya ring nanaisin. At nakalulungkot na ganito nga ang piniling gawin ni Adan.
Dahil sa kasalanan ni Adan, ang likas ng tao ay bumagsak at naging makasalanan, napuno ng kasamaan at masasamang pita, at nasa. Ngayon, ang tao ay nagkaroon sa kaniyang kalooban ng malakas na hilig na magpatuloy sa pagkakasala, na dati'y wala. Ngayon kapag ang tao ay mapaharap sa tukso na gumawa ng mali, ang kaniyang bumagsak na likas, kasama ng lahat ng masasamang nasa at hilig nito, ay magpapakita ng halos magagaping pagnanasa na sundin at magpadaig sa tuksong iyon, habang sinasabi sa kaniya ng kaniyang budhi na kaniyang labanan ang tukso at gumawa ng mabuti. Dahil dito, mag-uumpisa na sa loob niya ang pakikipaglaban o pakikipagbaka kung siya ba ay magpapasailalim sa tukso at magkasala o kaniyang lalabanan ito at susunod sa Dios. Na nangangahulugan na ang tao ay mapipilitang gamitin ang kaniyang kalooban upang magpasya kung aling daan ang kaniyang susundin.
Ngayon, pagkatapos ng pagkahulog sa pagkakasala, mayroon bang anumang nangyari sa ating kalooban? Oo.
"Ang kaloobang ito, na napakahalagang dahilan sa paghuhubog ng ugali ng tao, ay napasailalim sa pamamahala ni Satanas pagkatapos na magkasala; at buhat pa noon siya'y gumagawa na sa tao upang nasain at gawin ang kaniyang sariling kagustuhan, ngunit para sa ganap na pagkawasak at kahirapan ng tao." Testimonies, vol 5, p 515.
Kaya dahil si Satanas na ang namamahala sa kalooban o pagnanasa natin, at dahil sa bumagsak na likas ng tao na nagpapakita ng makapangyarihang simbuyo at pagnanasa na magkasala, tayo'y tiyak na tatayong walang lakas o pagkakataon na mapanagumpayan ang kasalanan, hindi ba? Tayo'y magpapatuloy sa kakulangan ng sapat na lakas at kapangyarihan sa ating sarili, upang makatayo laban sa tukso at hindi natin magagawang pigilan ang ating kagustuhan o kalooban at pilitin itong dalhin sa daan ng paglaban at pananagumpay. Patuloy nating masusumpungan ang ating sarili na nagpapasailalim sa tukso at pinipiling magkasala bagama't hindi natin gusto na magkasala. Nagsalita si Pablo ng tungkol sa bagay na ito:
"Sapagka't nalalaman ko na sa akin (samakatwid, ay sa aking laman), ay hindi tumitira ang anomang bagay na mabuti; sapagkat ang pagnanasa ay nasa akin, datapwat ang paggawa ng mabuti ay wala. Sapagkat ang mabuti na aking ibig, ay hindi ko ginagawa: ngunit ang masama na hindi ko ibig, ay siya kong ginagawa. Sapagkat ako'y nagagalak sa kautusan ng Dios ayon sa pagkataong loob: Datapuwa't nakikita ko ang ibang kautusan sa aking mga sangkap na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pag-iisip, at dinadala akong bihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap. Abang tao ako! Sino ang magliligtas sa akin sa katawan nitong kamatayan?" Roma 7:18-19, 22-24.
Mayroon pa bang anumang pag-asa ang sangkatauhan sa ilalim ng kalagayang ito? Wala, tayo'y patuloy na magiging alipin ng kasalanan at mananatili sa ilalim ng pagkabihag ng diablo. Ang lahat ng mabubuting bagay na gagawin natin, ang lahat ng ating katuwiran, ay magiging katulad sa maruming basahan sa paningin ng Dios. Patuloy tayong aariin ni Satanas bilang kaniya, at siya ang ating magiging panginoon at ama.
Ang tanging pag-asa para sa buong sangkatauhan ay ang tulong buhat sa Dios!
"Ang naging bunga ng pagkain ng punong kahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama ay nahayag sa bawat karanasan ng tao. Mayroon sa kaniyang likas ng pagsuko sa kasamaan, isang puwersa o kapangyarihan na hindi niya kayang labanan kung walang tutulong. Upang malabanan ang puwersang ito, upang matamo ang tanging mithiin na yaon na tinatanggap ng kalooban niya na karapatdapat, maaari siyang makasumpong ng tulong sa nag-iisang kapangyarihan." Education, p 29.
Ngunit hindi maaaring basta na lamang patawarin ng Dios ang tao at ang kaniyang kasalanan, sapagkat mapatototohanan na walang halaga ang kaparusahan, at ang kasalanan ay mapahihintulutang mabuhay o maghari magpakailanman. Ang natatanging paraan upang mawasak o maputol ang pag-aangkin at pagkabihag sa atin ni Satanas at upang mailigtas ang sangkatauhan, ay ang piliin ng anak ng sangkatauhan na mamuhay sa kaniyang buong buhay na hindi nagkakasala. Ang magpatuloy na makipaglaban, magsumikap, at makibaka laban sa halos nangingibabaw na pagnanasa at mga pita ng bumagsak na likas ng tao, na patuloy na pilitin ang kaniyang kalooban na panagumpayan ang lahat ng mga tukso, na umaasa sa Dios para sa tulong, at pagkatapos ay lumakad na sakdal sa daan ng maamong pagsunod sa mga kautusan ng Dios. Ito lamang ang tanging paraan upang matapos o maputol na ang pamamahala ni Satanas sa ating kalooban at sa kaniyang pag-aangkin sa atin, sapagkat doon lamang mapapatunayan at mapagtitibay na ang kautusan nga ng Dios ay banal, matuwid at mabuti, at magagawang sakdal na masunod ng sangkatauhan. Wala nang ibang paraan para sa kaligtasan ng tao at kalayaan mula sa pagiging bihag ni Satanas at ng kasalanan!
"Hinihingi ng katarungan na hindi lamang mapatawad ang kasalanan, kundi maisakatuparan din ang parusang kamatayan. Natugunan ng Dios ang dalawang hinihingi na ito sa pagkakaloob ng Kaniyang bugtong na Anak. Sa Kaniyang kamatayan bilang kahalili ng tao, inako ni Cristo ang kaparusahan at naglaan ng kapatawaran.
"Sa pamamagitan ng kasalanan, napalayo ang tao mula sa buhay ng Dios. Ang kaniyang kaluluwa ay naparalisa dahil sa mga pakana ni Satanas, ang may-akda ng kasalanan. Sa kaniyang sarili, hindi niya magagawang makita ang kasalanan, mapahalagahan at maitakda ang banal na likas. Kung madadala sa kanya na kaya niyang maabot, walang anumang bagay dito na nanasain ng kaniyang natural na puso. Ang nakabibighaning kapangyarihan ni Satanas ay nasa kanya. Ang lahat ng mahuhusay na mga pakana na maaaring imungkahi ng Diablo ay inilahad sa kaniya upang hadlangan ang bawat mabubuting hangarin. Ang bawat kakayahan at kapangyarihan na ipinagkaloob sa kanya ng Dios ay kaniyang ginamit bilang sandatang panlaban sa banal na Tagapagpala. Kaya, bagama't Kaniyang iniibig siya, hindi ligtas na maibabahagi ng Dios sa kanya ang mga kaloob at pagpapalang nais Niyang ipagkaloob.
"Ngunit ang Dios ay hindi padadaig kay Satanas. Kaniyang isinugo ang Kaniyang Anak sa sanlibutan, upang sa pamamagitan Niya, sa pagkuha sa anyo at likas ng tao, ang tao at ang makalangit ay naging isa sa Kanya, ay maitatas at maihahatid ang tao sa Dios sa antas na may halagang moral.
"Wala nang iba pang paraan para sa kaligtasan ng tao." Selected Messages, book 1, p 340-341.
Ibinigay ng Dios, ang ating mahabagin at mapagpalang Ama, ang Kanyang bugtong na Anak upang maging buto ng ating buto, at laman ng ating laman; upang Siya nating maging Kahalili, Kasiguruhan, at Hain para sa kasalanan; upang makibaka at panagumpayan ang malakas na kaaway.
Ngayon, napanagumpayan ba ni Cristo ang diablo sa pamamagitan ng likas ng tao na bumagsak na Kaniyang kinuha, o Kaniyang pinanagumpayan ito sa pamamagitan ng likas ng anghel na hindi bumagsak at likas na mayroon si Adan bago magkasala?
"Sapagka't tunay na hindi Niya (ni Cristo) kinuha ang likas ng mga anghel, kundi kaniyang kinuha ang binhi ng binhi ni Abraham. Kaya't nararapat sa kaniya na sa lahat ng mga bagay ay matulad sa kaniyang mga kapatid, upang maging isang dakilang saserdoteng maawain at tapat sa mga bagay na nauukol sa Dios, upang gumawa ng pangpalubag-loob patungkol sa mga kasalanan ng bayan. Palibhasa'y nagbata siya sa pagkatukso, siya'y makasasaklolo sa mga tinutukso." Hebreo 2:16-18.
Kaya si Cristo ay may likas ng tao mula kay Abraham pababa, na nangangahulugan na kinakailangang kunin ni Cristo ang likas ng tao pagkatapos ng pagbagsak o pagkakasala. Ngunit ipapalagay o ikakatwiran ng iba ang talatang ito na iba at sasabihin na tunay na kinuha ni Cristo ang likas ng tao at naging tao, ngunit hindi Siya nag-angkin ng makasalanan o bumagsak na likas na tinatamo natin ngayon? Ito ba ay totoo? Tingnan nating mabuti ang talatang ating binasa.
"Palibhasa'y nagbata siya (si Cristo) sa pagkatukso, siya'y makasasaklolo sa mga tinutukso." Hebreo 2:18.
Si Cristo'y nagbata sa pagkatukso sa kaniya. Ngayon, bakit kinakailangang magbata ni Cristo nang siya ay tuksuhin kung Siya ay mayroong likas ng tao na hindi bumagsak o nagkasala? Hindi ba madaling tumanggi sa kasalanan, kung ikaw ay walang anumang pagnanasa sa kalooban na nagtutulak upang nasain ang kasalanan? Oo, madali. Ngayon, bakit nagbata o nagtiis si Cristo nang dumating ang tukso sa Kanya?
"Kundi bawat tao ay natutukso, pagka nahihila ng sariling masamang pita at nahihikayat." Santiago 1:14.
Kaya't ang bawat tao ay natutukso kapag ang mga pagnanasa at pita sa loob ng kaniyang likas ng pagiging tao ang magtaboy, makipagbaka, at magtulak sa kaniya para gawin ang kasalanang iyon. Ngayon, anong uri ng likas ng tao ang kailangan upang magkaroon ka ng halos naghaharing pagnanasa at pita sa pagkakasala? Kinakailangang magkaroon ka ng likas ng tao sa kalagayan nitong bumagsak o nagkasala!
Kaya kinakailangan ng ating minamahal na Tagapagligtas na magkaroon ng ganunding kaparehong likas, ng ganunding bumagsak, makasalanang likas na mayroon tayo, upang sa gayon Siya'y matutukso na gaya rin natin, at makakapanagumpay.
"Sapagka't tayo'y walang isang dakilang saserdote na hindi maaaring mahabag sa ating kahinaan, kundi isa man na tinukso sa lahat ng paraan gaya rin naman natin gayon ma'y walang kasalanan." Hebreo 4:15.
Samakatwid, si Cristo ay "tinukso sa lahat ng paraan" o bahagi na kagaya rin natin sa ganunding likas na bumagsak, na mayroon ding nagtutulak at halos naghaharing pagnanasa na gumawa ng kasalanan, subalit hindi Siya nagkasala kahit minsan.
"Kaya't nararapat sa kaniya na sa lahat ng mga bagay ay matulad sa kaniyang mga kapatid, upang maging isang dakilang saserdoteng maawain at tapat sa mga bagay na nauukol sa Dios, upang gumawa ng pangpalubag-loob patungkol sa mga kasalanan ng bayan." Hebreo 2:17.
Ang pagtitiis o pagbabata na dinanas ni Cristo laban sa tukso ay Kaniyang ginawa sa Kaniyang sarili upang malabanan ito at gamitin ang lahat ng kapangyarihan ng Kaniyang pagkatao sa panghahawak sa Kanyang kalooban, na pinipilit nitong labanan at panagumpayan ang tukso, at piliing sundin ang kalooban ng Dios sa lahat ng bagay, at pagkatapos ay ganap na lakaran at gawin ang kalooban ng Dios.
"Ipinahayag ni Pablo, 'Ako'y napakong kasama ni Cristo...' Gal 2:20. Walang anumang bagay na mahirap gawin kundi ang pagpapako sa kalooban o kagustuhan. Si Cristo ay tinukso sa lahat ng paraan na gaya rin naman natin; ngunit ang Kaniyang kalooban ay nanatiling nakaugnay sa kalooban ng Dios. Sa kaniyang pagiging tao, Siya ay mayroon ding malayang kalooban na kagaya ni Adan sa Eden. Maaari Siyang magpadaig sa tukso kung paanong nagpadaig si Adan, at magagawa ni Adan na malabanan ang tukso kung paano itong nilabanan ni Cristo, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Dios at pagiging tagatupad ng Kaniyang salita. Kung nanaisin ni Cristo, maaari Niyang utusan ang bato na maging tinapay. Maaaring nagpatihulog na Siya mula sa tuktok ng templo. Maaaring nagpasailalim na Siya sa tukso ni Satanas na yukuran at sambahin siya, ang mang-aagaw ng sanlibutan. Subali't sa bawat paraan, Kaniyang hinarap ang manunukso ng, 'nasusulat.' Siya'y nasa sakdal na pagsunod sa kalooban ng Dios, at ang kalooban ng Dios ay nahayag sa Kaniyang buong buhay.
"Iyong mga susunod kay Cristo, kung nais nilang maging lubos o ganap sa Kaniya ay dapat na kanilang isuko o ipasakop ang kanilang kalooban sa kalooban ng Dios." Our High Calling, p 107 (Manuscript 48, 1899).
Sinisira nito ang maling doktrina noong mga nagtuturo na pagkatapos na mahikayat o magbalik-loob, hindi na kinakailangang gamitin pa ng mga Kristiyano ang kaniyang kapangyarihan ng kalooban na sabihin sa tukso na hindi, na sa pamamagitan lamang ng pananampalataya ikaw ay makakapanagumpay. Ngunit ito ay hindi totoo, sapagkat ipinakita sa atin ng ating Tagapagligtas kung papaano panagumpayan ang mga tukso, sa pamamagitan ng pagpapasakop ng ating kalooban sa kalooban ng Dios sa bawat sandali ng ating buhay. Ipinakita ni Cristo sa bawat isa sa atin, sa pamamagitan ng Kaniyang halimbawa, kung papaano makapanagumpay sa likas nating bumagsak at nagkasala.
Ginawa itong higit na malinaw ni Kapatid na White at kaniyang isinulat:
"Kaniyang binata sa Kaniyang sarili ang likas ng tao na bumagsak, nagdurusa, na pinasama at dinungisan ng kasalanan." Bible Commentary, vol 4, p 1147 col 2.
"Kaniyang kinuha ang likas ng tao na bumagsak at nangakong kakayanin ang malakas na kaaway na nagtagumpay kay Adan." Review and Herald, February 24, 1874 (vol 1, p 140 col 3).
"...Siya kailanma'y dalisay at walang dungis, ngunit kaniyang kinuha sa Kaniyang sarili ang makasalanan nating likas." Review and Herald, December 15, 1896 (vol 3, p 421 col 2).
Si Cristo'y hindi gumawa ng kasalanan para matamo ang likas nating makasalanan, kundi Kaniyang kinuha ito sa Kaniyang sarili upang Kaniyang mabata ang ganundin kalakas na hilig ng kaluluwa at upang mapanagumpayan ang mga ito -- upang Siya ang ating maging sakdal na halimbawa.
"Kaniyang nalalaman kung gaano kalakas ang mga hilig ng likas na puso, at Siya'y tutulong sa bawat panahon ng tukso." Testimonies, vol 5, p 177.
Purihin ang Dios! Napapamangha ba kayo na isipin kung anong uri ng pagpapakababa ang dinanas ni Cristo upang Siya'y makababa mula sa pinakamataas na katayuan sa langit, kung doo'y yumuyukod ang mga anghel sa Kaniyang mga paa, na sabik na naghihintay na sundin ang Kaniyang bawat ipaguutos? Ang isuko at iwan ang lahat ng iyon, ang bumaba mula sa Kaniyang katayuan na kasunod ng Ama, at maging isa sa Kaniyang mga nilalang para lamang ganap na maipakita sa atin kung paano natin mapapanagumpayan ang lahat ng kasalanan at mga tukso at muling makabalik sa pabor ng Dios? Hindi ba ninyo naiisip kung gaano kalaking pagpapakababa iyon sa Anak ng Dios? Subali't marami pa rin sa mga Kristiyano ngayon ang hindi makapagpasan ng krus ni Cristo at makasunod sa Kanya.
Ngayon, ang ugali ba ni Cristo nang Siya ay ipanganak ay sakdal at buo na? Hindi pa.
"Sapagka't marapat sa kaniya na pinagukulan ng lahat ng mga bagay, at sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak sa kaluwalhatian na gawing sakdal siyang may gawa ng kaligtasan nila sa pamamagitan ng mga sakit." Hebreo 2:10.
"Bagama't siya'y Anak, gayon ma'y natuto ng pagtalima sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis; At nang Siya'y mapaging sakdal, ay siya ang gumawa ng walang hanggang kaligtasan ng lahat na mga nagsisitalima sa kaniya." Hebreo 5:8-9.
"Niloob ng Dios na kunin ni Cristo sa Kaniyang sarili ang anyo at likas ng nagkasalang tao, upang Siya'y mapaging sakdal sa pamamagitan ng pagpapakasakit, at Kaniyang mabata ang lakas ng matitinding tukso ni Satanas, sa layunin na Kaniyang maalaman kung papaano matutulungan iyong mga natutukso." Spirit of Prophecy, vol 2, p 39.
"Si Cristo'y dumating upang tumayo bilang ulo ng sangkatauhan, upang humubog ng isang sakdal na pag-uugali alang-alang sa atin." Review and Herald, November 24, 1904 (vol 5, p 91 col 1).
O, aking mga kapatid na lalaki at babae, nagtagumpay si Cristo sa bawat tukso. Nakipagbaka Siya sa lahat ng pakikipagbaka na atin ring kahaharapin sa pagpapakasakdal ng pag-uugali, at Siya'y nagtamo ng tagumpay sa bawat kasalanan na naghahari sa isang masigasig na pakikipagbaka sa malalakas na tao at malalakas na kaaway, upang tayo'y mapalaya mula sa pagkabihag!
"O papaano bagang makapapasok ang sinoman sa bahay ng malakas, at samsamin ang kaniyang mga pag-aari, kung hindi muna gapusin ang malakas? At kung magkagayo'y masasamsaman niya ang kaniyang bahay." Mateo 12:29.
Ngayon mayroong ilang simbolo dito na kinakailangan nating bigyan ng kahulugan. Sino ang kumakatawan sa malakas na tao? Ito'y si Satanas. Ano ang kumakatawan sa bahay ng malakas na tao? Ang kaniyang bahay ay ang kaniyang teritoryo o kaharian-ang sanlibutang ito. Ngayon, papaano ginapos ni Cristo ang malakas na tao? Pinanagumpayan ni Cristo ang bawat tukso na itinapon ni Satanas sa Kaniyang daan. Siya'y nagtagumpay laban kay Satanas kaya't wala nang anumang bagay pa na ikatatagumpay si Satanas laban kay Cristo. Sa Juan 14:30 sinabi ni Cristo, "ang diablo'y walang anoman sa akin."
Ngayon, ano ang ibig sabihin na samsamin ang pag-aari ni satanas at ang kaniyang bahay? Bakit ito'y nangangahulugan ng pagpapalaya mula sa pagiging bihag at pag-aari ni Satanas o pagpapakawala sa kanila mula sa ilalim ng kaniyang pamamahala at kapangyarihan (tingnan ang Isaias 14:12, 17). Nais ni Satanas na manatili tayo sa ilalim ng pagkakagapos at pagkakabihag sa kanya magpakailanman na wala nang anumang pagkakataon na makawala at makatakas. Ngunit hindi pinahintulutan ni Cristo na ito'y mangyari. Hindi Niya nais na sirain ang ating kalooban o kagustuhan -- ang kalayaan na pumili kung sino ang gusto nating sundin, at Kaniyang iningatan ang kapangyarihan na ito ng pagpili upang malayang gamitin ng tao.
"Hindi hinangad ng Dios na sirain ang ating kagustuhan o kalooban, sapagkat sa pamamagitan lamang ng paggamit dito natin maaaring matupad ang nais Niyang gawin natin. Ang ating kalooban ay dapat na pasailalim sa Kaniya, upang muli natin itong matanggap, na nadalisay at napaging lantay, at nang sa gayo'y maiugnay sa pakikiramay sa Dios upang Kaniyang maibuhos sa atin ang agos ng Kaniyang pagmamahal at kapangyarihan. Gaano man lumitaw na kapait at kasakit ang pagsukong ito sa matigas, suwail na puso, subali't 'ito'y mahalaga para sa iyo.'" Mount of Blessings, p 62.
Pinalaya tayo ni Cristo mula sa kapangyarihan ng Diablo at ng kasalanan, at nag-iwan sa atin ng isang sakdal na halimbawa kung papaano rin pananagumpayan ang kasalanan at mapapasakdal ang ating sariling pag-uugali. At ito'y magagawa natin! Subali't kinakailangan nating ipasakop ang ating sarili sa Dios, magbalik-loob sa Kanya, at dapat nating maunawaan ang kapangyarihan ng kalooban.
"Ang matibay na tanggulan o kuta ng kasalanan ay nasa kalooban o pagnanasa." Letter 24a, January 27, 1890 (Manuscript Release #448, p 12-13).
Ngunit hindi alam ng iba kung papaano nilang ipagkakaloob ang kanilang sarili kay Jesus at magbalikloob sa Kanya-na maging bagong nilalang at magtamo ng bagong puso.
"Ano ang bagong puso? Ito ay bagong pag-iisip. Ano ang pag-iisip? Ito'y ang kalooban. Nasaan ang inyong kalooban o pagnanasa? Ito'y maaaring nasa panig ni Satanas o nasa panig ni Cristo. Ngayon kayo ang bahala. Inyo bang ilalagak ang inyong kalooban ngayon sa panig ni Cristo? Iyan ang bagong puso. Ito'y ang bagong kalooban. Isang bagong pag-iisip. 'Isang bagong puso ang ibinibigay Ko sa inyo.' Kung gayon, simulan natin rito.
"Ang pagbabalik-loob sa Dios ay napakapayak. Tayo'y magsimula mismo rito upang makaparoon sa kaharian ng langit. Papaano? Na kagaya ng isang bata. Napakapayak. Maaari mong makuha ang lahat ng hiwaga sa iyong pagiging bagong nilalang, at hindi mo magawang ipaunawa ito sa iba, o maunawaan sa iyong sarili. Ngunit ang pinakamabuting paraan ay ang ibigay mo ang iyong pag-iisip kay Jesu-Cristo, sapagkat ang kaisipan ay ang kalooban..." Manuscript 36, September 19, 1891 (Manuscript Release #551, p 3).
"Marami ang nagtatanong, 'Papaano ko maipapasakop ang aking sarili sa Dios?' Nais mong ibigay ang iyong sarili sa Kanya, ngunit ikaw ay mahina sa kapangyarihang moral, at nahahadlangan ng mga hilig ng iyong buhay na makasalanan. Ang inyong mga pangako at panukala ay kagaya ng mga gapos ng buhangin. Hindi mo mapigilan ang iyong mga kaisipan, ang iyong mga simbuyo, ang iyong mga damdamin. Ang pagkaalam sa iyong mga nasirang pangako ang nagpahina sa pagtitiwala sa iyong sariling katapatan:, at naging dahilan upang madama mo na hindi ka maaaring tanggapin ng Dios; ngunit hindi ka dapat mawalan ng pag-asa. Ang kinakailangan mong maunawaan ay ang tunay na puwersa ng kalooban. Ito'y ang naghaharing kapangyarihan sa likas ng tao, ang kapangyarihan ng pagpapasya, o ng pagpili. Ang lahat ng bagay ay nakabatay sa tamang gawa ng kalooban. Karapatan nilang gamitin ang kapangyarihan ng pagpili na ibinigay ng Dios sa tao. Hindi mo magagawang baguhin ang iyong puso, sa iyong sarili hindi mo magagawang maibigay sa Dios ang pagmamahal nito; ngunit magagawa mong piliin na paglingkuran Siya. Maaari mong ibigay sa Kanya ang iyong kalooban; kung gayon Siya'y gagawa para sa iyo sa pagnanasa at paggawa ayon sa Kaniyang mabuting kalooban. Dahil dito, ang iyong buong pagkatao o likas ay madadala sa ilalim ng pamamahala ng Espiritu ni Cristo; ang iyong pagmamahal ay maitutuon sa Kanya; ang iyong kaisipan ay magiging kaisa Niya.
"Ang pagnanasa para sa kabutihan at kabanalan ay matuwid kung ito'y gagawin; ngunit kung hihinto ka sa paggawa nito, wala itong mapapakinabangan na anuman. Marami ang mawawaglit habang umaasa at nagnanais na maging mga Kristiyano. Hindi nila pinagpapasyahang isuko ang kalooban o pagnanasa sa Dios. Hindi nila pinipili ngayong maging mga Kristiyano.
"Sa pamamagitan ng matuwid na paggamit ng kalooban, maaari mong magawa ang buong pagbabago sa iyong buhay. Sa pagsusuko ng iyong kalooban kay Cristo, ikinakatig mo ang iyong sarili sa kapangyarihan na mas mataas kaysa sa lahat ng pamunuan at kapangyarihan. Magkakaroon ka ng kalakasang buhat sa itaas upang tanganan kang matibay, at dahil dito dahil sa patuloy mong pagpapasakop sa Dios, magagawa mong mamuhay ng isang bagong bagong buhay, ang buhay ng pananampalataya." Steps to Christ, p 46-47.
Hindi magiging madali ang panagumpayan ang ating mga nakagawian o hilig at ang kasalanan, ang magsikap na pumasok sa makipot na pintuan. Kakailangan nito ang buong kapangyarihan at lakas na ipinagkaloob sa atin ng Dios upang magamit natin nang mabisa ang ating kalooban at makapagbaka tayong matagumpay laban sa mga kasalanan na pumipigil sa atin. At iyon lamang gumagawa nito ang tanging magtatamo ng kaharian ng langit.
"Si Satanas at ang kaniyang mga hukbo ay nakikipagdigma laban sa pamahalaan ng Dios, at lahat ng may pagnanasa na ipasakop ang kanilang mga puso sa kanya (sa Dios) at sumunod sa Kanyang mga iniuutos, ay pagsisikapang papag alinlanganin ni Satanas, at daigin ng kaniyang mga tukso, upang sila'y mawalan ng pag-asa at kanila nang isuko ang laban." Testimonies, vol 1, p 397.
Malinaw nang ipinahayag sa atin ni Cristo ang labanang ito na nangyayari, at sinabi Niya sa atin kung sino ang magtatamo nito.
"At mula sa mga araw ni Juan Bautista hangga ngayon, ang kaharian ng langit ay nagbabata ng karahasan, at kinukuha nang sapilitan ng mga taong mararahas." Mateo 11:12.
Ngayon, ano ang ibig sabihin nito? Una, simulan nating ipaliwanag ang ilang termino. Nasaan ang kaharian ng langit? Tinutukoy ba ni Cristo ang literal na kaharian na nasa itaas, o siya'y nagsasalita nito sa isang diwang espiritual.
"At palibhasa'y tinanong siya ng mga Fariseo, kung kailan darating ang kaharian ng Dios, ay sinagot niya sila at sinabi, Ang kaharian ng Dios ay hindi paririto na magpapakita: Ni sasabihin man nila, Naririto! O Naririyan! Sapagkat narito, ang kaharian ng Dios ay nasa loob ninyo." Lucas 17:20-21.
Kaya't ang kaharian ng Dios ay nasa loob natin. Ngayon, ano ang ibig sabihin na magbata ng karahasan, o kunin ito ng sapilitan? Darating ang karahasan mula sa paggamit ng iyong lahat na kapangyarihan upang makipagbaka palayo sa kasalanan, at paggamit ng pwersa ng iyong kalooban upang pilit na matamo ang kaharian ng langit.
"Sa pamamagitan ng mga dakilang katotohanan na siyang pribilehiyo nating matanggap, tayo'y maaaring maging mga buhay na daluyan ng liwanag sa ilalim ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Magagawa na nating maabot ang luklukan ng awa at makita sa bahaghari ng pangako at lumuhod na may bagbag na puso at matatamo na natin ang kaharian ng langit sa pamamagitan ng espiritual na dahas na magbibigay sa atin ng gantimpala. Magagawa nating makuha ito ng sapilitan na kagaya ng ginawa ni Jacob." SDA Bible Commentary, vol 5, p 1089, col 2.
Ngayon, ano ang ibig sabihin na, "makuha ito ng sapilitan na kagaya ng ginawa ni Jacob?" Ano ba ang ginawa ni Jacob?
"Nangamba at nabahala si Jacob habang kaniyang sinisikap sa pamamagitan ng kaniyang sariling lakas na matamo ang tagumpay. Napagkamalan niya ang banal na panauhin na isang kaaway, at siya'y nakipagbuno sa kanya habang may natitira pa siyang kaunting lakas. Ngunit nang manghawak siya sa awa ng Dios, sa halip na masumpungan niya ang kaniyang sarili sa mga kamay ng kaaway, siya'y kinubkob sa mga bisig ng walanghanggang pag-ibig. Nakita niya ang Dios ng mukhaan at ang kaniyang mga kasalanan ay pinatawad. 'Ang kaharian ng langit ay nagbabata ng karahasan at kinukuha nang sapilitan ng taong mararahas.' Ang karahasang ito ay nagaganap sa buong puso. Ang may dalawang akala ay hindi matatag. Matibay na pananalig, pagtanggi sa sarili, at natatalagang pagsisikap ay kinakailangan para sa gawain ng paghahanda. Maaaring magkaisa ang pang unawa at ang budhi; ngunit kung ang kalooban ay hindi itinalagang gumawa, tayo'y hindi magtatagumpay. Ang bawat kapangyarihan at pandama ay dapat pasailalim. Ang maalab at maningas na panalangin ang dapat nasa lugar ng kawalang kasiglahan at pagwawalangbahala. Tayo'y makapananagumpay at matatamo natin ang kaharian ng langit tanging sa pamamagitan ng masigasig, determinadong paggawa at pananampalataya sa biyaya ni Cristo. Ang panahon natin sa paggawa ay maikli na. Si Cristo ay malapit ng dumating sa ikalawang pagkakataon." SDA Bible Commentary, vol 1, p 1095 col 2.
"Dapat tayong magsipasok sa makipot na pintuan....Inilagay ni Satanas ang kaniyang mga aktibong kinatawan sa daan upang hadlangan ang daraanan ng bawat kaluluwa. Hinihimok ni Cristo ang bawat tagasunod Niya na huwag matakot. Magpatuloy kayo sa inyong paglakad. 'Magpilit kayong magsipasok sa pintuang makipot: sapagkat sinasabi ko sa inyo na marami ang mangagsisikap na pumasok, at hindi mangyayari' (Lucas 13:24). Kinakailangang iwanan ang mga iniibig, tinatanging mga dios-diosan, at ang mga kasalanang pinapairog, kahit na ito man ay maging katumbas ng pagbunot sa kanang mata o pagputol sa kanang kamay. Magsipagdalamhati kayo! Magpatuloy kayo sa pakikibaka sa mga kawal ng impiyerno na humahadlang sa inyong daraanan.
"O, dapat tayong higit na masikap na iukit sa mga kaluluwa na mayroong langit na dapat matamo at impiyernong dapat iwasan. Ang bawat lakas ng kaluluwa ay dapat gisingin upang piliting magpatuloy sa paglakad sa kanilang daan, at sunggaban ang kaharian sa pamamagitan ng dahas. Masigasig si satanas, at kinakailangan din nating maging masigasig. Si Satanas ay hindi napapagod at matiyaga, at dapat na maging ganoon din tayo. Wala nang panahon pa na gumawa ng pagdadahilan at isisi sa iba ang ating panghihina at pagtalikod; wala nang panahon ngayon upang purihin ang kaluluwa na kung naging kaayaaya lamang ang pagkakataon, mas makabubuti sana at madali para sa atin na gawin ang gawain ni Cristo. Dapat nating sabihin maging doon sa mga nagpapanggap na naniniwala kay Cristo, na dapat na nilang itigil ang pagsugat sa Dios dahil sa mga makasalanang pangangatwiran o dahilan.
"Si Jesus ay naglaan para sa bawat kagipitan. Kung sila lamang ay magsisilakad sa Kaniyang daan, kaniyang gagawing patag ang mga dakong baku-bako. Siya, pati na ang Kaniyang mga karanasan ay lilikha ng atmospera para sa kaluluwa. Kaniyang isinasara ang pintuan at dinadalang kubli ang kaluluwa sa Dios, at kalilimutan ng maralitang kaluluwa ang lahat ng tao at lahat ng bagay, ngunit hindi ang Dios. Makikipag-usap si Satanas sa kaniya, ngunit siya'y sisigaw sa Dios nang malakas at Kaniyang itataboy ang malaimpiyernong anino ni Satanas. May mapagpakumbaba, nalupig, mapagpasalamat na puso, sila'y babangon na nagsasabing, 'Ginawa akong dakila ng Iyong kahinahunan.' Ang tapat na mananaliksik ay babangon mula sa pakikiisa sa Dios, na mayaman sa katiyakan ng Kaniyang pag-ibig, upang sumulong para dalisayin at ibahagi ang makalangit na panalangin saanman siya pumaroon. Maaari na siyang makapangusap ng katuwiran ni Cristo; makapagpahayag ng pag-ibig ng Dios na may katapatan. Siya'y nagtitiwala sa Panginoon at nalalaman niya na ang Panginoon ay mabuti." Letter 16f, May 9, 1892 (Manuscript Release #995, p 7-9).
Sinasabi rin sa atin ang ganito sa 1 Corinto 9:25 at sa Gawa 14:22, na dapat tayong makipaglaban para sa tagumpay, at sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay makapapasok tayo sa kaharian ng Dios. Ngunit bago tayo ganap na makapanagumpay, dapat nating isuko at ipasakop ang ating kalooban sa kalooban ng Dios at mangahikayat tayo sa Kaniyang gawain.
Habang nananatili tayong makasarili, hindi nahihikayat at walang kabanalan, hindi tayo magkakaroon ng anumang lakas upang makatayo laban sa mga tukso, at sa kalagayang ito na hindi nahikayat ang lahat ng ating katuwiran ay magiging kagaya ng maruruming basahan.
"Sapagkat kaming lahat ay naging parang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang basahang marumi; at nalalantang gaya ng dahon kaming lahat; at tinatangay kami ng aming mga kasamaan, na parang hangin." Isaias 64:6.
Kaya't sa kalagayang ito na makasarili at hindi nahikayat, ang lahat nating katuwiran ay kagaya ng maruruming basahan.
"Imposible para sa tao, sa kaniyang sarili, na ganapin ang kautusang ito; sapagkat ang likas ng tao ay sumama, nasira, at lubos na taliwas sa ugali ng Dios. Ang mga gawain ng sakim na puso ay naging 'kagaya ng maruming bagay;' at 'ang kahat ng ating katuwiran ay naging maruruming basahan.'" Mount of Blessings, p 54.
Yamang ang di-hikayat at sakim ay walang anumang lakas na makatayo laban sa mga tukso, anong katayuan ang kalalagyan natin kung wala tayong lakas para makatayo? Aba'y di hihiga na lamang tayo. Sa kalagayang ganito, papaano tayo makapaparoon sa paanan ng krus upang magbalikloob at ariing ganap sa paningin ng Dios? Hindi tayo makakatayo at makakalakad paroon sapagkat wala tayong lakas na gawin iyon! Kaya't papaano tayo makakarating sa paanan ng krus?
"At ako, kung ako'y mataas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao'y palalapitin ko sa akin din." Juan 12:32.
Ang salitang Griyego na ginamit dito para sa "palalapitin" ay literal na nangangahulugan na "hatakin o kaldkarin." At sa pagkakahiga natin na walang anumang lakas na makatayo at makakilos, ito lamang ang magiging paraan upang tayo'y matayo doon.
"Hindi magagawa ng tao na malubos ang gawin ng kaniyang sariling kaligtasan kung wala ang itinalagang banal na kapangyarihan, at hindi gagawin ng Dios para sa tao yaong Kaniyang hinihingi sa kanila na dapat nilang gawin para sa kanilang sarili, sa pamamagitan ng kaniyang sariling pagsisikap at kusang loob na pakikipagtulungan. Ang tao ay lubos na umaasa sa Dios sa gawain ng pagliligtas ng kaluluwa. Hindi niya magagawa sa kaniyang sarili na humakbang patungo kay Cristo kung hindi siya ilapit ng Espiritu ng Dios, at ang pagpapalapit na ito ay magpapatuloy hanggang sa pighatiin na ng tao ang Banal na Espiritu dahil sa kaniyang patuloy na pagtanggi." Letter 135, 1898 (Manuscript Release #99, p 26). (tingnan din ang Selected Messages, book 1, p 390-391).
Ngayon, ilalapit ba tayo sa krus kung ayaw naman nating lumapit doon? Hindi. Dapat na handa at gusto natin na mapalapit sa krus. Ang panahong magugugol para makarating tayo doon, ay magiging ayon sa kahandaan natin na makarating doon.
Kapag nakita natin doon sa paanan ng krus ang hinampas at duguang Tagapagligtas na nakabitin, at mapagtanto natin sa oras na yaon na "ang aking kasalanan ang dahilan kung bakit nangyari ito sa aking Tagapagligtas at sa aking Dios."
Malilirip natin kung gayon ang matinding kasamaan ng kasalanan at tayo'y magsusumamo para sa kapatawaran, habang ating pinagsisisihan at tinatalikdan ang ating nakaraang mga kasalanan. 1 Juan 1:9. Ito'y magiging mahalagang pangako sa atin, at tayo'y patatawarin ng Panginoon sa ating mga nagdaang mga kasalanan na pinagsisihan at tinalikdan, at tayo'y aariin Niyang ganap sa Kaniyang paningin. Kung gayo'y bibigyan Niya tayo ng lakas at biyaya upang makatayo, at ating ipakipaglaban ang laban ng Panginoon sa pananagumpay sa kasalanan.
Dahil dito, tayo'y ipinanganak na muli at nangahikayat, at ang binhi ni Cristo ay naitanim sa atin. At yamang ang binhi ni Cristo ay natanim na sa atin, wala na sa atin ang maruming basahan na iyon, at ang karanasan ng isang di-hikayat.
Sa pagsisiyasat na mabuti sa Isaias 64:6, sa isang kalagayang di-hikayat na "ang lahat ng ating katuwiran ay kagaya ng isang maruming basahan," ang salitang "maruming basahan" ay nangangahulugan na isang babae sa kaniyang buwanang dalaw. At sa Leviticus tinutukoy dito na ang dugo nito ay nagpaparumi sa lahat ng mayroon. Ito ang halimbawang naglalarawan sa ating sariling katuwiran sa isang kalagayang di-hikayat.
Subalit kapag tayo ay ipinanganak na muli, sinasabi ng 1 Juan 3:9 na ang binhi ni Cristo ay nakatanim sa atin. At kapag ang isang babae ay nagdalantao, ano ang nangyayari sa kaniyang buwanang dalaw? Ito ay tumitigil, kung kaya't wala nang anupamang dugo na magpaparumi. Gayon sa kalagayang ipinanganak na muli, tayo'y nagdadala o naglalaman ng binhi ni Cristo, o tayo'y nagiging kaisa ng banal, at dahil dito ang ating katuwiran ay nagiging katanggaptanggap sa Dios. Hindi na tayo magkakaroon pa ng maruming karanasan kundi magagawa na natin ang gawain ng katuwiran, na nagpapatuloy sa paglakad sa kabanalan.
"Pumarito ang Anak ng Dios sa ating sanlibutan upang ipakita sa tao na hindi magagawang magkasala ng tao kung sila'y makikiisa sa Dios." Manuscript 16, February 10, 1898 (Manuscript Release #599, p 3).
Kaya kung tayo ay nangahikayat at ating simulan ang paglakad sa kabanalan, mayroon pa ba tayong gagawing iba pa? Yamang pinagkalooban tayo ng lakas at kapangyarihan upang makatayo, magsisimula ba tayong lumakad pasulong at pataas, o ang Dios ang gagawa ng iba para sa atin at gawin tayong sakdal na hindi tayo gumagawa ng anumang pagsisikap sa ating sarili?
"'Magsilakad kayo sa liwanag.' Ang paglakad sa liwanag ay nangangahulugan na magpasya, sanayin ang kaisipan, gamitin ang kapangyarihan ng kalooban, sa isang masigasig na pagsisikap at pagpupunyagi na ipakita si Cristo sa kagandahan ng pag-uugali. Ito'y nangangahulugan na itaboy ang lahat ng kadiliman. Huwag kayong masiyahan na sa pagsasabing, 'Ako'y anak ng Dios.' Inyo bang minamasdan si Jesus, at, sa pamamagitan ng pagtingin sa Kaniya, ay nababago tayo ayon sa Kaniyang larawan? Ang paglakad sa liwanag ay nangangahulugan nang pagsulong at paglago sa mga espiritual na natamo. Ipinahayag ni Pablo, 'Hindi sa ako'y nagtamo na, o ako'y nalubos na; kundi.nililimot ang mga bagay na nasa likuran,' na patuloy na minamasdan ang Huwaran, aking 'tinutungo ang mga bagay na hinaharap.' Ang paglakad sa liwanag ay nangangahulugan na 'lumakad ng matuwid,' lumakad 'sa daan ng Panginoon,' 'lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya,' 'lumakad sa Espiritu,' ' lumakad sa katotohanan,' 'lumakad sa pag-ibig,' 'lumakad sa isang bagong buhay.' Ito'y pagpapakasakdal sa kabanalan sa pagkatakot sa Dios.'" Sons and Daughters of God, p 200.
"Hindi iminumungkahi ng Espiritu ng Dios na Kaniyang gagawin ang ating bahagi maging sa kalooban o sa paggawa. Ito ay gawain ng tao sa pakikipagtulungan sa Banal na ahensya, na sa sandaling ikiling natin ang ating kalooban sa pakikiisa sa kalooban ng Dios, ang biyaya ni Cristo ay tatayo upang makipagtulungan sa tao; ngunit hindi ito magiging kahalili natin upang gawin ang ating gawain na malaya mula sa ating pagpapasya at tiyak na paggawa; samakatuwid, hindi ang saganang liwanag, at santambak na katibayan ang makahihikayat sa kaluluwa. Tanging ang pagtanggap ng tao sa liwanag, pagpukaw sa mga kakayahan o lakas ng kalooban, na nililirip at kinikilala iyong kaniyang nalalamang katuwiran at katotohanan, at nakikipagtulungan sa makalangit na katulong na itinalaga ng Dios sa pagliligtas ng kaluluwa maliban na ikiling ng tao ang kaniyang puso na gawin ang kalooban ng Dios, at pasanin ang gawain ng Dios, ang liwanag ay mawawalan ng kabuluhan. Ang libu-libong liwanag at paniniwala ay walang magagawa. Batid ng Dios na Siya ay may sapat na na katibayan. 'Nasa kanila na si Moses at ang mga propeta.' Kung hindi nila paniniwalaan ang kanilang patotoo at babangon upang gumawa, hindi rin nila paniniwalaan maging iyong isa na isusugo sa kanila mula sa mga patay." Letter 135, 1898 (Manuscript Release #99, p 27).
Ang ilan ay may kuru-kuro na ang biyaya ng Dios ay ipinagkaloob sa kanila upang tumulong sa kanila na mapanagumpayan ang tukso, bago sila gumawa ng anuman sa kanilang sarili na labanan ang tuksong iyon. Ngunit inyong alalahanin na nakasaad sa nakaraang patotoo na sa sandaling ikiling natin ang ating kalooban upang makiisa sa kalooban ng Dios, ay tatayo kung magkagayon ang biyaya ni Cristo upang makipagtulungan sa tao; ngunit ang Kaniyang biyaya ay hindi magiging kahalili ng gawa natin na hiwalay sa ating pasya at desididong paggawa!
Kaya nga kung dumating sa atin ang tukso, dapat nating gawin ang ating bahagi, o gumawa ng unang hakbang na labanan ang tuksong yaon at saka makikipagtulungan sa atin ang biyaya at kapangyarihang buhat kay Cristo at nang tayo'y magtamo ng tagumpay.
"Mayroon lamang iisang kapangyarihan na maghahatid sa atin sa pakikiayon sa larawan ni Cristo, na gagawa sa atin upang tayo'y maging matapat at panatilihin tayong matatag. Darating sa atin ang biyaya ng Dios sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan ng Dios." My Life Today, p 100.
Mayroon tayong tapat na halimbawa ng buong paraan na ito na masusumpungan sa Biblia. Ang una'y sa panahon ng karanasan sa Dagat na Pula. Dumating ang mga anak ni Israel sa Dagat na Pula, at sila'y hinadlangan na makaraan doon. Ang mga Egipcio ay dumarating na kasunod nila, at tila walang paraan upang makatakas. Sila'y tila magagapi ng malakas na kaaway. Ngunit ano ang ginawa ng Dios? Kaniyang sinabi sa kanila na sila'y magpatuloy na sumulong, at kinailangan ng mga anak ng Israel sa pamamagitan ng pananampalataya na gawin ang unang hakbang at iapak ang kanilang mga paa sa tubig bago nila tanggapin ang kapangyarihan ng Dios at hawiin ang tubig at siyang magdala sa kanila ng tagumpay laban sa kanilang mga kaaway (tingnan ang PP 290).
Ang isa pang karanasan na ganun rin ang nangyari ay nangyari sa Ilog ng Jordan. Kinakailangang magpakita ng pananampalataya ang mga anak ng Israel sa Dios, magpakita ng pagsisikap, at sa pananampalataya ay gawin ang unang hakbang sa pagsunod sa Dios at panagumpayan ang mga sagabal na humahadlang sa kanilang pagsulong. Kinakailangan nilang gawin ang unang hakbang at itapak ang kanilang paa sa tubig, at kung magkagayo'y bababa ang Panginoon sa pamamagitan ng Kaniyang kapangyarihan, at nagawa nilang malagpasan ang mga sagabal na iyon, at tamuhin ang tagumpay.
Ngayon paano kung habang nasa karanasang hikayat, bagong nilalang na ito kung saan nagbunga ang binhi ni Cristo sa loob natin, ay magawa nating isuko o ipasakop ang ating kalooban kay Satanas at ating piliin na magkasala -- ano ang mangyayari? Tayo'y babagsak sa ating kalagayang nahikayat pabalik sa pagiging hindi hikayat, at magsisimula na namang mangyaring muli ang karanasan ng maruming basahan.
Ngunit ano ang mangyayari doon sa binhi ni Cristo na naitanim sa atin, upang masimulan natin ang kalagayang marumi? Kakailanganin natin na alisin o patayin ang binhi na iyon mula sa atin! Nangangahulugan na tayo'y nagkasala sa pagpatay sa binhing yaon, o sa muling pagpatay kay Cristo dahil sa kusang loob nating pagpili na muling magkasala.
"Sa bawat pagkakasala, si Jesus ay nasusugatang muli." Desire of Ages, p 300.
"Kaniyang ipinapakong muli sa ganang kaniyang sarili ang Anak ng Dios at muling tinutusok ang nagdurugo at sugatang puso na iyon." Mount of Blessings, p 10.
O, mga minamahal na mga kapatid na lalaki at babae, kinakailangan nating mapanagumpayan ang ating mga kasalanan at ating ihinto ang muling pagpapako sa ating Tagapagligtas. Dapat nating matamo ang pamamahala sa ating kalooban.
"Ang matibay na tanggulan o kuta ng kasalanan ay nasa kalooban o pagnanasa. Ilagak ninyo ang inyong kalooban o pagnanasa sa panig ng Dios; huwag na ninyong ilagay ang inyong sarili sa katayuan ng isang makasalanan..." Letter 24a, January 26, 1890 (Manuscript Release #448, p 12-13).
"Bakit napakadaling maakay sa tukso at kasalanan ng ating mga kabataan, at maging yaong nasa husto na sa gulang? Sapagkat ang salita ng Dios ay hindi pinag-aaralan at binubulay-bulay nang nararapat. Kung ito lamang ay pinapahalagahan, magkakaroon ng panloob na katapatan, ng lakas ng espiritu, na siyang lalaban sa tukso ni Satanas na gumawa ng masama. Hindi dinadala sa buhay at pag-uugali ang isang matatag, disididong kapangyarihan ng kalooban sapagkat hindi pinag-aralan, at ginawang paksa ng pagbubulay-bulay ang banal na tagubilin ng Dios. Hindi gumawa ng pagsisikap na iugnay ang pag-iisip sa dalisay, banal na kaisipan at ilayo ito mula sa marumi at di-totoo. Hindi pinipili ang mabubuting bahagi, at hindi umuupo sa paanan ni Jesus, na kagaya ng ginawa ni Maria, upang mag-aral ng pinakabanal na liksiyon ng makalangit na Guro, upang kanilang maimpok sa kanilang mga puso, at maisagawa sa kanilang pang-araw araw na pamumuhay. Ang pagbubulay-bulay sa mga banal na bagay ay magtataas at magdadalisay sa kaisipan, at magpapayabong sa mga Kristiyanong lalaki at babae." Fundamentals of Christian Education, p 132. (tingnan din ang Testimonies, vol 5, p 513-515).
"Ang bawat kasalanang pumipigil ay dapat alisin. Isang pakikipagbaka ang dapat itaguyod laban dito hanggang sa ito'y mapanagumpayan. Ang Panginoon ay gagawa sa inyong mga pagsisikap. Habang nilulubos ng makasalanang tao ang gawain ng kanilang sariling pagkaligtas na may takot at panginginig, ang Dios naman ang gagawa sa kaniya, maging sa pagnanasa at paggawa ayon sa Kaniyang sariling mabuting kalooban. Ngunit hindi gagawa ang Dios kung hindi makikipagtulungan ang tao. Dapat niyang gamitin ang kaniyang kapangyarihan sa pinakasukdulan; dapat niyang ilagay ang kaniyang sarili sa paaralan ni Cristo bilang isang matalino, sabik na mag-aaral; at habang kaniyang tinatanggap ang biyaya na malayang iniaalok sa kaniya, ang presensya ni Cristo sa kaisipan at sa puso ang magbibigay sa kanya ng pagpapasya ng panukala na isaisantabi ang bawat pasan na kasalanan, upang ang puso ay mapuspos ng lahat ng kapuspusan ng Dios, at ng Kaniyang pag-ibig." Fundamentals of Christian Education, p 134.
Tayo ay pinagkalooban ng mataas na pribilehiyo na makiisa sa ating Panginoon at gumawa ng maningas na pagsisikap na pakasakdalin ang kabanalan sa pagkatakot sa Dios.
"Hindi magagamit ng Panginoon ang walang-siglang mga kaluluwa. Minsan sinasabi ng mga ministro sa mga tao na walang ibang bagay silang dapat gawin kundi ang manampalataya; na ginampanan na ni Jesus ang lahat, at ang kanilang sariling mga gawa ay wala nang halaga. Ngunit malinaw na ipinapahayag ng salita ng Dios na sa paghuhukom ang timbang ng timbangan ay walang pagkakamali, at ang magiging kapasyahan ay nakabatay sa katibayan o ebidensiyang nakasangkalan....Ang ating pagsisikap sa mga gawain ng katuwiran, sa ating sariling kapakanan at para sa kaligtasan ng mga kaluluwa, ay magkakaroon ng tiyak na impluwensiya sa magiging gantimpala sa atin.
"...ang bawat tuksong nilabanan ay isang walang katumbas na tagumpay na natamo sa pagsupil sa sarili; isinusuko nito ang mga kapangyarihan para sa paglilingkod kay Jesus, at pinalalaki ang pananampalataya, pag-asa, pagtitiis, at pagpapahinuhod." Review and Herald, October 25, 1881 (vol 1, p 291 col 3). (tingnan din ang Sons and Daughters of God, p 285, 118 o Youth Instructor, September 20, 1894).
Tayo ay pinagkalooban ng mataas na pribilehiyo na pagyamanin ang mga kakayahan ng ating isipan na ibinigay ng Dios sa pinakamataas na pag-unlad na maaaring matamo. At gaano kataas iyon?
"Sa kautusan ng Dios matatamo ang lakas sa pamamagitan ng pagsisikap, na siyang kailangan ng pag-iisip at kaluluwa, gayundin ng pangangatawan. Ito'y sa pamamagitan ng mga pagsasanay at gawang pinagyaman. Sa pakikiisa sa kautusang ito, ang Dios ay naglaan sa Kaniyang salita ng kaparaanan sa ikalalago ng pag-iisip at espiritual.
"Sa pagsisiyasat sa iba't ibang bahagi at sa pag-aaral sa kaugnayan nito sa isa't isa, ang pinakamataas na kapangyarihan ng kaisipan ng tao ay madadala sa marubdob na kasiglahan.
"Siya na tapat at may matuturang espiritu na nag-aaral ng salita ng Dios, na nagsisikap na maunawaan ang mga katotohanan nito, ay mapapalapit sa May-akda nito, at walang hangganan ang posibilidad ng kaniyang paglago, maliban na piliin niya ang taliwas dito." Education, p 123-125.
Ngayon gaano kataas iyon?
"Higit pang mataas kaysa sa pinakamataas na maaaring maabot ng kaisipan ng tao ang siyang mithiin ng Dios para sa Kaniyang mga anak. Ang kabanalan -- ang pagiging kawangis ng Dios -- ang hangarin na dapat abutin." Education, p 18.
Ating alalahanin na sinabi sa atin na "Nilalang ng Dios ang tao upang ang bawat kapangyarihan o kakayahan ay maging katulad ng kapangyarihan o kakayahan ng banal o makalangit na kaisipan." Christ's Object Lessons, p 355.
O, mga minamahal na kaibigan, ito ang pinakamataas na mithiin ng Dios para sa atin, na ating pagyamanin ang mga kapangyarihan o kakayahan natin at pag-uugali upang tayo'y maging kinatawan at maging katulad ng pag-iisip at pag-uugali ng Lumikha sa atin at ng ating Dios! Nagkaroon ba ng mas malalim na kahulugan sa iyo ngayon ang Filipos 2:5?
Ngunit maaari nating piliin na huwag sundin ang pinakamataas na mithiin ng Dios para sa atin, at sa halip na pakasakdalin at hubugin ang mga kakayahan o kapangyarihan natin, ay piliin nating magkasala at abusuhin ang mahalagang kayamanan na ito na nakukubli sa loob natin. Ngunit kung gagawin natin ang mga bagay na ito, aanihin natin ang walanghanggang magiging bunga nito.
"Ang bawat pagkakasala, bawat masasamang gawa, bawat pagsalangsang sa kautusan ng Dios ay naglalahad ng libu-libong higit na lakas o kapangyarihan sa gumagawa kaysa sa nagbabata. Sa tuwing aabusuhin ang isa sa mga maluwalhating kapangyarihan o kakayanang ito na pinagyaman ng Dios sa tao o sa tuwing pagmamalabisan ang kapangyarihang iyon, ay nawawala na magpakailanman ang bahagi ng kalakasan nito at hindi na ito magiging kagaya pa ng dati bago ginawa ang pagmamalabis. Ang bawat pang aabusong ginawa sa ating moral na likas sa buhay na ito ay hindi lamang madarama sa panahong ito kundi hanggang sa walanghanggan. Bagama't mapatawad ng Dios ang makasalanan ngunit hindi mababago ng walanghanggan ang kusang loob na pagkapahamak na dinanas sa buhay na ito. Ang pumaroon sa kabilang buhay, sa buhay na hinaharap, na salat nang kalahati ng kapangyarihan na maaari sanang madala roon ay isang kakilakilabot na tanawin. Ang mga nasayang na palugit na panahon dito na para sana sa pagtatamo ng kaangkupan para sa langit ay isang kawalan na hindi na kailanman mababawi pa. Ang kapasidad ng kaligayahan sa buhay na hinaharap ay maliit na dahil sa pagsalangsang at pag abuso sa kapangyarihang moral sa buhay na ito. Gaano man kataas ang maaari nating matamo sa buhay sa hinaharap, higit pa nating nanasain ang mataas at higit pang mataas kung ginamit lamang nating mabuti ang pribilehiyong ipinagkaloob ng Dios at ang mahahalagang pagkakataon upang pagyamanin ang ating mga kapangyarihan at kakayahan dito sa takdang panahon nang ating buhay." This Day With God, p 350.
Iyon ay isang solemneng tanawin! Ngunit hindi natin kailangang magpatuloy sa ganitong paraan. Maaari nating piliin na huwag gawin!
Sino ang sasama sa akin sa pagsisikap "na pumasok sa makipot na pintuan" "na kayo'y mangagkaisa ng kaluluwa na nangagsisikap sa pananampalataya sa ebanghelyo" sapagkat "hindi pa kayo nakikipaglaban hanggang sa mabubo, na nakikipagaway laban sa kasalanan.kaya't itaas ninyo ang mga kamay na nakababa, ang mga tuhod namang nanginginig; at magsigawa kayo ng matuwid na landas sa inyong mga paa, upang huwag maligaw ang pilay, kundi bagkus gumaling."
"Sundin ninyo ang kapayapaan sa lahat ng mga tao, at ang pagpapakabanal na kung wala ito'y sinuman ay di makakakita sa Panginoon" "datapuwa't ngayo'y tapusin din naman ninyo ang paggawa; upang kung paanong nagkaroon ng sikap ng pagnanais, ay gayon din namang magkaroon ng pagkatapos ayon sa inyong kaya."
"Sa katapustapusa'y magpakalakas kayo sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan. Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y magsitibay laban sa mga lalang ng Diablo....magsitibay nga kayo, na ang inyong mga baywang ay may bigkis na katotohanan, na may sakbat na baluti ng katuwiran; at ang inyong mga paa ay may panyapak na paghahanda ng Ebanghelio ng kapayapaan; bukod dito ay taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na siyang ipapatay ninyo sa lahat ng nangagniningas na suligi ng masama, at magsikuha rin naman kayo ng turbante ng kaligtasan, at ng tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Dios: na magsipanalangin kayo sa Espiritu ng lahat ng panalangin at daing sa buong panahon, at mangagpuyat sa buong katiyagaanat daing na patungkol sa lahat ng mga banal" "Na sa kanila'y minagaling ng Dios na ipakilala kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa gitna ng mga Gentil, na ito'y si Cristo na nasa inyo, na pag-asa ninyo sa kaluwalhatian: na siya naming inihahayag, na pinaaalalahanan ang bawat tao, sa buong karunungan, upang maiharap naming sakdal kay Cristo ang bawat tao: na dahil dito'y nagpapagal din naman ako, na nagpipilit ayon sa kaniyang paggawa, na siyang sa akin ay gumagawa na may kapangyarihan."
"Sapagka't ito ang kalooban ng Dios, samakatuwid baga'y ang inyong pagpapakabanal, na kayo'y magsiilag sa pakikiapid: na ang bawat isa sa inyo'y makaalam na maging mapagpigil sa kaniyang sariling katawan sa pagpapakabanal at kapurihan." "Kaya't tayo'y tumigil na ng pagsasalita ng mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo'y mangagpatuloy sa kasakdalan; na huwag nating ilagay na muli ang kinasasaligan ng pagsisisi sa mga patay na gawa" sapagkat "Pasasakdalin ng Panginoon ang tuingkol sa akin" at hindi Niya "pababayaan ang mga gawa ng (Kaniyang) sariling mga kamay." (Lucas 13:24, Filipos 1:27, Hebreo 12:4, 12-14, 2 Corinto 8:11, Efeso 6:10-11, 14-18, Colosas 1:27-9, 1 Tesalonica 4:3-4, Hebreo 6:1, Awit 138:8).
Kaya nga tayo nang "Pumaroon sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang magsipasok, upang mapuno ang aking [sa Panginoong] bahay" (Lucas 14:23).
|
||