"LET THERE BE LIGHT" Ministries
ANG GINTONG GUYANG PAGTALIKOD
First printing, 2000
Copyright © 2000, held by
“Let There Be Light” Ministries (rs)
PO Box 328
Rogue River, OR 97537
U.S.A.
All rights reserved. Permission is hereby given to reprint this booklet, provided that it is duplicated in its entirety without any change or comment.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring sumulat sa alin mang tanggapan:
BOOKLETS
PO BOX 328
ROGUE RIVER, OR 97537
USA
Maaari ding sumulat upang tumanggap ng libreng pag-aaral ng Biblia sa pamamagitan ng sulatan sa nasabing tanggapan.
--BABALA SA ATIN--
"Ang kasaysayan ng buhay ng Israel sa ilang ay naitala para sa kapakinabangan ng Israel ng Dios sa nagtatapos na panahon. Ang tala ng pakikitungo ng Dios sa mga manlalakbay sa ilang sa lahat ng kanilang paglalakbay ng paroo't parito, sa kanilang pagkakalantad sa gutom, uhaw at pagod, at sa kapuna-punang pagpapakita ng kaniyang kapangyarihan para sa kanilang kaginhawahan, ay puno ng babala at aral para sa Kaniyang bayan sa lahat ng panahon. Ang iba't-ibang karanasan ng mga Hebreo ay isang paaralan ng paghahanda para sa kanilang pangakong tahanan sa Canaan. Nais ng Dios sa kaniyang bayan ngayon na suriing-muli na may mapagpakumbabang puso at matuturuang espiritu ang mga pagsubok na dinaanan ng lumang Israel, upang sila'y maturuan sa kanilang paghahanda para sa makalangit na Canaan." Patriarchs and Prophets, p 293.
"Kinakailangan nating mag-ingat baka sapitin din natin ang ganunding kapalaran na sinapit ng lumang Israel. Ang kasaysayan ng kanilang pagsuway at pagkahulog ay naitala para maging aral sa atin, upang maiwasan nating gawin ang kanilang ginawa. Ito ay nasulat sa pagpapapaalaala sa atin, na mga dinatnan ng katapusan ng mga panahon! Kung ating ipagwalang-bahala ang mga babala at paalaalang ito, na isinusulong ang kaparehong katangian ng pag-uugali na ipinakita ng mga Israelita, anong dahilan ang ating mailuluhog." Review and Herald, July 10, 1900 (vol 4, p 200).
"Ang mga silo ni Satanas ay ibinigay sa atin kung paanong ito ay ibinigay sa mga anak ni Israel bago pa ang kanilang pagpasok sa lupain ng Canaan. Ating inuulit ang kasaysayan ng bayang yaon." Tetimonies, vol 5, p 160.
"Nakita ko na marami sa mga nagpapanggap na naniniwala sa katotohanan para sa mga huling araw na ito ay iniisip na kakatwa na ang mga anak ni Israel ay upasala habang sila'y naglalakbay; na pagkatapos ng kahangahangang pakikitungo ng Dios sa kanila, na sila'y mga walang-utang na loob na kanilang kinalimutan ang Kaniyang mga nagawa sa kanila. Sinabi ng anghel: ‘Kayo'y nagsigawa ng kasamaan na higit kaysa kanila.’" Testimonies, vol 1, p 129.
ANG GINTONG GUYANG PAGTALIKOD
Sa isang sulat na nailathala sa Review and Herald, na may petsang Nobyembre 20, 1905, isinulat ni Sister White:
"Sa maraming mga taon ang paurong na mga gawi ng marami ay nakahadlang ng malaki sa gawain ng Dios...Hindi na tayo dapat maging karamihang samasama."
Babasahin ko ang iba pa sa sulat na ito sa ating patuloy na pag-aaral, ngunit ito'y nagbabangon ng katanungan -- sino ang samasamang karamihan? Maari ba nating masumpungan sa kasaysayan ang anumang halimbawa na makatutulong sa atin na maalaman kung sino ang kumakatawan sa pulutong na ito? Oo.
Nang umalis ang lumang Israel mula sa Egipto, sumama sa kanila ang samasamang karamihan sa kanilang paglalakbay. Ang kwentong ito ay alam na alam ng marami sa atin; sa katunayan alam na alam na maaaring mauuwi tayo sa di-pagpansin sa ilan sa mga pangyayari na may napakalaking kahalagahan para sa mga Seventh-Day Adventist ngayon.
"Ang lahat ng dakilang pangyayari at solemneng transaksiyon ng kasaysayan ng Lumang Tipan ay naulit at patuloy na nauulit sa iglesya sa mga huling araw na ito." Selected Messages, book 3, p 339.
Sa kaisipang ito, ating tingnan ang ilan sa kasaysayan ng lumang Israel.
Nakita ng Dios ang Kaniyang bayang Israel na nasa ilalim ng pagkabihag sa Egipto, at kaniyang ibinangon si Moises – isang propeta – upang dalhin palabas ang Kaniyang bayan. Sa katapusan ng mala-hulang panahon, at hanggang sa mismong araw na yaon (tingnan ang Exodus 12:40-41) ang Dios – bilang di-nakikitang lider ng Israel, at si Moises na bilang kanilang nakikitang lider – ang nagakay sa kanila palabas ng Egipto (tingnan ang 4RH 199; 3T 399). Sumama sa kanila ang samasamang karamihan, at isinulat ni Sister White ang tungkol sa pulutong na ito:
"Sa karamihang ito ay hindi lamang yaong mga naganyak ng pananampalataya sa Dios ng Israel, kundi maging ang higit na karamihan ng bilang na nagnanais lamang makatakas mula sa mga salot, o sumunod dahil sa nagkakagulong karamihan, na dahil lamang sa pagkatakot at kuryusidad. Ang pulutong na ito ang laging hadlang at silo para sa Israel." Patriarchs and Prophets, p 281.
Nang ang kongregasyon ng Israel ay dumating sa Dagat na Mapula, sinubukan ng Dios ang kanilang pananampalataya at iniligtas sila ng buong lakas mula sa kanilang mga kaaway. Mula doon sila'y naglakbay sa ilang patungo sa Bundok ng Sinai. Pinagkalooban sila ng Dios ng lahat ng kanilang pagkain at inumin. Pumili ng iba pang mga lider, at ang Israel ay higit na naisaayos.
Nang sila'y dumating sa Sinai nagpatawag ang Dios ng espesyal na pakikipagpulong sa 70 matatanda, at pagkatapos ay ginawa ang Kaniyang pakikipagtipan sa Israel, na isinatinig ang kanilang pagsang-ayon at nagpakita ng pagtanggap dito.
Iniwan ni Moises ang kampamento upang pumunta sa Bundok ng Sinai, at naiwan kay Aaron ang pamamahala. Ibinigay ng Dios kay Moises ang mga tagubilin na pangalagaan at gabayan ang Kaniyang bayan, na dapat na sundin ng maingat upang makatahan ang Dios sa gitna nila. (tingnan ang Exodo 25:8).
Habang si Moises ay wala, ang bayan o ang mga tao ay nagsimulang magkaingay sa paghingi ng ibang nakikitang pagsasalarawan ng Dios. Sila'y lumapit kay Aaron at inutusan siya na gumawa o bumuo ng dios para sa kanila, siya'y sumang-ayon at kanilang tinanggap si Aaron bilang kanilang lider. Pagkatapos kaniyang inutusan sila na dalhin ang kanilang mga ginto sa kaniya, at mula dito siya'y bumuo ng gintong guya. Si Aaron at ang iba pa sa mga lider at pinuno ng Israel ay nag-utos sa mga tao na yumukod at sumamba sa kanilang bagong mga dios; at ang bayan ay yumukod at sumamaba sa gintong guya. Ating tingnan ng mas malapit ang mga pangyayaring ito.
Sino ang Israel sa Dios? Ang kaniyang iglesya. (Gawa 7:38; 3RH 85; vol 4, p 199).
Sino si Moises sa Israel? Ang kanilang pangunahing lider at kanilang propeta. (Gawa 7:37). Siya ay mensahero sa Israel na buhat sa Panginoon, ngunit hindi niya kailanman inangkin, o itinanggi man ang kalagayan ng pagiging propeta.
Sino ang sama-samang karamihan ng Israel? Ang ilan ay mga Egipcio, at ang karamihan sa kanila ay mga Egipcio at mga Israelita na nangagkaasawahan. (Spirit of Prophecy, vol 1, p 243). Sa ibang salita, hindi sila lubos na bayan ng Dios, kundi kalakalahati. (PP 377).
Ano ang nais ipakita ng Dios sa Kaniyang bayan sa pagsasagawa ng lahat ng malalaking himala para sa kapakanan nila?
"Nang ang mga anak ni Israel ay nasa pagkaalipin sa mga taga Egipto, itinanghal ng Dios ang Kaniyang sarili bilang Dios na mataas sa lahat ng kapangyarihan ng tao, sa lahat ng kadakilaan ng tao." Review and Herald, July 10, 1900 (vol 4, p 199).
Sino si Aaron sa Israel? Siya ang tinig ni Moises sa mga tao. Kaniyang natatanggap ang mga aral at mensahe ng Dios sa pamamagitan ni Moises, at kaniyang ipinapaalam sa Israel kung ano ang mga yaon. Ngunit sa pagkawala ni Moises, si Aaron ay "itinalaga sa responsableng posisyon upang pangunahan at pamahalaan ang Israel.” Signs of the Times, vol 1 (1ST), p 158, col 2.
– Siya'y naging tagapangalaga ng iglesya. (tingnang ang 4RH 199).
– Siya'y ginawang lider o gobernador ng Israel, at itinalagang mamahala sa buong kongregasyon. (tingnan ang 3T 296; PP 323; 3RH 85, 389).
– Ang kapangyarihang humatol ay ipinagkatiwala sa kaniya. (tingnang ang PP 316).
– Siya'y naging hukom ng iglesya. (tingnan ang 5RH 496).
– "...ang espiritu na nagganyak sa mga tao ang pumuno sa kaniya at kaniyang kinuha ang pangunguna, at nangasiwa bilang heneral, at ang mga tao ay isa-isang sumunod." Testimonies, vol 3, p 299.
"Ipinagkatiwala ng Dios ang pamamahala sa mga tao [sa kaniya] sa pagkawala ni Moises." Patriarchs and Prophets, p 323.
Sino ang mga tao na lumapit kay Aaron at nagsabi sa kaniya na ibuo o igawa sila ng dios? Ito ay ang sama-samang karamihan – ang pulutong na hindi lubos na kaisa ng bayan ng Dios, bilang kala-kalahati.
– Ang malaking samahan na ito ng sama-samang karamihan ang siyang responsable o may pananagutan sa pagsulsol na gumawa ng gintong guya. (tingnang ang 1SP 243; PP 324).
– Sila ang mga namuno o lider sa pagtalikod. (tingnan ang PP 316).
– Sila ang naunang nagreklamo at ang hindi nakapagtiis. (tingnan ang PP 316).
– Sila ang mga naunang bumigay sa pagbubulong-bulong at kawalang-pagtitiis o pagkabalisa. (tingnan ang PP 324).
– Sila ang palaging hadlang o sagabal at silo sa Israel. (tingnan ang PP 281).
– "...sila'y patuloy na humahanap ng kamalian sa paraan ng pangunguna sa kanila ni Moises, bagaman kanilang nalalaman na siya, ganundin sila, ay sumusunod sa pumapatnubay na ulap. Ang kawalang-kasiyahan ay nakakahawa, at ito'y malapit nang kumalat sa kampamento." Patriarchs and Prophets, p 377.
– Sila'y patuloy na nakikipag-ayos sa mga mapanghimagsik. (tingnan ang 1SP 245).
– "...hangang sa sila'y naging pabaya, mapagwalang - bahala, at magulo na walang sinusunod na batas. Tangi nang ito ang kalagayan ng sama-samang karamihan. Sila'y walang-tiyaga na magpatuloy pa sa kanilang lakad patungo ng lupang ipinangako – ang lupang binubukalan ng gatas at pulot. Ito'y tanging sa kondisyon ng pagsunod na ang mabuting lupain ay ipinangako sa kanila, ngunit kanilang nakalimutan ito." Patriarchs and Prophets, p 315.
Ito ba ang unang pagkakataon na sila'y naghimagsik? Hindi, sila'y naghimagsik sa Rephidim bago nila sinapit ang Bundok ng Sinai. Dito nila pinag-alinlanganan kung tunay ba o hindi na tinatanggap ni Moises ang mga tagubilin ng Dios para sa kanila. Dito sila naging mapaghinala at walang-pagtitiwala sa kanilang propeta, dahil sa kanilang kabulagan at sapantaha, at hindi nag-aksaya ng panahon sa pag-papakalat ng mga binhi na ito ng paghihimagsik sa buong kampamento. Kung sila'y tumingin lamang sa Dios sa kapakumbabaan para sa nagpapaginhawang tubig, sana'y ipinagkaloob ito nang sagana ng Dios para sa kanilang kauhawan, at ibinuhos sana ang sapat na tubig na pupuno sa mga nagnanasang kaluluwa. Ngunit kanilang pinili na maghimagsik, at pag-alinlanganan ang kanilang Dios at propeta. Kanila pang handang batuhin si Moises, at pisikal na alisin siya bilang kanilang nakikitang lider! (1SP 227-228; PP297-298). Ang pangyayaring ito ang naghanda ng plataporma para sa gintong guyang paghihimagsik at pagtalikod.
Ano ang talagang sinasabi ng Israel, pagkawala ni Moises, nang kanilang sabihin kay Aaron na gumawa ng diyus-diyosan para sa kanila?
– Sa gawang ito kanilang "ipinagpalit ang Dios [bilang kanilang di-nakikitang lider] sa isang guya." Youth Instructor, Nobyembre 21, 1901 (p 528).
– "Pinutol ng bayan ang kanilang banal na pakikipagtipan" at ang "kanilang katapatan sa Dios." 1SP 250; Testimonies to Ministers, p101. Sa pinakabuod sila'y nakipaghiwalay sa Dios!
Hindi lamang nila isinaisantabi ang Dios bilang kanilang di-nakikitang pinuno, kundi kanila ring isinaisantabi si Moises, ang kanilang propeta at mensahero ng Panginoon, bilang kanilang nangungunang lider na nakikita. Sila'y nanghinawa na kay Moises sa patuloy na pagpapakita sa kanila ng kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagpapaalaala, pagsawata at pagbababala ng di-pagkalugod ng Dios. Kanilang gustong sundin ang kanilang sariling mga daan at katwiran, at nais ang makikinis na mga bagay ang salitain sa kanila. Kanilang nais sundin ang mga gawa ng kanilang sariling mga kamay,sa halip na sundin ang mga daan ng Dios. (tingnan ang 3T 300; 1SP 249; 4RH 25).
Ano ang nangyari nang magpasya si Aaron na gumawa ng gintong guya? Si Aaron ay sumubok ng bagong patakaran, at nakipagkasundo sa mga tao. Nang kaniyang kunin ang unang hakbang sa maling direksyon na ito, siya'y napuspos ng espiritu ni Satanas, at isang panibagong pagsasaayos ng mga bagay ang naitayo. Kinuha ni Aaron ang pangunguna sa pag-uutos sa mga tao kung ano ang gagawin na may sigla at kasigasigan sa bagay na bago sa kaniya. At ang mga tao din ay dumating sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, at kanilang sinunod ng maluwag sa kanilang kalooban na walang pag-aalinlangan, at walang kaisipan ng pagtanggi, ang mga tagubilin ni Aaron. (tingnan ang 3T 298-300; 3RH 399).
– Sa gawaing ito si Satanas ang naging tunay na lider nila na di-nakikita sa halip na ang Dios. (tingnan ang TM 102).
– Ang banal na pagkakatiwala ay naipagkanulo. (tingnan ang 4RH 199).
– "Ang kakila-kilabot na pagkabulag sa espiritwal ay dumating kay Aaron." Tetimonies, vol 3, p 300.
– "Maging ang mga lider ng hukbo ay waring naalis ang kanilang katuwiran." TM 99, 3RH 399.
– Kanilang "ipinagpalit ang liwanag para sa kadiliman at ang kadiliman sa liwanag!" 3T 300.
– Ang paghihimagsik ay pinahintulutan at sinang-ayunan. (5H 494).
– "Itinayo ni Satanas ang kaniyan bandila sa gitna ng Israel, at ito'y itinaas bilang bandila ng Dios." Testimonies, vol 3, p 300.
Papaano ba talaga ginawa o binuo ang gintong guya? Inutusan ni Aaron ang kongresgasyon ng Israel na magdala sa kaniya ng kanilang ginto, at mula dito, kaniyang hinubog at inanyuan ang gintong guya. At kaniyang inilagay ito sa pundasyon upang pagtibayin ito sa harap ng paningin ng buong Israel. Kaya lahat ng tao na nagkaloob ng kanilang ginto at kabuhayan upang maitayo ang gintong guya ay mananagot sa malaking kasalanang ito, na parang sila ang talagang gumawa nito!
Kung hindi ibinigay ng mga tao ang kanilang mga ginto kay Aaron upang itayo o gawin ang gintong guya, ito ba ay nagawa parin? Hindi, walang magiging sapat na paraan upang itayo ito maliban na ang karamihan sa Israel ay tumulong dito.
Ngayon gaano katagal nabuo o natapos ang gintong guya? Ang hugis at kaanyuan nito ay natapos at naitayo sa sarili nitong pundasyon sa ika-39 na araw ng pagkawala ni Moises. O sa maikling panahon lamang-isang araw bago bumalik ang kanilang propeta. (tingnan ang Exodus 32:5-7).
Lahat ba ng Israel ay nakilahok at sumuporta sa pagtalikod na ito ng gintong guya? Hindi, isang tribo na nagngangalang Levi – 1/12 ng Israel ang hindi nakilahok sa paghihimagsik na ito. Ngunit maging ang mga ito ay hindi nagtaas ng kanilang mga tinig sa pagtutol. Kaya sila rin ay may-sala sa paghihimagsik na ito dahil sa kanilang pananahimik at hindi pagbabala sa mga tao. (tingnan ang Desire of Ages, p 112; 3T 265-266, 269 para sa prinsipyong ito).
Mayroon bang ilan sa Israel na nagtaas ng kanilang tinig sa pagtutol? Oo.
"Ang ilan na nangahas na nagsalita laban sa panukalang paggawa ng larawan bilang pagsamba sa diyus-diyosan ay inihiwalay at pinakitunguhang may kagaspangan, at sa huli sila'y nangamatay sa kalituhan at kaguluhan." Patriarchs and Prophets, p 316-317.
At nang mangawala na ang mga ito, wala ng humadlang sa kanilang mga panukala.
Nang ganap ng natapos ang gintong guya, ano ang sinabi ni Aaron, kasama ng iba pang mga lider, sa mga tao? "Ang mga ito ang maging iyong mga dios, Oh Israel." Exodo 32:4; 5RH 493. At ang Israel ay yumukod at sinamba ang gintong guya.
Yamang mayroon lamang isang gintong guya, kung gayon bakit ipinahayag ng kanilang mga lider na "Ang mga ito ang maging iyong mga dios," na ginawa itong marami? Ang kabuuan mismo ng gintong guya ay kumakatawan sa dios ng Israel, ngunit ito'y hindi makapagsasalita ng literal, tanging ang mga tao ang makapagsasalita para dito. Kung kaya habang sinasamba ng mga tao ang larawan ng gintong guya, kanila ring isinasaalang-alang ang mga salita at tagubilin ng kanilang mga lider, na malapit na nakaugnay dito, bilang tinig ng kanilang dios sa kanila. Kung kaya, sa kabuuan, ang guya at ang kanilang mga lider ang kanilang naging mga dios! Ang mga tao'y hindi na tumingin sa tunay na Dios para sa kanilang gabay at tagubilin, sila'y tumingin na sa anyo ng gintong guya at sa kanilang mga lider o pinuno para sa lahat nilang gabay at tagubilin. Ang Israel ay nagtayo, gumawa, o bumuo ng herarkiya, na natatayo sa palibot ng tao at ng isang huwad na dios.
Sa ginawa ng Israel na pagyukod at pagsamba sa gawa ng tao, o sa gintong guya (1ST 158, col 2; 1SP 249), ano ang nangyari?
– Kanilang "dinumihan o dinungisan ang kanilang sarili." Exodo 32:7.
– Ang Dios ay nalagay sa kahihiyan. (tingnan ang 3RH 389, 85).
– Ito ay isang katakut-takot na pagkakasala sa Dios. (tingnan ang 4RH 24).
– Ang Israel ay nagkasala ng pagtataksil. (tingnan ang PP 318; 5RH 496).
– Pinutol o sinira ng Israel ang kanilang tipan at katapatan na maging piniling bayan ng Dios. (tingnan ang 3T 398, TM 101; 1SP 250).
– Kung kaya pinutol na ng Dios ang kaniyan pakikipagtipan sa kanila.(tingnan ang PP 320).
– Kung kaya't ipinahiwatig ng Dios na itinatakwil na Niya ang kaniyang bayan. (tingnan ang PP 318; 5RH 95).
– Ipinahayag ng Dios na Kaniyang lilipulin sila. (tingnan ang Exodo 32:10).
Habang sinasamba ng Israel ang gintong guya, sinabi ng Dios kay Moises kung ano ang nangyayari. Doon napagtanto ni Moises ang malaking kasalanan at pagtalikod na nangyayari, at walang kasakimang siya'y nagsumamo sa Dios para sa awa na huwag Niya silang lipulin. Ang Dios ay sumang-ayon o pumayag na pigilin ang Kaniyang mga kahatulan sa kanila sa panandaliang panahon (tingnan ang Exodo 32:10-14; 4RH 199 col 3). Nang magkagayon si Moises ay bumalik sa kongregasyon ng Israel, na nakita silang sumasamba sa gintong guya, at kaniyang naitapon at nabasag ang mga tapyas ng bato sa harap ng lahat ng Israel.
Tinanong ni Moises si Aaron kung bakit niya ginawa ang guya at hinikayat ang Israel na tumalikod. Ipinahayag ni Moises sa lahat ng Israel, "sinuman ang nasa panig ng Panginoon ay lumapit sa kaniya," na malayo mula sa gintong guyang pagtalikod. Tanging yaong mga nanatili, na lumalaban at nagpatuloy sa kanilang paghihimagsik, na tumatangging sumunod sa utos ng kanilang propeta, ang nangamatay.
Ano ang nangyari sa gintong guya? Ito ay sinunog sa apoy, dinurog ng pino, inihalo sa tubig, at ipinilit sa lahat ng Israel na ito'y inumin. Ngayon ating tingnang mainam ang pangyayaring ito.
Nang maibagsak ni Moises ang mga tapyas na bato, saan niya ito ibinato? Ibinato niya ang mga ito direkta sa larawan o anyo.
"Kaniyang nakita na ang kautusan ay sinira ng mga Hebreo, at sa kaniyang katapatan sa Dios, upang mawasak ang diyus-diyosan na kanilang sinasamba, kaniyang isinakripisyo ang mga tapyas ng bato." Testimonies, vol 3, p 341.
Ano ang sagot ni Aaron nang tanungin siya ni Moises kung bakit niya ginawa ang gintong guya? Ipinagkapuri ni Aaron ang kaniyang ginawa at "sinikap na pangatwiranan ang kaniyang ginawa sa mabigat na kasalanan." Testimonies vol 3, p 341.
Ano ang ipinanawagan ni Moises nang kaniyang sabihin sa Israel na kung sino ang nasa panig ng Panginoon, ay lumapit at tumayong kasama niya? Siya ay nanawagan para sa paghihiwalay!
"Ang mga kahatulan ay handa nang bumagsak sa hibang, lasing na karamihan. Ngunit ang Dios sa kaniyang kahabagan ay nagbigay sa kanila ng pagkakataon na iwaksi ang kanilang kasalanan.
"Nang magkagayon tumayo si Moises sa pintuan ng kampamento, at nagsabi, ‘Sino ang nasa panig ng Panginoon?’ Ang mga may pakakak ay tinanggap ang mga salita at isinigaw ito sa pamamagitan ng pakakak, ‘Sinoman ang nasa panig ng Panginoon? Magsilapit sila sa akin’....Ang lahat ng nagsisisi ay may pagkakataon na makatayo sa panig ni Moises." Testimonies to Ministers, p 102.
Pinagkalooban ng Dios ang lahat ng sapat na oportunidad na maipakita ang kanilang katapatan sa Dios at sa kanilang propeta, sa pamamagitan ng pagsisisi ng kanilang kasalanan at pagtalikod na handang iwan yaong mga nagpapatuloy sa paghihimagsik at pagtalikod.
"Ang lahat ng tao ay may pagkakataon na ipakita ang kanilang pagsisisi, at nang sa gayo'y mailigtas ang kanilang buhay....Ang lahat ay pinagkalooban ng oportunidad na maging tapat sa Dios. Ang lahat ng nagpakumbaba ng kanilang sarili sa harap Niya, at inilagay ang kanilang sarili sa Kaniyang panig, na ipinapakita na nais nilang sumunod sa Kaniya, ay patatawarin, habang yaong ayaw magpasakop ay hahatulan ang kanilang sarili na mga mapanghimagsik. Walang anumang kapatawaran para sa kanila. Ang lahat ay pinagkalooban ng pagkakataon na maitakwil ang kanilang nakaraang mapagsamba sa diyus-diyosan na pag-uugali, at maipakita ang kanilang pagpupunyaging maging totoo." Review and Herald, Pebrero 11, 1909 (vol 5, p 496).
Ang Dios at si Moises ay nananawagan na maging malinaw ang pagkakaiba ng naglilingkod sa Dios, at siya na hindi naglilingkod sa kaniya. Tanging yaong mga nagpakumbaba ng kanilang sarili sa pagsunod sa mga tagubilin ng kanilang propeta, at nagpakita na sila'y nasa panig ng Dios, ang naligtas. Ang pagsunod sa mga tagubilin at payo ng kanilang propeta ang susi ng kanilang kaligtasan. At dahil dito, dalawang magkaibang pangkat ang nabuo sa loob ng kampamento. Ang panawagan para sa lahat ng Israel na kusang loob at hayag na ipakita ang kanilang katapatan sa Dios sa pamamagitan ng paghiwalay mula roon sa nagpapatuloy sa paghihimagsik at pagtalikod ng gintong guya, ay isang paghahayag sa lahat kung anong espiritu ang naghahari sa kanilang mga puso.
Mayroon bang anumang bagay na inilagay si Moises sa panganib sa pagtawag ng paghihiwalay?
"Sa panawagan para sa pagkakahating ito ng bayan, inilagay ni Moises ang kaniyang sarili sa galit noong mga ayaw magsisi, ang pinaka-matapang at pinaka-suwail, na maaring mahulog sa kaniya sa pagtatangka na kunin ang kaniyang buhay. Ngunit ang Dios ay naroon upang umalalay sa kaniyang lingkod; siya'y naglagay sa palibot niya ng tanggulan ng mga di-nakikitang mga anghel." Review and Herald, Hulyo 10, 1900 (vol 4, p 199).
Sino ang pumili na manatiling suwail at ayaw magsisi, at tumayo na kasama sa paghihimagsik at pagtalikod ng gintong guya? Nasumpungan ko ang tatlong uri:
#1. Yaong mga tiyakang tumanggi na magsisi ng kanilang paghihimagsik at pagtalikod, at nagpatuloy na itaas at ituwid ang pagbubuo o paggawa ng larawan. Ang grupong ito ay binubuo halos ng sama-samang karamihan, na siyang responsable sa paggagawa ng gintong guya.
"Ngunit isang malaking pulutong, na karamihan ay sama-samang karamihan, na siyang nagpasimuno sa paggawa ng guya, ang matigas ang kalooban sa paghihimagsik, at ayaw tumayo na kasama ni Moises, maging sa kaniyang kanang kamay o sa kaniyang kaliwa." (Yaong mga nasa kanang kamay ay yaong mga nanatiling hiwalay sa pagtalikod na ito buhat pa sa simula, habang yaong mga nasa kaliwang kamay ay yaong mga nakiisa noong una, ngunit nagsisi noong huli.) Signs of the Times, May 27, 1880 (vol 1, p 160).
#2. Yaong mga nakaalam na sila'y tumalikod ngunit lubhang palalo na tanggapin ang kanilang kamalian at ipakita ang tunay na pagsisisi sa pamamagitan ng pagtayo na kasama ng kanilang propeta. Kanilang pinahintulutan ang kanilang kapalaluan na humadlang sa kanilang pasya na sumunod sa panawagan ng Dios, at hindi nila pinapagpakumbaba ang kanilang sarili sa paningin ng Israel sa pamamagitan ng kusang loob na pagpapakita na sila'y naiiba at hiwalay mula sa pagtalikod.
#3. Yaong mga nagpakumbaba ng kanilang sarili, ngunit hindi kumilos ng mabilis upang sundin ang kanilang propeta at di ginawang malinaw ang pagkakaiba bago bumagsak ang kahatulan. Kung sila lamang ay pisikal na tumayo sa panig ng mga tapat, yaon sana ang nakalutas ng kanilang suliranin. Ngunit sila'y naghintay ng napakatagal upang kumilos at hindi handa na ihiwalay ang kanilang sarili mula sa mga mapanghimagsik, at dahil dito sila'y napahamak kaagad na kasama nila. Natuklasan na mas madali sa kanila na manatili sa pagtalikod kaysa sundin ang panawagang humiwalay mula rito. Ngunit ang ganoong desisyon ang puminsala ng kanilang buhay.
Paano isinagawa ang kahatulan laban doon sa mga nanatili sa pagtalikod? Sila'y pinatay sa tabak. Inatasan ng Dios ang Kaniyang mga mensahero na patayin lahat, maging kapatid o kaibigan, matanda man o bata, asawang babae man o mga anak. Tanging yaong mga nanatili sa pagtalikod ng gintong guya ang pinatay.
"Walang pagpapahalaga sa katayuan, kaugnayan, o pagkakaibigan, ang mga pinuno ng kasamaan ay pinatay..." Patriarchs and Prophets, p 324.
"Ang mga pinatay lamang ay yaong mga nagpatuloy sa paghihimagsik." Patriarchs and Prophets, p 325.
Anong nangyari sa gintong guya? Ito ay sinunog sa apoy at dinurog hanggang sa maging pulbos, at maging ang pundasyon nito ay nawasak upang walang matirang anuman.
Ngunit ano ang mangyayari kung tumayo ang mga tao at hindi pahintulutang mawasak ang gintong guya? Ako'y naniniwala na ang kahatulan ng Dios ay babagsak na mabilis sa Israel, at ipakikita ko sa inyo kung bakit sa pagpapatuloy ng pag-aaral.
Ang kabuuhan at pundasyon o saligan ng gintong guya ay bumagsak sa araw din nang ang mga tagapagtaguyod at tagasunod nito ay pinatay. Kung kaya sa isang araw ay dumating ang apoy, kamatayan at kahatulan.
Anong ginawa ni Moises sa pulbos ng gintong guya? Ito ay inilagay sa tubig, at ang buong kongregasyon ng Israel ay pinainom nito maging yaong hindi nakibahagi sa pagtalikod. Bakit? Bakit pati ang mga taong ito na walang-kasalanan ay pinainom din ng tubig na nahahalo sa pulbos nito? Sapagkat sila ay bahagi ng katawan ng Israel. Ano ang ibang tawag sa nabanggit? Pangkalahatang pananagutan. Ang mga taong ito ay kasamang responsable, kahit gumawa sila ng anumang bagay na mali o hindi, sa pagiging kabahagi lamang ng katawan ng mapanghimagsik na Israel. (Para sa karagadagang kaalaman tungkol sa paksang ito, sumulat lamang sa babasahin "Bakit Tayo Mananagot para sa Kasalanang Personal, Sosyal, at Pangkalahatan? Sa address na ibinigay sa harapan ng babasahing ito.)
Ngunit bakit hindi sila nakaramay sa pagkawasak? Sapagkat kanilang sinunod ang panawagan na maging iba at hiwalay mula doon sa mga tumangging sumunod sa kanilang propeta. Narinig ng lahat ng Israel ang panawagan, at lahat ay ginamit ang kanilang kapangyarihan na pumili kung saan sila tatayo at kung saan nila ibibigay ang kanilang impluwensiya – sa kanilang Dios at kanilang propeta, o kasama ng mga mapanghimagsik. At walang sinuman ang makapangangatwiran sa kanilang sarili mula sa mga sumunod na bunga sapagkat ang lahat ay nakapagpasiya na. Kung magkagayon ang hangganan ng pagtitiis at pagpapahinuhod ng Dios ay naabot na, at ang kahatulan ay ipinatupad na.
Sinabi ni Moises doon sa mga humiwalay sa pagtalikod sa loob ng kampamento. "Kayo'y nagkasala ng malaking pagkakasala..." Kung magkagayon, sa utos ng Dios, kaniyang inalis ang tabernakulo ng presensya ng Dios mula sa gitna ng Israel, at inilagay ito sa labas at malayo sa kongregasyon. Inatasan ni Moises ang Israel na lahat ng tunay na nagsisisi sa kanilang paghihimagsik at pagtalikod, na magpakumbabang lumabas at sumamba sa Dios sa kaniyang tabernakulo, at lumuhog para sa kaniyang kapatawaran at tingnan ang kaniyang kahabagan. Kapag sila'y bumalik na sa kanilang mga tolda, pumapasok si Moises sa tabernakulo upang mamagitan para sa bayan. May bagbag na pusong kanilang hinihintay ang palatandaan ng Makalangit na kapatawaran, at kapag bumaba na ang haliging ulap at tumayo sa pintuan ng tabernakulo, ang mga tao'y umiiyak sa kagalakan. Pinatawad na ng Dios ang nagsisising mga taong ito, at muli si Moises ay umakyat pabalik sa Bundok ng Sinai, na nakita ang kalwalhatian ng Dios, at nagbalik na ang kaniyang mukha ay nagliliwanag, na dala-dala ang utos ng Dios.
Ating siyasatin ng mabuti ang mga pangyayayring ito.
Sapagkat ang bayan ng Dios ay nakagawa ng mabigat na kasalanan ng pagsamba sa diyus-diyosan (tingnan ang 1ST 160), sa pagtatayo, pagtatatag, at pagsamba sa gintong guya, ang tabernakulo ng Dios at ang kaniyang presensya ay inalis mula sa gitna ng kongregasyon ng Israel.
Ano ang ibang tawag o pangalan sa tabernakulo ng Dios? Ang kaniyang santuaryo o iglesya. Kung kaya ang iglesya at presensya ng Dios ay inalis mula sa pagiging kaugnay ng kongregasyon ng Israel!
"Inutusan ng Panginoon si Moises na ilayo ang kaniyang tolda mula sa kampamento ng Israel, sa ganito ito'y nagbibigay ng pahiwatig sa mga tao na inihiwalay ng Dios ang Kaniyang sarili sa kanila." Signs of the Times, May 27,1880 (vol 1, p 160).
Natuklasan na natin na ang kongregasyon ng Israel ay itinuturing na iglesya ng Dios. Ngunit dito ating nasumpungan na inalis ng Dios ang Kaniyang presensya at iglesya sa kanila. Mayroon bang pagsasalungatan o kalituhan dito, sapagkat para bagang mayroong dalawang iglesya, ang bawat isa'y magkahiwalay at magkaiba? Sa dalawang ito, alin ang tunay na iglesya ng Dios? Ang iglesya na doon nananahan ang Kaniyang presensya – ang isa na nasa labas ng kongregasyon ng Israel!
"Ang Dios ay mayroong iglesya, hindi ito ang malalaking katedral, ni hindi ito ang pambansang gusali, ni hindi ito ang mga iba't-ibang denominasyon; ito ay ang mga tao na umiibig sa Dios at nag-iingat ng Kaniyang mga kautusan. 'Kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.' (Mateo 18:20). Kung si Cristo'y kasama maging ng iilang mapagpakumbaba, ito ang iglesya ni Cristo, sapagkat ang presensya ng kataastaasan at banal na tumatahan sa walang hanggan ang tanging makabubuo ng isang iglesya." Upward Look, p 315.
"Kaniyang (si Cristo) ipinahayag na ito ang Kaniyang kalooban na kung saan Siya naroroon, yaon ang kaniyang iglesya." SDA Bible Commentary, vol 5, p 1150.
Kung kaya walang pagsasalungatan o kalituhan dito, sapagkat kung ang presensya ng Dios ay wala sa isang lugar, ito'y tiyak na hindi maaring maging iglesya ng Dios! Gaano man karami ang mga taong nakatala sa mga talaan ng iglesya, gaano man karami ang mga taong tumataguyod at pauli-ulit na nagsasabi na sila ang tunay na iglesya, kung ang presensya ng Dios ay wala sa kanilang kalagitnaan, sila ay nabubuhay at nangangaral ng kasinungalingan!
Yamang ang presensya ng Dios ay inalis palayo mula sa kongregasyon ng Israel, hindi na sila maituturing na iglesya ng Dios sa panahon na yaon, kundi isang bansang walang iglesya!
Ngunit may iba pang naganap dahil sa gintong guyang pagtalikod na ito. Si Moises na kanilang propeta, dahil sa pagsunod sa mga utos ng Dios, ay inihiwalay ang kaniyang sarili mula sa kanilang kongregasyon, at nanatili sa tabernakulo ng Dios at tunay na iglesya.
"...inihiwalay din ng kanilang kasalanan si Moises, ang kanilang lider, mula sa kanila." Signs of the Times, May 27, 1880 (vol 1, p 160).
Ang propeta ng Israel ay wala na sa kanilang kalagitnaan upang pangunahan at gabayan sila. Siya ngayon ay tumatahan sa tunay na iglesya ng Dios, na ganap na nabubukod at hiwalay mula sa kampamento at sa kongregasyon ng Israel.
Inutusan ni Moises ang Israel, ang lahat ng tunay na nagsisisi at mapagkumbaba tungkol sa malaking paghihimagsik at pagtalikod na ito ng gintong guya, na patunayan ang kanilang katapatan sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang tinig at kusang-loob na lumabas at ihiwalay ang kanilang sarili mula sa katawan at kongregasyon ng Israel. Kinakailangan na sila'y handang lumabas – sa paningin ng buong kongregasyon- at sumama sa tunay na iglesya ng Dios sa ilang. Doon ay mapapatawad ng Dios ang kanilang malaking kasalanan, at sila'y muling tatanggapin bilang kaniyang mga anak.
"Hinihingi ni Moises sa lahat ng tunay na nagsisisi at mapagpakumbaba sa pagtanaw sa kanilang kasalanan, na ipahayag ito sa pamamagitan ng paghiwalay ng kanilang sarili mula sa kongregasyon. Sa paningin ng buong Israel, kinakailangan nilang tumungo sa tabernakulo, at siya'y magsusumamo sa Dios na patawarin ang kanilang pagsalangsang, at tanggapin silang muli pabalik sa Kaniyang kalinga." Signs of the Times, May 27, 1880 (vol, p 160).
Bakit hinihingi ng Dios ang ikalawang paghihiwalay na ito? Hindi pa ba sapat ang humiwalay lamang sa kasalanan at pagtalikod na may kaugnayan sa gintong guya at sa mga tumataguyod nito? Hindi ba nila maipakikita ang kanilang pagsisisi at katapatan sa Dios sa pananatili sa loob ng kongregasyon? Bagaman ang presensya ng Dios ay wala na sa Israel, at sila'y hindi na Niya iglesya, hindi ba maaring manatili sila na hindi inihihiwalay ang kanilang sarili mula sa katawan ng Israel?
Hindi. Sa panawagan ng kanilang propeta para sa ikalawang paghihiwalay na ito, tinitingnan ng Dios kung sino, sa lahat ng mga nagpapanggap na sumusunod sa Kaniya, ang tunay na nagsisisi ng kanilang mga kasalanan at kung sino ang lubos na nagnanais na sumunod sa lahat Niyang mga utos at ipakikipagkaisa ang kanilang sarili sa Kaniya bilang Kaniyang mga anak, na kataliwas noong mga hindi tapat sa kanilang paghiwalay mula sa pgtalikod.
Tanging yaong mga sumunod sa kanilang propeta at kusang humiwalay ng kanilang sarili ng pisikal mula sa katawan ng Israel ang nagpatunay na sila'y handang ipagpatuloy ang pagsunod at pagtalima sa tinig ng Dios, ano man ang maging kapalit. Ang iba'y nanatili kung nasaan sila.
Tanging yaong mga pumutol ng kaugnayan sa katawan ng Israel ang nagpatuloy na tumalima sa makipot na daan ng pagsunod sa Dios na walang pagsaalang-alang sa sasabihin ng mga tao, mga kaibigan, kamag-anak, o maging ng kanilang sariling katuwiran. Ang maging mapagpakumbaba at masunurin sa Dios ang kanilang tanging layunin.
Sinusuri at sinusubok ng Dios ang Kaniyang nagpapanggap na bayan, upang makita kung sino ang tunay na nagnanais na sumunod sa Kaniya, at nang sa gayon ay maging Kaniyang mga anak. Pinagpala ng lubos ng Dios ang mga tapat na ito sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan at pagkakaloob sa mga ito ng Kaniyang tipan.
Ngayon sa lahat ng malinaw na kabatirang ito, ating tingnan ng mas malalim ang dahilan kung bakit naitala ang kuwentong ito para sa atin, at sa halip na palaging banggitin ang gintong guya, akin na lamang babanggitin ang inisyal nito at alam na ninyo kung ano ang aking tinutukoy.
Sa katapusan ng inihulang panahon, tinawag at inihiwalay ng Dios ang Kaniyang bayan o iglesya mula sa Egipto, at binigyan sila ng Kaniyang propeta at mensahero upang turuan at akayin sila sa lupang pangako. Isang sama-samang karamihan ang sumama sa kanila, na binubuo ng mga taga Egipto at Israelita na nagasawahan – bilang kalahating bayan ng Dios, o hindi lubos na kaisa nila.
Ang iglesya'y dumating sa Dagat na Pula, at ang kanilang pananampalataya ay sinubok. Kagilagilalas na iniligtas ng Dios ang Kaniyang bayan, sa pamamagitan ng Kaniyang kapangyarihan, upang patunayan na Siya ay higit na mataas kaysa lahat ng kapangyarihan ng tao, at Siya ay nararapat na sundin higit kaninuman. Pinangunahan sila ng Dios sa dagat sa tuyong lupa, at sila'y tumuloy sa Bundok na Sinai. Sa kanilang paglalakbay ang kanilang pagkain ay naubos at ang sama-samang karamihan ay nagpasimulang umungol at dumaing o magreklamo, at sa kalaunan ang lahat ng Israel ay nakiisa na. Kung kaya ang Dios ay nagpadala ng manna, ang Kaniyang piniling pagkain para sa Kaniyang bayan.
Pagkatapos ang kanilang tubig ay naubos sa labak ng Rephidim, at sa halip na magtiwala sa Dios at sa kapakumbabaan ay humingi sa Kaniya ng tubig, sila'y naghimagsik laban sa Dios at sa kanilang propeta. Sila'y mapaghinala at pinag-alinlanganan ang kanilang propeta kung tunay bang inaakay ng Panginoon. Ang kaniya bang mga tagubilin sa kanila ay nagbubuhat sa kaniyang sariling karunungan, o sila'y tunay na buhat sa Panginoon? Ang pag-aalinlangan at di-paniniwala ay mabilis na kumalat sa buong kapisanan, at maraming binhi ang naitanim na magbubunga ng kanilang masamang ani sa hinaharap. Ang Dios ay naglaan ng tubig, at ang Israel ay nakapagpatuloy.
Pumili ng iba pang lider ng iglesya at ang Israel ay higit na naisaayos. Nang dumating o sumapit ang bayan sa Bundok ng Sinai, ang Dios ay nagpakita sa mga nangungunang matatanda ng kapisanan sa isang mahalagang pagkikita. Ang Dios ay nakipagtipan sa Israel, at ang lahat ay sumang-ayon na susunod sa Dios.
Si Moises ay umalis sa kapisanan at umakyat sa Bundok ng Sinai, na iniwanan si Aaron bilang gobernador o hukom ng buong iglesya. Hindi nagtagal pagkaalis ni Moises, ang binhi ng pag-aalinlangan at di-paniniwala ay sumupling sa pagiging masuwayin at paghihimagsik laban sa Dios at sa kanilang propeta. Ang binhi ng kasamaan ay nagbunga ng masamang ani. Sila'y sumang-ayon lamang na susunod sa Dios at sa kanilang propeta, ngunit sa kanilang kalooban sila'y nananatili pa ring mapanghimagsik na kagaya ng dati. Hindi nila gusto ang paraan ng pag-akay sa kanila ng kanilang propeta – na palaging itinuturo at sinasaway ang kanilang mga kasalanan.
Ang paghihimagsik na ito'y kumalat na parang maningas na apoy, at karamihan sa mga lider at sa mga tao ay nagkaisa at lumapit kay Aaron, na sinasabi sa Kaniya na igawa sila ng dios na nakikita upang siya nilang sasambahin. Sila'y nanghinawa na sa pangunguna ng Dios at ng kanilang propeta sa kanila at sa pagsasabi sa kanila ng kung ano ang kanilang gagawin. Nais nilang sundin ang kanilang sariling daan at pumili ng kanilang sariling lider o pinuno. Nais nilang bumalik sa Egipto, at ninais na maging katulad na katulad nila upang sila'y madaling tatanggapin.
Nakita ni Aaron na ang iglesya ay lumalayo na sa Dios at sa kanilang propeta, ngunit siya'y gumawa ng maling pasya at nagpadala sa kanilang mga ibig. Pumasok si Satanas at pinamahalaan ang kanilang mga isipan, at siya ngayon ang kanilang naging lider o pangulo kapalit ng Dios.
Si Aaron na kanilang pangunahing lider o pangulo, ay nag-utos sa iglesya na dalhin sa kaniya ang kanilang mga ginto upang makagawa ng kanilang dios. Kusang-loob at walang pagaalinlangang sumunod ang buong kapisanan, at nagkasala sa paggawa nito, sa pagbibigay kay Aaron ng kanilang mga ginto na maari sanang nadala sa Dios upang maluwalhati Siya.
Dahil dito, ang GC (golden calf o gintong guya) o ang gintong guya ay binuo bilang kanilang bagong dios, at inilagay sa isang pundasyon upang patibayin ito sa harap ng buong iglesya. Ito ay natapos at nabuo maikling panahon lamang bago ang pagbabalik ng kanilang propeta.
Ang mga pinuno o lider ng iglesta ay nakiisa sa kanilang pangulo, habang ang utos ay ibinibigay sa lahat ng iglesya na yumukod at sumamba sa estruktura o kabuuhan ng GC bilang kanilang dios. Ang kongregasyon o kapisanan ay tumalima sa kanilang lider na na itinuturing ang mga utos nito bilang tinig ng dios sa kanila. Kanilang nakalimutan ang tunay na Dios at ang kanilang tipan na susunod sa Kaniyang tinig lamang, at sila'y nagging bulag at agad na sumunod sa mga utos ng mga lider ng kanilang iglesya na sumamba sa GC (golden calf o gintong guya).
Ipinaalam ng Dios sa propeta na isang kakila-kilabot na pagkabulag sa espiritual ang dumating sa buong iglesya. Nawala ang lahat ng katwiran ng kanilang mga pinuno, at ginawang liwanag ang kadiliman sa pagtatayo ng estruktura at pundasyon ng GC bilang kanilang Dios. Kanilang pinili ang tumalikod, ang ipagkanulo ang banal na pagtitiwala, at itinirik o itinayo ni Satanas ang kaniyang bandila o pamantayan sa kalagitnaan nila – na inaangkin sila bilang kaniyang teritoryo at iglesya.
Ipinahayag ng Dios na ang Kaniyang mga kahatulan ay babagsak laban sa kapisanan dahil sa malaking kasuklamsuklam na ito, at ang propeta at tunay na lider ng Israel ay lumuhog para sa awa. Pumayag ang Dios na pansamantalang iurong ang kaniyang mga kahatulan, at ang propeta ay bumalik sa kapisanan na dala-dala ang kautusan ng Dios na nasusulat sa mga tapyas ng bato.
Nakita ng propeta kung ano ang nangyayari, at inihagis ang kautusan ng Dios direkta sa estruktura o anyo ng GC, sa ganoon sinira ang anyo at estruktura nito. Kaniyang tinanong si Aaron kung bakit niya inakay o pinangungunahan ang iglesya sa ganoong pagtalikod sa Dios sa pamamagitan ng pagtatayo ng GC. Hindi humingi si Aaron ng kapatawaran, kundi nagbigay ng mga kadahilan upang subukin at bigyang katuwiran ang pagtatayo ng GC at ng pundasyon nito.
Ang kabuuhan ng iglesya ay sama-samang tumayo na responsable at mananagot sa pagtalikod na ito sa pagiging kabahagi ng kapisanan. Dahil dito ang banal ay nakasama sa hindi banal at inilagay ng propeta ang kaniyang buhay sa panganib sa pagtataas ng kaniyang tinig sa buong iglesya sa pagsasabing, "Sinoman ang nasa panig ng Panginoon, lumapit sa akin at tumangging tumayo na kasama ng mapanghimagsik at ng pagtalikod ng GC. Lisanin ang bandila ni Satanas, at ihiwalay ninyo ang inyong sarili mula sa mga tumataguyod at sumusunod dito." Ang linya ng paghihiwalay o pagkakaiba sa pagitan ng nagsisisi at tunay na bayan ng Dios, at ng mga tagasunod ni Satans ay kinakailangang gawing malinaw. Ang mga may pakakak ay isinigaw ang mensahe ng paghihiwalay na ito at ikinalat ito sa buong iglesya upang ang lahat ay makarinig sa mensahe at ang lahat ay pinagkalooban ng sapat na pagkakataon na makasunod.
Ang lahat ay nakapagpasiya na ipinapakita ng kanilang pisikal na presensya, kasama ng lahat ng impluwensya nito kung talagang nasaan natatali ang kanilang puso at kung saan naroroon ang kanilang pagmamahal. Napatunayan na ang malaking bahagi, na karamihan ay kabilang sa samasamang karamihan na nagpasimuno at nanguna sa pagtalikod na ito ng GC ang nanatiling kasama noong mga tumangging maliwanagan ang kanilang mga isipan. Sila ay di-makapagpasya o sumasabay sa bakod kung saan ito naroon. Kanilang nakita ang napakaraming kaibigan na piniling manatili at tumayo sa pagtalikod, at ito ang bumulag sa kanilang isipan kung kaya hindi nila sinunod ang Dios, kundi sila rin ay nanatiling kaugnay dito.
Ngunit dumating ang panahon at ang hangganan ng pagpapahinuhod ng Dios ay naabot na. Kaniyang inatasan ang Kaniyang mga mensahero – ang mga may tabak na pamatay – na yumaon sa gitna ng iglesya, sa gitna ng Israel, at manakit, na huwag magpatawad, kundi lipulin ng lubos ang lahat ng nagpatuloy sa pagtalikod ng GC – kahit ang binata o matanda, kapatid o kaibigan, babae o bata – hanggang sa kanilang matapos mula sa isang hangganan ng iglesya patungo sa iba pa.
Kung magkagayon ipinabatid ni Moises sa mga nagsisi at sa lahat ng lumapit sa kaniya, na sila'y nakagawa ng malaking pagkakasala at malaking krimen laban sa Dios. Kaniyang inalis ang tabernakulo ng presensya ng Dios at ang tunay na iglesya palayo mula sa katawan ng Israel. Ang presensya at tunay na iglesya ng Dios ay wala ng kaugnayan sa kanila – sa pagiging ganap na nabubukod at hiwalay mula sa kapisanan. Hindi na sila itinuturing na iglesya ng Dios, kundi isang bansang walang iglesya.
Kusa ring inihiwalay ng propeta ang kaniyang sarili sa kanila at ngayon ay kasama ng Dios at ng Kaniyang tunay na iglesya. Ang propeta ang unang humiwalay mula sa kabuuan ng Israel. Ngayon kaniyang tinatawagan ang lahat ng tunay na nagsisisi at nagnanais na patuloy na sumunod sa tinig at mga tagubilin ng Dios, na patunayan ito sa pamamagitan ng paglabas at paghiwalay – sa pagputol ng kanilang kaugnayan sa kapisanan at kabuuhan ng Israel, o mula sa dating iglesya ng Dios.
Walang sinuman, maging lider, kamag-anak, kaibigan, o maging ang kanilang sariling katuwiran ang makapipigil sa mga tapat na ito mula sa pagpapakababa ng kanilang sarili at pagsunod sa panawagang ito na buhat sa Dios. Sila'y kusang-loob na lumabas, na hindi pinilit o pisikal na inalis, sa paningin ng buong kapisanan, upang makiisa at sumama sa tunay na iglesya ng Dios at upang tumayong kasama ng kanilang propeta.
Nakita ng Dios na ang paghiwalay na ito ay isang pangangailangan upang subukin kung sino talaga ang nais sumunod sa Kaniyang tinig at mga tagubilin na walang ginagamit na anumang pamimilit- yaong mga tatanggi na sumunod sa katuwiran at karunungan ng tao.
Tanging yaong mga nangagpakumbaba ng kanilang sarili at lumabas at inihiwalay ang kanilang sarili mula sa kabuuhan ng kapisanan, ang pinagpala ng Dios. Kaniyang pinatawad ang mga masunuring anak na ito sa lahat nilang mga kasalanan, na dinadala silang pabalik sa Kaniyang pabor, habang yaong mga nanatiling nakaugnay sa kapisanang tinalikuran o iniwan ng Dios ay hindi kabahagi ng Kaniyang tipan ng pagpapala.
Muling nakipag-usap si Moises sa bundok, at bumalik na nagliliwanag ang kaniyang mukha, puspos ng kalwalhatian ng Dios, at dala-dala rin ang mahalaga at walang hanggang tipan ng Dios.
Ang lahat ng ito, pagtalikod, kahatulan, kamatayan at ang pangangailangan para sa lahat ng tunay na bayan ng Dios na ibukod ang kanilang sarili mula sa pagtalikod sa pamamagitan ng paglabas at paghiwalay mula sa kapisanan ng Israel, ay nangyari dahil sa isang tao na pinagkalooban ng kapangyarihan upang mamuno sa buong kapisanan o kongregasyon, na piniling humakbang papalayo sa Dios! Kung kaya't kaniyang binuo ang estruktura at pundasyon ng GC – na inilagay ang liwanag sa kadiliman at ang kadiliman sa liwanag, at si Satanas ang kanilang naging lider na di-nakikita kapalit ng Dios, ang umakay sa karamihan ng iglesya sa paghihimagsik, pagtalikod at kamatayan.
Maaaring nakita na ng ilan ang sulat sa pader mula lamang sa kasaysayan ito, at para sa kanila, hindi ko na kinakailangang ipagpatuloy pa. Ngunit sa ibang nakararami, ano ang kinalaman ng malungkot na kasaysayang ito sa iglesya ng Seventh-Day Adventist at sa mga kaanib nito ngayon?
Kaagad na ibinigay ni Sister White ang patotoong ito pagkatapos na mapag-aralan ang pagtalikod ng gintong guya at sinabi:
"Dapat tayong mag-ingat upang di natin danasin ang kaparehong kapalaran na dinanas ng matandang Israel. Ang kasaysayan ng kanilang pagsuway at pagkahulog ay naitala bilang aral sa atin, upang ating maiwasang gawin ang kanilang ginawa. Ito ay naisulat, ‘sa pagpapaalaala sa atin na mga dinatnan ng katapusan ng sanlibutan’. Kung ipagwawalang - bahala natin ang mga paalaala at babalang ito, na binubuo ang ganunding likas ng pag-uugali na binuo ng mga Israelita, anong katuwiran ang ating maidadahilan?" Review and Herald, July 10,1900 (vol 4, p 200).
"Ang babala ay ibinigay sa atin..." Testimonies to Ministers, p 101.
Ngayon bakit niya binabalaan nang tiyakan ang iglesya ng SDA at ang mga kaanib nito na pag-ingatang huwag maulit ang partikular na kasaysayang ito ng Israel? Kaniya pang sinabi na basahin ang kasaysayang ito ng paghihimagsik at pagtalikod ng iglesya ng Israel sa pagbubuo ng estruktura at pundasyon ng gintong guya, kahit isang beses man lamang sa isang linggo!
"Aking isinasamo na basahin ang mga kabanatang ito kahit isang beses man lamang sa isang linggo." Testimonies to Ministers, p 98-99.
Bakit kaniyang pinagsasabihan ang iglesya ng SDA na pag-aralan ang particular na pagtalikod na ito sa pagbubuo o pagtatayo ng gintong guya? Kaniya bang napagtanto na dahil ang SDA ang siyang modernong Israel ng Dios (2T 109), na sila'y nasa malaking panganib na sumunod sa mga hakbang ng matandang Israel? Na maaring ang iglesya ng SDA ang umulit sa malaki at kakila-kilabot na pagtalikod na ito ng Israel, at bumuo o magtayo ng gintong guya na kung saan ang lahat ng SDA ay kinakailangang yumukod at sumamba doon bilang kanilang dios?
Pagkatapos na muling pag-aralan ang pagtalikod na ito ng Israel, maliwanag na binabalaan niya ang iglesya ng SDA:
"Ang ating mga panganib ay hindi kakaunti, kundi malaki kaysa doon sa mga Hebreo. Mayroong mga tukso tungo sa paninibugho at pagbubulong, at mayroong hayagang paghihimagsik na katulad ng naitala ng matandang Israel." Review and Herald, March 14, 1899 (vol 4, p 25).
Pinakinggan ba ng iglesya ng SDA ang mga babala at sinunod ang payo? O kanilang isinarado ang kanilang mga mata at tainga upang sumunod sa mga hakbang ng Israel at ulitin ang kasaysayang ito ng paghihimagsik at pagtalikod ng gintong guya? Kung kanilang ulitin ang kasaysayang ito, kung magkagayon ating makikita na ang lahat ng pangyayari na ito'y mauulit.
Kung kaya nananatili ang katanungang; "Inuulit ba ng iglesya ng SDA ang kasaysayang ito ng matandang Israel?" Upang masagot ang mahalagang katanungang ito, kinakailangan nating balik-aralan ang ilan sa mga kasaysayan ng iglesya ng SDA upang makita kung kanilang inuulit ang mga ito.
Kung paanong inakay ng Dios ang matandang Israel palabas ng Egipto, gayon Niya inakay ang Kaniyang modernong Israel palabas sa sanlibutan.
"Ang kasaysayan ng matandang Israel ay isang kapuna-punang pagsasalarawan ng nakaraang karanasan ng pangkalahatang Adventista. Inakay ng Dios ang Kaniyang bayan sa kilusang Adventista, kung paanong kaniyang inakay ang mga anak ni Israel mula sa Egipto. Sa malaking pagkabigo ang kanilang pananampalataya ay sinubok kung paanong sinubok ang pananampalataya ng mga Hebreo sa dagat na mapula." Spirit of Prophecy, vol 4, p 291.
Inaakay ng Dios ang Kaniyang modernong Israel – ang Kaniyang bayang Adventista – palabas sa sanlibutan, at dinala sila sa isang dagat na pulang karanasan upang subukin ang kanilang pananampalataya sa Kaniya.
Sino ang lider na di-nakikita ng mga Adventistang ito? Si Cristo! Sino ang ibinangon ni Cristo na maging lider na nakikita ng Kaniyang bayan – na maging mensahero ng Panginoon at magtuturo at gagabay sa Kaniyang bayan patungo sa pangakong bayan ng langit? Si Ellen Gould White. Atin bang nakikita ang isang sama-samang karamihan na sumasama sa bayan ng Adventista at kung paano sila pahihintulutang makapasok sa iglesya?
"...sa pamamagitan ng pakiki-ayon sa sanlibutan ang sama-samang pulutong ay maaakay papasok sa iglesya." Review and Herald, August 23, 1892 (vol 2, p 589).
Masusumpungan ba natin na nagaganap ang pakikiayon sa sanlibutan sa kasaysayan ng iglesya ng SDA? Sa taong 1856, Kaniyang isinulat:
"Kung magkagayo'y itinuro akong pabalik sa mga taon ng 1843 at 1844. Noo'y mayroon doong espiritu ng pagtatalaga na ngayon ay wala. Ano ang nangyari sa nagpapanggap na natatanging bayan ng Dios? Nakita ko ang pakiki-ayon sa sanlibutan, ang kawalan ng kahandaan na magtiis alang-alang sa katotohanan." Testimonies, vol 1, p 128.
Kaya nga ang iglesya ng SDA ay naki-ayon sa sanlibutan, at ang sama-samang karamihan ay pinahintulutan sa kalagitnaan ng iglesya. Ngunit sila ba ang mag-uumpisang maghimagsik at magreklamo laban sa kalooban ng Dios kung paanong nangyari nang una? Siya'y nagpatuloy.
"Nakita ko ang malaking kakulangan ng pagpapasakop sa kalooban ng Dios....Nakita ko na marami sa nagpapanggap na naniniwala sa katotohanan para sa mga huling araw na ito ay nagtataka kung bakit ang mga anak ni Israel ay nagreklamo habang sila'y nagsisipaglakbay; na pagkatapos ng mga kahanga-hangang pakikitungo ng Dios sa kanila,ay naging di-mapagpasalamat na kanilang kinalimutan kung ano ang Kaniyang ginawa para sa kanila. Sinabi ng anghel: ‘Kayo'y gumawa ng lalong masama kaysa kanila.’" Testimonies, vol 1, p 128-129.
Papaano tayong nakagawa ng higit na masama kaysa kanila? Sapagkat tayo ay mayroon nang kasaysayan ng matandang Israel na lilingunin. Ito ay naitala para sa pagpapaalaala sa atin at babala, at kung ating ipipikit ang ating mga mata sa kasaysayan, kung gayon tiyak na ating mauulit ito. Mayroon din tayong propeta na nagbababala sa atin kung ating inuulit ang kasaysayan. Kaya nga ang gumawa ng lalong masama kaysa matandang Israel, ay ang ating ipagwalang bahala at tanggihang pakinggan ang kasaysayan at ang ating propeta.
Papaano makikita ng SDA kung sino ang kumakatawan sa sama-samang karamihan sa kanilang kalagitnaan? Alalahanin na ang grupong ito ay hindi ganap na kaisa ng bayan ng Dios – sa pagiging kalahating Egipcio at kalahating Israelita. Sa mga simbolo sa Biblia, ang Egipto ay kapareho o katumbas ng sanlibutan. Kaya't ang sama-samang karamihan ay yaong kalahating makasanlibutan at kalahating maka-Dios – o hindi ganap na kaisa ng tunay na bayan ng Dios, at binibigyan Siya ng kalahating paglilingkod lamang. Sila'y nagpapanggap lamang na sumusunod sa mga tagubilin at payo ng Dios, ngunit nananatiling nakaugnay sa sanlibutan. Sila'y hindi ganap na nanumbalik sa Dios, o sa ibang salita – "Laodicea."
Tunay ba na ang mga Laodicea ay naglilingkod sa Dios ng kalahating panahon lamang, habang ang kalahating panahon ay ginugugol sa sanlibutan? Hindi!
"Ang maging kalahating Kristiyano at kalahating makasanibutan, ay ginagawa kang ikasandaang bahaging Kristiyano at ang malaking bahagi ay makasanlibutan." Testimonies, vol 2, p 264.
Iyan ang dahilan kung bakit ang sama-samang karamihan ang unang nagreklamo at dumaing, ang mga nanguna sa pagtalikod, at ang mga pasimuno sa lahat ng kasamaan. Sila ang palagiang hadlang at ang silo sa tunay na bayan ng Dios, at ang palagiang naghahanap ng kamalian sa kanilang propeta. Iyan ang dahilan kung bakit sila'y patuloy na nakahandang maghimaksik, at di-makita ang katotohanan na ang ipinangakong lupain ay ipagkakaloob sa Israel tanging sa kondisyon ng pagsunod sa Dios. Matimbang sa kanila ang sanlibutan, at nagpapanggap lamang na tumatalima sa Dios, at sila'y hindi mga tunay na nahikayat. Ang mga sama-samang karamihan na ito, o mga Laodicea, ay nasa lahat ng hanay ng iglesya ngayon.
Noong una, ano ang tatlong pangyayari na naganap pagkatapos nilang iwan ang Dagat na mapula?
#1. Ang piniling pagkain ng Dios na Manna ay inilaan bilang kanilang pagkain.
#2. Ang Israel ay naging organisado.
#3. Ang paghihimagsik laban sa Dios at sa kanilang propeta sa tubig ng Massah o Meriba ay naganap sa mga kapatagan ng Rephidin.
Inulit ba ng iglesya ng SDA ang kasaysayang ito?
#1. Ipinadala ba ng Dios ang Kaniyang piniling pagkain buhat sa langit sa ating mga kapatid? Oo! Noong 1863, ang ating propteta habang nasa Michigan, ay tumanggap ng pangitaing buhat sa Dios ng langit tungkol sa pagbabago sa kalusugan. Ang Dios samakatwid ay naglaan sa mga SDA ng Kaniyang piniling pagkain, at noong una tanging ang mga sama-samang karamihan lamang ang dumadaing at nagrereklamo tungkol dito. Kaya nga kung maririnig ninyo ang sinuman na dumadaing ngayon tungkol sa pagbabago ng kalusugan, kanila lamang inilalantad ang kanilang sarili bilang bahagi ng modernong sama-samang karamihan ngayon!
#2. Ang iglesya ba ng SDA ay naging organisado na katulad ng Israel? Oo! Noong 1863 ang General Conference ay natatag at ang Iglesya ng Seventh-Day Adventist ay naging organisado. Ngunit ano ba ang layunin kung bakit naging organisado o isinaayos ang GC?
"Ang iglesya ni Cristo ay naitatag para sa mga layuning ukol sa misyonero." Review and Herarld, September 12, 1907 (vol 5, p 358).
"Inilaan ng Dios sa kasulatan ng Bagong Tipan ang simpleng organisasyon at kaayusan ng iglesya, at ito'y itinatag ng Panginoon para sa pagkakaisa at kasakdalan ng iglesya." Loma Linda Messages, p 816 (Letter 178, Decemer 6, 1909).
Kaya nga anumang bagay na ginawa higit pa sa mga "layuning ukol sa misyonero o gawain" o bilang paglayo sa "simpleng organisasyon" ay isang paglayo mula sa pagiging iglesya ni Cristo, at dahil dito pagkakabaha-bahagi at kasiraan ang darating sa iglesya.
#3. Ang iglesya ba ng SDA ay naghimagsik din laban sa Dios at sa ating propeta na katulad ng ginawa ng Israel doon sa tubig ng Massah? Ating alalahanin na dito naghimagsik ang Israel, sa halip na magtiwala sa Dios at sa kapakumbabaan ay humingi sa Kaniya ng nakapagpapaginhawang tubig upang makaalis ng kanilang kauhawan. Dito sila naging mapaghinala at pinag-alinlanganan kung ang kanilang propeta ba ay totoong inaakay ng Dios – kung ang mga tagubilin ba sa kanila ng kanilang propeta ay buhat sa Dios, o buhat sa kaniyang sariling karunungan at pang-unawa. Dito mabilis na kumalat ang mga pag-aalinlangan at kawalan ng pananampalataya sa buong kapisanan at ang mga binhi ng kasamaan ay kalat na naitanim. Inulit din ba ng iglesya ng SDA ang paghihimagsik na ito? Oo!
Noong 1888, sa sesyon ng GC sa Minneapolis, kumilos ang Dios sa mga pinuno ng iglesya upang papagpakumbabain ang kanilang sarili at papagsisihin ng kanilang mga kasalanan. Dito ninais ng Dios na tumingin sa Kaniya ang ating mga lider ng may kapakumbabaan, at humingi sa Kaniya ng nakapagpapaginhawang tubig na makaaalis ng kanilang uhaw. Sinisikap na ihanda ng Dios ang daan upang maibuhos ang huling ulan at ng ang Kaniyang gawain ay matapos na upang ang Kaniyang bayan ay makauwi na. Ngunit kung paanong naghimagsik ang matandang Israel laban sa Dios, ganun ang ginawa ng mga lider ng iglesya ng SDA.
"Si Jesus ay binigo noong mga lalaki na nasa responsableng posisyon. Kanilang tinanggihan ang mga mahahalagang biyaya, at tumangging maging daluyan ng liwanag, kung paanong Kaniyang ninais na maging ganun sila. Ang karunungang kanila sanang matatanggap buhat sa Dios...ay kanilang tinanggihang tanggapin, at dahil dito sila'y naging daluyan ng kadiliman. Ang Espiritu ng Dios ay napighati." Manuscript Releases, vol 11, p 243-244 (Manuscript 13, 1889).
Kaniyang isinulat sa Selected Messages, book 1, p243-35 na hinahadlangan ni Satanas ang Dios, sa pamamagitan ng mga namumunong mga kapatid, sa pagbuhos sa Kaniyang Banal na Espiritu – "sa malaking sukat" – sa ating mga kapatid. Kaniya ring sinabi sa Testimonies to Ministers, p 467-468, na ang Banal na Espiritu ng Dios kasama ng mensahe ng katuwiran ni Cristo "ay winalang halaga, nilabanan, nilibak, at itinakwil," at ang relihiyon ng maraming Adventista "ay naging relihiyon ng tumalikod na Israel." Kaniya ring sinabi:
"Ngunit ang buong sansinukob ng langit ay nakasaksi sa kahiya-hiyang pagtrato kay Hesu-Kristo na kinakatawanan ng Banal na Espiritu. Kung si Cristo ay nasa harap nila, kanila ring itatrato siya ng katulad sa pagtrato ng mga Judio kay Cristo." Series A #6, p 20.
Papaano pinakitunguhan o tinrato ng mga Judio si Cristo? Kanilang sinampal, hinampas, at ipinako Siya sa krus!
Ngayon anong grupo ang nanguna noon sa paghihimagsik o pagrerebelde? Ang sama-samang karamihan, at yaon ding iisang grupo ng mga pinuno ang nanguna. Ngunit ano pa ang pinagdudahan, pinag-alinlanganan at pinaghinalaan ng Israel? Ang kanilang propeta, at ganito rin ang nangyari sa paghihimagsik na naganap sa Minneapolis!
"...isang matatag, tiyak, espiritung suwail ang naghahari sa mga puso, at yaong nakaalam ng biyaya ng Dios at minsang nakadama ng nakahihikayat na kapangyarihan sa puso, ay nadaya, nabulag, na gumawa sa ilalim ng pandaraya sa buong panahon na iyon ng pagpupulong....Ang kanilang hamak na silakbo ng damdamin ay nagising at yaon ay isang mahalagang pagkakataon sa kanila na maipakita ang espiritung masama....
"Gayon ang nangyari sa pagkakanulo, paglilitis, at pagkapako sa krus ni Jesus...at ang malademonyong espiritu ang naghari at kumilos na may kapangyarihan sa mga puso ng tao, na bukas sa pag-aalinlangan at kapaitan, galit at pagkapoot. Ang lahat ng ito ay nanaig at hayag sa pagpupulong na yaon....
"Ang mga tinig na hindi ko inaasahang marinig ay sumama sa paghihimagsik na ito at yaong aking mga pinaalalahanan sa mga nagdaang taon na walang anumang katibayan, o anumang tiyak na kaalaman ng anumang pagbabago kay Sister White ay naging mabagsik, matapang at disidido sa pagtuligsa sa kaniya. Ako ay ipinakilala na nagsasabi ng mga bagay na hindi totoo...Nakita ko na sila'y determinado na huwag tanggapin ang aking patotoo.
"Pagkatapos na marinig ang aking ginawa ang aking puso ay nalugmok. Hindi ko kailanman nailarawan sa aking isipan kung anong pagtitiwala ang maari nating mailagak doon sa mga nag-aangking mga kaibigan, habang ang espiritu ni Satanas ay nakasumpong ng pinto sa kanilang mga puso. Aking inisip ang krisis sa hinaharap, at ang damdamin na hindi ko mabigkas sa salita sa maikling sandali ang dumaig sa akin. ‘Datapuwa't mangag-ingat kayo sa inyong sarili: sapagkat kayo'y ibibigay nila sa mga Sanedrin; at kayo'y hahampasin sa mga sinagoga; at kayo'y magsisitindig sa harap ng mga gobernador at ng mga hari dahil sa akin, na bilang patotoo sa kanila’ [Marcos 13:9].
"‘At ibinigay ng kapatid sa kamatayan ang kapatid, at ng ama ang kaniyang anak; at magsisipaghimagsik ang mga anak laban sa mga magulang at sila'y ipapapatay. At kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan: datapwat ang magtiis hanggang sa wakas, ay siyang maliligtas’ [Marcos 13:12-13].
"Ang lahat ng ito'y dumaan sa aking isipan na katulad ng kislap ng kidlat at nabatid ko kung gaano kaliit na pagtitiwala at paniniwala ang maaring ilagak sa pagkakaibigan ng tao...Ganito ring espiritu ang humatol sa Panginoon ng buhay at kaluwalhatian." Manuscript Release #574, p 11-13 (Letter 14, 1889).
Nakita ni A.T. Jones ang eksaktong nangyari, at nagsabi:
"...ano ang itinakwil ng mga kapatid sa nakakatakot na posisyon na kanilang kinatatayuan, sa Minneapolis? Kanilang itinakwil ang huling ulan, ang malakas na sigaw ng mensahe ng ikatlong anghel....
"...ang espiritu ng Panginoon ay naroon upang sabihin sa kanila na kanilang ginagawa ito, hindi baga? Ngunit nang kanilang itinatakwil ang malakas na sigaw, ang tagapagturo ng katwiran, kung magkagayon ang Espiritu ng Panginoon, sa pamamagitan ng Kaniyang propeta, ay tumayo at sinabi sa amin kung ano ang kanilang ginagawa, ano kung magkagayon ang kanilang ginagawa? O! Kanila lamang isinaisantabi ang propetang ito kasama na ang iba pa." 1893 General Conference Bulletin, p 183.
Nakita rin ni Sister White kung ano ang nanggyayari, at hindi niya nagustuhan ang alinman sa mga yaon.
"Nang aking ipanukalang lisanin ang Minneapolis, ang anghel ng Panginoon ay tumayo sa tabi ko at nagsabi: ‘Huwag; may gawain ang Dios para sayo na dapat mong gawin sa lugar na ito....Aking inilagay ka sa iyong tamang katatayuan, na hindi matatanggap noong mga wala sa liwanag; hindi nila pakikinggan ang iyong mga patotoo; ngunit ako'y sasa iyo...’" Manuscript Release, vol 14, p 108-109 (Letter 2a, 1892).
Noong 1888, na kumatawan sa mga tubig ng Massah, itinakwil ng GC at ng mga pinuno ng iglesya ng SDA ang huling ulan, kanilang itinakwil ang malakas na sigaw at kanilang itinakwil ang Banal na Espiritu at si Jesus. Ngunit hindi lamang ito ang kanilang itinakwil, kundi kanila ring itinakwil si Sister White bilang kanilang propeta sa pagtanggi na tanggapin siya sa kaniyang tamang katayuan o posisyon – na yaon ay alin? Ang maging pangunahing lider na nakikita ng ating mga kapatid!
Pinili ng mga lider ng iglesya ng SDA ang kanilang sariling mga daan at pangunguna, at walang pag-aalinlangang sila'y gumawa ng lalong masama kaysa ginawa noong una ng mga Israel. Maraming masamang binhi ng paghihimagsik ang naikalat sa buong hanay, at nagpadala si Sister White ng babala sa lahat ng ating mga kapatid noong 1889.
"Huwag nating kalimutan na ang pinaka-mapanganib na silo o bitag na inihanda ni Satanas sa iglesya ay darating sa pamamagitan ng sarili nitong mga kaanib..." Testimojnies, vol 5, p 477.
Kaya nga mula pa noong 1889, saan dapat magbantay ang mga Adventista tangi na para sa mga bitag ni Satanas na ilalatag sa kanila? Ito ba ay magmumula sa sanlibutan, o magmumula sa ibang mga iglesya katulad ng naituro sa atin? Hindi, kundi ito ay magmumula sa kanilang sariling iglesya, kagaya ng nangyari noong una!
Patuloy bang tinaglay ng mga Laodiceang pinuno ng sama-samang karamihan ang paghihimagsik na ito laban sa Dios at sa ating propeta? Siya'y sumulat noong 1890:
"Ang mga masasamang palagay at opinyon na naghari sa Minneapolis ay hindi namatay sa anumang paraan; ang mga binhing naitanim roon sa mga puso ng ilan ay handang sumibol upang mabuhay at magbunga ng isang pag-aani. Ang mga talbos ay naputol na, ngunit ang mga ugat ay hindi kaylanman nabunot, at sila'y patuloy na nagbubunga ng kanilang masasamang bunga upang lasunin ang pag-iisip, iliko ang pandama, at bulagin ang pang-unawa...
"Sa marami ang sigaw ng puso ay, ‘ayaw namin sa lalaking ito na siyang maghari sa amin.’ Si Baal, si Baal ang gusto namin...sapagkat iniibig nila ang kanilang sariling daan, at nilisan ang daan ng Panginoon....
"Ang mga hakbang na tinatahak ngayon ng iilan ay hindi maaaring sundin ng nalabing bayan ng Dios. Ang inyong mga hakbang ay hindi maaring ayunan ng Panginoon....Ngunit huwag nawang tulutan ng Dios na yaong mga nag-aangkin na mga tagapangalaga ng banal na pagkakatiwala ay ipagkanulo ang interes ng gawain ng Dios sa pamamagitan ng mga mungkahi at pakana ng kaaway ng lahat ng katuwiran." Testimonies to Ministers, p 467-471.
"Hanggan kailan iuurong ng mga tao na nasa puso ng gawain ang kanilang sarili sa Dios? Hanggang kailan kakatigan ng mga lalaki rito ang kanilang paggawa ng gawaing ito? Magsialis kayo sa daan, mga kapatid. Kunin ninyo ang di-paghawak sa kaban ng Dios, at hayaan na ang Espiritu ng Dios ang dumating at magsalita sa malaking kapangyarihan....
"Kung inyong maipakikita sa akin na ang gawain ay sumusulong, ating masasabing amen; ngunit di natin ito makita....Nais nating makita ang mga lalaki na nagdadala ng makalangit na kredensiyal na dalhin ang gawaing ito sa mga huling araw sa kaniyang pagtatapos. Ang lahat ng narito ay pagkakalooban ng Dios ng pagkakataon kung kanilang tatanggapin ito." Sermons and Talks, vol 1, p 127 (Manuscript 9, February 3, 1890).
Tinanggap ba ng mga lider ng iglesya ng SDA ang mahalagang pagkakataon na ito na lubusang mabago mula sa pagiging sama-samang karamihan at alaagad ng Demonyo, patungo sa muling pagiging alagad at anak ng Dios?
Ngayon pagkatapos na makarating ang Israel sa Sinai, anong tatlong pangyayari ang naganap?
#1. Nagpatawag ng isang mahalagang pagpupulong.
#2. Ang presensya ng kanilang propeta ay inalis sa kampamento ng Israel.
#3. Naganap ang pagtalikod ng gintong guya at ang paghihimagsik.
Sinundan rin ba ng iglesya ng SDA ang kasaysayang ito?
#1. Noong una isang mahalagang pagpupulong ang ipinatawag ng mga pangunahing lider, at sa mga nangungunang lalaking ito nahayag ang kapangyarihan at Espiritu ng Dios. Sila, kasama ng buong Israel, ay sumang-ayon na susunod sa lahat ng iuutos ng Panginoong Dios, bagaman ang puso ng marami ay nananatili pa ring maitim at mapaghimagsik! At gayon rin ang nangyari sa modernong Israel!
Noong 1891, nagpatawag ng sesyon o pagpupulong ang General Conference, at ang lahat ng pangunahing lalaki sa iglesya ay sama-samang nagkatipon. Ngunit ano ang ginawa ng mga lider ng iglesya? Sila ba'y sumang-ayon lamang na sumunod at tatalima sa mga utos at liwanag ng Dios, habang sa kalooban ay sila'y nananatiling mapanghimagsik at matigas ang puso kagaya ng dati? O sila'y nagsisi ng kanilang nakaraang kamalian, at gumawang magkakasama sa ilalim ng gabay at pagtuturo ng Espirutu ng Dios? Siya'y sumulat noong 1901 patungkol sa pagpupulong na ito:
"...sampung taon na ang nakakaraan, nang tayo ay nagkakatipon sa komperensiya (1891), at ang Espiritu at kapangyarihan ng Dios ay dumating sa ating mga pagpupulong, na nagpapatunay na ang Dios ay handang gumawa para sa bayang ito, kung sila'y nagkasundo na gumawa ng maayos. Ang mga kapatid ay sumang-ayon sa liwanag na ipinagkaloob ng Dios, ngunit mayroong ilan na may kaugnayan sa ating mga institusyon, lalo't higit sa Review and Herald at sa mga komperensya, ang nagpasok ng mga elemento ng di-paniniwala, upang ang liwanag na ipinagkaloob ay hindi maisakabuhayan. Ito ay kanilang sinang-ayunan, ngunit walang naganap na espesyal na pagbabago..." 1901 General Conference Bulletin, p 23.
#2. Ang propeta ng Israel ay inalis mula sa kongregasyon ng Israel, at nangyari ba ang ganundin sa SDA? Inalis ba mula sa kongregasyon ng iglesya ang ating propeta? Oo! Noong Setyembre 21,1891, si Sister White ay nakalulan sa isang barko, ang "Alameda", na patungong Australia.
Ngunit siya ba ay tinawagan ng Dios katulad ng pagkatawag kay Moises? O siya ay pinuwersa ng sama-samang karamihan ng pamunuan ng GC ng iglesya ng SDA upang subukin at patigilin siya sa pagbibigay ng babala sa mga tao sa kung ano ang nangyayari? Ipinadala ba siya ng mga lider ng iglesya ng Laodicea sa Australia sa pagsabing "paalisin o palayasin siya?"
Sisipi ako ng isang pahayag mula sa isang artikulo na ginawa ng E.G White estates noong Hulyo 2, 1986. Ang artikulong ito ay isinulat ni Robert Olson na siyang pangulo ng White estates, kung kaya hindi ka makakakuha ng higit na opisyal maliban sa pahayag na ito. Kaniyang ipinahayag sa pahina 2:
"Noong 1891 ang mga lider ng ating iglesya ay pinaalis o pinalayas si Ellen White sa pagsusugo sa kaniya sa Australia."
Kaniyang sinabi nang eksakto ang ganoon ding bagay: "na ang mga tao sa Battle Creek (punong-tanggapan ng GC) ay dapat na madama na nang kami'y paalisin sa panahon na gawin namin yaon ay bunga ng kaisipan o panukala ng tao at hindi ng Panginoon" Letter 127, 1896.
Ngunit nagtagumpay ba ang mga lider ng iglesya na mahadlangan siya sa pagpapaalis sa kaniya, upang hindi niya madaling masasaway sila at mababalaan ang ating mga kapatid? Hindi! Habang siya'y naglalakbay pa sa karagatan bago pa man niya sapitin ang Australia, siya'y sumulat na nagsasabi:
"At kapag ang mga lalaki na nasa pinakamataas na kalagayan ng pananagutan ay hindi gumawa ng pagkakaiba sa pagitan noong mga naglilingkod sa Dios at noong mga hindi naglilingkod sa Kaniya, kanilang pinatutunayan na ang kanilang mga mata ay hindi nakatuon sa kalwalhatian ng Dios; samakatuwid ang kanilang buong katawan ay puno ng kadiliman....
"Nailagay na ng kapangyarihan ng kadiliman ang kanilang hubog at tanda sa gawain na sanay tatayong hindi-nadudungisan, hindi- namamantsahan mula sa mga tusong lalang ni Satanas. Ating itinataas ang tinig ng babala...Sa aba niyaon na ang karunungan ay hindi nagbuhat sa itaas kundi buhat sa ibaba!" Testimonies to Miniters, p 273, 277.
#3. Ang pagtalikod ng gintong guya.
Nang si Moises ay wala sa kapisanan ng Israel, ano ang nangyari? Ang masamang binhi na itinanim ng sama-samang karamihan sa tubig ng Massah, ay sumibol at nagbunga ng masamang pag-aani ng paghihimagsik at pagtalikod. Ang sama-samang karamihan ay nagsitindig kasama ng karamihan ng Israel na nasa kanilang likuran, at pinamunuan ang paggawa ng gintong guya. Sila'y pumili ng ibang lider na nakikita kapalit ni Moises, at ang tao'y nagpasimulang tumingin sa tao at magtiwala sa tao, at sa mga gawa ng tao.
Nangyayari rin ba sa iglesya ng SDA ang malaking paghihimagsik na ito ng gintong guya? Ang masasamang binhi ba na naitanim sa Minneapolis ng pamunuan ng sama-samang karamihan, ay sumibol at nagbunga ng ganunding pag-aani ng paghihimagsik at pagtalikod na nagyari sa Israel? Hihingi ba ng bagong mga dios at magtatayo upang sambahin ng ating mga kapatid? Itatayo ba ang estruktura at pundasyon upang mabuo o magawa ang gintong guya sa ating kalagitnaan, at maakay ang ating mga kapatid na yumukod at sumamba sa larawan na ito ng hayop o guya? Ito'y mangyayari lamang kung ang mga lalaki sa mataas na posisyon ng pananagutan sa iglesya ay maging katulad ni Aaron.
Ang lahat ng paghihimagsik at pagtalikod ng gintong guya ay nakasalalay sa kasagutan ni Aaron at kung anong hakbang ang kaniyang susundin, at ganundin sa iglesya. Mayroon bang mga Aaron sa pamunuan ng iglesya?
"Mayroon tayong mga masunuring Aaron sa ating kapanahunan, yaong mga humahawak ng posisyon ng kapangyarihan sa iglesya at sumasang-ayon sa hindi-napabanal na mga tao..." Signs of the Times, May 20, 1880 (vol 1, p 158).
Ngayon kung mayroong higit maliban sa iilang Aaron sa iglesya sa panahon na iyon, kung gayon, mangyayaring maulit natin ang pagtalikod ng gintong guya. Ilang Aaron ang naroroon?
"Kumakatawan si Aaron sa katayuan ng maraming bilang na bumubuo sa ating mga iglesya sa kasalukuyang panahon." Signs of the Times, May 27,1880 (vol 1, p 160).
Sa kasaysayan, ano ang unang hakbang na ginawa ng sama-samang karamihan at ng mga tao pagkatapos na magpasiya si Aaron na sumang-ayon sa kanilang mga kahilingan? Si Aaron ang kanilang naging pangunahing lider o presidente na nakikita kapalit ng kanilang propeta. Nangyari ba ito sa iglesya? Sapagkat kung inaangkin ng lider ng iglesya ng SDA ang titulo ng presidente o pangulo ng buong kongregasyon ng Adventista, kung gayon ang pagtalikod ng gintong guya ay nagpasimula na sa iglesya ng SDA!
Malinaw nating makikita ngayon na ang iglesya ay mayroong presidente na nasa itaas ng buong iglesya ng SDA, ngunit sino ang unang presidente na nagpasimulang gumamit ng katungkulang ito bilang pagbibigay katwiran sa pamamahala sa iglesya sa halip na pahintulutan ang ating propeta na mamahala dito? Si G.I. Butler. At kailan niya unang inagaw ang titulong ito, bilang pangunahing lider ng iglesya na nakikita, na hiwalay sa ating propeta? Kaniyang sinabi sa isang sulat na may petsang 1888:
"Ang iyong espiritu, aking kapatid, ay hindi tama....Iyong tinutukoy ang iyong katungkulan bilang presidente ng General Conference, na parang ito ang magbibigay katuwiran sa iyong mga gawa. Ang iyong mga kapatid sa gawain na gumagalang sa iyo at sa iyong tungkulin, ay napakabilis sa pagsunod sa iyong halimbawa." Manuscript Release #574, p 22 (Letter 21, 1888).
Kaya totoo na ang paghihimagsik sa tubig ng Massah ang naghanda para sa pagtalikod ng gintong guya, at ang iglesya ng SDA ay sumunod sa kanila.
Ngayon pagkatapos na gawing pangunahing lider o presidente si Aaron, ano ang tatlong sumunod na pangyayari?
#1. Kinuha ni Satanas ang lugar ng Dios bilang lider na di nakikita, at ang pamunuan ng iglesya ay nasa ilalim ng Kaniyang pamamahala.
#2. Ang mga tao ay naakay na sumunod ng walang pag-aalinlangan at sumunod tangi lamang sa kanilang presidente o lider bilang tinig ng Dios sa kanila.
#3. Ang mga tao ay inutusan na dalhin at ibigay ang kanilang ginto, at sa paraang ito ang anyo at estruktura ng gintong guya ay nabuo. At ito'y nailagay sa isang pundasyon upang maitatag sa paningin ng lahat ng kongregasyon bilang kanilang bagong dios.
Ang iglesya ba ng SDA ay sumunod din sa pagtalikod na ito?
#1. Ang mga lider ba ng SDA ay nasa ilalim ng pamamatnubay at pamamahala ni Satanas?
"O, kung mayroon lamang sana akong masayang balita na ang kalooban at kaisipan noong mga nasa Battle Creek na tumatayo sa pagpapanggap bilang mga lider, ay nakalaya na mula sa mga aral at pagkabihag ni Satanas, kung saan sila'y bihag sa mahabang panahon, ako'y magiging handa sanang tawirin ang malawak na Pasipico upang muling makita ang inyong mga mukha. Ngunit hindi ako nasasabik na makita kayo na may mahihinang pang-unawa at madidilim na pag-iisip sapagkat inyong pinili ang kadiliman kaysa liwanag." Testomonies to Ministers, p 396 (1896).
#2. Nakikita ba natin ang ating mga kapatid na naakay na sumunod sa tao sa halip na sa Dios – na nagagapos ng kanilang pamunuan at ng mga utos nito at sa kapamahalaan ng tao sa halip na sa Dios?
"Ang bayan ng Dios ay tinuruan ang kanilang sarili sa paraan na kung saan sila'y lalapit at titingin doon sa mga nasa posisyon ng pagtitiwala bilang mga tagapangalaga ng katotohanan, at inilagay ang tao kung saan dapat naroroon ang Dios....Ang mga tao ay hindi dapat maturuan na tumingin sa tao na parang sa Dios....ang kaisipan ng isang tao at ang kahatulan ng isang tao ay hindi dapat na maging pumipigil na kapangyarihan....
"Kapag iniluklok ang presidente ng komperensiya sa lugar ng Dios...ginagawa nila ang kataliwas sa sinabi ni Cristo sa kanila....
"Nagagalak si Satanas habang kaniyang nakikita ang mga tao na tumitingin sa tao, at nagtitiwala sa tao upang maging karunungan para sa kanila....
"Ang espiritualidad ay manghihina sa ilalim ng ganitong uri ng impluwensiya, at ang kabatiran ng kalooban ng Dios ay higit na magiging malabo, habang ang mga sabi-sabi ng mga tao ay higit na nagiging mahalaga sa mga mata ng mga tao. Dahil dito ang Dios ay di-napaluluguran....
"Ang Dios ay hindi naluluwalhati, kundi naikukubli ng mga imbensiyon ng tao at noong mga nadaya sa kaisipan na sa paggawa ng mga yaon ay kanilang ginagawa ang gawain ng Panginoon." Review and Herald, August 7 & 14, 1894 (vol 3, p 173-175).
"Mayroong malaking paggamit ng kapangyarihan ng tao noong mga hindi pinagkalooban ng Dios ng Kaniyang karunungan sapagkat hindi nila nadama ang pangangailangan ng karunungang buhat sa itaas....
"Hindi hinirang ng Dios ang sinumang tao na maging tagaakay, ni ginawa man ang sinumang tao na maging budhi ng iba...Hind sila dapat itarato sa makahari at makapangyarihang paraan. Gumawa sila ng mga kautusan at batas sa gitna ng gawain na madali nang mawasak. Hindi dapat magdikta ang tao....Walang sinumang tao ang nararapat gumamit ng kanilang kapangyarihan upang saklawan ang mga kaisipan at kaluluwa ng kanilang kapuwa....
"Kung ginagawang (Early Writtings, p 240-243) mahigpit ang mga panali, kung ginagawang pino ang mga batas, kung patuloy na ginagapos ng mga tao ang kanilang kapuwa manggagawa nang pahigpit nang pahigpit sa mga batas ng tao, marami ang mapupukaw ng Espiritu ng Dios upang putulin ang bawat pagkakagapos, at igiit ang kanilang kalayaan kay Cristo-Jesus.
"Mawawala ang mga sanggalang na inilagay ng mga bulaang pastor sa palibot ng kanilang kawan; libo-libo ang lalakad sa liwanag, at gagawa upang ibahagi ang liwanag....
"Magsipagtigil na nga ang mga tao ngayon sa pagtitiwala sa tao." Review and Herald, July 16 & 23, 1895 (vol 3, p 273-276).
Kung magkagayon kaniyang itinaas ang kaniyang tinig sa pagtutol:
"Kinakailangan kong magsalita sa aking mga kapatid na nasa malayo at malapit. Hindi ako matatahimik. Hindi sila gumagawa sa tamang mga prinsipyo....
"Hindi inilagay ng Dios ang sinuman sa Kaniyang mga kinatawan sa ilalim ng mga dikta at pamamahala ng kanilang kapuwa tao na nagkakamali....
"Mayroong mga kakaibang prinsipyo na naitatag na may kinalaman sa pagsaklaw sa mga kaisipan at gawain ng tao, ng mga mapanghusgang tao, na para bagang ang mga taong ito ay mga dios....
"Ang mga organisasyon, mga institusyon, maliban na iniingatan ng kapangyarihan ng Dios, ay magsisigawa sa ilalim ng dikta ni Satanas upang dalhin ang tao sa ilalim ng pamamahala ng tao; at ang mandaraya at sinungaling ay magpapakita na parang sila ay masigasig sa katotohanan, at gumagawa para sa pagsulong ng kaharian ng Dios....
"Tayo ay binalaan na huwag magtiwala sa tao, ni gawin man nating laman ang ating bisig." Testimonies To Ministers, p 493-494.
Malinaw niya itong tinukoy at sinabi:
"Sa pusod ng gawain ang mga bagay ay hinuhubog upang ang iba pang institusyon ay magsisunod sa gayon ding gawain. At mismong ang General Conference ay nagiging bulok at tiwali dahil sa masasamang kuru-kuro at prinsipyo....nakita rin ang ganitong prinsipyo na siyang sumaklaw sa mga bagay sa Battle Creek sa mahaba-habang panahon....
"Mabilis na ipinasok ang mga panukala na taliwas sa katotohanan at katuwiran sa panawagan na dapat itong magawa, at yaon ay dapat magawa, ‘Sapagkat ito'y para sa ikasusulong ng gawain ng Dios’....
"Ang mga paraan ni Satanas ay patungo sa isang wakas, na gawin ang mga tao na alipin ng mga tao....
"Ang malalakas na kapangyarihan na pinalago, na para bagang ang posisyon ang gumawa sa tao na maging mga dios, ang nagbigay ng pangamba sa akin, at siyang dapat katakutan. Ito ay isang sumpa saanman at kung kaninuman ito ginagamit....
"...Nagagalak si Satanas, sapagkat kaniyang pinukaw sila ng kaniyang mga katangian. Sila'y sumusunod sa bakas ng Romanismo.
"Ang kanilang mga katha na nagmula sa mga kaakit-akit na pakana ni Satanas, ay tila maganda sa bulag na mga mata ng mga tao...Ang isang kasinungalingan, kapag pinaniwalaan, isinagawa, ay nagiging katotohanan sa kanila....
"Upang makapaghari at maging isang kapangyarihan, kanilang ginamit ang pamamaraan ni Satanas upang bigyang katuwiran ang kanilang mga sariling prinsipyo. Itinatampok nila ang kanilang mga sarili bilang mga lalaki na may napakataas na paghatol, at sila'y tumatayo bilang mga kinatawan ng Dios. Ang mga ito ay mga huwad na dios." Testimonies to Ministers, p 359-364.
Sinasabi niya sa atin kung bakit marami ang nadaya sa pagsunod sa mga huwad na dios na ito sa General Conference.
"Maraming tao ang madadaya dahil sa kanilang pagtakwil ng katotohanan at kanilang tatanggapin ang huwad. Kanilang tatawagin ang tao na parang Dios." Testimonies to Ministers, p 365.
Malinaw nating nakita na ang organisasyon ng GC ng SDA ay ganap ng tumalikod mula sa "simpleng organisasyon" na ipinahayag sa mga Kasulatan, at ganap nang lumayo mula sa pagiging organisado para sa "layuning misyonero lamang" na siyang dapat maging layunin ng iglesya ni Cristo. Dahil dito, ang kanilang buong organisasyon ngayon ay hindi inihalal o pinagtibay ng Dios, sapagkat sila'y tumaliwas mula sa inilaan ng Dios na dapat nilang maging organisasyon!
#3. Ang salapi ba-ang mga ginto at maging ang pilak-na ipinagkaloob sa iglesya ng SDA upang makaluwalhati sa Dios at para gamitin sa pagpapalaganap ng Kaniyang katotohanan; ang banal na salapi ba na ito ay ninakaw at ginamit upang makabuo ng estruktura at pundasyon ng gintong guya sa iglesya ng SDA? Tunay bang inuulit ng iglesya ang ganuding paghihimagsik at pagtalikod ng Israel sa pagtatatag ng GC bilang gintong guya?
"Ang mga iglesya ay dapat magsigising. Dapat magsigising ang mga kaanib mula sa pagkakatulog at magsimulang magtanong, paano ginagamit ang salapi na aming inilagay sa bangan? Nais ng Dios na gumawa ng isang mahigpit na pagsisiyasat. Ang lahat ba ay nasiyahan sa kasaysayan ng gawain sa nakalipas na labing limang taon? Nasaan ang katibayan ng paggawa na kasama ng Dios? Saan natin narinig sa buong iglesya ang panalangin para sa tulong ng Banal na Espiritu? Tayo ba'y nagsitalikod sa tanawin na hindi-nasisiyahan at pinanghihinaan ng loob.
"Dapat magsipanumbalik ang ating mga iglesya at institusyon kung nasaan sila naroroon bago pa nagsimula ang pagtalikod, nang sila'y mag-umpisang magtiwala sa tao at gawing laman ang kanilang bisig. Hindi pa ba natin nakikita ang karunungan ng tao?...
"Nakita ng mga anak ni Israel ang kakila-kilabot na anyo ng presensya ng Dios sa bundok; ngunit bago pa matapos ang apatnapung pagkakalayo ni Moises sa kanila, kanilang ipinalit sa Dios ang gintong guya. Mga bagay na kahalintulad nito ang ginawa sa atin bilang isang bayan." The Kress Collection, p 120 (June 26, 1900).
Itinakwil ng pamunuan ng iglesya ng SDA ang Dios, at ginawa ang GC na kagaya ng gintong guya. Tinanggap ito ng ating mga kapatid bilang kanilang dios, at itinuring ang mga turo ng kanilang mga lider bilang tinig ng Dios sa kanila – na kagaya ng matandang Israel.
Ngayon, nang ang guya ay mabuo na noong una, ano ang nangyari? Kabilang ng iba pang mga bagay, ang bandila ni Satanas ay naipasok sa kalagitnaan ng iglesya, at kaniyang inaangkin sila bilang kaniyang nasasakupan at kaniyang iglesya! (tingnan ang 3T 300). Nangyari din ba ang ganitong bagay sa gitna ng iglesya ng SDA? Itinatag ba ang bandila ni Satanas na mataas sa buong hanay, at ang iglesya ba ng SDA ay inangkin na sinagoga ni Satanas?
"Ang mga ito ang tunay na damdamin ng marami sa ating mga kapatid. At natuwa si Satanas sa kaniyang tagumpay sa pagsaklaw sa mga kaisipan ng napakaraming nagpapanggap na mga Kristiyano. Kaniyang dinaya sila, pinamanhid ang kanilang mga pakiramdam, at itinanim ang kaniyang makademonyong bandila sa kanilang mismong kalagitnaan, at sila'y tuluyan nang nadaya na hindi nila nalaman na siya na iyon." Testimonies, vol 2, p 440.
Ang GC ng iglesya ng SDA ay itinatag kung paano naitatag ang gintong guya sa Israel. At ang lahat ng ito ay natapos sa kalagitnaan ng taong 1900, o maikling panahon lamang bago ang pagbalik ni Sister White sa iglesya sa katapusan ng taong 1900. At ano ang unang bagay na ginawa ni Moises nang siya ay bumalik sa kampamento ng Israel? Kaniyang itinapon ang mga tapyas na bato, o ang mga kautusan ng Dios direkta sa hugis ng gintong guya, at nasira ang anyo nito dahil doon. Ganitong-ganito rin ang ginawa ng ating propeta!
Sumulat siya ng isang mensahe sa mga lider ng GC, bago pa siya dumating at dumalo ng pagpupulong ng GC noong 1901, na nagsasabi:
"Nais ng Dios na ang mga lupon na ito na siyang humahawak ng mga bagay na ito sa loob ng mahabang panahon, ay magsilaya na sa mula sa kanilang mga pinuno at magkaroon ng pagkakataon para sa kanilang buhay, nang kanilang makita kung hindi na ba sila makakalabas sa daan na kanilang kinaroroonan, kung saan hindi na ako umaasa na sila'y makalalabas pa....
"Nais ng Panginoon na makapasok ang Kaniyang Espiritu. Nais Niya na ang Kaniyang Banal na Espiritu ang siyang maging hari....Ang gawain sa buong bukiran ay nangangailangan ng ganap na kakaibang uri ng paggawa higit sa dati....
"Ang pangkasalukuyang katayuan ay dapat tapusin...sa wakas ito'y mauuwi sa wala." Message to the General Conference, April 1, 1901 (tingnan din ang Manuscript Releases, vol 13, p 195 & 198; Manuscript 43, April 1, 1901).
Siya ay dumating na sa sesyon ng General Conference, at siya ang kauna-unahan na nagsalita sa mga delegado at pamunuan nang pormal ng mag-umpisa ang sesyon.
"Ako'y nakadarama ng espesyal na interes sa mga magiging galaw at desisyon sa komperensiyang ito hinggil sa mga bagay na nagawa sana sa nagdaang mga taon. Pinagkalooban sila (ang pamunuan) ng Dios ng dalisay na liwanag sa kung ano ang nararapat nilang gawin at kung alin ang hindi nararapat, ngunit sila'y nagsihiwalay mula sa liwanag; at isang kababalaghan sa akin na tayo'y nakatayong masagana higit sa nararanasan natin ngayon....
"Bakit, tanong ko sa inyo, pinahintulutan ang mga lalaki na hindi nagpasakop ng kanilang sarili na tumayo sa mahahalagang posisyon ng katotohanan at humawak sa mga banal na bagay?...Tayo ay pinagkalooban ng pagkakataon na alisin ang bawat uri ng paghihimagsik o rebelyon....
"Ang magsitayo ang mga lalaking ito sa banal na dako bilang tinig ng Dios sa mga tao, na minsan nating pinaniwalaan na ito'y ang Komperensiya Heneral (General Conference), yaon ay nakalipas na.
"Ang mga lalaki na matagal nang nakatayo sa posisyon ng pagkakatiwala ngunit nagpabaya sa mga liwanag na ipinagkaloob sa kanila ng Dios, ay hindi dapat pagkatiwalaan. Nais ng Dios na sila'y alisin....
"Ngayon nais kong sabihin, hindi naglagay ang Dios ng anumang makaharing kapangyarihan sa ating hanay upang siyang maghari....
"Kinakailangang magkaroon ng pagbabago, ng pagpapanibagong-tatag." 1901 General Conference Bulletin, p 23-26 (April 3, 1901).
Kaya't ang GC at ang pamunuan nito ay hindi na siyang tinig ng Dios sa mga kaanib ng SDA! Hindi na dapat sundin ng mga tagasunod ni Cristo ang mga tumalikod na lider na ito ng iglesya. Sa katunayan sinabi rin ni Sister White, na ang ituring ang mga salita ng GC bilang tinig ng Dios, ay halos isang kapusungan (tingnan ang Manuscript 35, 1901 (17MR 250; Manuscript 37, April, 1901).
Tinanggap ng ating propeta ang mga utos ng Dios at direktang sa pamamagitan ng mga ito ang GC, at ang anyo at estruktura nito ay nasira. Iniutos ng Dios na tapusin o wasakin na ang estrukturang ito. Ang namamayaning makaharing kapangyarihan ay sumang-ayon na bumaba, ang estruktura ay binago, isang pagbabago o pagsasaayos ang tila magaganap, at ang mensahero ng Panginoon ay nagalak. Ngunit pinahintulutan ba ng mga pinuno ng sama-samang karamihan na ito sa GC, na nasa pinakamataas na posisyon sa iglesya at organisasyon ng SDA, na lubusang mawasak ang estruktura ng gintong guya? Pinahintulutan ba nila na ito ay masunog at madurog ng pino, na gaya ng nangyari noong una? Hindi!
"Anong kahangahangang gawain sana ang nagawa para sa napakalaking pulutong na nagkatipon sa Battle Creek sa Komperensiya Heneral noong 1901, kung ginampanan ng ating mga lider ang kanilang gawain. Ngunit hindi nagawa ang gawain na hinihintay ng buong langit na magawa sa sandaling maihanda ng mga tao ang daan, sapagkat isinara at ikinandado ng mga lider ang pintuan upang hindi makapasok ang Espiritu. Mayroong pagtigil ng lubusang pagpapasakop sa Dios. At ang mga puso na sana'y nalinis mula sa lahat ng kamalian ay napalakas sa paggawa ng mali. Sinarhan ang mga pintuan laban sa makalangit na agos na siya sanang mag-aalis ng lahat ng kasamaan. Hinayaan ng mga tao ang kanilang mga kasalanan na hindi-pinagsisisihan. Pinatatag nila ang kanilang mga sarili sa paggawa ng kasamaan, at sinabi sa Espiritu ng Dios, ‘Lumakad ka muna ng iyong lakad sa oras na ito; at pagka mayroon na akong maluwag na panahon, ay tatawagin kita.’" Battle Creek Letters, p 55-56 (Letter 123, August 5, 1902).
Binigyan din ng Dios si Sister White ng pangitain sa kung ano ang mangyayari kung pinahintulutan lamang na mawasak ang estruktura ng gintong guya. Mababasa natin ito sa Testimonies, vol 8, p 104-106. Kaniya ring isinulat:
"Ang resulta ng pinakahuling Komperensiya Heneral (1901) ang siyang pinakamatindi, ang pinakakakilakilabot na kalungkutan ng aking buhay. Walang pagbabagong naganap....Hindi tinanggap ng mga tao ang patotoo ng Espiritu ng Dios....Isang mapanganib na bagay ang magtakwil sa liwanag na ipinadadala ng Dios....Kaya ngayon ang kasawian ay ihahatol doon sa mayroong mga liwanag at katibayan, na tumangging pansinin ang mga babala at pamamanhik ng Panginoon." Manuscript Releases, vol 13, p 122-123 (Letter 17, January 14, 1903).
Binalaan ng Dios at ni Kapatid na White ang mga lider noong 1896 ng kasawian na ihahatol (tingnan ang TM 277), ngunit matitigas ang ulo na kanilang tinanggihang pakinggan ito, kung kaya't ang sumpa ng langit ay sasa kanila ngayon. At dahil tinagggihang pahintulutan ng mga lider na mawasak ang estruktura ng kanilang gintong guya at iglesya, nagsugo ang Dios ng hatol sa iglesya.
Noong Pebrero, 1902, ang Sanitarium sa Battle Creek ay ganap na nasunog at natupok nang di-maapulang apoy. At noong Disyembre, 1902, ang gusali ng Review and Herald ay ganap ring nasunog at natupok ng di-maapulang apoy. Kaya sa loob ng isang taon, dalawa sa mahahalagang institusyon ng SDA ay literal na "nasunog ng apoy at nagkadurogdurog!" Ngunit ang mga kahatulan bang ito na mula sa Dios ay nakapagpatigil sa kanila sa paggawa ng masama at sa ganap na pagsasauli nila ng kanilang makaharing kapangyarihan at pamamahala sa ating mga kapatid? Hindi, ito lamang ay nagbigay-sigla sa kanila na magpatuloy dito, at sa sesyon ng GC noong 1903, sila'y nagsiboto na muling maibalik ang kanilang makaharing kapangyarihan, at sa diwa ay inayos ang estruktura ng gintong guya na nawasak ng mga kautusan ng Dios. Kanilang ipinagmarangya ang kanilang mga sanga na walang bunga at tuyo direkta sa mukha ng ating Dios, at sa paglaban ay sinabing "Wala kang anumang magagawa dito!" (tingnan ang 2RH 454; 2T 36).
At dahil dito, mismong ang Dios – at hindi ang anumang karunungan o kahatulan ng tao – ang nagpahayag na patutot ng Babilonia ang tumalikod na iglesya ng Adventista!
"Sino ang tapat na makapagsasabi: ‘Ang aming ginto ay dinalisay sa apoy; ang aming kasuotan ay hindi nadungisan ng sanlibutan’? Nakita ko ang ating Tagapagturo na nakaturo sa kasuotan ng nagpapanggap na katuwiran. Sa pagpilas dito, Kaniyang inihayag ang karumihan sa loob. Kung magkagayon Kaniyang sinabi sa akin: ‘Hindi mo ba nakikita kung paanong kanilang tinakpang may karangyaan ang kabulukan ng kanilang pag-uugali? Papaanong naging patutot ang tapat na bayan! Ang tahanan ng Aking Ama ay naging tahanan ng mga mangangalakal, ang dako na iniwanan ng banal na presensya at kaluwalhatian.’" Testimonies, vol 8, p 250.
GUMAWA NG HIGIT NA MASAMA ANG IGLESYA NG SDA KAYSA SA MATANDANG ISRAEL!
Noong una, matapos ang ginawa ni Moises sa gintong guya, ano ang sumunod niyang ginawa? Siya'y tumayo sa pintuan ng kampamento ng Israel, at inutusan ang lahat ng anak ng Dios na lumapit at tumayo kasama niya at lumayo mula sa pagsunod sa pagtalikod ng gintong guya at ng mga lider nito – upang gawing malinaw ang pagkakaiba noong mga sumusunod kay Satanas, at noong mga sumusunod sa Dios – na tumayong malaya kasama ng pulutong at ipakita ang kanilang impluwensiya at kung saan nananahan ang kanilang puso. |